webnovel

Jobless

Chapter 1. Jobless

"AYOKO NANG MAGTRABAHO!" bulalas ng dalawampu't tatlong taon na dalagang si Maru sa katrabaho niyang si Candace. Kasabayan niya itong nag-apply sa isang Business Processing Operations o mas kilala sa tawag na call center, at dahil sabay na na-hire ay hindi malabong nagkasabay nga sila sa kanilang training.

"What? Pero wala pa tayong tatlong buwan dito, ah?" she asked. Naging magkaibigan din sila ng dalaga.

"I know. Pero kasi, nakakabagot ang ganito. Fixed na night shift. Sometimes work on off. Work, sleep, work, sleep. Walang social life kundi ang headset at customers nating laging irate at halos kainin tayo ng buhay!"

"Well, that's life in here," kibit-balikat na bulalas nito.

"Ah, basta. Magre-resign na ako!" pinal na desisyon niya. Naiiling na lamang sa kanya si Candace.

"Magre-resign na rin ako," desisyon nito.

"Ha? Maiwan ka rito, 'oy! May binabayaran ka pang mamahaling cellphone!" paalala niya rito. Ngumisi lang ito.

"Ayos lang. Kaya namang bayaran ni Sinned iyon." Hindi mapuknat ang ngisi nito sa pagbanggit sa ngalang iyon.

"Sinned, who?"

"Iyong makasalanan kong lawyer," tipid na sagot nito.

"Ay, wow, may lawyer."

"Kailangan ko para makuha ko na ang mana ko."

"Ewan ko sa iyo. May sapak ka na sa ulo. Bakit hindi mo na lang kasi sundin ang nasa huling habilin? Magpakasal ka. Bente-otso ka na. Malapit nang ma-expired ang ovaries mo."

"Kaya ikaw, kung ayaw mong ma-expire ang ovaries mo, humanap ka na ng boyfriend sa edad mong iyan. 'Kita mo ako, dahil hindi agad humanap ng jowa, mukhang tatanda na ng dalaga."

"Huwag ako, Ace. Ang dami mong b-in-asted dito, 'no! Si OM nga, tinanggihan mo rin. Yayamanin na iyon." Tinutukoy niya ang Operations' Manager nila.

"Ayoko ng mas bata sa akin."

"Kung ganoon, sa akin na lang si OM?" biro niya.

"Ikaw, siraulo. Ano'ng balak mong gawin pagkatapos?" pagbabalik nito sa usapan.

She just shrugged her shoulders.

"Palamunin na naman?" komento nito. Hindi siya na-offend. Sanay naman na siyang matawag na ganoon ng ibang tao.

"Gusto ko mynang mag-stay sa bahay. You know I'm a home body type of person. Kaya kong maglagi sa loob ng isang bahay basta kompletos rekados doon."

"Kompletos rekados talaga? Ano iyon, pagkain?"

"You can say that."

Nasa opisina sila at avail naman, o walang customers na tumatawag, kaya malaya silang nakakapag-chismisan ng kaibigan. Silang dalawa lang ang nasa station na iyon at ang mga kasamahan nila ay nasa kaibilang bay. Hindi kasya ang mga unit doon kaya napadpad sila sa sulok kung saan tila malayo sa kabihasnan. Mabuti na lang at kasama niya si Ace dito, hindi siya mababagot.

Iyon nga lang, buong shift na nakaupo siya sa swivel chair, tutok sa monitor, at laging suot ang headset, minsan lang sila magkaroon ng free time gaya nito, kaya sinusulit nila ang kwentuhan.

Kadalasan pa nama'y nagpapa-meeting ang team leader nila kapag ganitong walang mga tawag na natatanggap, kaya ngayong walang ginagawa ay sinusulit nilang talaga. Ito na nga lang ang matatawag nilang social life.

Ang routine niya ay matutulog ng maghapon, hindi na rin nakakakain sa buong durasyon na iyon. Gigising ng alas sais ng gabi para makapasok tuwing alas otso ng gabi. Alas sinko na umaga ang out niya at kung walang team breakfast, ay hindi na siya kumakain dahil gusto na lang niyang umuwi at matulog. Hindi nga siya updated sa news. Minsan magugulat na lang siya, makulimlim sa labas. May bagyo na naman pala pero wala siyang kaalam-alam.

"Saglit, may call ako," anang Ace, o Candace sa buo nitong pangalan, at naging abala at focused na ito sa customer.

Ganoon din sa kanya. May tumawag at sunud-sunod na ang mga iyon hanggang matapos ang shift nila.

Dumiretso siya sa isang computer shop para magpa-print ng resignation letter. Sira kasi ang printer sa kanila. Desidido na siyang umalis sa trabaho.

Maru's family isn't well off. Kung tutuusin ay hindi niya nabibili ang mga gustong bagay, maliban na lang kung pinag-iipunan niya. Pero kahit ano'ng gawin niyang motibasyon sa kahirapan nila ay hindi siya magtagal-tagal sa trabahong pinapasukan.

"Hindi bale sana kung mayaman tayo." Kanina pa siya sinasabon ng kanyang mama. Grabeng panenermon na naman ang maririnig niya dahil umuwi siyang walang trabaho.

"Hahanap na lang po ulit ako ng panibagong trabaho, 'Nay," katwiran niya.

"Akala mo ba madaling humanap ng trabaho? Panibagong gastos iyon sa paglalakad ng requirements, Maru!" sigaw nito. Maririnig na naman ng tsismosa nilang kapitbahay ang pagtatalo nila ng kanyang ina at mayamaya lang ay may topic na naman ang mga ito sa tsismisan. Nakatira sila sa isang compound, ang bahay at lupa ay namana nila sa namayapang abuelo, kasama nila sa lupaing iyon ang mga kamag-anak nila sa side ng kanyang lolo.

Ngumuso siya at nanahimik. Makikinig na lang siya sa mahaba-habang litanya ng kanyang inay. Kahit pa nga halos hindi na niya malasahan ang nginunguyang fried chicken.

"Sige na po, 'nay. Pagod na ako, e. Mamaya naman ulit," awat niya rito.

Nanggagalaiting binagsak nito ang basong may juice sa mesa at may tumilansik pang kaunti sa pagkain niya.

"Ewan ko sa iyo! O, iyan ang pineapple juice, inumin mo iyan!"

"Ikaw yata ang dapat uminom niyan, 'Nay. High blood ka na naman," biro niya.

"Naku, kakalbuhin na talaga kita, Maria Rosario!"

Napangiwi siya sa pagbanggit nito sa pangalan niya. Mukhang inis na inis na nga ang inay niya. Tumayo siya at niyakap ito mula sa likuran. "Hindi mo naman ako matitiis," paglalambing niya.

Napangiti siya nang saglit itong natigilan.

"'Love you, 'Nay!" She then kissed her cheek and drank the pineapple juice.

"I love you, too," tugon nito sa pagitan ng pag-inom niya at nag-martsa na palabas ng pinto.

"O, Marites, napaano na naman kayo ng anak mo?" Narinig niyang bungad ng kanyang tiya Marsha nang makalabas ang kanyang inay. Nakabukas pa kasi ng bahagya ang pinto.

Naiiling na lang siyang tinapos ang pagkain. Paniguradong kanina pa nakaabang doon ang kanyang tiya dahil narinig ang sigaw ng kanyang mama. Ngayo'y may panibagong topic na naman ang mga ito sa araw-araw na session ng mga ito ng tsismisan.

Hindi naman niya masisisi ang mga ito. They're in their early fifties at walang mga magawa sa bahay. It's alright for her as long as it doesn't affect their everyday lives.

Next chapter