webnovel

CHAPTER 49 "ARA'S DIARY 1"

Dear Diary,

NANG magsimula ang treatment ni Daniel ay pinuno ko ang puso ko ng pag-asa na gagaling ang asawa ko. Mahal na mahal ko siya at gusto ko pa siyang makasama. Mahirap sa akin ang pakawalan siya dahil binuo ko na ang buhay ko kasama siya, at nagsimula iyon nang araw na sagutin ko siya at tanggapin siya sa buhay ko bilang aking nobyo. At hindi lang iyon nadoble nang araw na pumayag akong magpakasal kami.

Pinipilit kong isipin na gagaling siya, dahil mahal na mahal ko siya.

Gusto kong isipin na siya parin ang makakasama ko hanggang sa aking pagtanda. Pero iba ang sinasabi ng mga doktor. Iba narin ang sinasabi ni Daniel.

Siguro ganoon talaga kapag mahal mo ang isang tao. Pipilitin mong kumapit kahit wala ka nang pwedeng kapitan. Kasi ayaw mo siyang pakawalan.

Lumipas ang mga araw, linggo at buwan. Malaki ang ipinagbago ng itsura ng asawa ko. Sa kwarto parin namin ako natutulog, gusto niya magkatabi kami sa pagtulog, sa kabila iyon ng mga aparato na nakasaksak sa katawan niya.

"Hello," ang bati ko sa kanya nang abutan ko siyang nakahiga sa kama.

Kararating ko lang noon galing ng eskwela at may kasama akong mga bisita na alam kong magpapasaya sa kaniya.

"Nakabalik ka na pala," aniya sa akin saka ngumiti.

Ang pinakagwapong lalaki para sa akin ay si Daniel parin, at walang pwedeng bumago niyon. Alam ko, nakikita ko ang katotohanan, pero hindi ko parin matanggap. Kaya naman palagi nagmamadali akong umuwi kasi natatakot ako na baka pag-uwi ko hindi ko na siya abutan na buhay.

Sa loob ng mga buwan bago siya tuluyang naratay maraming naituro sa akin ang asawa ko.

Sa maikling panahon naturuan niya akong mag-drive, pati narin ang kung paano tumugtog ng gitara. Ayoko mang isipin ang totoong dahilan kung bakit nagawa niya ang lahat ng iyon ay hindi ko parin mapigilan, sa kabila iyon ng patuloy na pagtanggi ng puso ko.

Ayoko, ayoko talaga, kasi alam ko mamamatay ako sa lungkot at natatakot akong mag-isa.

Sinubukan ko namang sabihin sa kaniya na hindi ko na itutuloy ang pag-aaral ko para masamahan siya palagi, pero hindi siya pumayag. Ang sabi niya sa akin hindi daw siya mamamatay ng hindi nakakapagpaalam sa akin kung iyon daw ang dahilan ng kaya gusto kong huminto sa pagpasok sa eskwela.

Napakasakit.

Pakiramdam ko gusto ko naring mamatay at parang unti-unti narin akong namamatay kapag tinitingnan ko siya.

Hindi katulad nang gusto kong mangyari, hindi ako nabuntis, ilang buwan narin mula nang maikasal kami ni Daniel pero hindi ako pinalad na magdalantao.

"May bisita ka," ang nakangiti kong sambit saka mula sa aking likuran ay lumitaw ang dalawang importanteng tao sa buhay naming dalawa. Sina Jason at Jenny.

"Hey," ang nakangiting sambit ng asawa ko sa kabila ng katotohanan na bakas na bakas na sa mukha nito ang panghihina.

"Pasensya kana kung ngayon lang kami nakadalaw ulit," si Jason na lumapit sa kama ni Daniel saka naupo sa silya malapit doon, habang si Jenny ay nakatayo at nagsisimula nang umiyak.

Hindi ko na napigilan ang emosyon ko nang makita kong tinapik ni Jason ang kamay ng asawa ko. At pagkatapos noon ay nagsimula narin itong umiyak. Walang nagsalita sa aming apat kahit isa. Walang may lakas ng loob na gumawa at magsimula ng usapan dahil isa lang naman ang nararamdaman namin nang mga sandaling iyon.

Masyadong masakit at hindi ko maipaliwanag kung gaano.

Ang totoo, kinausap ako ni Daniel na pakiusapan sina Jason at Jenny na dalawin siya. Gusto raw niyang makita ang mga ito sa huling pagkakataon.

Kahit mabigat sa dibdib ko, kahit tutol ang kalooban ko sa lahat ng iyon wala akong ibang choice kundi ang ibigay ang gusto ng asawa ko. Gusto ko siyang maging masaya kahit sa huling pagkakataon. Pero hindi ko parin talaga matanggap at hindi parin ako nawawalan ng pag-asa na gagaling siya at magkakasama parin kaming dalawa.

"Maswerte ka pare, may chance ka pa na makasama si Jenny," ang narinig kong sinabi ng asawa ko na talaga namang tila humiwa ng pira-piraso sa puso ko.

Hindi sumagot si Jason at sa halip ay nanatiling tahimik lang na umiiyak. Para itong bata na nakasubsob sa mga palad nito habang si Jenny ay nanatiling nakatayo sa tabi nito habang pandalas ang paghaplos sa likod ng kaniyang nobyo.

Hindi ako kumilos mula sa kinatatayuan ko. Nandoon lang ako sa paanan ng kama at katulad nina Jason at Jenny ay tahimik na umiiyak. Pero parang may sariling isip ang mga paa ko na kusang humakbang palapit sa asawa ko nang abutin niya ako ng tingin.

Lalo akong napaiyak nang makapalapit ako sa kaniya at sa kabila ng alam kong panghihina na ng kamay niya ay pinilit niyang abutin ang mukha ko para tuyuin ang mga luhang malayang umaagos mula sa mga mata ko.

Hindi naman na nagtagal pa sina Jason at Jenny sa bahay dahil nagsabi si Jason na ihahatid pa raw nito ang bestfriend ko. Wala namang kaso sa amin ni Daniel iyon. Ang importante naman kasi sa akin ay nagkita silang tatlo, kahit sa huling sandali, kahit ang totoo ayaw iyong tanggapin ng puso ko.

Pagkatapos kumain ng hapunan, katulad nang nakasanayan ko nang gawin ay tinabihan ko na ang asawa ko.

Alam na ng mga magulang ko ang kundisyon niya at madalas ay pinupuntahan siya ng mga ito. Pero ang tungkol sa pagpapakasal namin ay nanatiling lihim sa kanila. Iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi ko parin magawang isabit sa may entrada ng bahay ang isang maganda at napakalaking oil painting na ipinagawa pa ng biyenan ko. Nasa loob iyon ng kwarto na ginamit ko nang mga araw na hindi pa kami naikakasal ni Daniel. At may mga pagkakataong dinadala ko rin iyon sa kwarto namin, at magkasama namin iyong pinagmamasdan habang nakahiga kami sa kama.

Siguro kung sa iba iisipin nila bakit hindi ko pa binitiwan si Daniel? Bakit nananatili akong umaasa at pilit na lumalaban na gagaling ito kahit ang totoo ay wala na talaga?

Pero kung sila ang nasa katayuan ko, paano ba nila bibitiwan ang nag-iisang taong alam mong dahilan kung bakit ka gumigising araw-araw?

Mahal na mahal ko siya.

Hindi iyon maipapaliwanag ng kahit anong salita pero alam ko magagawa kong iparamdam at maipapakita ko sa kaniya. Kaya nga hindi ko siya iniwan. Kasi mahal ko siya. Iyon lang ang tanging dahilan na mayroon ako. At iyon lang ay sapat na para manatili akong kumakapit sa kabila ng katotohanan na malabo na ang lahat.

"May gusto ka ba? Gusto mo bang uminom?" ang naitanong ko sa asawa ko nang mapuna kong nakatitig siya sa akin.

Umiling si Daniel saka niya tinapik ang bakanteng bahagi sa kanyang tabi. Nakuha ko naman ang ibig sabihin niyon kaya nakangiti ko siyang nilapitan.

"Masaya ako ngayon, alam mo ba?" aniya sa akin.

Tumango ako saka ko siya nginitian. "Alam ko, kasi nakita mo ang bestfriend mo?"

"Salamat, dinala mo siya dito," ang sagot niya sa akin.

"Kahit ano, basta magpapasaya sa'yo, gagawin ko," sagot ko naman.

Totoo iyon, kahit ano, kahit masakit ay pipilitin kong gawin, kung iyon ang gusto ni Daniel, kung iyon ang magpapasaya sa asawa ko.

Makahulugan ang nakita kong ngiti na sumilay sa mga labi niya. Pagkatapos ay kumislap ang mga mata niya. At hinaplos niyon ang puso ko. Kaya ko siya niyuko at hinalikan sa noo.

"May ibibigay ako sa'yo," sabi niya.

"Yeah? May regalo ka sa akin?" agad akong nakaramdam ng pananabik sa sinabi niyang iyon at hindi ko iyon naitago sa tono ng pananalita ko.

Maaliwalas ang bukas ng mukhang tumango si Daniel. Pagkatapos noon ay itinuro niya sa akin kung saan ko kukunin ang sinasabi nitong bagay na ibibigay niya sa akin. Nang buksan ko ang drawer ng sidetable ng kama ay doon ko nakita ang isang pamilyar na kahon na madalas kong makita noong medyo malakas pa siya. Noong hindi pa ganito kalala ang kundisyon niya.

Selyado iyon, palatandaan lang na importante ang laman ng kahon.

"Ano ito?" tanong ko sa kanya habang hindi ko alintana ang nagtutuminding kabog ng dibdib ko.

Noon muling tinapik ni Daniel ang bakanteng bahagi ng kama kung saan ako nakaupo kanina. Bumalik ako doon.

"Alam mo ba kung bakit hanggang ngayon nandito parin ako?" bakas na ang panghihina sa pananalita ng asawa ko kaya minabuti kong awatin na siya pero pinigilan niya ako.

"Marami pa akong gustong sabihin sa'yo," anitong binigyan pa ako ng isang makahulugan na ngiti na nakuha ko naman ang ibig sabihin pero kasunod niyon ay ang tuluyan nang pagbalong ng aking mga luha.

Next chapter