Ginising na naman ako ng aking sarili ngunit mas batang tinig na kumakanta ng isang nursery rhyme na sigurado akong pamilyar tayong lahat. Mapa-bata man o mapa-matanda, alam kung paano kantahin ito.
Ngunit bakit nga ba iyon ang napili kong pumapaulit-ulit hanggang sa aking patigilin sa aking smartphone?
Ano ba sa akin ang napakainosente, walang malisya, walang katuturang kantang pambata na 'yon?
Ang kantang iyon ang huling pinaawit sa akin ng aking mga magulang na handang isakripisyo ang kanilang buhay dito sa bansang sinilangan, bansang kinamulatan at bansang nagpalaki sa kanilang pareho. Ang sakripisyong kanilang ginawa, isang napakahirap na desisyon ngunit ang lahat ng 'yon ay para mabigyan lamang ako ng magandang kinabukasan.
Para sa akin.
Para sa kanilang anak na musmos pa lamang ng kanilang ibinilin sa kanilang mga kamag-anakan. Mahirap man, ngunit wala na silang magagawa kundi piliting tanggalin ang aking mga kamay mula sa pagkakakapit sa kanilang mga braso at hayaan akong tumangis at mangulila.
Lahat ng iyon ay para sa akin.
Taon ang lumipas, ngunit sa pakiramdam ay isang buong siglo na ang nagdaan. Sa pag-aaruga at paggagabay ng iba ako natuto, hindi man lang nila nasaksihan ang pagyabong ng kanilang nag-iisang supling na ngayo'y ganap nang binata.
Bawat medalya'y may nagsabit sa aking iba para sa kanilang dalawa.
Bawat tagumpa'y may nagselebra para sa kanila.
Bawat kaarawa't okasyo'y 'di nila nadaluhan.
Lagi nalang may proxy, pakiramdam ko'y ako'y winawaksi.
Ngunit lagi nilang bukam-bibig sa akin sa tuwing magkakausap, lawakan ang pag-iisip, intindihin ang sitwasyong mahirap na kailanma'y hindi dadali.
Hanggang kailan ba ako magiging mag-isa, hanggang kailan mangangarap sa ilalim ng mga tala sa gabing maaliwalas, hanggang kailan hihiling at magdarasal na sana'y kapiling ko ang aking mga magulang.
Ngayon...
Ngayong kailangan na kailangan ko ang kanilang mga payo, ang kanilang mga opinyon at pagkakaintindi sa aking kasalukuyang pinagdaraanan.
Paano?
Paano ko ba sila kakausapin, madali lang naman, 'di nga ba? Sa isang pindot, kaharap mo na ang nais mong makaututang-dila.
Ngunit.
Ngunit hindi ko mayayapos at mararamdaman ang kanilang mga yakap sa oras na ako'y manghina at lumuha na ng isang batyang emosyon. Babaha ng aking nararamdaman at kailangan ko sila upang ako ay maisalba.
Nasanay na ako.
Nasanay na akong walang tinatawag na ina.
Nasanay na akong may putaheng hindi luto n'ya na nakahain sa hapag. Nasanay na akong mga uniporme ko'y hindi na puti at ang mga damit ko'y kupas na at hindi na titingkad kailanman. Nasanay na akong makinig sa aking mga kaibigan at kakilalang nagkukwento tungkol sa pinakabagong sermon, batas at parusang katumbas ng bawat pagsuway sa mga ito. Nasanay na akong walang lumilitis sa aking mga nagagawang mga pagkakamali at sarili na lamang ang nagwawasto. Nasanay na akong walang ilaw at kaliwanagan ang aking buhay at natutong magsindi ng liwanag upang makakita sa madilim na mundong aking kinalalagyan.
Nasanay na akong walang tinatawag na ama.
Nasanay na akong walang nakikitang isang taong aking dapat tangkilikin. Nasanay na akong walang yapak na sinusundan at gumawa ng sariling pagkakakilanlan. Nasanay na akong walang pumupuri sa kada kahusayang aking naipapamalas. Nasanay na akong walang kasinlakas o mas malakas sa akin sa ilalim ng aming bubungan. Nasanay na akong walang haligi sa aking buhay at makapagtatag ng sariling pundasyon na aking mas pinagtitibay gamit ang natututunang tamang kaparaanan sa iba na aking nakakasalamuha at naoobserbahan.
Nasanay na akong walang mga magulang.
Nasanay na akong walang inaasahang tutulong sa bawat gawaing bahay o proyekto sa eskwelahan. Nasanay na akong walang sasagot sa aking mga katanungan tungkol sa buhay at sa iba pang naririnig ko mula sa iba. Nasanay na akong tumayo bilang isang ulilang anak kahit buhay na buhay ang aking mga magulang na ginagawa ang lahat.
Ang lahat ng ito, para sa akin.
Para sa akin.
Natuto na ako.
Matagal na.
Sa simula pa lang.
Sa tuwing aking maririnig ang alarm na gumigising sa aking diwa, aking naaalala na ako pa rin ay isang tao dahil mayroong mga magulang.
At sa tuwing maririnig ko ang kantang kalakip nito, akin itong pinatitigil at pinapatay bago maalala ng buo at detalyado ang aking pangungulila sa kalinga ng aking mga magulang.
Natuto na ako.
Simula pa lamang ako'y pinabitiw.
Natuto na akong mag-isa.
Pero.
Ngunit.
Subalit.
Wala akong hinanakit o poot na nararamdaman, dahil tulad ng paulit-ulit n'yong pinauulit-ulit, lawakan ang kaisipan at intindihin ang sitwasyon. Akin 'yong ginawa at ginagawa pa rin magpahanggang sa ngayon.
Kung mayroon lamang isang tulay na magkokonekta mula dito sa aking kinaroroonan papuntang sa in'yong kinalalagyan ay handang-handa akong tawirin kahit anong hadlang man ang naghihintay akin itong lulupigin.
At parang isang karakter sa paulit-ulit na palabas sa telebisisyong pam-Pilipino, lahat ng aking nakasanaya't natutuna'y makalilimutan, at ang pader kung saan ang ulo ko ay mauumpog ay ang magkasama na kaming tatlo.
S'yang ama.
S'yang ina.
Ako ang anak.
- James