webnovel

Chapter 80

Dahan-dahan nang nilalamon ng kadiliman ang kalangitan at kasabay noon ang pamilyar na tunog ng angil na nagmumula sa mga chiroptera. Wala nang sinayang na pagkakataon si Elysia, kasama ang mga Yuri ay pianulanan nila ng nag-aapoy na palaso ang mga ito. 

Parang mga kumpol ng mga insekto ang mga ito dahil sa kanilang hindi mabilang na dami. Bukod pa roon, may iilan din na mas malalaki ang katawan at mabilis na nakakailag sa palaso at hindi napupuruhan. Ang iba naman ay dinadagit ang mga kawal at dinadala iyon sa himpapawid bago ibagsak. Kanya-kaniyang kilos naman ang lahat at lahat nang maaabot nilang halimaw ay inaatake nila. Sa kasamaang-palad, may iilan sa kanila ang hindi nakaligtas sa mga atake ng chiroptera, lalo na ang mga nadagit at nahulog mula sa himapapwid. Kung makaligtas man ay hindi na rin nila magawang kumilos dahil sa bali nila sa katawan.

Subalit hindi ito naging rason para huminto sina Elysia, patuloy sila sa kanilang laban at may mga iilan lang na palihim na humahatak sa mga nasaktan sa laban at dinadala sa loob ng tolda. Kung mahaba ang gabi noong nakaraan ay mas naging mahaba pa ang gabi ngayon. Pakiramdam ni Elysia ay hindi nauubos ang mga chiroptera bagkus lalo lamang silang nadadagdagan.

"Prinsesa, masyado silang dumarami, hindi ko alam kung kakayanin natin ang ganito karami." Wika ng isang Yuri na kasama niya sa itaas ng tolda.

"Hindi natin malalaman, kung hindi natin susubukan. Magpatuloy lamang tayo, nababawasan naman natin sila, huwag tayong susuko, hanggat may mga palaso at may buhay pa sa katawan natin, hindi tayo padadaig sa kanila." wika ni Elysia bago pinakawalan ang nag-aapoy niyang palaso. Tumama ito sa chiroptera na papasugod sa kanila at bumagsak ito bago pa man ito makalapit sa kinaroroonan nila. Ngunit nahagip naman nito ang sulo ng apoy na nasa harapan nila na nagsisilbi nilang gatong.

"Nalint*kan na, mahal na prinsesa, wala na tayong apoy." wika ng kasama niyang Yuri.

"Lumipat ka sa kabila, ako na ang bahala sa parteng ito. Doon ka sa may apoy." Utos ni Elysia at muling nilagyan ng palaso ang kaniyang pana. Sa pagkakataong ito, hinayaan niyang maglandas ang apoy sa kaniyang mga kamay patungo sa kaniyang palaso bago ito pinakawalan. 

Nasapol naman niya sa noo ang chiroptera at hindi tulad sa simpleng apoy, na gawa sa sulo, bigla nitong nilamon ang buong katawan ng chiroptera na tila may buhay rin ang apoy na iyon. Nanlalaki ang mga mata ni Elysia dahil iyon ang unang beses niyang magamit iyon sa totoong laban.

"Aba, malaki ang maitutulong nito."Masayang wika ni Elysia at sunod-sunod na pinaulanan ng palaso ang mga kalaban.

Dahil rito, bigla namang nabahala ang mga kalaban at narinig nila ang isang malakas na atungal, sanhi upang umatras ang mga ito. LUmipad ang mga chiroptera palayo sa Targus na tila nababahag ang mga buntoty. Nagsigawan naman ang mga kawal, maging ang mga Yuri dahil sa pagwawagi.

Sa pagtatapos ng laban, dali-daling dinaluhan naman ni Elysia ang mga nasaktan sa laban. Sinuri niya ang mga ito, at napabuga siya ng malalim na hininga nang masigurong buhay pa ang mga ito. May mga sugat at bali lamang ang mga ito at wala sa panganib ang kani-kanilang mga buhay.

Ipinaubaya na niya sa mga sorcerer ang paggagamot sa mga sugatan. Mabuti na lamang at iilan din sa mga kasama nilang Yuri ay maalam sa panggagamot, hindi na naging mahirap sa kanila ang lunasan ang mga sugatan sa gitna ng laban.

Sumapit ang hatinggabi at hindi na muling bumalik ang mga chiroptera, marahil ay hindi nila inaasahan ang abilidad na ipinamalas ni Elysia nang gabing iyon. Samakatuwid, naging dehado sila nang makita nilang kayang lamunin ng apoy ang buong katawan nila kahit maliit na siga lamang ang nasa palaso ng dalaga.

"Alam niyo po ba ang tungkol sa epekto ng apoy ko sa mga chiroptera Lolo Gwirem?" tanong ni Elysia at napailing naman ang matanda.

"Hindi, maging ako ay nabigla sa nangyari. Pero magandang simula iyan Elysia. Malaki ang magiging tulong ng kakayahan mong iyan. NGayon alam na nila na hindi nila basta-basta madadaig ang Targus, paniguradong magiging tahimik ang ating mga gabi sa susunod na araw. Magpahinga ka na, alam kong malaki ang inilaan mong lakas sa abilidad mong iyon. Kailangang makabawi ang katawa mo." Suhestiyon pa ng matanda.

"Sige po Lolo Gwirem. Kayo na po muna ang bahala rito." Sambit ni Elysia bago nilisan ang kinaroroonan ng matanda.

Kinabukasan, nagising si Elysia at narinig niyang tila abala na ang mga tao. Paglabas niya sa munting silid niya ay nakita niyang iginagayak na ng mga ito ang kanilang mga kaanak na ililibing.

Tanghali nang matapos mailibing ang lahat ng nasawi. Nag-alay sila ng mga bulaklak para sa mga nasawi, ang iba ay nagtapon pa ng alak sa tabi ng mga puntod, habang ang iilan naman ay nagsindi ng sulo roon.

Lumipas ang maghapon na tahimik ang buong bayan ng Targus, bilang pagkilala at pagdamay na rin sa pagdadalamhati ng mga naiwan.

Sumapit ang gabi at walang sumalakay na chiroptera sa kanila. Tahimik na nakapagpahinga ang mga kawal habang ang iba ay nananatiling nagbabantay para sa anomang paglusob na magaganap.

"Siguradong maghahanda ang mga iyon, kaya huwag pa rin tayong pakampanti. Kailangan pa rin natin lisanin ang Targus sa lalong madaling panahon." Wika ni Elysia.

Umugong ang bulong-bulongan sa mga tao at napatingin sa kanila.

"Prinsesa, dito na kami nagkaisip at tumanda, kailangan ba talagang lisanin namin ang lugar na ito?" Tanong ng isang matanda.

"Pansamantala lang naman ito, babalik rin naman kayo kapag naging maayos na ang lahat. Ito lamang ang hihilingin ko sa inyo at sana'y paunlakan niyo ito." Yumukod nang bahagya si Elysia habang sinasabi iyon. Nataranta naman ang mga ito at sinabihan si Elysia na umayos ng tayo.

Isa aiyang prinsesa ngunit nagagawa nitong yumukod sa mga tao na parang wala lang. Naantig naman ang puso ng mga tao dahil sa pinakita ni Elysia kaya naman, hindi na sila nagmatigas pa at pumayag na sa suhestiyon ng dalaga.

Wala na silang sinayang na oras, at nagsimula na silang maghanda para sa kanilang magiging paglalakbay kinabukasan. Hindi sila maaaring maglakbay ngayon dahil aabutan sila ng dilim sa daan at may posibilidan na atakihin sila ng mga chiroptera sa daan.

Inaasahan na rin nila na hindi aatake nag mga ito sa gabing iyon kaya magkakaroon sila ng maayos na pahinga. Naging salitan naman ang pagbabantay sa Targus kinagabihan.

Si Elysia naman ay kinausap mula sa kaniyang isipan si Lira na noo'y nasa palasyo at siyang nagiging daanan ng komunikasyon nila ni Vladimir. Malakas ang koneksyon ni Elysia kay Lira kung kaya madali para sa kanila ang makipag-ugnayan sa isa't isa kahit nasa malayo sila.

"Kung gano'n sabihin mo kay Vlad, na bukas ay maglalakbay na kami pabalik sa palasyo, sa bayan nina Raion pansamantala maninirahan ang mga taga-Targus kaya ipahanda mo ang mga nararapat." Utos ni Elysia. Narinig naman ng dalaga ang masiglang pagtugon ni Lira kaya napangiti naman siya.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay nilisan na nila amg Targus, lulan ng mga karawaheng hatak-hatak ng mga kabayo ay mabilis nilang tinahak ang daan pabalik sa palasyo. Bata, matanda,babae at lalaki, walang silang iniwan bukod sa mga nasawi.

Pasapit na ang hapon nang marating nila ang bukana ng sentrong Bayan ng Nordovia. Hanggang sa bayan nina Raion ay sumama si Elysia upang pormal na iwan doon ang mga tao ng Targus. Taos-puso naman silang tinanggap roon ng grupo ni Raion at tinulungang makapagpahinga sa kani-kanilang mga tent.

"Maayos na sila, prinsesa. Kami na nag bahala sa kanila. Ang mabuti pa ay magpahinga na rin kayo. Alam naming napagod ka." Wika ni Raya. Tumango naman si Elysia at maayos na nagpaalam sa kanila.

Pagdating sa palasyo ay mahigpit na yakap ni Vladimir ang sumalubong sa kaniya. Napakabilis lang iyon at tila hangin ang tumangay sa kaniya. Sa muling pagmulata ng mata niya ay nakatayo na sila sa kanilang silid. Magkahugpong ang mga labi na tila sabik na sabik sa isa't isa.

Matapos ang emosyonal nilang halik ay sinuri naman ng binata ang buo niyang katawan.

"Wala ka namang sugat, hindi ba?" Tanong ng binata habang iniisa-isa ang mga parte ng katawan nila. Mula ulo hanggang paa.

Hindi naman alam ni Elysia kung matatawa ba siya o maiinis sa ginagawa ng binata dahil kulang na lang ay hubarin na nito maging ang damit niya.

"Vlad, awat na. Ayos lang ako, wala akong sugat dahil nag-ingat naman ako. Marami akong kasama roon kaya hindi ako nahirapan." Wika ni Elysia habang pigil-pigil ang kamay ng binata.

Napatingin naman si Vladimir sa kaniya at bumuntong-hininga ito. Hinaplos niya ng marahan ang kaniyang buhok bago muli siyang niyakap nang mahigpit.

"Hindi mo alam kung gaano ako nag-alala sa'yo. Pero salamat at bumalik ka ng ligtas. Salamat at tinupad mo ang pangako mo."

Napangiti lang si Elysia lalo pa nang muli na niyang masilayan ang pamilyar nitong mga mata.

Next chapter