webnovel

Chapter 23: Kakayahan ni Mina

Nang mga oras din iyon ay napagdesisyunan na ng dalawa na tunguin ang paanan ng bundok ng Sarong. Hindi na nila isinama si Mina noon dahil na din masyado na itong malapit sa kinaroroonan ng kanilang mga kalaban. May posibilidad din kasi na maramdaman ng mga nilalang ang presensya ng dalaga na magiging dahilan upang masira ang kanilang unang plano.

Nang marating na ni Sinag at Isagani ang lugar ay pansamantala silang nagkubli sa talahiban upang magmasid. Hindi sila basta-basta makakalapit sa lugar dahil hindi nila alam kung ano-ano ang kanilang makakasagupa roon. Hindi pa man din nakakailang minuto ay nasipat nila ang isang matandang lalaki na lumabas ng kubo, dala-dala nito ang isang bangkay ng bata na halos punong-puno ng dugo. Lasog-lasog ang mga buto nito at halos lumuwa na ang mata nito na animo'y dumaan iyon sa kapangi-pangilabot na pagpapapahirap bago nawalan ng buhay. Walang pag-aatubiling itinapon iyon nng matanda sa talahiban sa gilid ng kanyang kubo na tila ba normal na sa ito ang ganoong gawain. 

Nanginig naman sa galit si Isagani sa kanyang nakita. Bukod sa bata ang biktima nito ay tila wala itong puso habang itinatapon ang bangkay nito. Ano ba naman ang aasahan mo sa mga nilalang sa panig ng kaliwa. Gayunpaman ay hindi mawala kay Isagani ang galit sa kanyang nakita. Nag-alala naman si Sinag na baka iyon ang anak ng lalaking bihag nila. 

"Kuya, maaari ba tayong lumapit pa? Medyo malayo ito at hindi naabot ng pandinig ko ang kubo nila." Wika ni Isagani na noo'y nagkikiskisan ang ngipin sa gigil.

"Sige, pero magtimpi ka. Huwag mong hayaang maramdaman nila ang presensya ng galit mo. Pagtibayin mo muna ang sabulag mo bago tayo gumalaw." Paalala ni Sinag na agad namang ginawa ng binata. 

Bukod sa pagiging aswang ni Isagani ay nariyan din ang dugo ng isang babaylan sa kanya, kung kaya nagagawa niyang mag-usal ng mga dasal ng kanan nang hindi siya nasusunog o di kaya naman ay naaapektuhan. Ito din ang dahilan kung bakit nakakaya niyang makisalamuha sa mga albularyo at antinggero na hindi nakakaramdam ng sakit at hirap. 

Matapos niyang maitaas ang kanyang sabulag ay siyang paglipat nila ng pwesto malapit sa naturang kubo. Pagkarating pa lamang nila ay napansin agad nila ang kakaibang baho sa buong paligid. Pinaghalong amoy ang dugo at nabubulok na karne ang kanilang naamoy . Tila ba ang lugar na iyon ay isang tapunan ng mga nabubulok na karne na hindi nila maipaliwanag. 

"Kuya, meron akong nakikitang tatlong lalaki bukod sa matandang lalaki at meron isang matandang babae. Mukhang iyon na ang nilalang na tinutukoy ng ating bihag." Wika ni Isagani habang maigting na tinititigan ang kubo. Animo'y kahit nakasara ang pintuan at walang bintana ang kubong iyon ay nakikita ni Isagani ang kalooban nito. 

"May mga bihag pa ba?"

"Wala silang bihag. Narinig ko sa usapan nila ang tungkol sa lalaking yun. Matagal na nilang pinaslang ang mag-ina nito at hinihintay na lamang nila na magawa ng lalaki ang kanilang iniuutos bago wakasan ang buhay nito. " Mahinang wika ni Isagani ngunit dinig na dinig iyon ni Sinag. 

"Kung ganun, wala na rin silang pakinabang sa atin." Turan ni Sinag at lumabas na ito sa pinagkukublian nila. Nang makita ito ni Isagani ay napangisi lang ito at sumunod na kay Sinag. 

Sabay nilang pinakawalan ang kanilang mapangwasak na presensya na lubhang ikinagulat ng mga nilalang kubo. Agad na nagsipulasan ang mga lalaking iyon ngunit mabilis iyong nasukol ni Isagani. Hindi pa man din lumulubog ang araw ay litaw na litaw na ang demonyong wangis ni Isagani. 

"Kanina pa ako nagtitimpi sa inyo. Saan kayo pupunta?" Tanong ni Isagani gamit ang malademonyo niyang tinig na lubos na ikinatakot ng tatlong lalaki. Tila naging estatwa ang mga ito dahil sa tigalpong pinakawalan ng binata sa kanila. Hindi pa noon tuluyang nagpapalit ng anyo si Isagani ngunit takot na takot na ang mga ito sa kanya. 

"I...Isa ka ring aswang. Kumakain ka rin ng tao. Anong pinagkaiba mo sa amin?" Matapang pang wika ng isang lalaki at agad naman itong pinugutan ng ulo ni Isagani. 

"Hindi ako katulad niyo. Dahil kahit kailan ay hindi ko pa nagawang manakit ng mga taong inosente. Ang pinapaslang ko lang ay mga tulad niyong halang ang bituka at mga nilalang na walang kaluluwa." Gigil na wika ni Isagani bago ibinalibag ang walang buhay nitong katawan sa lupa. Hindi na rin niya pinatagal ang buhay ng ng dalawang kasama nito dahil ang babaeng mambabarang lang naman ang kailangan nila at hindi ang mga alipores nitong aswang.

"Nakita niyo naman siguro ang kayang gawin ng kasama ko. Ano na, sasabihin mo na ba kung sino ang puno at dulo ng alitang ito? Alam kong napag-utusan ka lang din, ang mabuti pa, ipagtapat mo na sa amin ang nais naming malaman bago pa maubos ang pasensiya nitong kasama ko at baka madulas ang kamay niya at mapiktas iyang ulo mo sa iyong katawan." May pagbabantang wika ni Sinag sa dalwang matanda. 

"Wala kayong makukuha sa akin." Pagmamatigas ng matandang babae. Habang ang lalaki naman ay nagsimula nang magpalipad hangin ng mga sumpa. Bago pa man natapos ang usal nito ay biglang umikot ang kaniyang paningin. Mabilis na palang na tapyas ni Isagani ang ulo nito. Lumapag ang ulo ng matandang lalaki sa lupa kasabay ng pagkatumba ng walang buhay nitong katawan. 

"Kung ayaw mong magsalita manang ay may paraan kami para makakuha ng nais naming impormasyon at paniguradong pagsisisihan mo ito sa kabilang buhay. " Wika ni Sinag at mabilis na nag-usal ng pinakamalakas na tigalpo at pinakawalan niya ito sa mukha ng matanda. Mabilis na nawalan iyon ng malay na kaagaran namang binuhat ni Isagani ng walang kahirap-hirap. 

Nang makabalik sila sa bahay ni Manong Ricardo ay agad nilang ibinalita ang resulta ng kanilang lakad. Labis naman ang paghihinagpis ng lalaki nang malaman nito ang sinapit ng kanyang mag-ina. Labis-labis din ang kaniyang pagsisisi dahil sa mga kasalanang kanyang nagawa. Hindi niya magawang tingnan si Manong Ricardo dahil sa kabila ng kaniyang mabigat na kasalanan ay nagawa pa rin nitong siya ay tulungan. 

"Ikinalulungkot ko ang nangyari sa iyong pamilya. Ngunit pakatatandaan mo sana na hindi dito nagwawakas ang iyong buhay. Alam ko at naiintindihan ko ang sakit na nararamdaman mo ngunit sana ay pagpapatawad pa rin ang pairalin mo. Kung nais mong mabuhay ng masaya ay mapayapa ay matuto kang magpatawad dahil sa pagpapatawad mo lamang makakamit ang katahimikan ng iyong kaluluwa at kalooban. " Pangaral ni Ricardo sa lalaki. Napaiyak ito ng malakas habang yakap-yakap ito ng matanda.

Napapatingin lamang si Mina sa matanda habang nakangiti dito. Nakikita ni Mina ang kalinisan nag puso nito at batid niyang unti-unti na itong kinalulugdan ng mga kasangga niyang engkanto. Hindi lang ito mapagmahal sa tao kundi pati na rin sa mga hayop at sa kalikasan. Kung kaya't mangilan-ngilan na sa mga kaibigan niyang engkanto ang naglilibot sa buong pamamahay nito araw man o gabi. Hindi naman niya ito pinigilan dahil alam niya mabuti ang hangarin ng mga ito. Kinatutuwa rin niya ang pagkukusang loob ng mga engkanto na bantayn ang buong bahay ng matanda dahil hindi nila alam kung saan nanggagaling ang mga pag-atakeng magaganap. 

Nang tuluyan na nga nilang mapakalma ang lalaki ay pinagpahinga na nila ito kasama ang iba pang trabahador ni Manong Ricardo. Naiwan naman sila Mina, Sinag at Isagani sa bahay ni Manong Ricardo.

"Manong Ricardo, alam naming napakabuting tao mo ngunit alam kong alam mo na lahat ng kabutihan ay may limitasyon." Paunang wika ni Sinag. Napatango lamang si Ricardo sa tinuran ng binata dahil may punto din naman ito. 

Matapos magturan ni Sinag ay hinarap na nila ang matandang mambabarang na noo'y nakagapos sa isang upuang kahoy. Ang taling gumagapos dito ay ibinabad nila sa tubig na may asin at mga usal. 

Nagsimula nang mag -usal si Mina upang tawagin ang engkantong tumutulong sa kaniya na pasukin ang memorya ng mga tao. Sa bawat memoryang sinisilip niya ay katumbas nito ay isang pakaing dasal para sa engkanto. 

Nang hawakan niya ang noo ng matanda ay siyang pagsilay niya sa mga memorya ng matanda na nangyari sa buhay nito. Simula noomg pagkabata nito hanggang sa pagtanda nito. Doon nakita ni Mina ang pagiging ganid nito sa kapangyarihan at pagiging sukdulan ng kasamaan nito. 

Nang matapos niyang halukayin ang alaala nito ay siya namang pagbibigay niya ng kaukulang parusa dito. Lahat ng sakit at barang na ibinigay niya sa mga taong napaslang niya ay ibinalik niya dito. Gamit ang sarili nitong aral na nakita niya sa memorya ng matanda ay matagumpay niya itong nalapatan ng sumpa. Minuto lamang ang lumipas nang mangisay ang katawan nito na agaran din namang binuhat ni Isagani upang ibalik sa sarili nitong kubo. 

Doon ang nasilayan ni Isagani ang nakakatakot na kakayahan ni Mina. Paglapag niya sa matandang babae sa lupa ng kubo ay siyang pagsilay niya sa mga insektong gumagapang at pumapasok sa lahat ng butas ng katawan nito. Sa ilong, tenga, bibig at sa mga mata nito. Napapaungol at sigaw lamang ang matanda sa sakit na nadarama niya. Bahagyang lumayo si Isagani dito sa takot na baka siya ay madamay sa iniinda nitong sakit. Maya-maya pa ay hindi na nagkasya ang mga insekto sa mga butas na iyon kaya nagsimula na silang butasan ang bawat parte ng katawan ng matanda. Kapangi-pangilabot ang tanawing iyon dahil sa maihahalintulad mo ang katawan ng matanda sa isang bangkay na kinakain ng mga uod at mga kulisap. Ang kaibahan nga lang ay buhay na buhay ito at nagagawa nitong maramdaman ang bawat sakit na ginagawa ng mga insekto sa kanya. 

Ipinilig ni isagani ang kanyang ulo at tuluyan nang nilisan ang lugar. Hindi na niya kinaya ang sumunod na eksena dahil sa sobrang kilabot na kanyang nararamdaman. Bigla tuloy siyang nagpasalamat sa panginoon na naging kakampi niya ang dalagang si Mina at hindi niya ito naging kalaban. 

Next chapter