1 2012

Malungkot kong pinagmasdan ang mga kaklase ko sa labas ng classroom namin habang naglalaro sila ng habulan.

Hindi kasi ako pwedeng maglaro gaya nila dahil ayaw ni nanay ng mabaho at amoy pawis Sabi pa n'ya dalaga na raw ako kaya dapat hindi ako nakikipagtakbuhan sa mga kaklase ko.

Ewan ko ba 12 palang naman ako pero kung ituring ako ni nanay ay dalaga.

Napabuntong-hininga na lang ako, mukhang napakasaya nila habang naglalaro at tumatalon pababa sa stage, bakit ba kasi hindi ko pwedeng gawin iyon at sila ay pwede naiinggit tuloy ako.

Dahil sa ayaw akong paglaruin ni nanay ay halos wala akong naging kaibigan sa buong paaralan, sabi nila ang boring ko raw, lagi lang daw akong nakaupo at lagi lang daw kwento ang gusto ko kaya ayun wala akong kaibigan.

Sa susunod na mga buwan ay magtatapos na kami ng elementarya pero mukhang wala man lang akong babauning masasayang alaala.

Sasabihin ng iba sa inyo ay bakit ba kasi masyado akong masunurin, ikaw ba naman ang bantay sarado, cook sa canteen ang isa sa ate ko kaya naman talagang nababantayan ako, at kapag sumuway ako? Aba kurot sa singit ang aabutin ko napakasakit no'n kaya ayoko na ulit 'yung maranasan.

Oo ulit. Dangan naman kasi ay minsan na akong sumuway, habang pauwi kami ng noo'y mga kaibigan ko na sina Molly at Lolit ay may nakita kaming mga mapupulang bunga ng sili sa gilid ng daan bumaba kami sa isang private property raw sabi nila at nando'n ang maliit na puno ng sili, tuwang-tuwa kaming nanguha ng sili at sinabi namin na tuwing uwian ay dadaan kami roon para diligan ang munting sili na nakita namin.

Dalawang araw na rin ang lumipas no'n na nakapagpabalik-balik na kami sa private property na iyon, masayang nagdidilig at kwentuhan kami no'n ng dalawang kaibigan ko nang Makita ako ng isa sa ate ko, pag-uwi namin ay isinumbong niya ko at kung anu-ano nang kwento ang naidugtong nila sa pagdidilig ko ng sili na ang naging dulo ay kinurot ako sa singit ni nanay.

Napakasakit no'n na tuwing naaalala ko ay napapangiwi pa rin ako sa sakit.

Mula noon ay pinaiwas na ko ni nanay kina Molly at Lolit at heto mag-isa na lang ako hays.

Nagising ako sa pag-iisip ko nang tawagin ako ng isang kaklase kong lalaki, ito yung kaklase kong mukhang kapre dangan naman kasi ay napakatangkad sumasakit nga ang leeg ko kapag kinakausap ako nito katitingala eh.

"Paturo ako," Ngiti niya sa akin.

Oo nga pala nabanggit ko ba sa inyong matalino ako? Sa ganitong mga pagkakataon lang ako nagkakaroon ng kausap kaya naman laking pasasalamat ko na matalino ako.

Itong kaklase ko na ito ay madalas magpaturo sa akin, hindi naman siya mahirap turuan sa totoo lang ay ang bilis nga niyang turuan, pero ewan ko ba dito araw-araw pa rin kung magpaturo sa akin.

Nang matapos ko siyang turuan ay nakaramdam naman ako ng lungkot dahil gaya ng dati ay aalis na naman siya at maiiwan na naman akong mag-isa.

Ngunit nabigla ako nang umupo siya sa tabi ko at nagsimulang magkwento, tungkol sa aso niya, sa ibon, sa lesson at kung anu-ano pa, pinagmamasdan ko lang s'ya habang nagkukwento s'ya totoo ba to? Mukhang may kaibigan na ulit ako.

Sa hindi inaasahang dahilan ay lagi na kaming magkausap, tinatabihan niya ako madalas tuwing break-time, tapos dadalhan ng yakult at saka cheesecake. Bigay raw 'yun ng mama niya para raw talaga sa'kin.

Hindi ko alam kung bakit siya ganoon sa akin at kung bakit tuwing pupunta ang mama niya sa school ay hinahanap ako lagi, tapos ay titili naman ng "ayieeee" ang mga kaklase namin habang ngiting-ngiti naman ang mama niya.

Sabi nina Molly at Lolit ay crush daw ako ni Momon, iyong matangkad kong kaklase na ang sakit-sakit sa leeg kausap pero hindi ko alam kung ano ang crush kaya tinanong ko si Momon kung totoo bang crush niya ko,

"Momon crush mo ba ko?" Minsang tanong ko sa kanya habang nagkukwentuhan kami nakita ko kung paano biglang natahimik siya at namula nang bahagya.

"Oo crush kita Kaye, ikaw ba crush mo ba ko?" nakita ko sa mga mata niya ang pinaghalong hiya, lungkot at takot.

Ano ba kasi ang ibig sabihin ng crush na iyon? Bakit parang masyado namang sineseryoso ni Momon at bakit parang iiyak na siya na dahil hindi ko siya sinasagot? Dahil sa nakita kong lungkot sa mga mata ni Momon ay tinanguan ko siya at sinabing...

"Oo crush din kita Momon."

nakita ko kung paano ngumiti si Momon noong sinabi ko iyon sa kanya, iyong tipo bang nagliwanag at kuminang ang mga mata niya tapos ay ngumiti siya at nakita ko ang dalawang biloy niya sa magkabilang pisngi, grabe kung ganito pala ang epekto noong crush mo ang isang tao dapat pala maging crush ko na rin sina Molly at Lolit para makita ko rin ang mga biloy nila.

"Lolit! Molly!" Masayang tawag ko sa kanila,

"Lolit crush kita! Ikaw rin Molly!" hinintay ko ang pagngiti nila at paglabas ng kanilang mga biloy pero imbes na biloy ay tawa ang ibinigay nila sa akin.

Ipinaliwanag nila sa akin ang ibig sabihin ng crush, ang crush pala ay ang paghanga sa isang tao kapag maganda o gwapo s'ya o kaya ay kapag masaya ka kapag nakikita mo siya. Sinabi ko rin sa kanila ang nangyari sa amin ni Momon na sinabi ko sa kanyang crush ko rin siya.

Tuwang-tuwa sina Molly at Lolit at sa isang banda ay sinabi nila sa'kin na sana raw ay nagpakipot daw muna ako at hindi ko sinabing crush ko si Momon agad. Tapos ay tinanong pa nila ako kung totoo raw bang crush ko si Momon at gusto ko siyang maging boyfriend.

Doon ako naguluhan dapat ba ay boyfriend agad kapag crush? eh kasi diba ang sabi ay ito ay ang paghanga mo sa mga katangian ng taong iyon, bakit naman boyfriend agad? at saka ang bata-bata ko pa 12 lang kaya ako! Iyong ate ko nga 20 na hindi pa rin siya nagkakaboyfriend eh.

Mula noong nangyari ang pagsasabi ko kay Momon na crush ko siya ay lagi na niya kong dinadalhan ng bulaklak ng gumamela, minsan naman ay santan natutuwa naman ako kasi sinisipsip ko 'yung parang juice dun sa bulaklak ng santan kaya sabi ko sa kanya ay santan na lang lagi ang dadalhin niya.

Lagi na rin kaming sabay na umuwi tapos ay dadaan kami sa manggahan at kukuha ng mga nalaglag na mangga sa lupa. Minsan naman ay aakyat kami sa puno ng bayabas at ilalabas niya ang asin na dala-dala niya tapos ay doon kami kakain.

Sabi nina Molly at Lolit ay boyfriend ko na raw si Momon sabi ko naman ay hindi, crush ko lang siya humahanga ako sa kanya kasi ang tangkad-tangkad niya at ang tangos pa ng ilong pero hindi ko siya boyfriend masyado pa kaming bata para roon.

Minsan ay narinig ko si nanay at si ate na nag-uusap, pinag-uusapan nila 'yung kapitbahay namin na 15 years old ay nagboyfriend pagkatapos ay nabuntis, sabi ni nanay ang landi-landi raw nung batang iyon bakit naman daw kasi ang bata-bata pa ay kumire na ito.

Napaisip tuloy ako, kapag kaya ipinakilala ko si Momon kay nanay bilang crush ko ay magagalit siya at sasabihin niyang makire rin ako?

Isang hapon pagkatapos ng klase ay sabay ulit kaming umuwi ni Momon habang naglalakad kami ay nakita namin ang mumunting puno ng sili noon na dahilan kung bakit ako nakurot sa singit, hindi na siya ngayon munting sili, malaki na siya, agad ko namang hinila palayo roon si Momon nang maalala ko na naman ang sakit ng kurot na 'yon.

Umakyat kami sa puno ng mangga no'n at pinanood ang nagdaraang mga sasakyan nang biglang magsalita si Momon.

"Kaye mahal kita," nilingon ko siya noon at nakita kong nakatitig siya sa'kin.

nginitian ko siya at tiningnan rin sa mga mata.

"Salamat sa pagmamahal mo Momon, salamat," hindi maalis sa ngiti ko noon dahil unang beses na may nagsabi sa akin na mahal niya ako bukod kay nanay.

"Kaye payag ka bang maging girlfriend kita?" buong pag-asang tanong niya sa akin.

Doon naman ako natauhan at bumaba ako sa puno ng mangga na kinaroroonan namin. Girlfriend? Ang bata pa namin. Sinundan naman niya ko sa baba at saka tinanong kung anong problema at kung bakit parang natigilan ako.

"Momon ang bata pa natin, hindi pa tayo pwedeng maging magboyfriend at girlfriend," buong pag-aalalang sabi ko sa kanya.

"Alam ko Kaye pero mahal kita, saka gagraduate na tayo sa susunod na buwan magkakahiwalay na tayo ng school," pagpapaliwanag niya.

"Paano mo nasabing mahal mo ako?" panghahamon ko sa kanya.

"Kasi masaya ako kapag kasama kita, nalulungkot ako kapag wala ka, at hindi ko kayang mabuhay nang wala ka."

"Ha? Bakit naman hindi mo kayang mabuhay na wala ako? Saka 'yung mga sinabi mo sabi nina Molly at Lolit mararamdaman mo rin daw 'yun kapag crush mo ang isang tao, paano mo nalaman na mahal mo ako at hindi crush?" takhang tanong ko sa kanya.

"Eh pareho lang naman 'yon!" naiiling na sagot niya sa akin.

"Hindi pareho 'yon! hindi pa tayo pwedeng magmahal Momon dahil mga bata pa tayo, 12 pa lang tayo hindi pa natin alam 'yang mahal mahal na 'yan." paliwanag ko sa kanya.

"Kaye naman edi ayaw mo pala sa'kin?" malungkot na tanong ni Momon sa akin

"Crush kita Momon pero hindi mahal kasi iba 'yung mahal, 'yung mahal pang matanda na 'yon eh tayo bata pa kaya hindi pa pwede," malungkot kong sagot sa kanya.

Pagkatapos nang nangyaring iyon ay hindi na ko nilapitan pa ni Momon pero madalas ay nahuhuli ko siyang nakatitig sa'kin at pag nakita ko naman siya ay iiwas naman siya ng tingin.

Ilang beses ko siyang sinubukang kausapin pero ni minsan ay hindi na talaga niya ko pinansin, wala nang nagdadala ng yakult,chuckie, chocolait at cheesecake. Pati na rin ang gumamela at santan wala na ring nagdadala para sa akin at doon ko nalaman na malungkot pala kapag wala na si Momon sa tabi ko.

Dumating ang graduation namin pero hanggang huli ay hindi na talaga ako kinausap ni Momon, sana pala sinabi ko na sa kanya ang totoo na Masaya rin ako kapag kasama ko siya at nalulungkot rin ako kapag wala siya at siguro nga tulad niya pagmamahal na rin itong nararamdaman ko para sa kanya.

avataravatar
Next chapter