"Kung inaakala mong mamamatay ako sa bawang, nagkakamali ka. Mga mahihinang aswang lang ang tinatablan niyan." saad pa ng babae bago inihampas sa ulo ni Milo ang bungkos ng bawang at bumalik na sa harap ng Lolo niya.
"Hindi na ako magtatagal, naihatid ko na itong apo niyo. Babalik na lamang ako sa susunod na araw." Wika ng babae at saka dali-dali nang lumabas ng bahay. Pagsilip ni Milo sa labas ng bintana ay hindi na niya ito nasipat pa.
"Lo, totoong aswang siya? Bakit hindi gumana sa kaniya ang bawang. Hindi ba sabi mo..." Putol na wika ni Milo nang matawa ang kaniyang Lolo.
"Hindi talaga siya tatablan, dahil kahit may dugong aswang ang batang iyon, anak pa rin siya nang isang malakas na babaylan. Pasalamat ka at nagawi siya sa lugar na iyon." Saad ni Lolo Ador at naghain ng makakain.
"Kumain ka na muna, mukhang tinanggal na niya ang inilagay kong selyo sa kakayahan mo. Batid kong nakikita mo na ang mga nilalang na nakapalibot sa iyo. Malaki ka na, sanayin mo na ang sarili mo sa kanila. Hindi habang-buhay ay matatakasan mo sila. Matagal na silang nakagabay sayo subalit natatakot ka kaya ko isinara ang ikatlo mong mata." Saad ni Lolo Ador.
Napatahimik naman si Milo at napayuko. Naalala niya ang sinabi ng tikbalang sa kaniya bago siya tumakbo papalabas ng kuwarto niya. Alam niyang isang kabastusan iyon para sa nilalang subalit ano ang magagawa niya kung natatakot siya rito kahit masilayan lang niya ang wangis nito.
Matapos niyang kumain at iligpit ang kaniyang pinagkainan ay bumalik na siya sa kaniyang kuwarto upang magpahinga. Pasimple siyang sumilip sa may pinto ngunit bago paman siya makasilip ay dumaan sa gilid niya ang tikbalang na lubha niyang ikinagulat. Halos mapatalon siya sa kaba dahil sa biglaang pagsulpot nito.
Bahagyang kumulubot ang noo ng tikbalang at mahinang humalinghing ito.
"Hindi ako nangangain," saad nito sa malaki nitong boses. Tumayo naman ng tuwid si Milo at mariing tinitigan ang nilalang. Hindi pa rin mawala sa kaniya ang hindi matakot subalit sa kabilang banda, naaninag niya sa mga mata nito ang angkin nitong kabutihan.
"Pasensiya ka na sa inasal ko, hindi lang talaga ako sanay na makakita ng mga nilalang na tulad mo. Maari mo bang baguhin ang itsura mo, 'yong tipong hindi nakakatakot?" tanong ni Milo at lalong kumunot ang noo ng nilalang.
"Pero kung hindi mo kaya, ayos lang, sasanayin ko na lang ang sarili ko. Salamat nga pala sa pagliligtas mo sa buhay ko." Wika ni Milo at bahagyang iniyuko ang ulo sa harap ng nilalang bilang pagpapakita ng taos-puso niyang pasasalamat at paggalang.
Bata pa lamang ay sinasabihan na siya ng kaniyang Lolo Ador na marapat lamang na bigyan ng paggalang ang mga tao, o nilalang na walang hinahangad kun'di ang kabutihan. Maging ang mga hayop at mga halamang nabubuhay sa mundo ay karapatdapat ding bigyan ng paggalang.
Nang muling iangat ni Milo ang kaniyang ulo ay wala na sa harapan niya ang nilalang, saglit pa niyang inilibot ang kaniyang paningin bago siya tuluyang pumasok sa kaniyang silid upang muling magpahinga.
Kinaumagahan, maaga pa lamang ay pasigaw na siyang ginigising nina Ben at Nardo. Pagmulat ng kaniyang mata ay nasipat niya an dalawa niyang kaibigan na nakadungaw sa labas ng kaniyang bintana.
"Hoy, Milo, ba't bigla kang nawala kahapon? Akala namin nauna ka nang umuwi pero pagdating namin dito wala ka pa. Halos mataranta si Lolo Ador kakahanap sayo a'," wika pa ni Ben. Dali-dali namang bumangon si Milo sa higaan at tinungo ang lalabo upang maghilamos.
Matapos ay agad naman niyang pinapasok sa kubo ang dalawa upang sabay na silang makapagkape.
"Ano na Milo, saan ka ba galing kahapon?" Muling tanong ni Ben. Napakamot naman ng ulo si Milo, hindi niya alam kung paano ba ilalahad sa mga kaibigan ang kaniyang naranasan kagabi.
"Nawala ako kagabi sa gubat, mabuti na lang at may tumulong sa akin." Tugon niya. Hindi na lamang niya binanggit ang tungkol sa totoong nangyari sa kaniyan upang huwag nang bigyan ng takot ang mga kaibigan. Matapos nilang magkape at mag-almusal ay agaran na din silang tumungo sa labas upang makapaglatag na sila ng tolda para masimulan na nila ang pagpagpag ng palay. Habang ang iilan sa mga kasama nila ay abala sa paggagapas, sila naman ang tagapagpag ng palay.
Halos buong maghapon ang ginugol nila bago nila tuluyang maisako ang mga napagpag nilang palay. Kulang-kulang nasa limangpung sako ng palay ang kanilang natapos nang linggong iyon. Nagapas na rin nila ang kabuuan ng mga kahon sa palayan na siya namang ikinatuwa ni Lolo Ador. Kinuha ng mag-lolo ang sampung sako ng palay habang ang natira naman ay hinati-hati nila sa mga taong tumutulong sa kanila. Tuwang-tuwa naman ang mga ito dahil nasa tig-lilimang sako rin ang maiuuwi nila sa kani-kanilang mga pamilya.
"Masayang nagpaalam ang mga ito bitbit ang mga sako ng palay na kanilang nakuha. Buong kagalakan naman silang kinakawayan ng matanda at ni Milo habang tinatanaw ang dahan-dahang paglayo nito sa kanilang tahanan.
"Lo, siguradong matutuwa ang mga magulang ni Ben at Nardo dahil sa dami ng naiuwi nilang palay," wika ni Milo habang nakatanaw sa mga kaibigan niyang halatang tuwang-tuwa.
"Hanggat inuulan tayo ng biyaya ay ipapamahagi rin natin ito sa kanila. Halika na at maggagabi na, oras na para magpasalamat sa natanggap nating biyaya." Saad pa ni Lolo Ador.
Ito na ang nakaugalian nilang mag-lolo, sa tuwing sasapit ang dapit hapon, pagkatapos nilang mag-ani ay maglalaan sila ng oras upang magdasal sa Panginoon bilang pasasalamat sa mga biyayang kanilang mga naani.
Sa pagtatapos ng kanilang pagdarasal ay isang mahinang katok ang narinig nila sa pinto.
"Mukhang naririto na sila. Tamang-tama, Milo maghanda ka na ng makakain natin, magdagdag ka ng pagkain para sa dalawa." Mahinahong utos ni Lolo Ador sa kaniya. Nagtataka man ay agaran niya itong sinunod. Tinungo niya ang kanilang maliit na kusina para makapagluto na ng hapunan.
Pasimple naman siyang sumilip habang bunubuksan ng kaniyang Lolo ang pintuan at bumungad sa kaniyan ang isang binatang may maamong mukha at ang babaeng kagabi ay nakilala na niya. Kamuntikan pa niyang mahiwa ang kaniyang daliri dahil sa pagkagulat.
"Bakit nandito ka na naman?!" Gulat na tanong ni Milo habang nakaturo sa babae.
Napakunot-noo naman ang binatang kasama nito at matalim ang tinging ibinato sa kasama.
"Anong kalokohan na naman ang ginawa mo Maya?" Tanong ng binata sa dalaga at napanguso lang naman ito bago inirapan si Milo.
"Wala akong ginawa, nakakairita lang kasi, kalalaking tao ang duwag-duwag." Nakataas ang kilay na wika ni Maya bago humalukipkip.
"Maya!" Suway sa kaniya ng binata. Animo'y ito ang nakatatandang kapatid niya at agaran naman napatahimik ang dalaga at nagkasiya na lamang sa pagbibigay ng senyas ng pagbabanta kay Milo.
"Paumanhin sa kagaspangan ng ugali ng kapatid ko. Ako nga pala si Simon at batid kong hindi niyo pa nakikilala itong makukit kong kambal, si Maya." Pakilala ng binata.
"Kapatid mo ang babaeng yan? Ibig sabihin aswang ka din?" Gulat na tanong ni Milo. Maigi niyang pinagmasdan ang binata ngunit wala siyang bahid ng pagkaaswang na nadarama mula rito.
"Hindi mo malalaman kung titingnan mo lang. Mamaya ka na makipagkuwentuhan apo. Magluto ka na muna at nakakahiya sa ating panauhin." Untag na wika ni Lolo Ador at agad namang bumalik sa ginagawa si Milo. Pansamantala niyang iwinaksi sa likod ng isipan niya ang mga katanungan niya at itinuon ang pansin sa pagluluto.
Matapos ay agad naman siyang naghain sa maliit nilang mesa.
"Pagpasensiyahan niyo na itong munting bahay namin." Magiliw na wika ng matanda habang umuupo sa silya.
"Wala pong anuman, kami nga po ang dapat na mahiya sa inyo at biglaan itong aming pagbisita." Tugon naman ni Simon. Napakaamo ng mukha nito na tila ba hindi ito kahit kailan nakagawa ng kahit isang kasalanan. Taliwas naman ang maamo nitong mukha sa palaban at maangas na dating ni Maya.
Mayamaya pa ay nagsimula na silang kumain ng hapunan. Tahimik silang kumain at wala ni isa sa kanila ang kumibo. Matapos kumain ay agad na nagligpit si Milo at tumungo naman si Lolo Ador sa maliit nilang sala upang doon makapag-usap.
Pagtapos ni Milo ay agad na din siyang tumungo roon upang makinig sa pinag-uusapan ng mga ito.
"Kung ganoon ay narito kayo upang isama itong apo ko?" Tanong ni Lolo Ador.
"Isasama saan Lo? At bakit ako sasama sa kanila?" Tanong ni Milo nang marinig ito.
"Hindi naman sa ngayon. Dahil nakikita kong hindi ka pa handa. Lolo Ador, hayaan mo muna kaming sanayin itong si Milo bago namin siya isama. Alam kong iyon ang inyong ikinababahala. " Sagot naman ni Simon at napatango ang matanda. .
Nag-iisang apo niya si Milo at ito na lang din ang natitira niyang kapamilya. Maagang pumanaw ang anak niya na siya namang ama ni Milo. Maging ang asawa nito ay wala na rin.
"Kung kaya niyong sanayin si Milo, bakit hindi. Matanda na ako at hindi ko na kaya ang kakulitan ng batang iyan. Ilalabas ko bukas ang mga libretang naiwan ng aking anak, mas maigi kung iyon ang maging pundasyon ng kaniyang aral." Wika ni Lolo Ador habang nagpapabalik-balik ang tingin ni Milo sa kaniya at kay Simon.
Tila ba pakiramdam niya ay bigla siyang napagkaisahan dahil na din sila na ang nagdesisyon para sa kaniya. Gayunpaman ay nakaramdam siya ng konting pananabik sa kailaliman ng puso niya sa hindi maipaliwanag na dahilan.