webnovel

Chapter 1

"Ano ang ibig mong sabihin, Badong?" pigil ang paghingang tanong ni Sarah at naramdam niya ang nagbabadyang pag-agos ng kaniyang luha.

"P-Patay na si Ethan, Sarah," tugon ni Badong at nagsimula na itong umiyak.

Tumigil ang mundo ni Sarah sa narinig mula kay Badong. Ang luha sa kaniyang mga mata ay nagsimula nang umagos. Nanikip ang dibdib niya at pakiramdam niya anumang oras ay mawawalan siya ng malay.

Napailing si Sarah habang patuloy sa paghagulhol ng iyak. Niyakap siya ni Badong at pilit siyang kumawala sa mga bisig nito ngunit hindi siya nagtagumpay dahil mahigpit ang yakap nito. Wala na siyang ibang nagawa kundi humagulhol na lang ng iyak.

Hindi makapaniwala si Sarah na masamang balita ang naghihintay sa kaniya pag-uwi niya sa kanilang bahay. Bago siya umalis ay nakausap pa niya si Ethan at nagpaalam pa siya rito. Kaya pala bago siya umalis ay kakaiba ang ngiti nito. Wala siyang kaalam-alam na iyon na ang huling sandali na makikita niya ang ngiti sa labi nito.

Labis na nagsisisi si Sarah dahil lumisan na lang si Ethan sa mundo ay hindi man lang niya nasabi ang pagmamahal niya rito na matagal na niyang inilihim. Kung kaya lang niyang ibalik ang maraming araw na nasayang ay gagawin niya para masabi ang lihim na pagmamahal niya rito. Kung hindi lang siya pinangunahan ng takot na maaring masira ang pagkakaibigan nila nito, sana ay hindi siya nagsisisi.

"Paniginip lang 'to, Badong. Gusto ko nang gumising." Nagpatuloy si Sarah sa paghagulhol ng iyak at muli niyang tinangkang makawala sa mga bisig ng kaniyang pinsan.

"Dapat mong tanggapin na wala na siya, Sarah."

Tumigil si Sarah sa pag-alis sa mga bisig ni Badong at paghagulhol ng iyak na lang ang nagawa niya. Kahit anong gawin niya, pinamumukha sa kaniya ang reyalidad. Tama ang kaniyang pinsan, hindi iyon panaginip dahil naramdaman niya ang pagkasugat ng kaniyang puso, matinding lungkot at labis na pagsisisi. Lahat iyon ay sabay-sabay niyang naramdaman.

"Magkasama pa kami kanina. Bakit naman ganoon? Ang daya-daya niya dahil ang sabi niya, magkakasama pa kami nang matagal." Napapikit na lang si Sarah nang mahinang tapik-tapikin ni Badong ang kaniyang likod. Hiling niya na sa pamamagitan niyon ay maibsan ang matinding lungkot na nararamdaman niya ngunit tila pakiramdam niya, hindi maghihilom ang sugat sa kaniyang puso.

"Magiging masaya ka rin, Sarah."

Pag-iling ang naging tugon ni Sarah dahil batid niyang kahit kailan ay hindi na siya sasaya. Si Ethan lamang ang pinangarap niyang makasama habambuhay at makasamang bubuo ng masayang pamilya. Ngayong wala na ito, gumuho na ang pangarap niya. Hindi niya alam kung paano siya magsisimula. Kahit hindi niya ito naging nobyo, masaya pa rin siya dahil nakasama niya ito bilang isang kaibigan.

"Inabot na lang ako ng gabi kahihintay rito, Sarah. Puntahan na natin siya."

"Hindi ko kaya, Badong." Naramdaman ni Sarah ang pagkalas ni Badong sa pagkakayakap nito sa kaniya at naramdaman niya ang palad nitong dumampi sa magkabila niyang pisngi. Idinilat niya ang kaniyang mga mata at nakita niya sa mukha nito ang lungkot.

"Kayanin mo Sarah. Sabay tayong lumaki kaya alam kong matapang ka."

Umiling si Sarah dahil hindi niya kayang makitang wala nang buhay si Ethan. Hindi niya alam kung kakayanin din niyang makita itong nasa loob ng ataul. Ang buong akala niya ay matagal pa niya itong makakasama ngunit tuluyan na siya nitong iniwan. Iisipin pa lang niyang mabubuhay siyang wala ito ay napapaluha na siya.

"Tatagan mo ang loob mo. Nandito lang kaming mga kaibigan mo."

Muling napapikit si Sarah nang yakapin siya ni Badong. Bumalik sa kaniyang isipan ang lahat ng masasayang sandali na kasama niya si Ethan. Ni minsan ay hindi sumagi sa kaniyang isipan na matatapos ang lahat ng mga masasayang sandali na kasama niya ito.

Minsan nang nawalan si Sarah ng espesyal na lalaki sa buhay niya at iyon ay ang kaniyang ama. Hindi niya kayang tanggapin na ang isa pang lalaking espesyal sa buhay niya ay mawawala rin. Hindi niya alam kung bakit siya pa ang dapat makaramdam ng matinding lungkot gayon ay hindi naman siya naging masamang tao.

"Tara na, Sarah." Kumalas si Badong sa pagkakayakap nito kay Sarah.

Sandaling tinitigan ni Sarah ang pinsan na si Badong bago siya tumango bilang pagsang-ayon. Batid niyang ang lahat ng mga nangyayari ay may dahilan ngunit hindi niya alam ang dahilan kung bakit kailangang mawala ni Ethan. Kahit na mahirap tanggapin na wala na ito, susubukan pa rin niyang pahilumin ang sugat sanhi ng pagpanaw nito. Malaking katanungan para sa kaniya kung paano niya gagawin ang makalimot dahil naging bahagi ito ng kaniyang buhay.

Hindi magawang ihakbang ni Sarah ang kaniyang mga paa papasok sa pribadong ospital na kinaroroonan ni Ethan. Gusto niyang tumakbo palayo roon dahil hindi pa rin niya matanggap ang katotohanang wala na ito. Pilit pa rin siyang humihiling na isa lang iyong masamang panaginip. Kung magigising man siya ay hindi na siya magdadalawang-isip pang ipagtapat dito ang lihim niyang pagmamahal.

"Sarah?"

Napatakip si Sarah sa kaniyang bibig nang magsimula muli siyang mapahagulhol ng iyak. Malaya niyang pinakawalan ang luha niya sa pagnanais na mabawasan ang bigat sa kaniyang dibdib ngunit kahit anong gawin niya, matinding lungkot ang bumabalot sa kaniyang puso.

"H-Hindi ko talaga kaya, Badong. Uuwi na ako. Baka hinihintay na ako ni Ethan." Akmang ihahakbang ni Sarah ang kaniyang mga paa nang hawakan siya sa braso ni Badong. Tinitigan niya ito at nakita niya sa mukha nito ang labis na awa para sa kaniya.

"Wala ka nang magagawa para mabago ang nangyari, Sarah. Masakit ang katotohanan pero mas masakit kapag pilit kang magbubulag-bulagan kahit alam mo ang totoo."

Naramdaman ni Sarah ang paghawak ni Badong sa kaniyang kamay. Pilit siya nitong inakay papasok sa ospital ngunit wala siyang lakas para sumunod dito.

"Sa tingin mo, magiging payapa kaya siya kapag nakikita ka niyang ganiyan? Alam kong gusto niyang maging masaya ka."

"Paano ako sasaya kung alam kong kahit kailan, hindi ko na makakasama si Ethan?"

"May magagawa ka pa ba para mabuhay siya? Wala na, Sarah. Tanggapin mo na lang na wala na siya."

Hindi nakapagsalita si Sarah dahil sinampal siya ng mga katagang sinabi ni Badong. Natagpuan na lang niya ang sarili na sumusunod sa pinsan habang hawak nito ang kaniyang kamay. Ilang sandali ay huminto sila sa harap ng nakasaradong silid.

"Pumasok ka na lang sa loob, Sarah."

Napapikit si Sarah nang pumasok si Badong sa loob at isara nito ang pinto. Batid niyang sa silid na iyon naroroon ang labi ni Ethan. Hindi niya alam kung tatangkain niyang pumasok doon dahil makikita niya itong wala nang buhay. Tama ang pinsan niyang si Badong, wala na siyang magagawa para mabuhay ito at ang tangi na lang niyang magagawa ay tanggapin na wala na talaga ito.

Dahan-dahang pinihit ni Sarah ang seradura ng pinto at nang tuluyan niya iyong mabuksan ay napatakip siya sa kaniyang bibig dahil sa nakita.