webnovel

EPILOGUE

MABIBIGAT ang mga paa kong binagtas ang mabatong kalsada ng lugar na iyon.

Hindi ako pamilyar at hindi ko alam kung saan iyon o sa madaling salita, kung nasaan ako. Pero masakit na ang mga paa ko at tinitiis ko nalang ang nararamdaman kong pagtusok sa talampakan ko ng maliliit at matutulis na bato.

Sa kabila ng katotohanan na estranghero sa akin ang nasabing lugar ay hindi ko parin mapigilan ang sarili ko na hangaan iyon. Maganda kasi ang tanawin at mabango ang sariwang hangin na tila ba nahaluan ng amoy ng mga damo na nabasa ng hamog at talutlot ng mga ligaw na bulaklak.

Napakaganda ng lugar na iyon at kahit kung tutuusin ay wala akong ideya kung nasaan talaga ako ay parang hindi narin naging importante ang kaisipang iyon sa akin. Hanggang sa kalaunan ay tila ba hindi ko narin alintana ang mabatong kalsada na tinatahak ko, dahil ang mas mahalaga sa akin nang mga sandaling iyon, ang masarap na pakiramdam na ibinibigay sa akin nang tila paraisong lugar na iyon.

Kung tutuusin ay lumaki ako sa isang malaki at magandang farm.

Oo, isa akong heredera, at dahil dalawa lang kami ng kuya ko, balang araw kalahati ng lahat ng iyon ay magiging sa akin narin. At dahil nga sa ganoong klase ng lugar ako nagkaisip na, dapat sana hindi na ako nakakaramdam ng ganito katinding pagkamangha dito. Pero nangyari parin.

Ilang sandali akong nalibang nang maramdaman ko ang ngayon ay biglang pag-ihip ng malamig na hangin. Kung pang-umaga o pang-hapon na hangin iyon, hindi ko tiyak. Basta ang alam ko, niyakap ko ang sarili ko, at noon ko tamang napansin ang isang pigura na nakatayo hindi kalayuan sa aking harapan.

"Arabella," ang narinig kong sinambit niya.

Boses iyon ng isang lalaki at napakasarap sa pandinig ng kaniyang tinig.

Hindi lang ako ang mayroon ganoon pangalan sa pamilya namin. Sa katunayan ay kinuha ng nanay ko ang pangalan ko sa kapatid at kakambal niya na pumanaw matagal na panahon na ang nakalilipas.

"S-Sino ka?" ang kinakabahan kong tanong.

Hindi ko maintindihan pero ang mga paa ko ay kusang humahakbang palapit sa kinaroroonan ng lalaki na hindi ko naman makita ang mukha!

"May gagawin tayo, sumama ka sa akin dahil may kwento tayong kailangang dugtungan at tapusin," pagpapatuloy nito saka iniabot ang sarili niyang kamay sa akin na tinanggap ko naman.

Sa narinig kong iyon ay nakapagtatakang biglang naglaho ang lahat ng pag-aalinlangan at takot sa puso ko. Tinanggap ko ang kamay ng lalaki at sa huli natagpuan ko na lamang ang sarili kong hinihingal at saka napabalikwas ng bangon mula sa isang mahimbing na pagtulog.

*****

HINDI iyon ang unang beses na nakita ko ang malaking bahay na iyon ilang kanto mula sa street kung saan naman nakatira ang Lolo Anselmo at Lola Susan ko. Pero pakiramdam ko may kung anong magnet ang tila ba humahatak sa akin para puntahan ko ang malaki at lumang bahay na iyon.

Bakasyon at niyaya ako ng Lola Susan ko na magbakasyon sa kanila sa Maynila. Wala kasi silang kasama ng Lolo Anselmo dahil si Tito Anthony na bunso nilang anak ay mayroon naring sariling pamilya.

Kilala na ako halos ng mga tao sa village na iyon kaya naman hindi ako natatakot na mag-ikot-ikot at maglakad kapag naiinip ako.

Umaga nang ako na mismo ang mag-prisinta na bibili ng pandesal sa bakery hindi malayo sa bahay ng mga Lolo at Lola ko.

Gusto ko iyon, kahit naman kasi sabihin mong may hasyenda at malaking orchard ang mga magulang ko ay tinuruan din ako ni Mommy sa mga gawaing bahay. At isa pa, gusto kong makita ang malaking bahay na alam kong madadaanan ko kapag bumili ako ng pandesal.

Malayo pa ay tanaw ko na isang ang malaking closed van sa tapat ng bahay na gustong-gusto ko. Dahil doon ay malalaki ang mga hakbang akong nagmamadaling napalapit doon. Mukhang may nakabili na ng bahay at kahit hindi ko aminin ay parang apektado ako at parang ayokong tanggapin na may ibang tao na pwedeng tumira doon. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang nararamdaman ko. Ang wirdo ko nga pero wala naman akong magagawa. Mabuti nalang at compose parin ako kahit papaano.

Nang makalapit ako sa may gate ay noon naman tamang palabas mula roon ang isang lalaki.

"Ano iyon Miss?" tanong niya sa akin habang ako naman ay nanatiling nakatingala sa mansyon at sa kalaunan ay parang tanga na pinanonood ang pagbababa ng mga gamit na mula sa closed van patungo sa malaking bahay.

"Miss?" ang ulit ng lalaki sabay hawak sa braso ko kaya ako nagulat.

"Ano ba? Bakit ka ba nanggugulat?" ang galit kong tanong saka ko hinarap ang lalaki na napansin kong gwapo. Pero dahil naiinis ako sa kanya dahil ginulat niya ako ay medyo nabawasan ang dapat sana ay kilig na mararamdaman ko.

"Sorry, kinakausap kasi kita, tinatanong ko kung may kailangan ka?" tanong ng lalaki sa akin.

"Dito ka ba nakatira?" ang sa halip ay tanong-sagot ko sa kanya.

"Alam mo pamilyar ang mukha mo," ang sa halip ay isinagot niya sa akin.

Nagsalubong ang mga kilay ko sa narinig. "Ano?"

"Halika pumasok ka sa loob at may ipakikita ako sa iyo," paanyaya pa sa akin ng lalaki.

Sandali akong nag-alangan na tanggapin ang paanyaya nito. Pero sa huli ay hindi ko rin maintindihan kung bakit parang kusang humakbang ang mga paa ko pasunod sa lalaki, papasok sa malaking bahay na totoong napakaganda naman talaga sa loob.

Ancestral din ang bahay namin sa Bulacan na itinayo pa pagkatapos ng panahon ng mga Hapon. Namana iyon ng Daddy ko sa Lolo ko kasama narin ang buong hasyenda.

Pero iba ang pakiramdam ko sa bahay na ito. Victorian style at ang grand staircase ay gawa sa kahoy na narra na talaga namang makapigil hininga ang ganda.

"Ang ganda naman," ang hindi ko napigilang sambitin para lang matigilan nang aksidenteng nagawi ang paningin ko sa isang malaki at napakagandang oil painting na nakasabit sa malaking sala.

Isang wedding oil painting iyon at bakas na bakas sa mukha ng dalawang taong nakapinta doon ang labis na pagmamahal para sa isa't-isa isa.

Pero sa kabila ng nag-uumapaw na pagmamahalan na buhay na buhay sa larawan ay ang matinding kilabot na bigla kong naramdaman. Kasabay ang biglang pagyakap sa akin ng kakaibang klase ng lamig na kahit kailan ay hindi ko pa nararanasan, nang oras na iyon lang.

"B-Bakit may picture ka diyan? At bakit kamukha ko 'yung babae?" ang kinikilabutan kong tanong.

"Siya ang Tito ko, si Daniel Trinidad, at ang babae ang asawa niya na matagal naring patay, si Arabella Madrigal-Trinidad," sagot ng lalaki sa tanong ko.

"Anong sinabi mo?" ang gulat na gulat kong tanong.

Tumango ang lalaki saka ako nginitian. "Ikaw Miss, anong pangalan mo?" pagkuwan ay tanong niya sa akin.

"E-Ella, Arabella Madrigal Godinez," sagot kong binanggit ang buo kong pangalan kasama na ang apelyido ng aking ina noong siya ay dalaga pa.