4 2020 Part 2

Nakangiti akong kumaway kay Momon sa labas ng convenience store na pinapasukan niya, agad naman siyang ngumiti at kumaway pabalik sa'kin, pumasok na ako sa loob habang dala-dala ang lunch box na pinrepare ko para sa aming dalawa,

Umupo ako sa isa sa mga bench sa loob at tahimik siyang hinintay na maubos ang mga bumibili, ganito na kami lagi, buhat no'ng pumunta siya sa apartment at makikain ay naging mas malapit kami sa isa't - isa, dinadalhan niya ko ng gumamela sa umaga at dinadalhan ko naman siya ng tanghalian sa tanghali.

Halos kilala na rin ako ng mga kasamahan niya sa trabaho dahil palagi naman akong nandito at madalas na kaming magkasama ni Momon. 

Minsan ay sinusundo niya ko sa school tapos ay ihahatid niya ako sa apartment, minsan naman ay susunduin niya ako at tatambay kaming saglit sa fountain malapit sa university na pinapasukan ko, kung minsan naman ay tumatambay ako sa convenience store at tinutulungan ko siyang gawin ang mga activity niya sa school. Malayo na nga ang nararating ng samahan namin ni Momon, sa saglit na panahong nagkita kaming muli ay naging mabilis ang mga pangyayari.

Siguro ay dahil na rin 'to sa ilang taon na rin kaming naghihintay ng pagkakataong magkasama kaya naman naging mabilis ang takbo ng mga bagay-bagay simula nang muli kaming magkita. Masaya kami sa tinatakbo ng samahan naming dalawa sa mga sandaling ito, kaya nga lang ay hindi pa namin pormal na napag-uusapan kung ano na nga ba ang mayroon sa pagitan naming dalawa basta ay lagi kaming magkasama at nagtutulungan iyon ang mahalaga.

Isang gabi pagkatapos ng klase ko ay nagkasundo kaming magkita, kagagaling naman niya no'n sa isa sa mga sideline niya nang sunduin niya ko kaya pareho kaming pagod pero nang makita namin ang isa't-isa ay ngiti lang at isang mahigpit na yakap ang isinalubong namin sa isa't-isa.

Ang sarap sa pakiramdam,iyon bang kanina ay pagod na pagod ako pero nang makita at mayakap ko siya ay bigla na lang akong sumigla at nagkaroon ng lakas. Kakaiba talaga kapag si Momon ang kasama ko, kakaiba talaga kapag yakap mo ang taong mahal mo.

Naglalakad kamin no'n sa isang kalye, hindi naman ganoon karami ang mga taong naglalakad pero hindi rin naman gano'n ka konti para mailang kami sa isa't-isa nang naramdaman kong hinawakan niya ang kamay ko, iyon bang hawak na nakikiramdam kung aayaw ba ko o sasang-ayon. Ramdam ko rin ang kaba sa kanya dahil sa panlalamig ng kamay niyang nakahawak sa akin, 

para mawala ang kaba niya, hinawakan ko pabalik ang kamay niya at saka siya tiningnan habang nakangiti. Ginantihan naman niya iyon ng isang matamis na ngiti at bahagyang pinisil ang aking kamay.

Sa halos walong taong kilala namin ang isa't-isa at sa ilang taong pagsubok namin sa pagkakataong kami'y magkasama, ito ang unang beses na magkahawak kamay kaming naglakad, sana hindi rin ito ang huling beses na hahawakan namin ang kamay ng isa't-isa na may kasiyahan sa aming dibdib.

Mabilis na lumipas ang mga araw, hindi ko namamalayan ay isang buwan na pala kaming gano'n, isang buwan na pala kaming masaya,

Isang gabi, habang magkahawak kamay kaming naglalakad pauwi sa aking apartment ay niyaya niya akong tumambay muna sa fountain malapit sa university na aking pinapasukan, doon ay hindi ko inaasahan ang mga mangyayari.

"Kaye, isang buwan na tayong ganito," wika niya habang masayang nakatitig sa'kin nilingon ko naman siya at nginitian.

"Oo nga isang buwan na,"

"Kaye, gusto ko lang malaman kung ito na kaya'yung tamang panahon para sa ating dalawa?"

Tiningnan ko siya, tinitimbang kung seryoso ba siya sa mga sinasabi niya, tinitingnan ko rin kung tatawa siya pagkatapos niyang sabihin iyon pero wala, seryosong nakatingin siya sa mga mata ko, naghihintay ng sagot.

Ito na Momon, ito na ang matagal na nating hinihintay.

Bahagya ko siyang nginitian at mahinang tinanguan na nakapagpangiti naman sa kanya, 

"Talaga Kaye? Sigurado ka? Wala ng bawian?" ngiting-ngiting sambit niya habang hawak ang dalawang kamay ko sa mga palad niya.

"Oo nga ang kulit mo naman," tatawa-tawang sabi ko sa kanya.

Sa walong taong lumipas mula noong mga bata kami, ngayon ko na lang siya ulit nakitang ganito kasaya, una ko itong nakita noong sabihin ko sa kanya dati na crush ko siya na noong mga panahong iyon ay hindi ko pa alam ang ibig sabihin ng salitang 'crush' pero ngayon, alam na alam ko na itinuro iyon sa akin ng lalaking nakayakap sa'kin ngayon. Hindi lang ibig sabihin ng crush kundi pati na rin ang ibig sabihin ng salitang 'mahal'.

Isang linggo matapos kong sagutin si Momon ay ipinakilala ko na rin siya sa amin, kabadong-kabado siya no'n at talagang pinagpapawisan nang malapot, ako rin naman, dahil ito ang unang beses na magpapakilala ako ng lalaki sa mga magulang ko at si Momon pa, iyong kumag na madalas tumambay samin apat na taon na ang nakalilipas.

"Kinakabahan ako Kaye," hihinga-hingang daing ni Momon sa akin.

"Love okay lang 'yan or gusto mo next time na lang?" nagpipigil ng tawang sabi ko sa kanya,nginisian naman niya ako nang marinig na tinawag ko siyang love.

"Hindi love, nandito na tayo eh sayang 'yung pamasahe," pagbibiro niya na halata namang pilit dahil mukha na talaga siyang naubusan ng dugo.

Magkahawak kamay naming hinarap sina tatay at nanay pati na ang mga kapatid ko, nakatutuwa rin nga dahil hindi naman sila tumutol magiliw nilang tinanggap si Momon lalo na ang ate ko na asawa ng pinsan ni Momon na si kuya Nixon.

Masaya na ang lahat, maayos na ang lahat sa amin ni Momon sa wakas ay nakuha na rin namin ang pangarap namin noon pa, ang magkasama ng walang natatapakang ibang tao at higit sa lahat ay may basbas ng pamilya naming dalawa.

Pagkatapos naming harapin ang pamilya ko ay hinarap naman namin ang pamilya niya, maayos rin naman akong tinanggap ng nanay niya, ang tatay naman niya ay matagal ng patay kaya sila na lang ng nanay niya ang magkasama sa buhay.

Mabait ang nanay ni Momon, sa totoo lang ay parang anak na ang turing niya sa akin isama mo na rin ang katotohanang bata palang kami ay kilala na niya ko at wala raw ibang nagustuhan si Momon kundi ako, napapangiwi tuloy ako kapag sinasabi niya 'yon dahil minsan na kong nagkaroon ng ibang boyfriend bukod kay Momon.

Akala ko ay magiging maayos na ang lahat sa totoo lang kahit nasa bente-anyos palang kami ni Momon ay masasabi kong sigurado na kami sa isa't-isa alam namin na sa dulo ay kami na talaga ang magsasama kaya nga lang ay hindi talaga siguro gano'n kadali ang lahat ng bagay dahil agad ding sinubok ang mura naming pagmamahalan.

Marso, taong kasalukuyan nang pumutok ang Corona virus. Mabilis itong kumalat na kinailangang ilockdown ang buong Pilipinas pati na rin ang ibang bansa para mapigilan ang pagdami nito,natigil ang lahat ng bagay at pati na rin ako na nag-aaral ay biglang napunta sa online classes.

Hindi na kami halos nagkita ni Momon, sa tawag at chat na lang kami madalas na magkausap at dahil nga sa siya lang ang bumubuhay sa nanay niyang may sakit ay hindi siya tumigil sa pagkayod, naging mas mahirap ang kumita ngayon ng pera dahil sa pandemya.

Noong una ay madalas pa kaming magkausap pero nang lumaon ay hindi na rin halos dahil dinoble niya rin ang pagkayod simula nang nagkapandemya. Samantalang ako naman ay nagpokus sa pag-aaral ko, sa mga output na ipinapasa online.

Minsan ay tumawag siya sa akin, humihingi ng tulong dahil masama raw ang lagay ng nanay niya, pumunta ko sa kanila, inalagaan ko ang nanay niya. Makalipas ang halos dalawang buwan ay noon na lang ulit kami nagkita,

"Love salamat at dumating ka," sabay yakap niya sa akin.

Sa ganoon na lang kami nagkikita kapag pumupunta ko sa kanila at inalagaan ko ang nanay pero hindi rin kami nagkakausap o sama nang matagal dahil kailangan din niyang pumasok sa trabaho. Kung minsan naman ay pupunta siya sa bahay dala ang bungkos ng gumamela at kaunting pagkain.

Napabuntong-hininga na lang ako nang makita kong bumaba ang grades ko para sa sem na ito. Tinitingnan ko ito sa online portal naming mga estudyante. Napasabunot ako sa sarili ko nang tanungin na ako ni nanay kung ano na ang grades ko, shit patay ako.

"Kamusta Kaye?" pang-uusisa ni nanay. 

Hindi ako makasagot, nabubuo na rin ang takot at pangamba sa'king sistema

"Ano Kaye?" 

"Patingin nga!" nagulat ako nang si ate na ang sumingit at nakitingin sa grades ko.

Napapikit ako nang maramdaman ang nagbabadyang galit ni nanay.

"Ano 'yan Kaye? Bakit ang laki ng ibinaba ng grades mo?!" nanlilisik ang mga matang tanong ni nanay sa akin.

Galit na galit si nanay sa nangyari, sinisi pa niya si Momon na buhat raw nang maging nobyo ko ay wala nang ibang ginawa kundi ang hiliin akong alagaan ang nanay niyang baldado, na masama raw na impluwensya si Momon sa akin at mas mabuti pa raw na hindi na lang sila pumayag na maging nobyo ko si Momon. Pinahihiwalay nila ko kay Momon.

Doon ako natauhan, hindi ko hahayaang paglayuin nila kami.

"Hindi na ho ako bata, matanda na ho ako bente na ko! Nay tama na po ang pagkontrol niyo sa akin, huwag niyo na ho akong diktahan sa lahat ng bagay,"

Malaki ang ipinagbago ng mga bagay simula noong sagutin ko si nanay, hindi na nila hinahayaang bumisita si Momon at ako naman ay isinubsob nila sa pag-aaral, lagi kong nakikita si Momon, nasa gate. Hinihintay ako, pero hindi ko siya malabas dahil hindi pwede, 

ikinulong nila ako,

kinuhanan ng telepono,

at binawalang makausap ng kahit na sino.

Isang madaling araw, pagsilip ko sa bintana ay nandoon na si Momon naghihintay sa'kin sa labas ng gate. Patingin-tingin siya sa bahay namin at halos mabali na ang leeg kakalinga, miss na miss ko na siya, gusto ko na siyang yakapin at sabihing magiging maayos rin ang lahat. Nag-aalala na rin ako sa nanay niya at kung nakakapagtrabaho pa ba siya nang maayos.

Tiningna ko ang paligid ng bahay namin halos wala pang tao kaya naman sinubukan kong labasin si Momon pero nagulat na lang ako nang marinig ko ang boses ni nanay.

"Pag lumabas ka sa pintong 'yan ay huwag ka nang babalik," napatingin ako sa kanya na hindi makapaniwala, naiiyak na ko, hindi ko na alam kung anong gagawin.

"Nay, kakausapin ko lang po si Momon, naaawa na po ako sa kanya," pakiusap ko habang lumuluha.

"Sige," simpleng tugon niya na nakapagpangiti sa akin.

"Pero hihiwalayan mo na siya kapag nilabas mo siya," nanlalaki ang mga matang tiningnan ko si nanay kasabay nang walang humpay napag-agos ng luha sa aking mga mata.

"Nay, 'wag naman po kayong ganyan,"

"Pumili ka, ang lalaking 'yon o kaming pamilya mo at ang magandang buhay na kaya naming ibigay sa'yo?"

Natigilan ako, kung sasama ako kay Momon ngayon ay lalo lang magiging mahirap ang lahat para sa amin, magiging dagdag lang ako sa kanyang mga alalahanin at baka sa dulo ay makasama pa ito para sa aming dalawa.

"Pag ba sinunod kita ngayon ibabalik mo ba sa'kin ang kalayaan ko?" mapanghamong tugon ko sa kanya.

"Oo anak hinding-hindi ka magsisisi,"

"Magtatapos ako, gagawin ko ang lahat ng gusto niyo pero pagkatapos kong mag-aral hahayaan niyo na ko sa gusto ko,"

"Kahit si Momon pa 'yon anak," nakangiting sabi ni nanay.

Hinarap ko si Momon, paglabas ko palang ng gate namin ay kitang-kita ko na ang pagliwanag ng kanyang mga mata at ang pagguhit ng matamis na ngiti sa labi niya. Nakita ko rin ang pagsilip ng biloy niya sa magkabilang pisngi, diyos ko Momon mapatawad mo sana ako.

Niyakap niya agad ako pero nilabanan ko ang sarili kong kagustuhan na yakapin siya pabalik, nakita ko ang pagtataka sa mga mata niya nang gawin ko 'yon pero agad din naman niya itong pinalitan ng ngiti at pilit na iniabot sa'kin ang dala niyang gumamela.

Nang hindi ko ito tanggapin ay nakita ko ang sakit at lungkot sa kanyang mga mata na pilit niyang itinago sa pamamagitan ng ngiti na hindi nagpalabas ng kanyang mga biloy.

Tiningnan ko siya  diretso sa mga mata at inipon ang lahat ng lakas ng loob na mayroon ako para hindi mabasag ang boses ko habang sinasabing,

"Maghiwalay na tayo," 

Nakita ko ang pagkabigla  at unti-unting pamumuo ng luha sa kanyang mga mata. Nilunok ko ang sarili kong laway nang maramdaman kong maiiyak ako sa nakikita ko sa mga mata niya.

"Kaye anong problema?Love," mangiyak-ngiyak na hinawakan niya ang mga kamay ko.

"Ayoko na," matigas kong sabi

"Hindi. Love anong problema sabihin mo sa'kin," kumbinsi niya sa'kin habang unti-unting bumabagsak ang mga luha sa kanyang mga mata at ang panginginig ng kanyang mga kamay na nakahawak sa akin.

"Ayoko na," iwas ko ng tingin sa kanya.

"Bakit nga???" parang batang iyak niya sa akin.

"Ayoko na, pagod na ko wala ka namang oras sa'kin ayoko na magtrabaho ka na lang," unti-unti na ring nababasag ang boses ko at unti-unti na ring kumakawala ang mga luhang kanina ko pa pinipigil.

"Kaye, lagi mong sinasabi na walong taong tayong naghintay ng pagkakataon, walong taon nating inintay 'to Kaye, bakit ka susuko?" 

"Ayoko na, pagod na ko. Pagod na kong madamay sa lahat ng problema sa buhay mo! Pagod na kong mapabayaan ang lahat para sa'yo hindi na ko masaya," pagsisinungaling ko, 

masaya ako Mon, masayang-masaya ko sa'yo.

Nakita ko ang paninigas niya at unti-unting pagkatulala niya sa akin.

Kinuha ko ang pagkakataon na 'yon para talikuran siya pero ni hindi pa ko nakahahakbang palayo ay nagulat ako sa sinabi niya.

"Iiwan mo na naman ako?"

"Sabagay kailan mo nga ba ko piniling ipaglaban? Gano'n talaga siguro ang tingin mo sa'kin noh? 'yung itatapon pag nahihirapan na. 'yung pang temporary lang pero hindi pangmatagalan,"

"Ganito na lang ba ko sa'yo Kaye? Kailan mo ba ko pipiliin kaysa sa sarili mong kaligayahan? Ako kasi Kaye kahit kailan, kahit saan, kahit sino ikaw at ikaw lang pipiliin ko,"

"Kahit sarili ko Kaye kaya kong ipagpalit sa'yo,"

Ilang segundo rin ang binilang bago ako makabawi at harapin siyang muli pero huli na ang lahat likod na lang niyang papalayo ang nakita ko, kasama ang mga pangako at pangarap na alam kong kailanma'y hindi na matutupad.

avataravatar
Next chapter