NANG gabing iyon ay nakiusap si Ara sa kaniyang mga magulang upang payagan siya na sa malaking bahay na muna manatili. Sa simula ay parang nag-alangan pa ang mga ito lalo na ang kaniyang ama para payagan siya. Pero sa kalaunan ay naipaliwanag rin niya ang lahat sa kaniyang nanay at tatay.
Una niyang inilagay sa loob ng kaniyang bag ang kaniyang diary kasama ang mga sulat na galing mismo kay Daniel. Kahit kasi nabasa na niya ng maraming beses ang mga iyon ay hindi parin siya nagsasawang ulit-ulitin dahil hindi naman nagbabago ang pagmamahal at mainit na damdaming humahaplos sa puso niya.
"Balikan mo nalang ang iba mong kailangan anak, tutal hindi naman malayo ang bahay nina Daniel mula rito," ang nanay niyang si Susan na nakatayo sa may pintuan ng kaniyang kwarto.
Noon niya nilingon ang kaniyang ina saka pinilit ang isang ngiti pagkatapos ay ipinagpatuloy niya ang kaniyang ginagawa.
"Huwag kang mawawalan nga pag-asa," hindi nagtagal ay muli rin niyang narinig na sinabi ni Susan kasabay ang isang maingat na pagpisil sa kanyang balikat.
Nag-init ang mga mata ni Ara sa narinig pero pinigil niya ang umiyak at nagtagumpay naman siya doon. "N-Nay, ano pong ginaa ninyo noong iniwan kayo ng tatay namin ni Bella?" naitanong niya.
Hindi nga ba at isang Italyano ang ama nila ni Bella na nang-iwan nang mabuntis nito ang kanilang ina? Para sa kaniya kahit papaano ay may pagkakahawig iyon sa sitwasyon niya ngayon. Hindi siya sumusuko at nawawalan ng pag-asa na gagaling si Daniel pero may bahagi parin naman ng kaniyang pagkatao ang nagsasabing kailangan niyang matutunan ang mag-let go para hindi narin mahirapan ang kaniyang nobyo.
"Sinungaling ako kung hindi ko aaminin na nasaktan ako ng sobra. Minahal ko ng labis ang tatay ninyo kahit pa sa maikling panahon lang na nagkasama kami," pagsisimula nito. "Ang totoong pagmamahal kasi hindi naman iyan nasusukat kung gaano katagal ang pinagsamahan ninyo, kundi sa dami ng pagsubok na nalampasan at pinagdaanan ninyo ng magkasama pero mas pinili ninyong kumapit sa kamay ng isa't-isa dahil nararamdaman ninyo na ang nararamdaman ninyo ay isang bagay na karapat-dapat na ipaglaban at sugalan," pagsisimula nito.
"P-Pero hindi ba iniwan lang niya kayo?" sa pagpupumilit ni Ara na huwag mapaiyak ay muling naging mahirap para sa kaniya ang magsalita.
"Masakit ang maiwan, pero wala nang mas sasakit sa pakiramdam na kailangan mong iwan ang taong mahal mo dahil iyon ang kailangan, kahit labag iyon sa iyong kalooban," ang makahulugan na sagot sa kaniya ni Susan na nakuha naman niya ang ibig sabihin.
"H-Hindi ko kayang bitiwan si Daniel, nay," ngayon ay tuluyan na ngang umagos ang kaniyang mga luha.
"Alam ko, at masyado pang maaga para gawin iyon anak. Nagsisimula pa lang ang laban ninyo, maging malakas ka para sa kaniya. Huwag kang aalis sa tabi niya, mahal na mahal ka ni Daniel at kung anuman ang maging katapusan ng lahat ng ito, alam ko sa dulo kayo parin ang magkakasama," anitong niyakap siya ng mahigpit pagkatapos.
Ang ama niyang si Anselmo ang naghatid sa kaniya pabalik sa bahay nina Daniel. Sa gate ay nakita niyang naghihintay na sa kaniya ang binata.
"Ang lahat ng ito gaano man kasakit ay may magandang dahilan. Hindi mo man makita sa ngayon kung ano iyon, sa dulo tiyak na ipagpapasalamat mo parin ang lahat," ang ama niyang hindi niya napansin na tahimik pala siyang pinanonood habang mula sa loob ng kanilang kotse ay tahimik niyang pinanonood si Daniel na naghihintay sa kaniya sa may malaking gate ng ayon narin dito ay kanilang bahay.
Lalong uminit ang sulok ng mga mata ni Ara sa isiping iyon.
Noon pa man ay gustong-gusto na niya ang mansyon na iyon. Kahit noong hindi pa iyon nabibili nina Daniel.
Sino nga ba naman ang makapagsasabi na sa kaparehong bahay mangyayari ang pinakamagagandang kaganapan ng kaniyang buhay kasama ang binata. At kahit lingid sa kaalaman ng mga magulang niya, ang lalaking hindi magtatagal ay kaniyang magiging kabiyak.
Siguro nga totoo ang sinasabi ng marami na hindi mo isisikreto ang isang bagay kung hindi ito labis na mahalaga sa iyon.
At ganoon ang nararamdaman niya ngayon. Dahil kung may salitang hihigit pa sa labis ay iyon ang talagang nararamdaman niya.
Si Daniel ang pinaka-mahalagang tao sa buhay niya. At ang lahat ng mangyayari sa pagitan nilang dalawa ay mananatiling lihim sa kaniyang puso, magpakailanman.
"T-Tay?"
"Ano iyon anak?"
"Pwede po bang pakisabi kay nanay huwag niyang babanggitan kay Bella ang tungkol dito? Ayoko kasing mag-alala ang kakambal ko. Alam ko nararamdaman niya ngayon ang kung anuman na pinagdadaanan ko, baka kasi mapilitan pa siyang lumuwas dito sa Maynila kapag nalaman niya ang tungkol dito," ang naisip niyang sabihin bago siya tuluyang bumaba ng sasakyan.
*****
"DITO ka muna ha? Okay lang ba sa'yo?" tanong ni Daniel nang ihatid na siya nito sa kwarto na katabi ng okupado nito at katapat naman ng kay Danica habang ang kay Marielle ay nasa pinakadulo ng pasilyo.
Tumango siya. "S-Si Aling Salyn ba hindi ba siya magsasalita tungkol dito?" tanong niyang naupo sa gilid ng kama.
Noon lumuhod si Daniel sa harapan niya. "Kinausap na siya ni Mama, huwag kang mag-alala, parang pamilya narin ang turing namin sa kaniya kaya sigurado akong mapagkakatiwalaan natin siya," ang binata na ginagap ng mahigit ang kamay niya.
"Mahal na mahal kita," aniyang hinaplos ng buong pagmamahal ang mukha ng binata.
"Sorry kung kailangan mong pagdaanan ang lahat ng ito. Kung bakit kailangan nating ilihim ang lahat. Pero hindi ibig sabihin noon hindi na totoo ang kung anong mayroon tayo ngayon," ang binata sa tono nitong humihingi ng paumanhin.
Napangiti si Ara sa sinabing iyon ng binata. "Alam ko, naiintindihan ko ang lahat," sagot niyang yumuko saka ito hinalikan sa mga labi.
"Salamat sa pang-unawa. sweetheart. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya na makakasama kita ngayon. Pansamantala lang naman na dito ka, pagkatapos ng kasal natin lilipat ka na doon sa kwarto ko," sa huling sinabi ng binata ay mabilis na nag-init ang mukha ni Ara.
"Oh, bakit namumula iyang mukha mo?" amuse nitong tanong nang mapansin ang matinding pamumula ng kaniyang mukha.
Napahagikhik ang dalaga sa tanong na iyon kasabay ang matinding kilig na bumalot sa kaniyang puso. Dahilan kaya nahihiya niyang tinakpan ng kaniyang mga palad ang sarili niyang mukha.
"Tumigil ka nga, ang lakas mo parin talaga mang-asar!" aniyang natawa muli.
"Ipapaasikaso ko kay Mama ang kasal natin, may kaibigan siyang Judge na pwedeng magkasal sa atin sa lalong madaling panahon," nang sandaling iyon ay seryoso pero puno na ng pag-asa ang tono ni Daniel.
Napuno ng excitement ang puso ni Ara dahil sa sinabing iyon sa kaniya ni Daniel. Not to mention ang kanina pa maningning na mga mata ng binata. Talagang kahit ganito ang sitwasyon nilang dalawa ngayon may dahilan parin para maging masaya.
"Ngayon naniniwala na ako na ang mga pinakatotoong damdamin madalas naka-sekreto, parang tayo," aniyang niyuko ang binata saka hinalikan sa noo.