webnovel

Chapter 10

Lumipas ang ilang araw at tuluyan na ngang naging maayos ang kalagayan ni Elysia. Ngayong araw nga ay naisipan niyang maglakad-lakad naman sa labas ng palasyo kasama si Loreen, habang nakasunod naman sa 'di kalayuan sa kanila si Alastair na may bitbit na itim na payong na nagsisilbi nitong lilim sa mainit na sikat ng araw.

Sa kanilang paglalakad ay nakaabot na sila sa bayan. Agad na nagislap ang mga mata ni Elysia nang makita ang makukulay at masiglang tanawin doon. Hindi ito katulad ng bayang kaniyang pinagmulan na animo'y laging bilang ang mga galaw ng tao.

"Napakaganda naman dito Loreen, lagi bang ganito sa bayan?" Tanong ni Elysia. Masayang tumango naman si Loreen at buong pagmamalaking ibinida ang kanilang bayan.

"Oo naman, maliit lang ang bayan na ito ngunit masasabi kong isa itong mayamang bayan, mayaman sa kaligayahan at sagana sa lahat ng pangangailangan." saad ni Loreen. Natahimik naman si Elysia at muling inilibot ang paningin.

"Posible pala ang ganito, ang buong akala ko ay buong panahon nang matatakot sa mga bampira ang mundo natin. Sa bayang pinagmulan ko, walang araw na hindi kami natatakot, kahit sa umaga. Pero higit kaming takot sa pagsapit ng dilim," may bahid ng kalungkutan ang tinig ni Elysia nang sabihin iyon.

"Posible, hangga't nabubuhay si Haring Vladimir, mananatiling tahimik, masaya at payapa ng buhay ng mga taong nasasakupan niya," tugon naman ni Loreen.

"Alastair, maaarin ba tayong bumalik saglit sa bayang pinagmulan ko?" Tanong ni Elysia nang lingunin niya ang lalaking nakatayo sa likuran nila. Saglit itong nag-isip at agad din namang tumango nang may maalala ito.

"Nabanggit na sa akin ni Vlad ang tungkol dito, oo naman maaari, kasama mo naman kmi ni Loreen." tugong nito at saglit na umalis sa kanilang kinaroroonan. Tinungo ni Alastair ang isang lalaki kung saan may nakikita silang mga kabayong naroroon.

Pagbalik ng lalaki sa kanila ay may bitbit na itong dalawang kabayo kung saan ay ibinigay nito ang isa kay Loreen.

"Sasakay ka kasama ni Loreen. Isuot mo ang balabal na ito at ikubli ang iyong mukha. Nang sa gayon ay hindi tayo agad matunugan ng mga espiya ni Vincent." Utos ng lalaki na agad namang sinunod ni Elysia.

Si loreen ang kumuha ng balabal at ito na rin ang nagbalot sa ulo ni Elysia. Matapos ay sumampa na sila sa likod ng kabayo at nagsimula nang maglakbay.

Mahigit isang oras din ang tinakbo ng kabayo nila hanggang sa marating nila ang bayang kaniyang kinalakihan. Inilibot niya ang kaniyang mata sa pamilyar na lugar at mapait na napangiti. Bumaba na sila sa kabayo at itinali iyon ni Alastair sa isang puno. Habang naglalakad sila sa lugar ay napakuwento naman si Elysia kay Loreen sa kung ano ang naging buhay niya sa bayang iyon.

Wala naman talaga sa kaniya ang mga hirap na dinanas niya, ngunit sa tuwing binabalikan niya iyon sa alaala niya ay hindi niya maiwasan ang hindi malungkot dahil sa lahat ng iyon ay hindi niya kailanman naramdaman na may pamilya siya. 

"Huwag ka ng malungkot, wala ka mang naging pamilya rito, may pamilya ka namang babalikan sa palasyo." wika pa ni Loreen at napangiti na si Elysia. Ang ngiti niya ay may bahid na ng kasiyahan. Ramdam kasi ng dalaga ang init ng pag-aaruga ni Loreen sa kaniya. Tila ba si Loreen ang naging pangalawang ina niya sa palasyo ni Vladimir.

Nasa bayan sila at agad nilang napansin ang tahimik na lugar, nagmamadali ang mga taong bumili at nagmamadali ring makabalik sa kani-kanilang mga bahay. Ramdam nila ang tensiyon na noo'y nakasanayan na si Elysia. Napapakunot na lamang ang noo ni Loreen dahil hindi ganito ang kaniyang kinamulatang sitwasyon.

"Napakalayo nito sa bayan doon sa palasyo ni Vlad. Takot ang mga tao, ngunit narito rin yata ang mga taong mapagmataas. Hindi ko alam kung dulot ba iyon ng takot nila o sadyang masasama lang talaga siya." Mahinang natatawa na lang si Elysia, bakas ang sakasmo sa boses ng dalaga, habang nahihimigan naman ni Loreen ang matinding poot sa boses ni Elysia.

Habang naglilibot sila ay hindi inaasahang makasalubong nila si Alicia, ang anak na dalaga ng kaniyang tiyahing si Elena. Nanlaki ang mga mata nito habang hindi makapaniwalang nakatingin sa dalaga. Maging si Elysia ay nagulat, kitang-kita niya ang pagkabigla sa mukha ng pinsan.

"Elysia, ikaw ba 'yan?" gulat na tanong nito, mabilis nitong ginagap ang kamay ni Elysia at pinisil. Ramdam ni Elysia ang sakit sa ginawa nito ngunit hindi siya kumibo. Buong tapang niyang hinarap ang pinsan at nginitian ito.

"Oo, nagulat ka bang buhay pa ako?" makahulugang tanong ni Elysia at napangisi namang si Alicia. Agad namang lumipat ang mga mata niya kay Loreen na noo'y nakatayo lang nang tahimik sa gilid ni Elysia at kay Alastair na nasa likuran naman nila.

"Sino naman sila, Elysia? May ilang linggo ka na rin palang wala sa bahay, alam mo bang hirap na hirap na kami, dahil wala nang nag-iigib ng tubig ngayon, pati mga gawaing bahay. Lahat ng 'yon kami na ang gumagawa, si Mama naman walang tigil sa kapuputak ng bunganga. Kamusta ka na, nakakagulat naman, kasi ang buong akala ko ay wala ka na. Paanong buhay ka pa?" sunod-sunod na tanong nito matapos ireklamo ang naging buhay nilasa bahay nang wala na si Elysia. Ngunit habang nagsasalita ay palihim siyang napasulyap kay Alastair at kiyemeng ngumiti.

Nagkibit-balikat lang naman si Elysia at nagpatianod na nang hatakin ni Alicia. Hindi naman kalayuan ang bahay nila sa bayan. Ilang lakaran lamang ay narating na nila ang bahay na minsan tinirhan niya. Dalawang palapag ang bahay na iyon na gawa sa bato. Bahay talaga iyon ng kaniyang mga magulang, ngunit nang mawala ang mga ito ay bigla naman dumating ang mag-anak nina Alicia at walang pag-aatubiling tinirhan ang bahay nila. Siya naman ay itinapon nila doon sa bahay ng manukan na dati-rati ay bahay lamang ng mga alagang hayop nila.

Dahil bata pa ay walang nagawa si Elysia kun'di ang magpakumbaba. Pinasadahan niya ng tingin ang bahay na iyon at malungkot na napabuntong-hininga. Hindi na pumasok si ELysia at nagpaiwan na lamang sa labas, si Alicia naman ay tuloy-tuloy na pumasok habang tinatawag ang kaniyang ina.

Nang muling bumukas ang pinto ay bumungad na sa kaniya ang mukha ng kaniyang tiyahin na tadtad pa ng kolorete. Animo'y may pinuntahan ito dahil nakaayos maging ang pananamit nito. 

"Tiya Elena, narito ako para kunin ang mga iniwan ng aking mga magulan. Sana hindi mo pa nakakalimutan ang pangako mong iyon." wika niya at tila doon lamang nahimasmasan ang ginang. Isang malakas na sampal ang gumulantang sa kanila na ikinasigaw naman ni Loreen. 

"Buhay ka pa palang maldita ka! Kaya pala gabi-gabi pa rin kaming iniistorbo ng mga nilalang na iyon." Galit na galit na singhal ni Elena, ni hindi nito napansin ang dalawang kasama ni Elysia, huli na nang mapansin niya ito dahil isang malakas na sampal din ang sumalubong sa kaniya.

Akmang susugod na si Loreen nguni mabilis itong napigilan ni Elysia.

"Oo buhay ako, bakit, akala mo ba mabilis lang akong mamamat*y nang gano'n? Uulitin ko narito ako para sa mga bagay na iniwan sa akin ng aking mga magulang at ibibigay mo ito sa akin kung ayaw mong magkagulo tayo." galit na wika ni Elysia na labis naman ikinabigla ng ginang. Ni sa hinagap ay hindi niya lubos maisip na darating ang araw na sasagutin siya nang gano'n ni Elysia.

"Wala na, lahat ng iyon ay wala na. sinunog ko na matapos kang kunin ng mga bampira. Sino ba ang mag-aakalang mabubuhay ka sa kabila ng pagiging alay mo, walang alay ang nabuhay kahit noon." tarantang wika ni Elena. Ang totoo ay maraming bagay ang iniwan ang mga magulang ni Elysia, kabilang na ang mga ginto at pilak na naipon ng mag-asawa sa pagiging manunugis ng mga ito.

Lahat naman ng mga walang silbing gamit na hindi maipagpapalit sa pera ay itinago niya sa maliit na bodega ng bahay.

"Imposible, alam kong maraming iniwan sa akin si Inay at Itay, mga libro, mga sulat at litrato. Lahat 'yon kailangan ko," parang maiiyak na wika ng dalaga.

"Ang sabi ko wala nang lahat. Itinapon ko na." giit ng ginang ngunit ayaw padaig ng dalaga. Nagpumilit siyang pumasok sa bahay ngunit hinarang lang siya ni Alicia at kapatid nitong lalaki.

Napakagat-labi naman si Elysia at napalingon kay Alastair. Nagtutubig na ang kaniyang mga mata ngunit pilit niyang pinipigilan ang sarili na hindi maiyak.

"Kahit anong ipag-utos mo ay susundin ko. Bilin ni Vlad na tulungan ka sa kahit anong nais mo," nakangiting tugon ni Alastair.

"Kung gano'n, pigilan mo sila. Kukunin ko ang dapat na para sa akin. Wala akong pakialam kung paano mo gagawin, basta kailangan kong makapasok." wika ni Elysia at napangisi naman si Alastair.

Sa isang iglap ay mabilis itong naglaho at nang sa pagkurap ni Elysia ay nakita na niya ang tatlo na pare-pareho nakadapa sa lupa, sa ilalim ng mga paa ni Alastair. Rinig na rinig pa niya ang pag-iyak ni Alicia na nagmamakaawang pakawalan sila.

"Elysia, sabihan mo itong kasama mo na pakawalan kami, wala kang utang na loob, bumalik ka rito." Sigaw ni Elena ngunit nagtuloy-tuloy na siya sa pagpasok sa bahay.

Next chapter