webnovel

20

Flashback

Ibinagsak ko ang sarili sa kama matapos hubarin ang de-takong na sapatos. Pagod ang katawan na ipinikit ko ang mga mata at isinubsob ang mukha sa malambot na unan. Katatapos lang ng dinner namin kasama ang pamilya ni Cholo. Nandoon si Donya Teodora "Catharine" Gastrell na matalim pa rin ang tingin sa akin at ang ama nito na si Don Easton Gastrell na malamig ang pakikitungo sa aming dalawa ni Cholo. Nandoon din ang iilang mga babaeng pinsan nito na buong gabi akong ininsulto.

Kulang na nga lang ay balatan nila ako ng buhay sa paraan ng pagtatanong nila. Buti na lang at nakaalalay palagi si Cholo sa akin. Ito ang sumasalo sa mga katanungan na wala akong sagot.

Ni hindi ko masyadong nagalaw ang pagkain sa plato ko na hindi ko alam kung ano ang tawag kaya nang makaalis kami sa mansiyon ay idinaan ako ni Cholo sa isang restaurant. Laking pasasalamat ko na lang talaga dahil maalalahanin ito.

Napabangon ako nang bumukas ang pinto at pumasok si Cholo na kinukuskos ang buhok ng tuwalya. Wala itong pang-itaas at tanging cotton pajama buttom lang ang suot.

"Hi. Are you not going to wash up?"

Napaayos ako ng upo sa narinig mula rito lalo na nang makita kong binuksan nito ang isang cabinet at naglabas ng isang T-shirt. Iginala ko ang paningin sa buong silid. Ngayon ko lang napagtanto na dito pala ako sa mismong kwarto nito nagpalipas ng gabi. Akala ko guest room. Kaya pala panlalaki ang designs.

Agad akong bumaba ng kama at kinuha ang bag na nasa ilalim nito. Mabuti at hindi ko pa ito nailalagay sa closet.

"Hindi mo sinabing dito pala ang kwarto mo. Pasensya ka na at mukhang inagawan pa kita. Magtatanong na lang ako kay manang kung saan ako pwedeng matulog."

Binitbit ko ang bag at tinungo ang pinto.

"Silly. You can put your things in the closet now."

Naglakad ito papunta sa akin at kinuha ang bag. "Karina, we need to share a room now because we are married already."

Binuksan nito ang bag at isinalansan ang kakarampot na piraso ng damit ko katabi sa mga damit nito. Isinunod  nito ang isang pouch na laman ang mga naninilaw na na panty at bra ko. Nag-iinit ang pisnging inagaw ko ito nang aktong bubuksan niya.

"Pero hindi naman tayo totoong kasal."

Nagkibit-balikat ito saka tinawid ang distansiya sa aming pagitan. Itinaas nito ang palad sa aking mukha at may pinahid sa bandang taas ng bibig ko. Natitilihan na hindi agad ako nakahuma sa biglaang kilos nito. Nakataas ang sulok ng bibig na ipinakita niya sa akin ang daliri nito na may bahid ng pulang lipstick.

"You have a smudge."

Hindi ko malaman ang gagawin kaya ginawa ko na lang ang una kong naisip. Dali-dali akong tumalikod at pumasok ng banyo. Umabot pa sa pandinig ko ang mahinang tawa nito Tuyung-tuyo ang lalamunan at naghahabol ako ng hininga na sumandal ako sa pinto at tinitigan ang sarili sa salamin.

Parang hindi ako ang mukhang tumititig pabalik sa akin. Ang ganda ng nilalang na ito. Perpekto ang make-up at mamahalin ang damit na suot. May pinapunta pa talagang designer at make-up artist si Cholo dito kanina para ayusan ako.

Humugot ako nang malalim na hininga at nagsimulang maligo. Kadalasan ay half-bath lang talaga ang ginagawa ko bago matulog pero nakakahiya naman kung hindi ko isasali ang buhok ngayon na may kasama ako sa iisang kwarto.

Nang matapos ay ibinalabal ko ang tuwalya sa ulo, isinuot ang robe at panloob, saka lumabas. Wala na si Cholo. Nakahinga ako nang maluwag.

Nagbihis na ako at nagpatuyo ng buhok gamit ang blower. Nang matapos ay hapong-hapo na humiga ako sa kama at tumitig sa kisame para balikan sa isip ang mga nangyari buong gabi. Iniisip ko kung nagampanan ko ba nang maayos ang pagpapanggap na asawa ni Cholo. Mukhang kumbinsido naman ang mga pinsan nito. Sila lang kasi talaga ang dapat naming kumbinsihin dahil alam naman ng mga magulang ni Cholo ang totoo. Iniiwasan lang nila na malaman ng ibang kapamilya ang totoong set-up namin dahil sa pulitika. Ayon kay Cholo, walang kaibigan o kapamilya sa kanila kapag pulitika na ang usapan.

Napakislot ako sa gulat nang bumukas ang pinto at pumasok si Cholo na may bitbit na maraming unan. Umupo ako sa kama at tiningnan ito habang inilalagay nito sa ibabaw ng mga unan na nasa kama ang tig-dadalawang unan na dala nito. Humiga na ito pagkatapos at at pinagpagan ang katabing espasyo.

"Higa na."

Hindi ako tuminag. Nag-iwas lang ako ng tingin. Sa isip ay ilang beses ko nang itinanong kung tabi ba talaga kaming matutulog ngayon. Naroon ang excitement at takot na rin sa maaaring mangyari.

"Come on. Wala akong gagawin sa iyo. Don't be scared. Matutulog lang tayo," natatawa nitong saad.

Nag-init ang magkabilang pisngi ko sa ipinupunto nito kaya para iahon ang sarili ay agad akong humiga nang patagilid dito at isinubsob ang mukha sa unan.

Narinig ko ang mahinang pagtawa nito at ang tunog ng paggalaw ng kama dahil umusog ito papunta sa akin. Nanigas ako nang maramdaman ko ang kamay nito sa may balikat ko.

"You wear bra while sleeping?"

Hinawi nito ang strap ng bra ko paibaba at hinaplos ang nakalantad ko na balikat. Lumunok ako at pumikit muna nang mariin bago bumangon at hinubad ang bra gamit ang isang kamay at isinampay sa side table. Buti na lang talaga at iyong pinakabago ko na bra na nabili ko noong nakaraang taon ang naisuot ko ngayon. Sa tingin ko ay hindi naman iyon masyadong maluwag na kaya maayos pang tingnan.

"Nakalimutan ko lang," maikli kong pakli at hindi ito tinitingnan na bumalik ako sa pagkakahiga patalikod pero maagap niya akong hinila paharap dito kaya ngayon ay namimilog ang mga mata ko dahil ilang dangkal na lang ang layo ng aming mukha sa isa't isa at maglalapat na ang aming mga labi. Lumayo ako nang kaunti para maglaan ng tamang distansiya sa pagitan namin saka tumikhim para mawala ang naiilang na pakiramdam ko.

"Don't be too uncomfortable. I was just teasing you. Wala akong gagawin na hindi mo magugustuhan."

Naghikab si Cholo saka tumihaya at inilagay ang braso sa noo.

"Ang init naman dito. Okay lang kung lakasan ko ang aircon?"

Nag-alangan ako kung pipigilan ba ito o hindi. Sa huli ay umiling ako.

"Hindi kasi ako sanay sa malamig na lugar. Hindi ako nakakatulog. Okay lang kung sa labas ako."

Babangon na sana ako nang pigilan na naman niya ang kamay ko.

"No need. It's not like I can't sleep in this temperature. I'll just take off my shirt."

Nag-iwas ako ng tingin nang tuluyan na nitong hinubad ang suot na t-shirt at basta na lang inihagis sa sahig. Pinatay na rin nito ang lamp shade kaya purong kadiliman na lang ang paligid.

"Okay lang ba kung lights off na? Hindi talaga kasi ako makatulog kapag may ilaw."

Tumango ako kahit alam ko namang hindi niya ako nakikita. "Okay lang. Parehas tayo."

Katahimikan ang naghari sa iilang minuto na lumipas bago ito binasag ng pag-ubo ko.

"Sorry. Malamig lang talaga."

Hinapit ko ang kumot pataas sa leeg at pumikit. Ang lamig pa rin lalo at umuulan yata sa labas. Narinig ko sa telebisyon kanina ang weather forecast na may bagyong paparating.

Naramdaman ko ang pagsukob ni Cholo sa kumot at ang pagyakap nang mainit  na braso nito sa akin. Inayos nito ang ulo ko para madikit pa akong lalo sa katawan nito saka hinagod ang likod ko.

"Better?" tanong nito sa may puno ng tenga ko dahilan para mapapitlag ako saglit.

"O-oo. Salamat."

Hindi ko na pinigilan pa ang sarili. Isinantabi ko ang pagkailang at isiniksik pa ang sarili sa dibdib nito. Kaylaking ginhawa ng pakiramdam ko kaya hindi ko napigilan ang magpakawala nang malalim na hininga na hindi nalingid sa aming dalawa.

Tumawa ito kasabay nang paghalik niya sa buhok ko. Napapapikit ako. Mabuti nga at naisipan kong maligo. Kinikilig na patago kong sininghot si Cholo. Mabango na malinis. Amoy bubblegum na mint ang flavor.

"Thank you," wika nito.

Natigilan ako sandali. "Para saan?"

"For agreeing to my plans. I know that you have doubts and fears but you trusted me for your time. Salamat."

"Hindi mo naman kailangang magpasalamat. Bayad naman na ako."

Masuyong hinawakan nito ang tenga ko at pinaglaro ang mga daliri nito.

"No, sweetie. I am more than indebted to you. Madali lang magbayad ng pera Karina pero napakahirap ang makahanap ng taong magbibigay sa iyo ng tiwala. I felt that in you. Thank you."

Natahimik ako. Paano ko kasi sasabihin sa kaniya na matagal ko na siyang gusto kaya napakadali lang sa akin ang magtiwala sa kaniya? Bawat oras na nakakasama ko siya ay langit na para sa akin kasi hanggang panaginip ko lang ito noon na ngayon ay naging reyalidad ko na.

"Hindi ka naman mahirap pagkatiwalaan, Cholo. Kahit may pagka-aburido ka minsan at madaling manghusga nang hindi muna inaalam kung ano ang totoo, alam kong mabuti kang tao. Nararamdaman ko. Ipinaparamdam mo sa akin kaya hanggang sa huli, nasa iyo ang tiwala ko."

"About that, I'm sorry again."

"Matagal na kitang pinatawad. Wala na sa akin iyon. Okay na tayo."

Kumilos ito para mas maging komportable ang aming posisyon.

"You're so innocent and too kind, Karina. Dapat kang mag-ingat. Hindi lahat ng tao ay mabait. Makakakilala ka ng mga taong mag-te-take advantage sa iyo gaya ni Missy at ako. I took advantage of your weakness kahit ano pa ang sabihin mo kaya gusto ko sanang magbigay ng proposal sa iyo."

Puno ng kuryusidad na inaninag ko ang mukha ni Cholo sa gitna ng dilim.

"Ano iyon?"

"I will give you scholarship. Papag-aralin kita."

Nagulat ako sa narinig. Hindi ko akalain na mag-aalok nang ganito ang isang katulad niya sa akin. Akala ko ay hanggang pagpapanggap lang ang magiging relasyon naming dalawa.

"Ayos na ako. Hindi mo na kailangang gawin pa iyan. Sobrang nagpapasalamat na ako sa mga pagtulong na ginawa mo sa akin."

Bumaba ang kamay nito sa braso ko at humaplos doon.

"Look, Karina. It's not like it will come from my own pocket. I will just refer you to an organization that gives scholarships to deserving students. You will still go through series of tests and interviews kaya wala kang aalahanin na anumang utang na loob sa akin o sa pamilya ko. Think about it as just a referral coming from the person who's so grateful of your help. By the way, ano bang kursong gusto mong kunin?"

Hindi ako masyadong naka-focus sa mga pinagsasabi nito dahil mas nakatuon ang pansin ko sa kamay nito na nasa bewang ko na.

"A-ano. Nursing ang gusto kong kunin."

"Hmmm. I think I know why. For your father?"

Tumango ako. Hindi ko napigilan ang sarili na ngumiti. Naaalala pa talaga nito ang ang dahilan ko noon.

"Oo. Kailangan nila ako, Cholo. Nangako ako sa kanila at sa sarili ko na lahat nang magiging desisyon ko sa buhay ay gagawin ko na ang kapakanan nila ang nasa isip ko. Gagawin ko ang lahat para sa kanila dahil sila na lang ang meron ako."

Humigpit ang yakap nito sa akin sabay patak na naman ng halik sa ulo ko.

"You're amazing. You're a selfless woman who always thinks about others more than yourself." Naghikab ito.

"Matulog na tayo," suhestiyon ko nang masundan pa ng dalawa ang mga paghikab nito.

"Yeah. We should sleep now. Uhm, Karina?"

"Bakit?"

"Gisingin mo ako kapag naglumikot itong mga makasalanang kamay ko."

"Huh?" nagugulumihan kong tanong rito. Ano ang ibig nitong sabihin? Uulitin ko pa sana ang tanong nang marinig ko ang mahinang paghilik nito sa may tenga ko.

Napangiti ako nang lihim at nag-relax sa loob ng yakap nito. Saka ko na iisipin ang bukas. Bukas ko na aatupagin ang mga alalahanin ko.

Akin na muna ang ngayon.

Pagsapit ng alas-dose ng madaling-araw, doon ko lang naintindihan ang mga sinabi ni Cholo. Nagising kasi ako dahil sa kamay na naglulumikot sa tenga ko. Medyo nakikiliti ako noong una kaya inilayo ko ang tenga dito pero nang dumikit ito sa akin at ibalik ang kamay niya, hinayaan ko na lang tutal parang inihehele din naman ako nang ginagawa niya sa akin.

Sumubsob ako sa dibdib nito at bumalik na sa pagtulog baon ang hiling na sana ay maging maayos ang mangyayari sa araw na ito.

Next chapter