webnovel

Chapter 5

"Chiroptera, ano po 'yon?" Nagtatakang tanong ni Elysia.

"Mabababang uri ng bampira, malahalimaw ang kanilang wangis. Para silang malalaking paniki ngunit mababangis. Kahit mababang uri ay higit pa rin silang malalakas kaysa sa ating mga tao. Dugo rin ang pangunahin nilang pagkain at malimit mo silang makikita sa gabi para manghagilap ng mabibiktimang tao. Kaya nilang lumipad nang malayo para lang makapangbiktima. Hindi rin sila basta-basta namamatay, at ang tanging makapapatay sa kanila ay pilak na patalim o di kaya ay ang pagpugot sa kanilang mga ulo at apoy." Paliwanag ng matanda.

"Handa ka bang tuparin ang tungkulin mo Elysia? Nasa propesiya na isang anak ng manunugis ang siyang magiging kabiyak ng isang bampira at siyang magiging tulay sa pagkaubos ng lahi nila." Dagdag na saad ng matanda.

"Hindi ba't isa ring bampira si Vlad? Paano kayo nakasisiguro na kakampi natin siya?" tanong niya at makahulugang ngumiti ang matanda.

"Minsan na din naming pinagdudahan si Haring Vladimir, pero isa lang ang masisiguro ko kakampi natin siya laban sa kaniyang angkan. Hindi ko na idi-detalye ang dahilan sapagkat mas mainam kung sa hari ito mismo manggagaling. Wala akong karapatang pangunahan iyon Elysia, maintindihan mo sana." Wika ng matanda at napatango naman siya bilang tugon.

Sa isang kubo sila dinala ng matanda at ayon dito ay iyon ang kanilang magiging pahingahan sa lugar na iyon. Maliit ang kubong iyon ay may iisang silid lamang ito, napatingin naman si Elysia sa binata habang abala naman ito sa pagpapalinga-linga sa kabuuan ng kubo.

"Isang linggo tayong mananatili sa lugar na ito hanggang sa matutunan mo ang alituntunin para maging isang manunugis, sa palasyo mo na ipagpapatuloy ang mga susunod na pagsasanay mo. Sa ngayon kailangan mo munang matutunan ang mga pangunahing depensa at opensa na sa kapwa manunugis mo lamang mapag-aaralan." Saad ni Vladimir at prente itong naupo sa isang upuang gawa sa kahoy.

"Hindi ka ba natatakot na kapag natutunan kong makipaglaban ay ikaw ang unang bampirang papaslangin ko?" Tanong ni Elysia at natawa naman ang binata. Tila ba nakakatawa ang mga salitang kaniyang tinuran. Sabagay sino ba naman siya? Isa lang siyang hamak na tao samantalang isang bampira si Vladimir at una sa lahat isa itong imortal.

"Kung mangyari man iyon, wala akong pagsisisihan." Makahulugang wika nito at sumikdo ang dibdib niya nang kumindat pa ito sa kaniya. Hindi niya alam, ngunit may kung ano siyang naramadaman sa iginawi ng binata.

"Nahihibang ka na. Sinong normal na tao ang magsasabi niyan?" Tanong niya at humalukipkip sa harap nito. Napangisi naman si Vladimir at napailing. Inabot nito ang kamay ng dalaga at dinala iyon sa kaniyang ilong.

"Alam mo bang napakabango ng dugo mo, at isa ito sa magiging dahilan para mabaliw sa'yo si Vincent at ang mga kampon nito."

Gumapang ang kilabot sa mula sa kaniyang kamay patungo sa kabuuan ng kaniyang katawan. Tila nanindig ang kaniyang mga balahibo lalo na nang maramdaman niya ang malamig nitong labi sa kaniyang balat.

"Kaya kung ako sa'yo mahal na prinsesa, pagbubutihan ko ang pag-iinsayo dahil hindi sa lahat ng oras ay nasa tabi mo lang ako para iligtas ka. Saka ko na poproblemahin ang buhay ko kapag tuluyan mo nang napaslang si Vincent." pagkuwa'y saad nito saka ngumiti ng matamis.

Napakurap naman si Elysia, hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin siya sa inaasal ng binata sa harap niya. Hindi niya alam kung karapat-dapat ba ito sa kaniyang pagtitiwala.

Natahimik na si Elysia at patuloy na lang niyang tinitigan ang binata. Panaka-naka din niyang tinatanaw ang mga batang naglalaro sa labas ng kanilang kubo. Tahimik ang lugar at ang tanging maririnig mo lamang ay ang mga tawanan ng mga batang naglalaro at kalampagan ng mga nag-uumpugang metal.

Mayamaya pa ay napatayo naman si Vladimir at napadungaw na rin sa kanilang binata. Naging matalim ang titig nito sa gubat kung saan sila dumaan kanina.

"May problema ba?"

Ngunit bago pa man makasagot si Vladimir ay isang pagsabog ang kanilang narinig sa di kalayuan. Mukhang galing iyon sa gubat at agad na umalingasaw ang masangsang na amoy ng pulbura sa paligid.

Dahil din sa malakas na pagsabog na iyon ay nagkagulo sa kanilang lugar, nagtakbuhan ang mga kababaihan at una nilang dnampot ang mga batang naglalaro sa paligid at dali-dali ipinasok sa mga bahay at nagsara. Ang mga kalalakihan naman ay inihanda ang kanilang mga sandata at nag-abang sa bukana ng kanilang maliit na baryo.

"Ano ang pagsabog na iyon Vlad? Akala ko ba ligtas dito?" Tanong ni Elysia, matinding pag-aalala ang bumalot sa kaniyang puso, hindi para sa sarili kundi para sa mga inosenteng buhay na naririto.

"Mukhang natunugan na naman ni Vincent ang paglabas mo at nagpadala siya ng susundo sa'yo." natatawang tugon ni Vladimir. Napangiwi naman si Elysia dahil nagagawa pang magbiro ng lalaki sa sitwasyon nila ngayon.

Mula sa labas ay naggalawan ang mga mayayabong na dahon sa gubat at isang dambuhalang itim na aso ang lumitaw mula roon. Hindi iyon isang ordinaryong asong lobo dahil, mas nakakatakot ang wangis nito na nalalapit sa isang halimaw. Matutulis ang itim na itim nitong balahibo na animo'y mamasa-masa pa. May kung akong likido rin ang tumutulo mula roon na sa tuwing papatak sa lupa ay kitang-kita nila ang pag-usok nito. Malapot ang laway nitong walang patid sa pagtulo sa malaki nitong bunganga na napapalibutan ng matatalas at maiitim nitong pangil.

Sa bawat pag-abante ng nilalang ay napapaatras naman ang mga lalaking may mga dalang armas. Batid ng mga ito na hindi nila kakayanin ang nilalang na iyon dahil sa lason nitong dala-dala.

"Anong klaseng nilalang 'yan?" Muling naitanong ni Elysia. Sa pagkakataong iyon ay nakita ni Elysia ang paggiging seryoso ng mukha ni Vladimir.

"Grimmer, isang halimaw na nanggaling pa sa kaibuturan ng impyerno, mukhang may bagong alaga na naman ang mahal kong kapatid." tugon nito at mabilis nitong tinanggal ang suot nitong itim na balabal. Mula sa bintana ay lumabas si Vladimir at wala nang nagawa si Elysia kun'di ang sundan ito ng tingin.

"Umatras kayo, pumasok sa mga bahay at huwag lalabas. Siguraduhin niyong lahat ng bata at matanda ay nasa loob." Utos ni Vladimir na agad din namang sinunod ng mga tao. Takbuhan ang mga ito, maging mga alagang hayop na nasa labas ay ipinasok nila sa kanilang mga bahay.

Iisang nilalang lamang iyon ngunit base sa reaksyon ni Vladimir ay paniguradong malakas ito. Mula sa kinaroroonan niya ay kitang-kita ni Elysia ang mabilis na pag-atake ng naturang nilalang kay Vladimir. Napasinghap pa siya nang makitang sinakmal ng asong lobo ang ulo ng binata. Matinding takot at kilabot ang bumalot sa buong sistema niya at nagpalinga-linga sa loob ng bahay. Wala man lang siyang kahit anong nakikita na maaari niyang magamit bilang pantaboy sa nilalang na iyon.

Sa kaniyang paghahanap ay muli siyang napadungaw sa binata, sakto namang hinambalos ni Vladimir ang nilalang sa lupa. Muling nagpambuno ang mga ito at halos masira na ang mga halaman at damong nadadaanan nila. Maging ang lupa at natitibag dahil sa kanilang paglalaban. 

Napapangisi naman si Vladimir dahil sa sobrang lakas ng kaniyang kalaban, marahas niyang iwinaksi ang dug*ng kumapit sa kaniyang mga kamay dahil sa pagtusok niya sa laman ng nilalang. Napaatras naman ang nilalang na iyon habang patuloy ang pagalit nitong pag-angil. Tumatagas din sa tagiliran nito ang nangingitim nitong dugo habang paika-ikang umaatras

"Alam kong naririnig mo ako Vincent, nahihibang ka na kung inaakala mong makukuha mo sa akin si Elysia. Lahat ng napupunta sa akin, ay hindi na kailanman mapupunta sa'yo." Sigaw ni Vladimir at isang malakas na halakhak ang umaingawngaw mula sa nahihirapang aso.

"Kapatid - kapatid, hindi man siya mapupunta sa akin, hindi rin naman ako makakapayag na mapakikinabangan mo siya."

Matapos sabihin iyon ni Vincent sa nakakalokong boses ay tila kidlat na nawala sa harapan ni Vladimir ang asong lobo. Naniningkit ang mga mata niyang nilingon ang kinaroroonan ni Elysia at ganoon na lamang ang gimbal niya nang makitang naroon na ang nilalang at balak nitong atakihin ang dalaga.

Walang pagdadalawang-isip na tinakbo ni Vladimir ang kinaroroonan niya patungo sa kubo at mabilis na sinangga ang ataking para dapat sa dalaga. Matutulis na kuko ang bumungad sa kaniya at tumusok sa kaniyang tiyan at malakas na kagat sa balikat ang kaniyang tinamo. Narinig pa niya ang matinis na sigaw ni Elysia bago niya binunot ang kaniyang espada at walang pagdadalawang-isip na itinarak iyon sa puso ng nilalang.

Sabay na bumagsak ang katawan ni Vladimir at ang walang buhay na katawan ng nilalang. Mabilis na naagnas ang katawang lupa nito hanggang sa tuluyan na itong maging abo. Nanlalaki ang mga matang napatitig lamang si Elysia rito. Hanggang ngayon ay nanginginig pa rin ang katawan niya sa sobrang takot dahil kitang-kita niya ang pagtusok ng kuko ng halimaw sa katawan ni Vladimir. Malinaw din sa kaniya kung paano lumapat sa balikat ng binata ang matatalas nitong mga pangil. 

Hindi malaman ni Elysia ang kaniyang gagawin nang makita ang pagbagsak ng katawan ni Vladimir sa lupa. Natatarantang nilapitan niya ito tiningnan kung humihinga pa ba ito.

"Hoy Vlad, buhay ka pa ba? Bakit mo naman kasi ginawa 'yon?" tarantang tanong niya habang marahang niyuyogyog ang binata. Nang mapaigik ito sa sakit ay doon lamang siya nakahinga ng maluwag. Yumuko siya ay tiningnan ang sugat nito sa tiyan. May tatlong butas ito sa tiyan na hindi maampat ang pagdurugo.

"Hindi ba't isa kang bampira, dapat mabilis lang na maghihilom ang sugat mo? Bakit hindi ka gumagaling?" Tanong ni Elysia na parang maiiyak na sa sobrang pagkataranta. 

"Dug*, bigyan mo siya ng dugo." Sabad ng isang lalaki na tumatakbo na rin papalapit sa kanila. Natigilan naman si Elysia at saglit na napatingin sa binata.

"Ano pa ba ang hinihintay mo? Hindi maaaring mamatay ang hari sa Hilaga dahil sasakupin tayo ni Haring Vincent kapag namat*y siya. Magiging katapusan ng lahat ng tao kung mawawala ang proteksyon ni Haring Vladimir sa atin." saad ng lalaki, nang tingnan ito ni Elysia ay nakita niya ang inaabot nitong maliit na patalim.

Next chapter