webnovel

Chapter 82

Sumapit ang umaga at napabalikwas ng gising si Elysia. Kasalukuyan siyang nasa malapad na sahig kung saan nilalatagan iyon ng makapal na carpet na nagsilbi nilang higaan. Nasapo niya ang ulo nang sumihi ang sakit roon, naninibago rin siya sa kaniyang paligid, dahil tila napakalinaw ng lahat. Maging ang mga tunog sa paligid niya ay tila luminaw ng sampong beses sa normal niyang naririnig, noon.

Tila nanginginig rin ang buo niyang kalamnan dahil sa sakit at bigat na kaniyang nararamdaman. Napapikit siyang mariin habang pilit na iniinda ang sakit, ngunit hindi pa rin niya maiwasan ang hindi mapa-ung*l dahil rito.

Dahil sa ingay na kaniyang nagagawa, napamulat naman ng mata si Vladimir sa tabi niya. Bumangon ito at nagpalinga-linga, hanggang sa mapabaling ito sa kinaroroonan ng dalaga. 

"Ely, ano'ng nangyayari sa'yo?" kinakabahang tanong ng binata. Bumangon ito at mabilis na dinaluhan ang dalaga. Ngunit sa paglapat ng kamay niya sa braso nito ay agad na binawi ni Vladimir ang kamay dahil sa nakakapaso ang init na nanggagaling sa balat ni Elysia.

"Ely, bakit sobrang init mo, nakakapaso. Ayos ka lang ba." tanong ni Vladimir, ngunit sa halip na tumugon ay biglang natumba si Elysia habang tila may iniindang sakit. Nagulantang naman ang binata dahil hindi niya alam ang kaniyang gagawin, hindi siya makalapit rito at hindi rin niya ito mahawakan dahil sa init ng katawan nito na nakakasunog rin para sa kaniya.

Mabilis na tumayo si Vladimir at agad na ipinatawag si Loreen. Dali-dali namang tumakbo ang kawal na inutusan nito at pagbalik nito ay kasama na nito si Loreen na humahangos.

"Ano'ng nangyari kay Elysia, Vlad?" agap na tanong ni Loreen, umiling naman si Vladimir dahil kahit siya ay hindi niya alam. Mabilis na pumasok si Loreen sa silid at maingat na dinaluhan ang dalaga.

"Mag-ingat ka Auntie, nakakapaso ang balat ni Ely, para nasusunog kanina ang daliri ko nang hawakan ko siya," paalala ni Vladimir.

Marahang iniabot ni Loreen ang kamay patungo sa braso ng dalaga at paglapat ng kamay niya ay wala naman siyang nararamdamang kakaiba rito. Marahan niyang pinahiga ng maayos si Elysia at nakita nilang mariing nakapikit ang dalaga at namumuo ang malalaking butil ng pawis sa noo nito. Tila, hinahabol rin ng dalaga ang kaniyiang paghinga na animo'y mauubusan na ito ng hangin. Sa pagbaling ni Loreen sa dalaga ay doon niya nakita ang dalawang sugat nito sa leeg, sanhi malamang ng kagat ni Vladimir.

"Kinagat mo ba si Elysia kagabi?"

"Kinagat?" Maang na tanong ni Vladimir at malalim na nag-isip. Noon lamang niya naalala ang mga pangyayari kahapon. Binalot siya ng galit at poot at nangibabaw ang halimaw sa pagkatao niya. Hindi niya alam ang ginagawa niya at inatake niya si Elysia kagabi habang wala siya sa kaniyang sarili.

"Kahapon, wala ako sa sarili ko auntie, hindi ko alam kung ano ang nangyari, pero wala akong ginawang iba bukod sa pag-inom ng dugo ni Elysia." nangungunot ang noong sagot ni Vladimir.

"Marahil, dahil ito sa kakaibang dugo ni Elysia. Hindi siya purong tao at marahil nagigising ang isa pa niyang katauhan dahil sa pagkagat na iyon. Nilalabanan ng katauhan niya ang katauhan ng bampirang nais lumukob sa kaniya. Ngayon, dalawang katauhan na ang namamahay sa katawan ni Elysia at dahil iyon sa ginawa mo. Marahil dahil wala ka sa sarili kahapon, hindi sinasadyang nagawa mo ang proseso ng sanguimorphosis— proseso ng pagbabago dulot ng kagat ng bampira. Wala tayong magagawa kun'di ang hintayin na makapagbago siya ng anyo," tugon ni Loreen at nasapo ni Vladimir ang kaniyang noo. Naihilamos niya ang kamay sa mukha dahil sa sobrang pagsisisi. 

"Huwag mong sisihin ang sarili mo, malalampasan rin ito ni Elysia, malakas si Ely kaya magtiwala ka, Vlad." dagdag pa ni Loreen at napatango lang si Vladimir. Gayunpaman, ang makita si Elysia na nahihirapan ay para ring tinutusok ng patalim ang kaniyang dibdib. 

Maya-maya pa ay biglang natigil sa pangingi niga ng katawan ni Elysia, dahan-dahan itong tumayo at tila wala sa sariling napamulat ng mga mata. Doon ay nasilayan nila ang malagintong kulay ng mga mata ni Elysia, animo'y nagliliwanag ito habang may tila pulang kulay na kumikislap sa gilid ng iris nito. Ang balat naman ng dalaga ay naging kasing-linis at kasing-kintab ng alabastro, na parang hindi na bahagi ng mundo ng mga mortal ang dalaga.

Ang mas ikinabigla nila ay ang pagtubo ng mga pakpak ng dalaga. Nang tuluyan na itong bumuka ay doon nila nasilayan ang kakaibang ganda ng pakpak ni Elysia na tila nagpapahiwatig ng matagumpay na pagsasanib ng kaniyang dalawang katauhan. Ang busilak na kulay puting pakpak ng dalaga ay nahahaluan na ng kulay pula at itim sa balahibo nito. Tumingkad rin ang pagkaitim ng buhok ng dalaga ngunit sa bawat pagtama ng liwanag ng sinag ng araw mula sa bintana ay nasisilayan nila ang tila pulang silahis na gumagapang sa mga hibla ng buhok ng dalaga.

Matapos ang pagpapalit-anyo ng dalaga ay bigla naman itong lumupasay at natumba. Sa kabutihang palad ay mabilis itong nasalo ni Vladimir at naalalayan pahiga sa makapal na carpet. Hindi na niya inisip kung mapapaso ba siya o masasaktan ngunit sa pagdampi ng kaniyang balat sa dalaga, ay nawala na ang nakakasunog na init na naramdaman niya kanina.

"Mukhang matagumpay na naghalo ang dalawang katauhan ni Elysia. Vlad, hayaan mo munang makabawi ang katawan niya." Saad ni Loreen

Marahas na bumuntong-hininga si Vladimir at hinaplos ang pisngi ni Elysia. Bakas pa rin ang pagsisisi sa kaniyang mukha, bagaman naroroon din ang saya dahil kahit papaano ay maayos na ang dalaga.

Napatingin naman si Vladimir sa napakagandang pakpak ng dalaga na noo'y unti-unti na ring naglalaho hanggang sa tuluyan na itong mawala. At ang tanging naiwan na lamang ay ang isang balahibo nito.

Ilang oras ding nagpahinga si Elysia at nang muli siyang magising ay natagpuan niya ang sarili na nakahiga na sa komportable nilang higaan ni Vladimir.

Bumangon siya at muling pinakiramdaman ang sarili. Nawala na ang mainit niyang nararamdaman kanina. Hindi na rin nananakit ang katawan niya, partikular sa kaniyang likod. Nawala na rin ang pananakit ng ulo niya subalit naroroon pa rin ang malinaw niyang pandinig na lubha naman niyang pinagtataka. Napansin rin niyang maging ang pang-amoy niya ay tila ba lumakas. Naaamoy kasi niya ang mga pagkaing niluluto sa kusina kahit na malayo ito.

Dahil sa mabangong amoy ay agad naman siyang nakaramdam ng matinding gutom. Inayos lang niya ang sarili, naligo at nagpalit ng damit bago lumabas ng silid. Sa kaniyang paglabas ay nakasalubong naman niya si Vladimir. Pareho pa silang natigilan nang makita ang isa't isa.

"Maayos na ba ang pakiramdam mo?" Halos sabay pa nilang tanong sa isa't isa. Naunang matawa si Vladimir at agad na ikinulong sa kaniyang malalakas na bisig si Elysia.

"Natutuwa ako at maayos ka na. Pinakaba mo ako kanina." Bulong ng binata.

"Ako din naman tinakot mo ako kagabi, ayos ka na ba? Pasensiya ka na at wala man lamg akong nagawa para pagaanin ang nararamdaman mong sakit." Saad ni Elysia at umiling naman si Vladimir.

"Hindi mo ba naaalala ang nangyari sa'yo kanina?" Nagtatakang tanong ni Vladimir sa dalaga. Kumunot ang noo ni Elysia ay maang nanapatingala sa binata.

"Bakit ano ba'ng nangyari, ang natatandaan ko lang, sumaka ang pakiramdam ko, napakasakit ng ulo ko, tapos pati ang katawan ko sumasakit. Tapos nawalan na ako ng malay dahil sa labis na sakit." Sagot ng dalaga.

"Ang mabuti pa ay kumain ka muna, alam kong gutom ka dahil ang huli mong kain ay kahapon pa ng umaga. Elysia, maaari bang sa susunod, kapag nawawala ako sa sarili ko, huwag mo nang uulitin ang ginawa mo kahapon." Pakiusap ni Vladimir na nginitian lamg ni Elysia.

"Kasama sa reaponsibilidad ko ang siguruhing maayos ka. Sa puntong iyan, hindi ako mangangako." Sagot ng dalaga at napipilan naman si Vladimir. Wala na siyang masabi kaya minabuti na niyang dalhin sa kusina si Elysia.

Magkasabay silang kumain at napapangiti lang si Vlad dahil mas naging magana na sa pagkain si Elysia. Marahil ay isa rin ito sa resulta ng pagbabagong anyo niya. Higit na mas marami na siyang kumain kumpara noon.

"Grabe, pakiramdam ko isang linggo akong hindi kumain." Bulalas ni Elysia matapos kumain. Himas-himas niya ang tiyan habang tila tuwang-tuwa.

"Siyanga pala Vlad, maaari mo bang ikuwento ang nangyari kagabi?" Tanong ni Elysia.

Napatingin naman ng seryoso sa kaniya si Vladimir at kalauna'y nagsimula na ring magkuwento. Hindi namab makapaniwala si Elysia sa narinig. Ang buong akala niya ay panaginip lang ang lahat. Pero napatunayan niyang hindi, dahil ang lahat ng isinalaysay sa kaniya ng binata ay tugma sa inaakala niyang panaginip. Maging ang pagpapalit ng anyo niya at pagkakaroon niya ng pakpak.

"Akala ko panaginip lamg ang lahat mg iyon,Vlad. Totoo palang nangyari iyon."

"Hindi ko sinasadya ang gamitan ka ng ritwal, wala rin ako sa sarili ko noon. Hindi ko intensyon na gawin kang katulad ko. Patawad kung mapangunahan ko ang desisyon mo." Paumanhin ni Vladimir at napangiti naman si Elysia.

"Wala kang dapat ihingi ng tawad. Hindi ako galit at hindi ko rin tinuturing na masamng bagay ang maging isang bampira. At isa pa, mukhang ang ginawa mo rin ang siyang naging daan para magising ang isa ko pang pagkatao." Nakangiting tugon ni Elysia.

Next chapter