webnovel

Kabanata 10: Kapahamakan

NAGPAPAHANGIN sa labas si Alex nang bumangga sa kanya ang isang batang lalaki na tumatakbo. Nadapa ito at nasugatan sa tuhod. Umiyak pa ito at siya ang pinagbintangan.

"Hoy! Ikaw ang hindi nag-iingat. Alam mo namang masikip lang itong daan tumatakbo ka pa. Huwag mo nga ako ituro d'yan!"

"Miadya ka kang inda ku!" umiiyak na sagot ng bata, na ang ibig sabihin ay mananagot daw siya sa nanay nito.

"Hindi ko alam ang pinagsasabi mo. Basta wala akong kasalanan d'yan sa pagkakadapa mo! Sa susunod tumingin ka sa dinadanan mo para hindi ka nadidisgrasya!" Bad trip pa rin siya sa pagkatalo kahapon kay Christian kaya pati itong bata ay napag-initan niya.

Tumalim ang mga titig sa kanya ng bata. Ilang saglit pa, bigla itong tumayo at kumuha ng kapirasong kahoy na nagmula sa naputol na sanga ng puno.

Gumuhit ito ng isang tao sa lupa habang nakatitig sa kanya. Medyo kinabahan si Alex sa ginagawang iyon ng bata.

At pagkatapos nitong mag-drawing ng tao sa lupa, ginamit nito ang hawak na kahoy at itinusok sa bandang dibdib ng drawing.

Napasigaw na lang siya sa sakit ng kanyang dibdib. Para itong tinutusok ng napakatalas na balisong.

Napaluhod siya sa lupa habang sapo-sapo ang sumasakit na dibdib. Ilang sandali pa, inilipat naman ng bata ang kahoy sa bandang ulo ng drawing.

Di nagtagal, ulo naman niya ang biglang namilipit sa sakit. Tuluyan siyang bumigay sa lupa at nagpagulong-gulong. Hindi na niya alam kung paano lalabanan ang sakit na halos magpahinto sa kanyang hininga.

Nakarating sa kanyang ina ang napakalakas niyang sigaw. Napilitan itong lumabas ng bahay hanggang sa makita nitong namimilipit siya sa sakit habang nakabulagta sa lupa. At sa isang tabi ay nakita rin nito ang batang lalaking tila gumagamit ng Kalam upang saktan siya.

"Mamulang ka!" mura dito ni Ofelia at tinakot ang bata sa hawak nitong walis tingting.

Mabilis namang tumakbo ang bata at binitawan ang kahoy. Nilapitan naman ni Ofelia ang drawing nitong tao at binura iyon sa pamamagitan ng pag-apak sa lupa.

Doon pa lang nawala ang naramdamang sakit ni Alex. Tinulungan siyang makatayo ng matanda.

"Ayos ka na ba, Anak?"

"A-Ano po iyon, Nay?" mangiyak-ngiyak niyang tanong.

"Batang mangkukulam ang naingkuwentro mo. Sabi ko naman kasi sa `yo, mag-ingat ka sa mga taong nakakasalamuha mo rito. Hindi natin alam kung sino sa kanila ang mabuti at masama."

"Pero wala naman po akong ginawa sa kanya, Nay. Siya itong tumatakbo tapos nabangga sa akin kaya natumba. Hindi ko naman kasalanang nagkasugat siya sa binti."

"Hayaan mo na 'yun! Hindi ko kilala ang batang 'yon kaya mahihirapan tayong gumanti sa kanya. Ang mabuti pa, dadalhin na lang kita sa Mangguguna para makapagpagawa tayo ng proteksyon mo."

Pagkatapos nga maglinis ng matanda sa kanilang bahay, magkasama silang umalis ni Alexander para puntahan ang matandang Mangguguna na gumamot kay Pisok.

"Apung Magda, mayap a abak pu!" bati rito ni Ofelia, na ang ibig sabihin ay magandang umaga.

"Salangi kayu! Nanung apaglingkud ku kekayu?" tugon ng matanda, pinapatuloy sila sa loob at tinatanong kung ano raw ang maipaglilingkod nito.

Si Ofelia na ang nagsalita. Nanghihingi sila ng proteksyon dito upang magamit ng anak sa mga may balak mangulam dito. May nakaaway kasi itong isang batang mangkukulam kanina.

Mabilis na ginawa ni Apung Magda ang trabaho nito. Agad siyang lumikha ng mga sangkap sa pamamagitan ng mga halaman para makagawa ng anting-anting o proteksyon.

Pagkatapos durugin ang halaman at mapaghalu-halo ang mga sangkap, ibinabad doon ng matanda ang isang kuwintas na may kahoy na palamuti at hugis tatsulok.

Unti-unting hinigop ng kuwintas na iyon ang sabaw at katas ng mga dinurog na halaman. Pagkatapos ay ito ang ibinigay nito kay Alexander.

"Suotin mo ito para maging proteksyon sa kapangyarihan ng mga Mangkukulam, Mambabarang at Magkukusim. Hindi iyan tumatalab sa ibang uri ng Kalam. Para sa mga tatlong nabanggit ko lang iyan," paliwanag nito.

Si Alex naman ang nagsalita rito. "Dakal a salamat po, Apung Magda." Sinubukan na rin niyang magkapampangan kahit medyo tagilid pa ang dila niya sa pronounciation.

Pagkauwi nila sa bahay, nagpaalam siya sa ina kung puwedeng mamasyal siya sa Plaza ng Masantol. Nang siya'y payagan ay nagmadali siyang nag-abang ng bangka sa harap ng kanilang bahay.

Medyo nainip siya roon dahil wala rin namang mapuntahang maganda sa kanilang baryo. Kaya naisipan niyang gumala na lang sa Plaza ng Masantol para makakita ng maraming tao at modernong mga gusali.

Isa-isa siyang kumain sa lahat ng mga street food na nakahilera sa gilid. Pagkatapos ay tumambay naman siya sa loob ng 7/11 para makasagap ng aircon. Simpleng paglilibot lang ang ginawa niya roon pero labis siyang nag-enjoy.

Mas mabuti na rin ang ganoon kaysa naman sa nakatambay lang siya maghapon sa baryo habang nilalamon ng pagkainip.

Habang naglalakad patungo sa palengke, bigla siyang napasulyap sa isang ginagawang gusali. Nagulat siya nang bumungad sa tabi niyon ang isang lalaking pugot ang ulo at nakaitim na sutana. Ito na ang pangatlong beses na nagpakita sa kanya ang mahiwagang lalaki na walang ulo.

Matagal niya itong pinagmasdan. Naghihintay sa kung ano ang susunod nitong gagawin. Ngunit nanatili lang itong nakatayo roon na bagamat walang ulo ay parang sa kanya pa rin nakatingin ang katawan nito.

Sa pagkakataong iyon, naisipan na niya itong lapitan habang hindi ito binibitawan nang tingin. Ngunit pagkarating niya sa gitna ng daan ay saka naman bumusina ang isang rumaragasang truck ng basura.

Mabilis siyang napaatras. At pagkaalis ng truck sa harapan niya, wala na ang mahiwagang lalaki. Luminga-linga siya sa paligid pero hindi na niya ito nakita.

Nagpatuloy na lang siya sa paglalakad at iniisip kung ano ang nakita kanina. Sino ba ang lalaking ito? At ano ang pakay nito sa pagpapakita sa kanya?

Nang marating na niya ang palengke, bigla namang sinumpong ang pantog niya. Napilitan siyang umakyat sa tulay patungo sa Sta. Lucia at nilakad ang isang bagong tayong public restroom doon.

Pagkapasok doon ay madilim ang CR at wala pang katao-tao. May karumihan din ang sahig at halatang hindi nalinisan ng ilang araw.

Pagkatapos niyang umihi sa isang cubicle, nagtungo naman siya sa harap ng salamin para ayusin ang nagulong buhok.

Ngunit pagtitig niya roon, bumulaga sa kanya ang lalaking pugot na nasa likuran niya. Sa pagkakataong iyon ay hindi na siya nakagalaw sa naramdamang hilakbot.

Nanlaki ang mga mata niya nang gumalaw ito at dahan-dahang lumapit sa kanya. Itinaas nito ang kabilang kamay kung saan hawak-hawak nito ang pugot na ulo.

Biglang bumuka ang mga mata ng ulo at lumingon sa kanya. Binalot siya ng labis na sindak nang magsalita ito at marinig ang tinig nitong tila nagmula sa kailaliman ng hukay. "Us…Tu…Ang…"

Pagkasabi niyon, biglang nagbukas ang pinto ng CR at may pumasok na isang janitor. Ito ang nakatoka para maglinis sa banyong iyon.

Agad ding nawala sa likuran niya ang mahiwagang lalaki. Walang kibo siyang lumabas habang nanginginig pa rin ang mga kamay sa takot.

Paulit-ulit niyang sinambit sa kanyang utak ang salitang pinakawalan nito kanina.. "Us…Tu…Ang…". Ano kaya ang ibig sabihin nito?

Sa kanyang paglilibot sa bayan ng Masantol, nakarating siya sa San Nicholas kung saan bumungad sa kanya ang matandang namimitas ng mga halaman sa paligid.

Bigla itong natumba at kumalat sa lupa ang mga napitas nitong halaman. May mga tambay rin sa paligid ang nakakita rito pero wala silang ginawa.

Kaya siya na lang ang napilitang lumapit dito at tinulungang makatayo ang matandang babae. Pinulot na rin niya ang mga halaman nito.

"Dakal a salamat, Itung," anito sa kanya.

"W-walang anuman po."

"Nanu ka lagyu? Nukarin ka maratun?" tanong nito sa kanya na tinatanong ang kanyang pangalan at kung saan siya nakatira.

"Ah, pasensiya na po. Hindi pa po ako gaanong marunong magkapampangan," natatawang sagot niya.

"Saan ka ba nakatira, hijo?" pagtatagalog ng matanda.

"Taga-Cambasi po ako. Sa baryo po."

Gulat na gulat ito sa narinig. "Cambasi? Tagaroon din ako!"

"Ah, talaga po? Saan po kayo banda sa Cambasi?"

"Sa bandang dulo ng Sulbang."

"Ah sa Sulbang? Tagaroon din po ako, eh. Nasa bandang gitna nga lang kami."

Tuwang-tuwa ang matanda na makilala siya. "Salamat sa tulong mo, Itung. Kakailanganin ko kasi ang mga halamang ito."

"Ah, talaga po? Isa po ba kayong Mangguguna?" tanong niya rito.

"Ali, Itung. Isa akong Manggagawe."

Namangha siya. "Ah, Manggagawe? Kayo ba 'yung gumagawa ng mga lason at itim na mahika gamit ang mga halaman?"

"Tama ang iyong tinuran, Itung. Pero ako, hindi ko naman ginagamit sa tao ang aking Kalam. Gumagawa lang kasi ako ng lason para patayin ang mga salot na daga sa bahay ko. Hindi na kasi ako makatulog dahil sa mga dagang ito. Pati na rin 'yung mga ligaw na asong tumatahol sa paligid ko. Para sa kanila ito!"

Nakitawa na rin siya. "Ah, ganoon po ba? Kung sa bagay, perwisyo talaga ang mga iyon lalo na sa gabi."

"Tama ka! Kaya salamat ulit sa tulong mo. Medyo marami-rami na ang mga halamang nakuha ko. Sapat na ito para makagawa ng lason."

"Sige po, Lola. Salamat din po."

Tumalikod na ang matanda. Pero di nagtagal, muli rin itong humarap sa kanya kaya huminto siya sa paglalakad.

"Itung," tawag nito sa kanya na ang ibig sabihin ay "hijo".

"Bakit po, Lola?"

Lumapit ito sa kanya. Kinuha nito ang isang piraso ng halaman at ipinahid sa leeg niya. Pagkuwa'y inamoy iyon ng matanda. Biglang nag-iba ang timpla ng mukha nito.

"Mag-iingat ka, Itung," biglang babala nito.

"B-bakit po, Lola?" kinabahan tuloy siya.

"May mga taong nais manakit sa `yo. At maaaring malagay sa kapahamakan ang buhay mo kapag hindi ka nag-ingat. Naaamoy ko sa pagkatao mo ang nalalapit na kapahamakan. Mag-ingat ka. Dobleng ingat!" anito pagkatapos ay tuluyang nang tumalikod at naglakad palayo.

Naestatwa siya sa kinatatayuan habang nananatili sa isip ang mga sinabi nito. Naalala niya, bukod sa paggawa ng lason at itim na mahika, marami ring alam ang Manggagawe sa mga halaman na hindi alam ng karamihan sa tao.

Kabilang na roon ang taglay na kapangyarihan ng halaman na kayang langhapin ang amoy ng isang tao. At sa amoy na iyon, makikita nito kung ano ang posibleng mangyari o nangyayari sa isang tao.

Ang amoy na parang bulaklak ay sumisimbolo raw ng suwerte at magandang balita.

Ang amoy na parang nabubulok ay sumisimbolo naman daw ng kalungkutan o pagkawala ng mahal sa buhay.

Ang amoy na parang matapang na gamot ay nangangahulugang may sakit ang isang tao na hindi nito nalalaman.

Ang amoy na parang usok ay nangangahulugan namang may itinatagong malaking kasalanan ang isang tao gaya ng krimen.

At ang amoy naman na parang sunog gaya ng naamoy nito sa kanya, ay nangangahulugang may banta sa buhay ng isang tao.

Ilan lamang ito sa mga nasasagap na amoy ng halaman oras na ipahid ito sa leeg at katawan ng tao. At isa ito sa mga kaalaman ng Manggagawe sa mga halaman.

Biglang naalala ni Alex ang usapan nila ni Padre Mateo tungkol sa kanyang pagpapasya kung papasok ba siya sa simbahan nito. Ngayong araw nga pala ang usapan nila na magkikita silang muli upang ipabatid dito ang kanyang desisyon.

Hindi niya malaman ang gagawin. Sisipot ba siya o hindi? Kung hindi niya sisiputin ang lalaki, baka matuloy nga ang kapahamakang naamoy ng matandang Manggagawe sa kanya kanina.

At kung ituloy man niya, hindi rin siya sigurado kung ligtas na siya.

Sa huli, naisipan niyang ituloy na lang ang pagpunta roon. Nais din kasi niyang makita si Mary Jane. Dito lang siya humuhugot ng lakas ng loob.

Wala sa oras na bumiyahe siya pabalik sa kanila at sumakay muli ng panibagong motor patungo naman sa tahanan ng binatang pari.

Pagkarating niya roon, naabutan niyang umiiyak si Mary Jane sa isang sulok habang puno ng pasa sa mukha. Nilapitan niya ito at tinulungang makatayo.

"Anong nangyari sa `yo? Bakit may ganyan ka?"

Nagsumbong ang babae sa kanya. "B-binugbog na naman ako ni… P-Padre Mateo…"

Sakto namang dumating ang binatang pari kasama ang dalawa nitong malalapit na tauhang sina Christian at Renzo.

"Mabuti naman at nagbalik ka na, Alexander. Halika. Dito tayo mag-usap sa likod ng aking bahay."

"Ano ang nangyari kay Mary Jane?"

"Hayaan mo na siya!" mabilis na sagot ng binatang pari. "Sumama ka sa akin sa likod ng bahay ngayon din!"

Bigla siyang tinitigan nang masama ni Christian. Natakot na siya sa kung ano ang kaya nitong gawin kaya napilitan siyang sumama sa mga ito.

Binulungan naman niya si Mary Jane na maghintay roon at hindi siya magtatagal.

Pagkapunta sa likod ng bahay, bumungad sa kanya ang malawak na hardin kung saan may malaking bilog na lamesa sa bandang gitna. Doon sila umupo at nagpulong.

"Ano ang iyong pagpapasya, Alexander?" tanong agad sa kanya ni Padre Mateo.

"Kung sakaling hindi ako pumayag, may mangyayari bang masama sa akin?"

"Oo!" si Christian mismo ang sumagot at nilakasan pa ang boses. "May mangyayari talaga sa `yo kapag hindi ka pumayag sa gusto ng amo ko!"

Inawat naman agad ito ni Padre Mateo. "Huminahon ka, Christian. Hayaan mong ako na ang kumausap sa kanya." Muli itong lumingon sa kanya. "Alexander, hindi ba't gusto mong matutunang gamitin ang iyong Kalam?"

"Oo, pero gusto ko itong gamitin sa kabutihan. Ayokong kamuhian ng ibang tao kapag…kapag naging miyembro ako ng inyong simbahan," sa wakas ay nasabi rin niya.

Isang makahulugang titig ang pinakawalan sa kanya ng tatlo. Halatang nagulat sa sinabi niya.

Napalunok pa siya ng laway bago muling nagsalita. "Pasensiya na, Padre Mateo. Ngunit tatapatin ko na kayo. Marami akong naririnig na hindi maganda tungkol sa inyo. Iniisip ko lang din kasi ang magiging kaligtasan ko. Ayokong kagalitan din ako ng maraming tao rito dahil sa tagilid n'yong pamumuno. Pasensiya na sa mga nasabi ko. Gusto ko lang maging tapat sa inyo para hindi na kayo umasa."

"Kinaiingitan nila ako!" sagot sa kanya ng binatang pari saka nagpakawala ng mapanuksong ngiti. "Naiinggit sila dahil isa akong Ukluban! Lahat ng kaya nilang gawin ay kaya ko rin! Kaya pilit nila akong pinapabagsak para maagaw nila sa akin ang kapangyarihan ko. Iyon ang dahilan kung bakit maraming galit sa akin!"

"Pero paano naman po iyong mga taong inabuso at pinapatay n'yo noon sa giyera? Kahit kanino ako magtanong, iyon ang bukambibig sa inyo ng mga tao."

"Sinisiraan lang nila ako! Hindi nila matanggap na kami ang talagang nagmamay-ari sa baryong ito. Pag-aari ito ng mga yumao kong ninuno, kaya dapat lang na bawiin ko sa kanila ang karapatan ko rito sa pamamagitan ng naganap na giyera noon!"

"Pero marami pa ring naghihirap dito hanggang ngayon. 'Yung trauma na idinulot sa kanila ng giyera, hanggang ngayon hindi pa rin napapawi. Kahit kanino kami magtanong, iyon lagi ang sinasabi nilang nagbibigay ng takot sa kanila. Paano naman ang mga taong iyon?"

"Kung wala ka rin namang matinong sasabihin, at kung hindi ka rin papayag sa aking alok, mabuti pa siguro kung mabating ka na lang."

Nagtaka siya sa isang salita na binanggit ng lalaki. Ano kaya ang ibig sabihin ng mabating?"

"Wala ka nang silbi rito! Kung hindi ka lang din namin mapakikinabangan, dapat mawala ka na sa mundo!"

Inilabas ni Christian ang itinatagong patalim na nagsisilbi niyang sandata bilang Manlilingu. Mabilis niya itong inihagis patungo sa kinaroroonan ni Alexander.

Bago pa iyon tumama sa kanya, bigla namang nagtungo roon si Mary Jane at iniharang ang sarili sa harapan niya. Sa likod ng babae tumama ang patalim.

"Mary Jane!"

TO BE CONTINUED…

Next chapter