webnovel

Chapter 41

Hindi naman malaman ni Ruka kung sasagutin ba niya ang tanong ni Elysia o mananahimik siya tulad ng dati.

"Bakit ba gusto niyong malaman, wala namang kakaiba doon sa libro. Normal lang naman na libro 'yon," kaila ni Ruka, ngunit kapansin-pansin ang pagiging iwas nito sa dalaga. 

"Ruka, hindi ako pinanganak kahapon. Alam kong isa kang mabuting bata at hindi ka marunong magsinungaling. Nahahalata sa bawat galaw at bawat kibot ng mga labi mo, kaya kung ako sa'yo, magsabi ka na ng totoo," gigil na wika ni Kael habang kinukuwelyuhan si Ruka. Nanlalaki naman ang mga mata ni Ruka dahil sa biglaang galaw ni Kael. Taliwas rin sa mga salita nito ang kilos nito na nagbigay ng matinding takot sa binata.

"Ano bang nais niyong malaman? At bakit ka ba nananakit?" singhal ni Ruka at napangisi naman si Kael. Iniangat nito ang kamay at dahan-dahang itinapat ito sa noo ng binata. Walang ano-ano'y mabilis niyang pinitik ang noo nito na nagpahiyaw naman kay Ruka. Bumagsak sa lupa si Ruka habang hawak-hawak ang nasaktan noo. Alam niyang pitik lamang iyon, ngunit ang sakit na naramdaman niya ay higit sa sampong beses ang sakit.

"Sinasayang mo ang oras namin," inis na tugon ni Kael at pinagpag ang kamay sa gilid ng suot nitong damit.

"Ruka, hindi kami masamang tao at wala rin kaming balak na saktan kayo o si Esme. Ang pakay lang namin ang libro. Malay mo makatulong kami sa inyo." Saad ni Elysia at doon lamang ulit napatahimik si Ruka. Tumingala ito sa dalaga at tila may kung anong hinahanap sa mukha nito.

"Kung kaya niyong ilayo ang librong iyon kay Esme, sige, sasabihin ko sa inyo. Pero, ipangako niyo, hindi niyo sasaktan si Esme. " Paglilinaw naman ng binata.

Mabilis na sumang-ayon si Elysia kaya naman, maagap ding tumayo ang binata at pinatuloy sila sa mansiyon.

Higit iyong mas malaki sa malapitan. Hindi man ito kasing laki ng isang palasyo ay mas malaki pa rin ito sa mga normal na bahay na nakatayo sa bayan ng Targus.

Gawa sa bato ang buong paligid at ang mga bintana naman ay gawa sa bubog. Dahil sa kalumaan, kapansin-pansin na may mga parteng mayro'n ng sira. Kupas na rin ang kulay ng dingding at ang bubong ay halos tubuan na ng mga damo, may mga halamang gumagapang na rin sa bawat parte ng dingding ng mismong bahay. Ngunit hindi ito nakabawas sa kagandahan ng bahay, bagkus nakadagdag pa nga ito sa kariktan ng lugar.

Pagpasok nila sa tarangkahan ay agad namang sumalubong ang kaninang tatlong batang babae sa kanila. Natatayang nasa sampo o mahigit na ang mga ito. Pare-parehong may mga bitbit ang mga ito na lumang manika. Bagama't may kalumaan, nananatiling malinis at maayos ang mga ito.

"Nasa loob ba ang Ate Esme niyo?" Tanong ni Ruka at nagkatinginan pa ang tatlo.

"Nasa loob, Kuya Ruka."

"Nasa bodega, kanina pa."

"Sabi niya, huwag ka daw pupunta roon."

Sunod-sunod na wika ng tatlo. Napakamot naman ng ulo si Ruka at agad na nagtangis ang bagang nito.

Nagmartsa ito patungo sa bodega at walang imik namang sumunod si Elysia at Kael sa binata.

Nang makarating sila sa bodega ay pabalibag namang binuksan ni Ruka ang pinto nito. Malalaki ang mga hakbang nito papasok at walang kaabog-abog na hinaklit ni Ruka ang braso ni Esme palayo sa librong tila dinadasalan nito.

Sa paghatak na iyon ni Rula ay tila may malakas na pwersa ang naputol. Maging si Kael ay nagulat nang makita ang mukha ni Esme bago pa man ito nahaklit ni Ruka. Namumuti ang mga mata nito at halos mamutla na rin ang babae.

"Naramdaman mo ba 'yon?" Tanong ni Elysia, ang mga mata nita ay nakatuon pa rin sa libro.

"Oo at hindi maganda ang pakiramdam ko rito." Tugon ni Kael

"Esme? Esme!" Pukaw ni Ruka sa dalaga. Ilang minuto rin bago ito mahismasmasan ng tuluyan. Nang manumbalik ang normal na kulay ng mga mata nito at balat at maang naman itong napatingin kay Ruka at napabaling kay Elysia at Kael ang atensyon nito.

"Ruka, bakit... Bakit ka narito at bakit mo sila kasama?" Nagtatakang tanong ni Esme. Umayos ito at marahang tumayo.

Agad na dinampot ng dalaga ang libro ngunit mas mabilis si Kael. Bago pa man dumampi ang kamay niya rito ay nakuha na iyon ni Kael. Agad naman nitong ibinigay ay Elysia.

"Saan mo nakuha ang librong ito Esme?" Mahinahong tanong ni Elysia habang binubuklat ang libro.

"Sabihin mo na ang totoo Esme. Sabi ko naman sa'yo, walang magandang dulot ang librong yan." Pagalit na singhal ni Ruka, tila nauubusan na naman ito ng pasensiya.

"Pero, Ruka. Malapit na ako. Nanghihingi na lang ng alay. Magagawa ko nang buhayin ang mga magulang natin." Natatarantang wika ni Esme.

"Matagal na silang wala Esme. Bata pa lang tayo, hindi na kailanman mabubuhay ang ating mga magulang." Galit na wika ni Ruka.

Tila doon naman naintindihan ni Elysia ang lahat. Base sa kanilang naririnig, binabalak ni Esme na buhayin ang mga magulang nila gamit ang libro. Muling tinitigan ni Elysia ang libro at napapakunot ang noo niya dahil simpleng libro lamang ito sa kaniyang paningin.

"Mukhang nababalutan ng isang mahika ang aklat na ito Kael, kailangan madala natin ito kay Loreen." Saad ni Elysia at agad na itinago ang libro sa dala niyang bag.

Wala nang nagawa si Esme nang harangan siya ni Kael at hindi na nakalapit pa kay Elysia.

"Hayaan mo na ang libro sa kanila Esme. Mas maigi 'yan dahil malalayo kabsa panganib. Hindi mo alam ang tinatahak mo. Tao ka lang, wala kang kapangyarihan para kontrolin kung ano man ang mangyayari pagkatapos." Sermon ni Ruka.

"Tama ang kapatid mo Esme, sa ngayon, mananatili sa pangangalaga ko ang libro habang hindi pa natin alam kung ano ba talaga ito. Pero malakas ang kutob ko na hindi mabuti ang napapaloob rito kundi kampon ng dilim. Ang mga namayapa na, ay hindi kailanman babalik sa atin. Kailangan mo 'yong tanggapin at mamuhay na lang ng matiwasay dito kasama ni Ruka." Paglilinaw ni Elysia at doon na napahikbi si Esme.

"Gusto ko lang namang makasama ang mga magulang ko. Nais ko lang sana silang maka-usap kahit sandali at masabi sa kanila na maayos na kami. Iyon lang nan ang nais ko at sabi ng matanda kayang ibigay ng librong yan ang kahilingan ko. Kung susundin ko lamang ang lahat ng utos nito." Umiiyak pa rin wika ni Esme. Madilim pa rin ang mukha ni Ruka habang nakikinig.

"Bata pa lang tayo, ganyan ka na. Hindi ka nakikinig. Lahat ng sinasabi ko sa'yo, iniisip mo na kalaban ako. Kailan ba kita kinakalaban. Hindi ba't kapag may mga maling desisyon kang ginagawa?" Giit ng binata at napipilan naman si Esme.

"Huwag na kayong mag-away. Bukas babalik kami rito para ibalita sa inyo ang matutuklasan namin sa libro. Sa ngayon Ruka, pagpahingahin mo muna ang kapatid mo." Suhestiyon ni Elysia.

Matapos makitang pumasok na sa bahay ang dalawa ay nilisan naman ni Elysia at Kael ang lugar. Dali-dali nilang tinahak ang daan pabalik sa palasyo.

Next chapter