webnovel

Chapter 29

Mula sa palapulsuhan ni Elysia ay nakita niya ang masaganang dugong dumadaloy roon. Nandilim ang mukha ni Vladimir nang makita iyon, halos yumanig ang lupa sa galit na galit niyang sigaw. Nagliparan mula sa kanilang kinaroroonan ang mga ibong payapang nanunuluyan doon. Mabilis na binuhat ni Vladimir ang nanlalamig na katawan ni Elysia matapos nitong talian ang malalim na sugat ng dalaga roon.

Halos mataranta naman si Loreen nang makitang ipasok ni Vladimir ang dalagasa kuwarto. Paglapag sa higaan ay agad na lumupaypay ang katawan ng dalaga. Bakas sa balat nito ang pamumutla, bumakat rin sa maputi nitong balat ang marka ng pagkakatali sa binti at kamay nito.

Dali-dali niyang sinuri ang dalaga at halos mapasinghap siya sa nalaman.

"Ang daming dugo ang nawala sa kaniya, at malalim ang sugat sa palapulsuhan niya. Pero duda akong ito ang dahilan ng pagkawala ng dugo niya kamahalan. Tingnan mo ito." Inangat ni Loreen ang kamay ng dalaga at may itinuro itong tusok sa bandang braso ni Elysia.

"Halughugin ang palasyo, iharap sa akin lahat ng kahina-hinalang nilalang, Loreen, maagapan mo ba ang pagkawala ng dugo niya?" utos ni Vlad bago hinarap si Loreen.

"Gagawin ko ang lahat, kamahalan. Ako na po ang bahala kay Elysia, malakas ang kutob ko na may kinalaman rito ang tiyahin niya. Naaamoy ko ang amoy ni Elena sa balat ni Elysia." saad ni Loreen at napatango naman si Vladimir.

Makahulugang tingin ang ibinato ni Vladimir kay Alastair na agad namang naintindihan ng huli. Mabilis na naglaho si Alastair sa loob ng silid. Humugot naman ng malalim na hininga si Vlad bago hinarap ang walan malay na si Elysia. Ginagap niya ang kamay nito at ramdam niya ang kakaibang lamig ng kamay ng dalaga, taliwas sa natural na pagiging mainit nito.

Saglit lang siyang nalingat at hindi pumasok sa isip niya na kahit sa loob ng palasyo niya ay may makakapasok na kalaban.

Mukhang mas nagiging desperado na ang kalaban niya. Ilang oras ding nilapatan ng lunas ni Loreen si Elysia at hindi siya tumigil hanggang sa tuluyan nang manumbalik ang init ng katawan nito at ang natural nitong kulay.

Nakahinga naman ng maluwag si Vladimir nang makitang maayos na ang kalagayan ni Elysia. Mayamaya pa ay nagmulat na rin ito ng mata.

***

Sa muling pagamulat ng mata ni Elysia ay nakita niyang nakatungo sa kaniyang tabi si Vladimir. Nakaupo ito sa isang upuan, nakahawak sa kamay niya. Saglit niyang pinakiramdaman ang sarili at naramdaman niya ang pagkirot ng kaniyang ulo.

Sinubukan niyang igalaw ang kaniyang kamay at doon na napamulat ng mata ang binata.

"Elysia, gising ka na. Kumusta ang pakiramdam mo? May masakit ba sa'yo?" tanong ni Vladimir at bahagyang napangiti si Elysia.

"Ma-masakit ang ulo ko. Ano'ng nangyari sa akin?" tanong niya at doon naman ipinaliwanag ni Vladimir ang sitwasyon niya nang makita siya ng mga ito.

"Naaalala ko, may matandang babae akong naririnig, kausap niya si Tiya Elena. Sabi niya, kukuha lang daw siya ng dugo ko. Ano ba'ng gagawin nila sa dugo ko?" tanong ni Elysia na labis na nagtataka na.

"Marahil ay isa iyon sa alagad ni Vincent." tugon naman ni Vlad at muling pinisil ang kamay ng dalaga.

"Gumamit siya ng mahika upang lansiin ang mga tauhan ko. Biglang nawala ang amoy mo sa buong palasyo kaya nahirapan kaming hanapin ka. Nang muli kitang maamoy, nahanap kita sa bodega at wala ka ng malay at nanghihina. Patawad Elysia kung dinanas mo pa ang maghirap ng ganito. Naging pabaya ako." Malungkot na wika ng binata. Mapait na ngumiti naman si Elysia at inangat ang kamay upang haplusin ang mukha nii Vladimir.

"Wala kang kasalanan. Hindi mo anman ako sinukuan, ang mahalaga nailigtas mo pa rin ako. Kaunting dugo lang naman ang kinuha nila, hindi ba?" nangingiti pang tugon ni Elysia at muling nagbuga ng malalim na hininga si Vlad.

"Muntik ka nang mawala sa akin Elysia, dahil sa kaunting dugo na sinasabi mo. Napakaputla mo at malamig na rin ang katawan mo. Akala ko ay mawawala ka na sa akin. Mabuti na lamang at naagapan ka ni Loreen." paliwanag ni Vlad. Kitang-kita niya sa mukha ng binata ang matinding pag-aalala.

"Kaunting pahinga lang ito, huwag ka ng mag-alala pa. Bukas magiging maayos din ako." wika naman ni Elysia uapang kahit papaano ay maibsan ang pag-aalala ng binata. Sa paglalim ng gabi ay muli nang nakatulog si Elysia. Sa pagakakataong iyon ay nagkaroon ng masamang panaginip si Elysia.

Sa panaginip niya ay nasa isang madilim siyang lugar at tulad ng nangyari sa kaniya, nakatali rin ang mga kamay at paa niya. Wala siyang makita at wala rin siyang marinig naa kahit ano. Purong kadiliman lamang hanggang sa isang malamig na kamay ang naramdaman niyang humawak sa kaniyang katawan. Pilit na inaalis ang kaniyang saplot at naramdaman na lamang niya ang talim ng isang punyal na tila pumupunit sa kaniyang balat sa bandang dibdib niya.

Napasigaw siya dahil sa sakit at sa labis na takot. Kakaibang kilabot ang hatid ng panaginip na iyon dahil lahat ng nararamdaman niya ay tila ba totoo. Maging ang pagsaksak ng punyal sa dibdib niya at pagbukas nito, nang maramdaman niya ang kamay ng isang nilalang na tila dinudukot ang puso niya ay doon na siya napabalikwas.

Pawis na pawis at hingal na hingal siya sa kaniyang paggising. Palinga-linga siya sa paligid at napagtanto niyang nasa loob pa rin siya ng kaniyang silid. Wala roon si Vlad at napakatahimik ng kaniyang paligid. Nakakabingi ang katahimikan na labis namang nagpatindi ng kaba sa kaniyang dibdib. Dali-dali siyang bumangon, kahit nanghihina ay pinilit niyang maglakad upang makalayo roon. Isang lugar lang ang nais niyang puntahan at 'yon ay ang bulwagan ng trono ni Vlad kung saan naroroon ito.

Ngunit sa kaniyang pagdating sa lugar ay wala rin ito roon. Nanlalabo na ang mga mata niya at habol-habol na rin niya ang kaniyang hininga. Dahan-dahan, tinungo niya ang trono at naupo roon. isinandal niya ang kaniyang katawan sa malambot na sandalan at bahagyang kumalma ang sarili niya nang maamoy ang pamilyar na amoy ni Vlad na naiwan sa upuan nito. Unti-unti siyang huminahon at napapapikit na rin ng mga mata hanggang sa tuluyan na nga siyang makatulog.

Paggising niya kinabukasan, ang mainit na katawan ni Vlad ang bumungad sa kaniya. Nakayapos ito sa kaniya habang ang ulo niya ay nakapaunan sa braso nito. Nasa higaan na ulit siya at wala na sa trono ng binata. Nagtataka naman siya at pilit na inalala ang mga nangyari kagabi.

"Panaginip lang ba 'yon? Alam ko lumabas ako." nagtataka niyang wika sa kaniyang sarili.

"Vlad," tawag niya sa binata habang marahang tinatapik ang pisngi nito. Nagmulat naman ng mata ang binata. Tila nagtataka itong nakatitig sa dalaga. Ni hindi nito alintana na halos magkadikit na ang mga mukha nilang dalawa.

"Hindi kasi ako makagalaw, puwede bang pakawalan mo muna ako." Mahinang utos niya at tila doon lang din napagtanto ng binata ang posisyon nilang dalawa.

Marahan naman niyang pinakawalan ang dalaga at tinulungan itong bumangon.

"Sumakit ba ang katawan mo?" nag-aalalang tanong Vlad. Saglit namang pinakiramdaman ni Elysia ang katawan at hindi naman nananakit iyon. Sa katunayan nga ay nawala na ang kahapon pananakit ng mga braso niya maging ng mga binti niya.

Maayos na rin ang pakiramdam niya at hindi na rin mabigat ang ulo niya katulad kahapon.

"Hindi naman, maayos na ako." masiglang tugon ni Elysia.

"Mabuti naman, kagabi naabutan kita sa bulwagan, ano ba'ng nangyari at bakit ka naroroon?" tanong ng binata at nanlaki ang mata ni Elysia.

"Ibig sabihin totoo ngang lumabas ako. Akala ko panaginip lang din iyon. Naatakot kasi ako kagabi, nagising ako dahil sa masamang panaginip, tapos wala ka sa silid kaya pinuntahan kita sa trono mo. Pero wala ka rin doon, ang kaso nanghina na ako kaya naupo ako sa trono mo at hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako," salaysay ni Elysia at napatango naman si Vladimir.

"Ganoon ba, may inayos pa kasi akong mahalaga kaya wala ako saa trono ko. Sa susunod, huwag ka ng lalabas ng silid na ito lalo kapag gabi na. Mas ligtas ka rito, hanggang ngayon ay hindi ko pa natutunton ang dumukot sa'yo. Pakiwari ko ay nakaalis na ito bago pa man kami dumating sa lugar na iyon. Bukod pa roon, may natatandaan ka pa bang palatandaan sa kaniya?"

"Nakapiring ako at wala akong makita, bukod sa boses matanda niya ang tanging natatandaan ko lang ay ang amoy niya." Saad ni Elysia. Bahagya pa itong napaisip at pilit na inaalala kung anong klaseng amoy ang naamoy niya sa matanda.

"Tama, kaamoy niya ang isang klase ng bulaklak na madalas nakalatag doon sa harapan. Iyong nilalagay sa malalaking vase sa harapan ng pintuan ng palasyo Vlad. Hindi kaya isa sa mga nagtatrabaho sayo ang matandang iyon?" Tanong ni Elysia.

"Matanda? Wala tayong matandang tagasilbi sa palasyo. May dalawang posibilidad, nagbabalat kayo siya bilang isang dalaga o 'di kaya naman ay binago niya ang boses niya para lansihin ka." Saad naman ni Vladimir at napatango naman si Elysia.

Mahirap kalaban ang mga nilalang na may kakayahang manlinlang at itago ang kanilang pagkakakilanlan sa kanila. Nakakatakot ang mga ito dahil hindi mo alam kung sino at kung kailan sila aatake sa'yo.

Next chapter