2 Chapter 1

13 years later...

(Year 1971)

Balamban, Cebu

Philippines

"Pa, malayo pa po ba tayo?" nilingon ni Angelique ang ama na naka-upo sa bandang likuran niya. Lulan sila ngayon ng bus papuntang bayan ng Balamban, kasama niya ang kanyang mga magulang at dalawang kapatid. Unang beses niyang magbakasyon sa bayan kung saan isinilang ang kanyang ina at hindi niya mapigilan ang excitement ngunit nang nasa byahe na sila ay hindi naman niya maitanggi ang disappointment. Sobrang haba kasi ng byahe at hindi siya sanay sa paglalakad lalo pa't may dala siyang malaki at mabigat na bag.

She's turning 18 at nakakapagod na byahe ang regalo sa kanya ng mga magulang. Napalingon siya sa kanyang kapatid, mahimbing itong natutulog habang naka-unan sa balikat niya. Mabuti pa si Anna kahit saan nakakatulog, saisip niya. Ang bunsong kapatid naman nila ay karga ng kanyang mama Amelia, isang taong gulang pa kasi ito -si Arthur.

"Malapit na anak." sagot ng papa Roger niya. Bumuntong-hininga siya, tatlong beses na niyang tinanong ang papa niya ngunit paulit-ulit lang ang sagot nito, marahil hindi na rin nito sigurado kung gaano kalayo ang patutunguhan nila. "Umidlip ka muna jan anak."

"Alam mo naman pa na hindi ako nakakatulog kahit saan." hindi siya inaantok ngunit ramdam niya ang pangangalay ng kanyang katawan sa sobrang pagod, ang dami kasi ng bag na dinala niya.

"Konting tiis muna anak." bumuntong-hininga ulit siya habang pinagmamasdan ang berdeng lupain sa ibaba ng bundok. Sobrang ganda ng tanawin at hindi niya mapigilang mapasinghap. Ninamnam niya ang pagdampi ng malamig at sariwang hangin sa kanyang mga pisngi na bahagyang pinaglalaruan ang kanyang mahaba at alon-alon na buhok. Hinawi niya ito papunta sa gilid ng kanyang leeg at inipit doon upang hindi matakpan ang kanyang mga matang nakamasid sa magandang tanawin.

Hindi niya namalayan ang pagtakbo ng oras habang nakatingin sa magandang tanawin. "Anak, nandito na tayo." pumukaw sa kanyang pagkakahumaling sa magandang tanawin ang boses ng kanyang ina. Nilingon niya ito at nginitian. Nagising na rin ang kapatid niyang si Anna at nakababa na ito kasama ang papa niya.

Pagkababa nila sa bus ay sumalubong sa kanila ang iilang mga tao na pumaroo't-parito. May mga maliliit na tindahan sa gilid ng daan kung saan may nagtitinda ng mga palamuti sa buhok at mga pabango, iba't-ibang desenyo ng abaniko at makukulay na panyo at mga balabal, may mga sombrero din, may mga nagtitinda din ng mga prutas at mga pagkain.

Isa-isa niyang sinuyod ng tingin ang mga paninda habang sinusundan ang kaniyang ama at ina na nanguna sa paglalakad. Bigla siyang napatigil nang may sumunggab sa kanya buhat sa likuran. Kaagad siyang sumigaw ng saklolo nang malingunan ang isang baliw na matandang lalaki na sa tantiya niya at nasa kwarenta habang bumubulong ng mga salitang hindi niya maintindihan. Mabilis namang rumesponde ang mga tao sa paligid at inilayo ang baliw na matanda.

"Ate!" natakot din si Anna at niyakap siya, nabitawan pa nito ang bitbit na bag na may lamang pasalubong. Mabilis ding nakatakbo palapit ang kanyang ama at hinawakan siya.

"Ayos ka lang ba anak?" nag-aalalang tanong nito. Napatango siya bilang tugon habang hindi iniaalis ang tingin sa matanda.

Lumapit sa kanila ang isang lalaki na may malusog na pangangatawan na unang rumesponde sa pagsigaw niya.

"Ako pala si Juan, may-ari ng tindahang iyan." anito at itinuro ang tindahan ng mga prutas. "Pagpasensyahan n'yo na si tatang Alvin, mabait naman siyang tao. Nabigla siguro siya pagdating ninyo dahil may dala-dala kayong malalaking bagahe, akala niya kabilang kayo sa mga manlalakbay patungong bukid ng manunggal." wika ng lalaki.

"May tikbalang. May tikbalang sa kagubatan. Mag-ingat kayo sa tikbalang!" hindi niya alam ngunit paglingon niya ay nasa likod na ulit niya ang matandang baliw.

"Pagpasensyahan n'yo na muna si tatang. Hindi naman talaga siya dating baliw, labintatlong taon ang nagdaan ay kabilang sila ng kanyang kapatid sa aakyat sa bukid ng Manunggal kaso bigla silang nawala sa kagubatan at pagbalik nila ay nagkaganyan na sila hanggang sa mamatay ang kapatid niya. Buhat sa mga kwento nila ay nakakita sila ng tikbalang at pinarusahan sila kaya sila nagkaganyan." paliwanag ni tatay Juan.

Hindi sila naniniwala sa tikbalang kaya pinalampas na lamang nila ang pangyayaring iyon, ang importante ay walang masamang nangyari kay Angelique. Nagpasalamat sila kay tatay Juan bago ipagpatuloy ang paglalakad ngunit may kakaibang naramdaman si Angelique ng mga sandaling iyon at sa kahuli-hulihang pagkakataon ay nilingon muli niya si tatang Alvin. Saglit na nagtama ang kanilang mga tingin, naaninag niya ang hindi maipaliwanag na takot sa mga mata nito na may bahagyang luha. Napakurap-kurap siya bago ibinalik ang tingin sa paroroonan nila.

Naglakad pa sila ng ilang metro galing sa bayan bago nila narating ang bahay ni lola Celeste -ang kapatid ng lola niya.

"Lola, lola!" patakbong pumasok ang isang batang babae na halos kaedad lang niya papasok sa malaking bahay nang matanaw sila mula sa malayo. Nasa tuktok ng burol ang bahay ni Lola Celeste na pinalilibutan ng maraming mga puno. "Naabot na sila sila tiya Amelia!" (dumating na sina tiya Amelia)

"Amelia!" naluluhang sinalubong sila ng matandang tinatawag na Tiya Celeste. Kahit may edad na ito ay bakas parin sa mukha ang taglay na kagandahan, singkit ang mga mata at matangos ang ilong.

"Tiya!" yumakap ang kanyang ina dito ng sobrang higpit. "Mao diay ni ang kinamagwangan namo ni Roger -si Angelique, si Anna ang ikaduha ug si Arthur ang among kinamanghuran." (Heto po pala ang panganay namin ni Roger -si Angelique, si Anna naman ang pangalawa at si Arthur ang bunso namin). Isa-isa silang ipinakilala nito kay Tiya Celeste, bigla namang nagising si Arthur na ngayon ay nasa mga bisig ng kanyang ama. Kinuha ito ng kanyang ina at pinadede.

"Kamay-ong sa imohang inahan ang imong kamagwangan, Amelia." (Kamukha ng iyong ina ang iyong panganay, Amelia.) makahulugang wika ni lola Celeste na hinaplos ang buhok ni Angelique. "Ingon ani jud ang hitsura niya niadtong dalaga pa." (Ganitong-ganito talaga ang mukha niya noong dalaga pa.) nahimigan nila ng kalungkutan ang boses nito.

Nakatunganga lang silang pareho dito ni Anna dahil kakaiba ang taglay na kagandahan ni lola Celeste na animo'y kumikinang ito at isa pa, hindi parin sila makapaniwala na nasa Cebu na sila dahil ngayon lang ulit sila nakarinig ng mga taong nagbibisaya maliban sa mga magulang nila.

"Mga anak, baka nakakalimutan ninyong magmano sa inyong lola." sa sinabi ng kanilang ama ay animo'y nabuhusan sila ng malamig na tubig at kaagad na tumalima at nagsipag-mano sa lola nila.

"Ayaw kabalaka tiya, kasabot ni sila ug bisaya. Naga binisaya man kami ni Roger sa balay usahay." (Hwag kang mag-alala tiya, nakakaintindi sila ng bisaya. Nagbibisaya kami ni Roger sa bahay minsan.)

"Maayo hinuon, dili nako mahago ug pasabot nila." (Mabuti naman kung gayun, hindi na ako mapapagod sa pagpapaintindi sa kanila.) ani lola at ngumiti.

Si lola Celeste ay hindi talaga nila kadugo bagaman tinuring na itong pamilya ng namayapang great grandparents niya sa mother's side. Mabait at maalaga si lola Celeste kaya kinagigiliwan ito ng maraming tao.

"Magtumba ta ug baka, mag lechon tag baboy ug manok, ug magluto tag kalderetang kanding ug pabo para sa adlawng natawhan sa akoang gwapa nga apo." (Magtutumba tayo ng baka, maglelechon tayo ng baboy at manok at magluluto ng kalderetang kambing at pabo para sa kaarawan ng aking magandang apo.) suhestiyon ni lola, pinag-uusapan nila ngayon ang gagawing selebrasyon sa debut ni Angelique sa susunod na araw. Habang nakikinig ay hindi maipaliwanag ni Angelique ang labis na tuwa dahil sigurado siyang magiging bongga ang kanyang kaarawan. Iimbitahan rin daw ni lola Celeste ang buong baryo kabilang ang mga binata na isasayaw siya sa kaniyang kaarawan.

"Ate, marahil dito ka na makakasumpong ng kasintahan." nakangiting wika ni Anna sa kanya. Kaagad niyang siniko ito at napaiwas ng tingin sa hindi mapigilang pamumula ng pisngi. Kaagad namang napalingon sa kanila ang kanyang mama Amelia at papa Roger at maging si lola Celeste.

Tumikhim ang papa niya. "Magpapagawa tayo ng mini stage para doon pupwesto si Angel." wika ng papa niya na binanggit ang kanyang palayaw. "May mapapakiusapan ba tayong gitarista?" anito kay lola Celeste.

"Naa, si Julian. Maayo siya nga gitarista pero labot man siya sa 18 roses." (Meron, si Julian. Magaling siya na gitarista ngunit kasali naman siya sa 18 roses.)

"Ganun ba. Sige, ako na lang." wika ng papa Roger niya.

"Si Julian po ba 'yong gwapong kapit-bahay n'yo lola na naghatid kanina ng kakanin at gatas ng baka?"

"Oo, mao to si Julian." (Oo, yun si Julian) sagot ni lola Celeste. "Aduna siya'y kaliwat nga intsik ug spanyol." (Mayroon siyang lahing intsik at espanyol).

Kinikilig si Anna sa narinig. Kumunot naman ang noo ni Angelique sa turan ng kapatid.

"Lola, magpapahangin muna ako sa labas." paalam ni Angelique, tumango lamang ang lola niya habang abala sa pagsusulat ng mga mungkahe ng mga magulang niya sa kaniyang kaarawan.

Binalot niya ang magkabilang balikat ng balabal bago bumaba ng hagdan. Maraming punong-kahoy ang paligid ng bahay ni lola Celeste na mag-isang nakatayo sa tuktok ng burol habang ang bahay nina Julian ay mga sampung metro pa ang layo. Maraming alagang hayop sina nanay Celeste sa likod bahay. Si Rosana, ang batang kaedad niya ang tanging kasa-kasama ni lola Celeste at katulong sa pagpapastol ng mga hayop.

Naglakad-lakad siya patungo sa maliit na hardin na pinalilibutan ng iba't-ibang uri ng mga halamang namumulaklak.

Umupo siya sa may damuhan habang pinagmamasdan ang malinaw na kalangitan na may kakaunting bituwin sa palibot ng gasuklay(crescent) na kaanyuan ng bagong buwan.

Ito ang unang beses niyang humanga sa kagandahan ng buwan. Napangiti siya at sinasamyo ang sariwang hangin habang nilalaro nito ang kaniyang maalon-alon na mahabang buhok.

Hinigpitan niya ang yakap sa sarili nang biglang umihip ng marahas ang hangin sa kanyang paligid na may kasamang hamog at mga dahon. Bahagya siyang kinabahan. Napatakip siya sa mukha gamit ang balabal hanggang sa humupa at naging kalmado ang paligid.

Napabuntong-hininga siya ngunit kinuha ang kanyang atensyon sa isang anino ng lalaking nakatayo sa gitna ng mayayabong na halaman. Nakita niyang tumalikod ito at animo'y aalis palayo.

"Sandali." tawag niya. Nakita niyang tumigil ito sa paglakad kaya kaagad siyang tumayo ay patakbong lumapit sa may-ari ng anino.

Sa ilalim ng buwan ay naaninag niya ang isang matangkad na binatang nakatalikod sa kanya. Nakasuot ito ng pula na kamisa at nakapulupot ang putong sa ulo na may burda. Napakurap-kurap siya, kahit nakatalikod ito ay maganda ang tikas ng pangangatawan nito at maging ang kulot nitong buhok ay bumagay sa anyo nito.

"Sino ka?" napalunok siya nang dahan-dahan itong humarap sa kanya. Nagsalubong ang kanilang mga mata at sa mga sandaling iyon ay nararamdaman niyang bahagyang tumigil ang pagtakbo ng oras. Napakaganda ng mga mata nito na may mahahabang pilik at sa pagkurap nito ay kasabay na sumikdo ang kanyang pihikang puso.

"Ako si Rogelio." sagot nito sa baritonong boses habang hindi iniiwas ang paningin sa kanya.

"Taga rito ka?" puno ng kuryosidad niyang tanong. Sa mga oras na ito, isa lang ang gustong gawin ni Angelique -ang kilalanin ang binata at pigilan itong umalis. Kapusokan man kung sabihin ngunit hindi niya maiiwasan mabighani dito at ayaw niyang sayangin ang pagkakataong makilala pa ito.

"Oo. " sagot nito. Napatitig siya sa mga labi nito at napansin ang isang maliit na nunal sa ibabaw niyon. Muli ay napalunok siya.

"Saan ka nakatira?" tuliro na ang isipan niya, kahit ano nalang ay tinatanong niya.

"Sa may kakahuyan." (Sa kagubatan.) tumango siya nang napagtanto na may mga kabahayan rin pala sa kagubatan.

"Marunong ka bang mag-gitara?" tumango ito bilang sagot. Naiinis na siya, nais muli niyang marinig ang boses nito bagaman hindi ito nagsasalita. Naisip na lamang niya na baka hindi ito nakakaintindi ng bisaya kaya tango lang ang tanging maisagot nito. Sayang naman, sobrang gwapo nito bagaman parang hindi nakapag-aral.

"Pasensya na ha kung madaldal ako, nais ko lang na maging kaibigan ka. Okay lang ba?" tumango ulit ito. Napagdesisyunan niya na mag-aral kung paano makipag-usap sa bisaya upang sa susunod nilang pagkikita ay hindi lamang tango ang alam nitong isagot.

"Kung gayon, iimbitahan kita sa aking kaarawan sa makalawa." hindi ito umimik. "Maaari ba?" aniyang umaasa ng positibong sagot. Pagkalipas ng ilang segundo ay nagsalita ulit ito.

"Unsang orasa?" (Mga anong oras?)

"Mga alas kwatro ng hapon dapat nandun ka na."

"Sige, pero dili ko magdugay." (Sige, ngunit hindi ako magtatagal.) napangiti siya sa sagot nito.

"Ayos lang, ang importante darating ka. Gusto ko lang malaman mo na Ikaw lang ang bisita ko na personal kong inimbitahan." nakangiti niyang wika dito na nakapagpangiti rin sa binata.

"Magdala ka ng gitara."

"Unsaon nimo ang gitara?" (Aanhin mo ang gitara?)

"Nais ko lamang handugan ng awitin ang aking mga panauhin tapos ikaw ang mag-gigitara." nahihiyang sagot niya.

"Sige." kahit maikli lamang ang mga katagang lumalabas sa mga labi nito ay walang kaakibat na kaligayahan na ang dala niyon sa kanya.

Kinagabihan ay hindi kaagad nakatulog si Angelique. Hindi mawala sa isipan niya ang gwapong mukha ni Rogelio. Marami siyang kakilalang gwapo sa Manila ngunit iba si Rogelio. Ito lang ang tanging binata na nagpasikdo sa pihikan niyang puso.

Pagkagising niya kinaumagahan ay kaagad niyang hinanap si Rosana. Kaagad naman niya itong natagpuan sa bakuran na nagwawalis ng mga nalaglag na tuyong dahon. Pinagmasdan muna niya ito habang tinitipon ang mga iyon sa gilid para isama sa gagawing pataba ng lupa.

"Rosa," tawag niya sa palayaw nito. Kaagad naman itong lumapit sa kanya na may ngiti sa mga labi.

"Ano ang maipaglilingkod ko pinsan?" tanong ni Rosana.

Ngumiti siya ng pagkatamis-tamis at hinawakan ito sa braso. Sinundan ni Rosana ng tingin ang mga kamay niya na ngayo'y nakapulupot sa kaliwang braso nito.

"Nais ko sanang magpaturo sa iyo kung paano ang tamang pagsasalita ng bisaya." nilambingan niya ang boses.

"Ah." napahawak si Rosana sa may dibdib kasabay ng pagbuntong-hininga. "Akala ko kung ano na." anito na kampanteng nagtatagalog.

Buong maghapon silang nag-aral ng tamang pagsasalita ng bisaya. Nagtaka ang kanyang mga magulang at maging si lola Celeste bagaman hindi naman sila nagtanong. Napag-isipan nilang mas mainam na marunong magsalita ng bisaya ang kanilang mga anak kaya sinabihan din nila si Anna na maging ito ay dapat rin na mag-aral ng bisaya.

Sumapit ang kaarawa ni Angelique, madaling araw pa lang ay narinig na niya ang hiyawan ng mga hayop habang kinakatay ang mga ito.

"Kawawa naman si porky." wika ni Anna habang nakatunghay sa bintana. Tumayo siya at sinundan ang mga tingin nito. Maraming tao sa labas na nagparoot-parito, ang mga kalalakihan ang nagkakatay ng mga hayop samantalang ang mga kababaehan naman ay naghahanda ng mga sangkap sa lulutuing ulam. May malalaking kawa at kaserola na nakahelera sa labas habang nakasalang sa pugon. May iilan din na nagsiayos ng mga mesa at upuan na hiniram pa sa munisipyo. Gumawa din sila ng maliit na entablado na may mga naka adorno na preskong bulaklak.

"Gusto ko rin ng ganitong handaan sa debu ko, ate. Nakakainggit, sana ako nalang ang panganay." wika ni Anna. Siniko niya ito dahil hindi niya gusto ang lumalabas sa bibig nito. "Napakaswerte mo talaga ate." nakita niya sa mga mata ang paninibugho ngunit batid niyang mabuting kapatid si Anna kaya kahit naiinggit ito sa kanya ay hindi parin siya kinakalaban dito bagkus mapagpakunbaba ito at may respeto sa karapatan niya bilang panganay.

"Huwag kang mag-alala Anna, mabilis lamang ang takbo ng oras. Malay natin, bukas-makalawa, tatanda ka na. Mangungulubot ang iyong balat at puputi ang iyong buhok." natatawa niyang ginulo ang buhok ng kapatid na napabusangot sa sinabi niya.

Lumabas siya ng kwarto upang pagmasdan ang ginawang paghahanda para sa kanyang kaarawan. Nakasalubong niya ang kanyang ina na nag-aayos ng mga kobyertos kasama si Rosana.

"Maligayang kaarawan, anak ko." niyakap siya ng kanyang ina at hinalikan sa noo. Niyakap din niya ito ng sobrang higpit habang inaamoy.

"Hinding-hindi ko makakalimutan ang amoy mo mama." aniya dito. "Maraming salamat kahit na ako ay pasaway, kahit kailan hindi mo ako pinagbuhatan ng kamay." naluluha niyang wika dito.

"Mahal na mahal kita anak."

"Mahal na mahal din kita mama." nabigla siya nang may malaking braso na yumapos sa kanilang dalawa. Magkasabay pa silang nag-angat ng mukha ng mama Amelia niya.

"Bakit hindi n'yo ako sinali?" kunot-noong tanong ng papa Roger niya.

"Papa naman, siyempre kasali ka." natatawa niyang sagot at nagyakapan ulit sila. Natigil lang sila nang marinig na umiyak si baby Arthur. Kaagad naman itong pinuntahan ng kanyang mama sa kwarto.

"Pa, may bisita pala ako mamaya." kwento niya sa ama. Naapangat naman ito ng kilay.

"Lalaki." hindi iyon tanong. Nahihiya siyang tumango bilang sagot.

"Basta't hindi ka makikipag tanan, ayos lang." wika nito.

"Papa naman, panong napunta ang usapan sa pakikipagtanan?" natatawa niyang sagot.

"Basta't ipangako mo anak na hindi mo kami iiwan." matiim siyang tinitigan ng ama.

"Opo, pangako po." aniya at itinaas pa ang kanang kamay.

Dapit-hapon na at nagsidatingan na ang mga bisita. Heto siya ngayon, napakaganda sa suot na pulang bestida na yari sa mamahaling uri ng seda, lampas tuhod ang haba at pinalamutian ng mga butil(beads) at kristal.

Sinimulan na ang seremonyas ng 18 roses, ang papa Roger niya ang kanyang unang sayaw at sinundan ng mga binata na inimbitahan ng kanyang lola Celeste. Pinilit niya ang sariling ngumiti sa mga ito at maging masaya na isayaw ng mga ito hanggang sa panghuling sayaw. Si Julian.

Natapos ang sayawan at sumunod ang kainan. Habang kumakain ang kaniyang mga panauhin ay umakyat muli siya sa entablado. Hawak-hawak ang mikropo ay hinandugan niya ng isang awitin ang lahat. Nagdurugo man ngayon ang kanyang puso ngunit kailangan niyang maging masaya sa natatanging okasyong ito.

Nakauwi na ang kaniyang mga panauhin, nakapagbihis na rin siya ng pambahay ngunit ang puso niya ay nalulumbay. 'Bakit ganito? Bakit ang bigat-bigat ng dibdib ko? Bakit ako nasasaktan?' maraming tanong ang gumugulo sa kanya, hindi niya namalayang napaluha na pala siya habang nakatunghay sa bilog na buwan na kulay ginto.

Nandito siya ngayon sa maliit na hardin kung saan una niyang nakita si Rogelio, bagaman wala siyang kasigurohang masilayan muli ito umaasa parin ang puso niya na kahit saglit ay maalala siya nito.

Unti-unting tinakpan ng makakapal na ulap ang bilog na buwan hanggang sa wala na siyang maaninag na liwanag sa kalangitan. Umihip ng marahas ang hangin na may kasamang hamog at mga dahon, nagbabadya nang isang masamang panahon. Napatakip siya sa kanyang mga mata gamit ang kaniyang balabal. Bigla siyang napahinto nang maalala ang ganitong pangyayari noong isang araw, dumagundong ang kaba sa kanyang dibdib sa magkahalong tuwa at kasabikan. Nang humupa at naging kalmado ang paligid ay dahan-dahan niyang tinanggal ang balabal.

Hindi siya nagkamali.

Sa ilalim ng liwanag ng gintong buwan ay nakatayo ang isang binatang kinasasabikan ng kanyang puso na muli ay mamasdan. Si Rogelio.

Kaagad siyang tumayo at tumakbo patungo dito. Tumutulo man ang kanyang luha ngunit hindi na niya alintana kung ano man ang iisipin nito. Isa lang ang gusto niyang gawin, kapusukan man kung sabihin ay nais niyang yakapin si Rogelio.

"Mabuti naman at nagpakita ka na." wika niya sa gitna ng paghikbi.

"Unsay nahitabo?" (anong nangyari?) anito habang inaayos ang buhok na tumatakip sa mukha niya. Sa ginawa nito ay lalo lamang tumindi ang kanyang nararamdaman para dito.

"Wala. Okay lang ako." napailing-iling siya. Hanggang ngayon, hindi parin niya maintindihan kung bakit ganito na lamang ang apekto nito sa kaniya gayung bago pa lang niya ito nakilala. Bakit sa puso niya, matagal na niya itong nakasama?

Napatingin siya dito, sa mukha nito na may galos, sa barong nitong may mantsa ng putik at dugo. Dugo?

"Bakit ka may dugo?" takang-tanong niya dito.

"Wala ni." (Wala to.)

"Kaya ka ba hindi dumating dahil may masamang nangyari sa'yo?!" napatakip siya sa bibig.

"Pasayloa ko nga wala ko makaabot sa akong gisaad nga oras." (Patawarin mo ako kung hindi ako nakarating sa pinangako kong oras.) tinitigan siya nito na puno ng kalungkutan.

"H'wag mo na iyong intindihin. Pero, bakit ka may dugo?"

"Aduna ko'y regalo nga gihimo para nimo." ( Mayroon akong regalong ginawa para sa'yo.) anito at inilabas ang koronang gawa sa bulaklak na Romero.

"Bisag asa ka mahiabot, kung diin ka man dalhon sa imong mga tiil, sa panahon nga wala na ko sa imong kiliran...hinaot, bisag unsay mahitabo mahinumduman gihapon ko nimo." (Kahit saan ka man makarating, kung saan ka man dalhin ng iyong mga paa, sa panahong wala na ako sa iyong tabi....sana, kahit anong mangyari maalala mo parin ako.) napaluha siya sa sinabi nito, tila kinuyumos ng isang libong beses ang kanyang puso.

"Maligayang kaarawan, Angelique." pabulong na wika ni Rogelio saka niyakap siya nito ng mahigpit. Ito ang unang beses niyang narinig na nagsalita ito ng tagalog ngunit may posibilidad din na ito rin ang huli. "Paalam." anito at saka tumalikod at mabilis na tumakbo palayo.

"Sandali lang!" sinikap niyang abutin ito ngunit mabilis itong nakatakbo hanggang sa natagpuan niya ang sariling sinusundan ang mga bakas nito. Sa di kalayuan ay naaaninag pa niya ito, ang tanging magagawa lamang niya ay bilisan pa ang kanyang pagtakbo.

Hindi na niya alintana ang mga galos na natamo sa masukal na kagubatan habang ang ilaw lamang ng bilog na buwan ang nagsisilbing tanglaw sa kanyang dinaraanan.

Patawarin mo ako papa. Hindi ko inaasahan na ganito ang mangyayari...hindi ko sinasadya. Sa pagkakataong ito, hindi ko na matutupad ang pinangako ko sa'yo, kailangan ako ni Rogelio....kailangan ko rin siya papa. Masakit man sa akin na iwan ko kayo....hindi ko naman kakayanin na mawala si Rogelio sa akin.

~~~

Ellice C: Hello mga kaibigan! Matagal ko nang pangarap na makagawa ng romantic fantasy story, at heto na!

Please do hit like, vote and comment. Magagalak ang puso ko kung mababasa ko ang inyong mga komento. Hindi lamang ako writer, mahilig din akong magbasa kay promise, babasahin ko lahat ng comments ninyo.

Trivia tayo!

'Isa Pang Araw', sang by miss Sarah G., actually wala sa isip ko na gawin itong themesong ng loveteam #Rogel natin pero habang tinitipa ko ang storya na ito ay nanunuod ako ng TNT or tawag ng tanghalan sa showtime at ito ang inawit ng isang contestant doon. Feel na feel ko talaga yung lyrics. Na LSS ako kaya sinearch ko sa google. Hayun, napag-alaman ko na OST yun nang movie ni Miss Sarah G. na Miss Granny.

Si Rogelio -yung suot niya nung unang pagkikita nila ni Angelique. Ang uri ng suot niya ay kagaya ng estilo sa sinaunang tao. Ang kulay ng kamisa nito ay sumasagisag sa antas nito sa lipunan, ang kulay pula na suot ni Rogelio ay nangangahulugang kabilang siya sa matataas na tao sa lipunan o Datu. Samantalang ang kahulugan ng putong na may burda na nakapulupot sa ulo nito ay nakapatay na ito ng maraming tao. Source: https://www.scribd.com/doc/72355459/Pananamit-Ng-Mga-Sinaunang-Pilipino

Ang bulalaklak na Romero o mas kilala sa ingles na Rosemary ay sumasagisag sa pag-alala ng isang minamahal. Source: https://nourishingdeath.wordpress.com/2014/05/10/rosemary-thats-for-remembrance/

avataravatar
Next chapter