webnovel

Chapter 12

Flashback

Mahigit isang oras na ang nakalilipas simula nang umalis si Cholo pero hindi pa rin ako tumitinag sa pagkakatitig sa iilang kumpol ng pera na nasa side table. Mga nasa dalawampung libo rin ang iniwan nito.

Nagtatalo ang kalooban ko kung kukunin ba ito o hindi pero sa huli ay nanaig ang tawag ng pangangailangan.

Tumayo ako at nagbihis. Inayos ko ang nagulong buhok at naghilamos. Masakit ang katawan ko lalo na sa parteng ibaba pero wala akong karapatang makaramdam ng sakit ngayon.

Mas malala ang kasalukuyang kalagayan ng ama at kapatid ko. Inatake na naman sa ikalawang pagkakataon si tatay kaya kailangan ko siyang isugod sa ospital. Ang kapatid ko namang si Diego ay nakaipit ngayon sa bilangguan dahil desididong maghain ng kaso ang may-ari ng kainang ninakawan umano nito.

Hindi ako naniniwala sa bintang nila sa kapatid ko. Siya na siguro ang pinakamabait na taong kilala ko kaya malabong totoo ang mga charges laban sa kaniya pero iba ang sinasabi ng mga witness kaya kailangan kong mabuo ang perang pampiyansa sa kaniya at pambayad sa danyos ng kainan para umatras na sila sa pag-pa-file ng kaso.

Kinuha ko ang pera at maingat na isinilid ito sa bag bago lumabas. Hindi ko napigilan ang sariling suyurin ng tingin ang silid bago ko isinarado ang pinto.

Ito na ang una at huli naming pagkikita ni Cholo. Wala na akong balak pa na hintayin siya gaya ng bilin nito. Para saan pa? Nakuha ko naman na ang ipinunta ko rito.

Nakababa ang ulo na lumabas ako sa hotel at sumakay sa nakaparadang taxi. Uuwi na ako sa Cerro Roca na nasa kabilang bayan lang para kunin ang ama at palayain ang kapatid sa presinto. Nakapagpasya na ako. Makikipagsapalaran muna ako sa ibang karatig-lugar na mas madali ang pag-unlad kompara sa Cerro Roca.

Kahapon nga ay tinawagan ako ng panganay na kapatid ni tatay para sabihin sa aking hiring ang kakabukas lang na mall doon. Saleslady ang a-aplayan ko. Pasado na ako sa high school graduate na qualification. Sa edad ko na dise-nuwebe ay hanggang malayong pangarap ko na lang ang makatuntong sa kolehiyo. Suntok na sa buwan kung maisasakatuparan ko iyon.

Alas-dos na ng madaling-araw ako nakauwi kaya kailangan kung maghintay hanggang sa pumutok ang araw para maasikaso ko ang paglabas ni Diego. Saglit na nagpunta ako sa hospital para kamustahin si tatay. Stable na raw ang kondisyon nito at maaari nang i-discharge kapag nabayaran ko na ang hospital bills.

"Diego!" bulalas ko nang makita ang kapatid na kalalabas lang sa selda.

"Ate!" Sinugod niya ako ng yakap at humagulhol sa bisig ko. Napaiyak na rin ako sa labis na awa rito. Maga ang magkabilang pisngi nito at putok ang mga labi. May mga dugo pang nagmantsa sa kuwelyo nito.

"Sino ang gumawa nito sa iyo, ha. Sino?" lumuluhang tanong ko. Nilingon ko ang iilang pulis na kanina pa ako tinitingnan nang malaswa. Akmang susugod ako papunta sa kanila nang hilahin ako ng kapatid palayo.

"Ate, wag na. Umuwi na tayo," pigil niya sa akin sa nagmamakaawang tinig.

Nagpupuyos sa galit na nagpatianod na lang ako sa kapatid. Naisip ko rin na baka magkagulo na naman at mapurnada ang tangka naming pag-alis.

Matalim ang iniwan kong tingin sa kanila bago sumunod sa pagsakay sa kapatid sa taxi.

Nang makauwi ay agad akong kaming nag-empake. Iilan lang naman ang mga damit namin. Nagkasya ang lahat sa dalawang maliit na bagahe. Iiwanan na namin ang lumang gamit sa bahay. Karamihan sa kanila ay hindi na rin naman mapapakinabangan. Kahapon ay naibenta ko na sa junk shop ang TV at ref namin.

"Ate, sigurado ka na ba sa desisyon mong ito? Baka pwedeng ikaw na lang ang lumuwas. Maiiwan na lang kami ni tatay dito. Natatakot kasi ako sa lilipatan natin."

Natigil ako sa paghihila ng mga bagahe palabas sa tanong na iyon ni Diego. Hinayaan kong bumagsak ang maleta sa sahig at nilapitan ang kapatid na nakasalampak ng upo sa sirang sahig at kumukuya-kuyakoy.

Hinawakan ko siya sa mukha at nginitian.

"Ba' ka matatakot eh kasama mo naman ako? Mas nakakatakot kung iiwanan ko kayo rito ni tatay. Gusto mo bang maghiwalay tayo? Ayaw mo bang makabalik sa pag-aaral? Mas malaki ang kikitain ko sa lilipatan natin kaya mapag-aaral uli kita. Babalik ka na sa eskwela gaya ng pangako ko sa iyo. Ayaw mo ba iyon?"

Dahan-dahang nag-angat ng mukha sa akin ang kapatid. Muntik na akong mapaiyak sa katuwaang nababasa ko sa mga mata nito.

"Talaga, ate? Pero hindi ba masyado na akong matanda para mag-aral sa elementary? Eighteen na ako, eh. Baka pagtawanan lang ako ng mga bata roon."

Umiling ako. "Hindi, ano ka ba. Hindi mangyayari iyon sa iyo. Saka, wag mo na iyang isipin. Ang mahalaga makakapag-aral ka uli."

"Pero ate. 'Di ba sabi ng doktor may sakit ako? Ano ba iyon? Dyslexia? Kaya hindi ako makapagsulat nang maayos?"

"Kaya nga aalis tayo rito pansamantala. Kapag nakaipon ako, ipapagamot kita Diego. Babalik uli tayo sa doctor. Ipapa-therapy kita."

Medyo nakikita ko nang unti-unti siyang nakukumbinsi sa mga sinasabi ko dahil lumiwanag na ang mukha nito.

"Eh ikaw ba ate. Kailan ka babalik sa pag-aaral?"

Natigilan ako sa tanong na iyon ng kapatid. Matagal ko ng pangarap ang makapagkolehiyo pero sa kalagayan namin ngayon, imposible ko nang matupad iyon.

"Ako na ang bahala roon. Siguro kapag nakaipon na ako ay mag-e-enrol ako uli. Sabay tayong mag-aaral gaya ng pangarap sa atin ni tatay kaya kailangan tayong umalis dito sa Cerro Roca. Kailangan nating kumayod para makaipon para sa ating pangarap, okay?"

Tumango na ang kapatid kahit pa nababasa ko sa mga mata nito ang pag-aalinlangan.

"Wag kang mag-alala. Babalik tayo rito. Atin pa rin naman ang lupa natin dahil hinding-hindi ko ito ipagbibili," pangako ko rito.

Bago tuluyang magtanghali ay nai-discharge ko na sa ospital ang ama.

Habang sakay ng taxi paalis ng Cerro Roca, hindi ko maiwasan ang sariling maglakbay pabalik sa mga nangyari kagabi.

Pigilan ko man ang sarili ay tumulo pa rin ang iilang butil ng luha ko. Tanging iyon na lang ang magsisilbing paalam ko sa buhay ko sa lugar na ito pati na ang munting alaala na iniwan sa akin ni Cholo.

Next chapter