5 2024

Inayos ko ang suot kong bonet at ang suot-suot kong parnela, napakalaming talaga ng simoy ng hangin ngayong gabi.

Nandito kami ngayong gabi sa bakanteng lote ng aming village, mula kasi nang matapos ang pandemya noong 2020 ay napagkasunduan ng lahat ng matatanda na dito magtipon-tipon at magdiwang ng bagong taon tuwing sasapit ito.

Maghahating-gabi na pero masiglang-masigla pa rin ang mga tao mapabata man o matanda, ang saya talaga rito sa amin, sa hometown namin, kung saan ako lumaki at nakaranas iba't ibang pagsubok at kasiyahan.

5....

pagsisimula ng kanilang pagbibilang bago sumapit ang 2024,

4....

mag-aapat na taon na pala, sa ilang beses naming ipinagdiwang ang bagong taon dito ni minsan ay hindi siya dumalo o dumaan man lamang,

3...

2...

tiningnan ko ang screen ng cellphone ko December 31,2023 11:59 PM napangiti ako nang bahagya, bagong taon, bagong simula...

1!!!!!!

HAPPY NEW YEAR!!!!

Naghiyawan ang mga tao at nagsimula na ang putukan, may nagsindi ng fountain, ng lusis at ang iba naman ay kwitis,

Masaya kong pinagmasdan ang pagsibat ng fireworks sa ere, mas napangiti ako nang kumalat ito sa kalangitan na may iba't ibang naggagandahang mga kulay,

Naririnig ko naman ang masasayang hagikgikan ng mga bata sa paligid ko habang nagpapaputok ng pop-pop at ang iba naman ay nagsindi ng lusis, ito ang masaya rito tuwing bagong taon, sama-sama kaming lahat kahit papaano ay hindi ko nararamdaman ang kakulungan sa dibdib ko.

Ininom ko naman ang softdrinks na nasa cup na kanina ko pang hawak at patuloy na nanood ng naggagandahang fireworks sa langit.

Nasa ganoon akong estado nang maramdaman ko ang mga yabag na papalapit sa akin, masaya ko itong nilingon sa pag-aakalang si ate ito o 'di naman kaya'y si nanay pero isang pamilyar na mukha ang bumungad sa akin.

Matangos na ilong, mapungay na mga mata at ang napakasakit sa leeg na height teka nangangawit na naman yata ang leeg ko.

"Mon...," bulong ko, hindi ko alam kung narinig niya ba ang sinabi ko

pero hindi na mahalaga 'yon ang mahalaga ay magkaharap na ulit kami, gaya noon tinitingala ko na naman ang napakatangkad at malakapreng lalaking ito.

"Kaye," bahagyang nakangiting tawag niya sa akin

Hindi ko alam kung bakit pero sa mga sandaling iyon ay wala na kong ibang narinig kung hindi ang napakalakas na kabog ng dibdib ko at ang pagsibat ng isa na namang paputok sa kalangitan,

Nagliwanag ito sa kalangitan ngunit hindi gaya kanina nakita ko ito hindi dahil sa pagtingala ko sa langit kundi dahil sa nakita ko ang repleksyon nito sa mga mata ni Momon, halos maghalu-halo ang liwanag ng paputok sa kanyang mukha.

Habang siya ay nakangiting nakatitig sa akin, heto ako at nakatulalang nakatitig lang sa mga mata niya, tila naestatwa ako at naitulos ang mga paa ko sa lupa,

Maya-maya pa ay bumitaw na rin siya sa pagkakatitig sa akin, tinawag pala siya ni kuya Nixon at ng ibang mga kaklase pa namin noong elementarya at high school, agad naman siyang lumapit sa mga ito at iniwan akong nakatulala, sa kanyang pag-alis ay tila nanlambot ang aking katawan na naging dahilan para mabitiwan ko ang cup ng softdrinks na kanina ko pang hawak, bumagsak ito sa lupa at narinig ko pa ang tunog nito sa pagbagsak.

Huminga ako nang malalim at tiningnan ang nakatalikod na si Momon sa akin, mukhang napakasigla niya, sabagay bagong taon ngayon. Naisip ko tuloy may nagpapasaya na ba sa'yo ngayon Momon? Huli na ba ang lahat para sa atin?

Nakaupo kami ngayon sa mahabang mesa, katabi ko si nanay samantalang nasa harap ko naman si ate na katabi si kuya Nixon. Si Momon naman ay nasa kabilang dulo ng mesa na katabi si Cindy, isa sa mga kababata namin noong araw.

Sa tanawin ko palang na iyon ay para na talagang kinukurot ang puso ko samahan mo pa ito ng katotohanang malaki na nga ang ipinagbago ni Momon at kung titingnang mabuti, kung siya pa rin ang Momon na kilala ko noon ay mas pipiliin niyang tumabi sa akin o 'di naman kaya'y umupo malapit sa akin,

pero ngayong gabi, katabi niya si Cindy at naririnig ko pa ang mga kwentuhan at biruan ng mga tao na bakit hindi na lang daw sila ang magdate dahil bagay na bagay rin naman daw sila. Hindi ko naman sila masisi, sa Maynila nangyari ang istorya namin ni Momon malamang hindi rin nila alam ang tungkol do'n.

Nakita ko ang madalas na pagsulyap ni ate sa akin gano'n na rin si kuya Nixon para bang tinatanya nila kung nasasaktan ba ko o kinakaya ko ang mga sandaling iyon. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng pamilya ko na sa apat na taong nagdaan wala akong ibang ginawa kung hindi isipin at mahalin si Momon.

Nang nagsisimula na silang magtawanan at mag-ngitian ay parang mas sumisikip ang dibdib ko, pinili ko na nga lang na mas pagbutihin ang pagkain para hindi ako magmukhang ampalaya rito at hindi ko na sila mapansin pero ang bwisit napansin pa ako ni Lulu, kabatch din namin nung elementary.

"Kaye okay ka lang? Parang sarap na sarap ka sa pagkain ha?" tatawa-tawang sabi niya duh. pangit mo!

"Oo ang sarap, hindi ko nga akalain na ikaw ang nagluto nito eh," sarkastiko ko namang tugon.

Kung kanina ay ako ang pinagtatawanan ng mga tao ay nalipat naman sa kanya ang tawa ngayon, napasulyap naman ako kay Momon na nakatingin din pala sa akin at nag-aalangang tumatawa.

Pagkatapos ng kainan ay inayos na namin ang lugar, kanya-kanyang kuha ng mga pinggan at kagamitang iuuwi para pag uwi na lang hugasan. Habang ikinakarga ko sa pick-up namin ang mga gamit na iuuwi namin ay biglang may kumalabit sa akin, kinabahan ako sa isiping si Momon iyon pero nakahinga ako nang maluwag nang makitang sina Lolit at Molly lang pala iyon. Sila iyong mga kaibigan ko noong elementarya na palaging ginagawang issue ang pagiging malapit namin ni Momon.

Masaya ko silang niyakap at kinamusta pero dahil sila nga sina Molly at Lolit ay syempre chismis na naman ang dala nila.

"Nakita kita kanina, kulang na lang ay tunawin ng sama ng titig mo kay Cindy!" bulong ni Molly.

"Oo nga, nakakainis naman talaga iyong babae na 'yon eh! Alam naman niyang KayeMon lang malakas pero umeekstra pa!" sulsol naman ni Lolit.

"Ano ba naman kayo hindi pa ba kayo nakakamove-on do'n? Ang tagal-tagal na no'n," pagkukunwari ko.

"Asus. Kaye alam naman namin na kayo talaga ni Momon ang may gusto sa isa't-isa kitang-kita naman kanina sa mga kilos at tingin ninyo na hanggang ngayon hindi pa kayo nakakamove-on," sinserong sabi ni Molly.

"Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit 'yung mga tingin niyo ay parang may hinanakit at lungkot parang mag-ex kayo gano'n," bulong ni Lolit.

Natahimik naman ako sa mga sinabi nila na naging dahilan para mamilog ang kanilang mga mata at bibig. Tila naintindihan na nilang naging mag-ex nga kami.

Dumating ang oras na kinailangan na naming maghiwa-hiwalay at umuwi, sasakay na sana ako sa pick-up namin nang unahan ako ni ate sa pagsakay, karga niya ang pamangkin ko na tulog na tulog, sumenyas pa siya ng huwag akong maingay.

"Ah Kaye... kay Momon ka na lang sumabay pauwi," simpleng sabi ni kuya Nixon na tinawag na nga si Momon at inihabilin ako rito.

"Hindi kuya, sila mama, sa kanila na lang ako sasabay," agad kong tanggi.

"Nauna na sila Kaye," hindi makatinging sagot ni kuya Nixon.

Sasagot pa sana ako pero nagsalita si Momon na sumabay na raw ako sa kanya, tutal raw ay isasabay rin daw niya si Cindy pati na sina Molly at Lolit pauwi. Nginitian pa niya ko kaya naman tinanguan ko na lamang siya.

Sa pagpunta namin sa kotse ni Momon ay noon ako sinampal ng katotohanang marami na talaga ang nagbago kay Momon at siguro isa na rin do'n ang nararamdaman niya para sa akin.

Sasakay sana si Cindy sa shotgun seat ng kotse pero nagulat kami nang hatakin siya papasok nina Molly at Lolit at pagitnan siya nito, nagkatinginan pa nga kami ni Momon dahil sa inakto ng dalawa, ang dalawang babae talaga na ito kahit kailan weird.

Sasakay na ako sa kotse no'n katabi nila nang pigilan ako ni Lolit,

"Excuse me, wala ng space ghorl ano sa'n ka sasaksak?"

nagpumiglas naman si Cindy no'n at sinabing lilipat siya sa shotgun para may maupuan ako pero nagmatigas ang dalawa at ako ang napaupo sa shotgun seat, sa tabi ni Momon.

Tahimik ang naging biyahe namin, paminsan ay magsasalita si Cindy pero bigla siyang patatahimikin ng dalawa, sa mga ganitong pagkakataon ay nagkakatinginan kami ni Momon at natatawa nang mahina. Nakakamiss rin pala ang dalawang makulit na ito.

Una naming inihatid si Cindy kahit na siya ang pinakamalayo sa amin, ako naman talaga ang unang bababa pero heto at nagkulit sina Molly at Lolit at unahin na raw naming ihatid si Cindy at dahil sa nag-iingay sila ay sinunod na lang ito ni Momon.

Halatang-halata ang inis at pagkayamot sa mukha ni Cindy nang bumaba siya ng kotse, ni hindi na nga niya nakuhang magpaalam samin nina Momon.

Sumunod na bumaba si Molly, pagkatapos ay si Lolit. Hindi ko namalayan na kami na lang palang dalawa ni Momon ang naiwan dito, bwisit na dalawang iyon ngayon ko lang narealize ang ginawa nila!

Tumikhim ako na nakapagpalingon kay Momon sa akin pero saglit lang din naman iyon dahil ibinalik din naman niya agad ang atensyon sa pagmamaneho,

"Kamusta ka na Mon?" tanong ko sa kanya habang nakatingin nang seryoso.

"Ito graduate na, mag-isa na lang sa buhay," bahagyang nakangiting sagot niya sa akin.

"Si tita?" takang tanong ko sa kanya.

"Patay na, 2years na rin kaya nga magpapakasal na ko eh para naman magkaro'n na ko ng pamilya," nakangiting sulyap niya sa akin.

Doon naman ako natauhan,

"Ikakasal ka na Mon?" kagat-labing tanong ko at ibinaling ang tingin ko sa labas ng bintana ng kotse.

Namumuo na ang mga luha sa mata ko at sumasakit na rin ang lalamunan ko.

"Oo, pero hindi pa ko nakakapagpropose," simple niyang tugon

"Tingin mo papayag kaya siya?"

"Bakit naman hindi, gaano na ba kayo katagal?" naluluhang tanong ko sa kanya habang nakatingin pa rin sa labas, hindi ko alam kung naririnig ba niya ang pagsinghot ko o napapansin ba niya ang pagkabasag ng boses ko, hindi ko na alam hindi na 'yon mahalaga.

"Matagal na kami Kaye, sobrang tagal na," at sa mga sinabi niyang 'yon ay hindi ko na napigilan ang sarili ko.

"Hinto! Bababa na ko!" sabi kong nakaharap na sa kanya, tila nagulat naman siya nang makitang umiiyak ako.

Inihinto niya ang kotse at buong pag-aalalang tiningnan ako.

"Kaye bakit ka umiiyak?"

"Wala. Sige salamat sa ride ha ingat ka pauwi," sabi ko habang pababa.

Naglakad na ako paabante, maglalakad na lang ako pauwi sa'min malapit na lang naman 'to.

"Kaye!" habol ni Momon sa'kin, mas binilisan ko pa ang paglalakad ko dahil ayaw ko nang makita pa siya.

"Kaye teka lang!"

"Kaye ayaw mo bang malaman kung sino ang pakakasalan ko?" lakad-takbo niyang paghabol sa'kin rinig na rinig ko na rin ang paghahabol niya sa kanyang hininga.

"Ano bang pake ko kung sinong pakakasalan mo?! Pakasalan mo kung sinong gusto mo!" bulyaw ko sa kanya habang mabilis pa rin ang lakad.

"Kaylin Buenavista, WILL YOU MARRY ME," sigaw niya na nakapagpatigil sa'kin

ako si Kaylin hindi ba?

Pumihit ako paharap sa kanya at kunot-noong tiningnan, poste na lang ng ilaw ang nagbibigay liwanag sa kalyeng ito kaya hindi ko alam kung makikita niya ang ekpresyon kong gulung-gulo at inis na inis.

Lumakad naman siya papalapit sa akin at saka nakangiting inulit ang sinabi niya kanina.

"Kaylin Buenavista, Kaye will you be my wife?" hinihingal ngunit nakangiting sabi niya sa akin.

"Gago ka ba? Huwag kang nagbibiro ng ganyan!" umiiyak kong sagot sa kanya.

umiling lang siya at saka nakangiting inulit ulit ang sinabi niya.

"Kaye will you be my wife?" nakatitig sa mga mata kong tanong niya sa akin, hinawakan pa niya ang mga kamay ko at hinalikan ito pareho.

"Sira nakalimutan mo na bang iniwan kita dati?" umiiyak kon tugon.

"Hindi na mahalaga sa'kin 'yon," nakangiti niyang sagot.

"Hindi mo ba itatanong kung bakit kita iniwan?"

"Hindi na 'yon mahalaga sa'kin ang mahalaga, nandito ka, kasama ko, kung ano man ang dahilan mo naiintindihan ko,kasi ikaw si Kaye 'yung taong mahal ko mula noon hanggang ngayon; kahit kailan," paliwanag niya sa akin habang nakatitig nang maigi sa aking mga mata.

"Ang gusto kong malaman ngayon ay kung pwede na ba Kaye, pwede na ba ulit nating subukan?Ito na ba ang tamang panahon?"

"Mahal kita Momon, mahal na mahal kita," hagulgol ko at sinunggaban ko na siya ng yakap.

"So...Yes ba 'yan?" naluluhang tanong niya sa'kin

Masaya akong tumangu-tango sa kanya at pinagmasdan kung paanong lumabas ulit ang mga biloy niya sa magkabilang pisngi at gumuhit ang napakagandang ngiti sa kanyang labi,

"Mahal mo ako Kaye?" nakangiti niyang paninigurado sa akin.

"Oo Mon mahal kita lagi, araw-araw kahit kailan," mangiyak-ngiyak na tugon ko sa kanya.

Kumalas siya sa pagkakayakap sa'kin at may pinitas na kung ano saka ko narealize na nasa harap pala kami ng puno ng mangga kung saan nagsimula at palaging nagtatapos ang lahat.

Natawa naman ako ng iniabot niya sa akin ang kapirasong bulaklak ng kadena de amor,

"Walang gumamela dito eh," tatawa-tawa niyang sabi at pagkatapos ay muli akong niyakap.

Sa totoo lang ay hindi ko alam kung ano ang maaaring kahinatnan ng kwento namin ni Momon, hindi ko alam kung magiging masaya ba kami lagi o susubukin ng mga pagsubok madalas, pero isa lang ang sigurado ako,

Hindi ko na ulit kakailanganing maghintay ng apat na taon para muli siyang makita at makasama dahil sa araw-araw ng buhay ko ay makakasama ko na siya.

Ang kaklase kong masakit sa leeg kausap,

iyong kaklase kong parang kapre sa tangkad,

iyong lalaking walang ibang ginawa kundi dalhan ako ng gumamela at santan,

ang lalaking nagturo sa akin ng ibig sabihin ng salitang crush

at ang kaisa-isang lalaking minahal ko ng ganito mula pagkabata,

si Raymond Marasigan

a.k.a. Momon.

----The End----

Thank you for reading <3

avataravatar