"BALIW ka na ba? Alam mo naman na hindi ko gusto ang lalaking iyon! Saka bakit naman kasi nasa iyo ang cellphone ko?" ang inis na inis na tanong ni Ara kay Jason nang magkita sila nito sa library at maikwento ang nangyari sa pagitan nila ni Daniel sa harapan ng university canteen.
Tumawa si Jason saka siya pinakatitigan. "Nakalimutan mo na ba? Hindi ba naki-text ako sa'yo? Saka bakit mo naman kasi pinagbintangang magnanakaw iyong tao? Sana pinagpaliwanag mo muna para hindi---,"
Naputol ang iba pang gustong sabihin ni Jason nang biglang sumilip sa pintuan ng opisina ng library si Nancy, isa sa mga kasamahan nilang student assistant.
"Ara, ang sabi ni Ma'am Shiela tawag ka daw sa Guidance Office," anito sa kanya sa concerned na tono.
Mabilis na kinabahan si Ara sa narinig. "A-Ano? G-Guidance Office?" ang takot niyang tanong saka tinitigan si Jason. "kasalanan mo ito eh," paninisi niya sa kaibigan saka napapadyang ng paa sa sahig.
Noon muli siyang tinawanan ng kaibigan niya. "Anong kasalanan ko? Ikaw itong nang-away? Alam mo Ara sa ganda mong iyan kahit minsan hindi ko naisip na may pagka-war freak ka pala?" pambu-bully pa ni Jason sa kaniya.
"Samahan mo ako! Ano ka ba Jason, kasalanan mo ito kasi binigay mo sa kanya ang cellphone ko!" ang naiiyak na niyang sabi pero nagpigil siya.
Noon huminga ng malalim ang matalik na kaibigan niya saka siya pinakatitigan. "Okay," anitong sinulyapan si Nancy ng makahulugan na tumango naman. "pero wala akong kakampihan sa inyong dalawa okay? Pareho ko kayong kaibigan at ayokong maipit sa away ninyong dalawa," pagpapaalala pa ni Jason sa kanya.
"Ako naman ang nauna mong nakilala pero bakit ayaw mo akong kampihan?" nasa tono ni Ara ang pagtatampo nang palabas na sila ng library.
"Ano ka ba, mabait na tao si Daniel. Hindi mo lang kasi binigyan ng chance na magsalita iyong tao kasi mas nangibabaw sa iyo ang inis na nararamdaman mo para sa kanya," anitong bahagya pang ginulo ang buhok niya.
Palabas na sila noon ng library building at pansin ni Ara ang mga mata na nakasunod sa kaniya.
"Impaktong lalaki iyon, gago siya ang kapal niyang kunin ang first kiss ko sa ganoong paraan!" ang halos pabulong niyang litanya na alam naman niyang umaabot sa pandinig ni Jason.
"Next time kasi huwag mong gagamitin ang term na bakla sa mga lalaki," si Jason na amuse siyang sinulyapan.
"Nabigla lang naman ako, kasi pikon na pikon na ako sa kanya," pag-amin niya.
Tumango si Jason. "Sige na, mamaya huwag kang magpapadala sa init ng ulo at please, bawasan mo ang katarayan mo, lalo kang iinisin ni Daniel."
Parang batang munting tumango na lamang si Ara sa paalalang iyon sa kaniya ng matalik na kaibigan.
Lalong nagtumindi ang kabog ng dibdib ni Ara nang matanawan niya ang gusali kung saan naroroon ang Guidance Counselor's Office.
"Hindi naman siguro ako matatanggal sa pagka-S.A ko hindi ba? Naku oras na mangyari iyon mapapatay ko talaga ang Daniel na iyon!" aniyang muling naramdaman ang pagsiklab ng galit sa kaniyang dibdib.
"Kumalma ka nga, baka mamaya lalo pang lumala ang sitwasyon kakaisip mo ng kung anu-ano," saway pa ni Jason sa kaniya.
Noon tiningal ni Ara ang kaibigan niya saka tumango. Hindi na siya nagsalita pa. Tama nga naman ito, baka mamaya kaka-react niya ng ganito ay magkaroon ng hindi magandang resulta oras na makaharap niyang muli si Daniel na pwedeng ikalala ng sitwasyon.
"Hihintayin kita dito, hindi ako pwedeng pumasok doon," si Jason na naupo sa concreat bench na nasa tapat ng Guidance Counselor's Office.
Tumango lang si Ara saka na lumapit sa nakapinid na pintuan at kumatok.
Lalong nagtumindi ang ragasa ng kaba sa dibdib ni Ara nang pagbukas ng pinto ay si Daniel agad ang nakita niyang nakaupo sa silya na nasa harapan ng mesa ng Guidance Counselor. Nang mga sandaling iyon, hindi niya alam kung paano siya magre-react.
Biglang bumalik sa isipan niya ang matinding kahihiyan na nangyari sa kaniya kanina kaya nakaramdam siya ng matinding galit para kay Daniel. Matalim ang titig na ipinukol niya dito at iyon ang nakita niyang dahilan kaya bahagya pa siyang napakislot nang marinig na nagsalita ang babaeng Guidance Counselor na nakaupo sa likuran ng mesa.
"Miss Madrigal, please take a seat para makapagsimula na tayo," ang mahinahon nitong winika sa kanya.
Tumango lang si Ara saka na kumilos para maupo sa isa pang bakanteng silya sa harapan ng mesa nito. Katapat ng silya na okupado ni Daniel.
Iniwasan niya ang salubungin ang mga titig ng lalaki, sa kabila iyon ng katotohanan na ramdam niyang hindi humiwalay minsan man sa kaniya ang paningin nito. Pero sa huli ay hindi rin siya nakatiis. Mula sa kaniyang pagkakayuko ay sinulyapan niya ang lalaki, para lang pagsisihan ang ginawa niyang iyon kasabay ng naramdaman niyang matinding pamumula ng kaniyang buong mukha nang sa pasimpleng paraan ay nakita niyang umangat ang sulok ng labi nito para sa isang makahulugan at pilyong ngiti na sinabayan rin ng isang mabilis na pagkindat.
Noon sinulyapan ni Ara ang babaeng nasa harapan nila na nakita niyang nakayuko at mukhang may hinahanap sa loob ng drawer nito. Iyon ang nasilip niyang pagkakataon kaya naman inambahan niya ng kaniyang kamao si Daniel habang naniningkit ang kaniyang mga mata sa tindi ng pagkapikon sa lalaki.
Pero muli rin niyang pinagsisihan ang ginawa niyang iyon dahil nahuli siya ng Guidance Counselor.
"Miss Madrigal!" saway pa nito sa kaniya sa kaniya sa isang mababa ngunit mariin na tono.
Hindi kumibo si Ara at sa halip ay nagbaba nalang ng ulo.
Ang halimaw na lalaki palagi nalang perfect timing. Malamang hindi ito na kita ng Guidance Counselor kanina dahil nakayuko ito.
Lalong nagngitngit ang dibdib ni Ara sa nararamdaman inis para kay Daniel.
May araw ka rin sa akin, pangit ka!
Sa huling salitang sinabi ay hindi sumang-ayon ang isipan ni Ara. Hindi man niya aminin pero alam niya mismo sa sarili niyang crush niya si Daniel dahil sa aking karisma at nakaka-magnet na kagwapuhan nito. Pero dahil sa mortal rin niya itong kaaway, mamamatay na muna siya bago niya aminin sa lalaki ang totoo.
"Siguro naman alam ninyong may na-violate kayong school rules kaya ko kayo ipinatawag?" ang pagsisimula ng babae.
Hindi nagsalita si Ara o kahit si Daniel kaya nagpatuloy ang Guidance Counselor sa pagsasalita. Normal lang na pagsabihan sila, tanggap ng dalaga iyon, mali naman talaga na gumawa sila ng eksena sa loob mismo ng unibersidad. At feeling winner na ang dalaga dahil ang pinaka naging focus ng paninermon ng Guidance Counselor ay si Daniel.
"Hindi maganda na ginawa mo iyon kay Miss Madrigal sa harapan pa ng maraming estudyante. Binastos mo siya," ang sabi ng Guidance Counselor kay Daniel.
Tumango si Daniel. "Willing po akong pagbayaran ang ginawa ko," sa kauna-unahang pagkakataon, simula kaninang maupo siya doon ay noon lang narinig ni Ara na nagsalita ang binata.
"Ipatatawag ko ang mga magulang ninyo para malaman nila ang nangyari!" anitong galit parin ang tono pero hindi nagtataas ng boses.
Noon mabilis na naalarma si Ara. "N-Naku huwag po ma'am, mapapagalitan po ako. Saka hindi po ba ako naman ang totoong naging biktima dito? Ipinahiya ako ng lalaking ito!" sa huling sinabi ay hindi na nagawang itago pa ni Ara ang galit para kay Daniel. "Maniac!" dugtong pa niya saka tinapunan ng matalas na titig ang lalaki na hindi nga ngumiti pero nasa magaganda parin nitong mata ang matinding amusement para sa kanya.
"Please ma'am, huwag na po ninyong idamay si Ara dito. Tama po siya, ako naman po talaga ang may kasalanan ng lahat, at willing po akong pagbayaran iyon. Kung gusto ninyo, wala pong problema sa akin kahit gawin ninyo akong student assistant sa library ng isang buong school year. Para maipakita ko pa sa inyo at sa buong school na totoo sa loob ko na pagbayaran ang ginawa ko," si Daniel iyon habang nakikiusap sa Guidance Counselor.
Hindi alam ni Ara kung paniniwalaan ba niya ang narinig na iyon mula sa binata pero talagang nahati agad sa dalawa ang nararamdaman niya. Lalo na nang sa huli ay nagdesisyon ang Guidance Counselor na pagbigyan si Daniel sa kahilingan nito kaya naman hindi nagtagal ay natapos narin ang pag-uusap nila.
Magkasabay silang halos lumabas ng opisina ng binata. Kung hindi nga lang magagalit ang Guidance Counselor kapag nakita siya nito ay baka siniko na niya ang tagiliran ni Daniel sa sobrang gigil at inis niya rito lalo nang mapuna niya ang pagpipigil nitong mapangiti nang nasa labas na sila ng Guidance Office.
"Oh, anong nangyari?" si Jason na mabilis na lumapit sa kanila.
"Dude, anong ginagawa mo dito?" ang nakangiting tanong ni Daniel na sumulyap pa sa kanya.
"Sinamahan ko lang itong si Ara kasi---,"
Hindi na hinihintay pa ng dalaga na matapos si Jason sa iba pa nitong dahil nagsimula na siyang maglakad. Agad naman siyang sinundan ni Jason. At lalo siyang nairita nang makita niya na maging si Daniel ay nakabuntot sa kaniya.
"Ara, ano bang nangyari?" tanong ni Jason.
"Pagsabihan mo ang maniac mong kaibigan na huwag siyang feeling close! Buwisit siya!" ang may kalakasan niyang bigkas na umabot sa pandinig ng lalaki.
"Ako pa ang bwisit eh ginawan ko na nga ng paraan para hindi tayo ma-parent's needed. Napaka-ungrateful naman pala ng kaibigan mong iyan, Jason!" ang huli ay pagpaparinig ni Daniel sa kaniya na lalong ikinainis ni Ara.
"Tumigil ka!" aniyang dinuro ang lalaki. "alam kong sinadya mo iyon kasi gusto mong makasama na naman ako at malapitan, impakto ka talaga, nakakagigil ka, demonyo!" pigil na pigil si Ara na magtaas ng boses dahil nasa lugar sila na daanan ng mga estudyante at ayaw niya makagawa na naman ng eksena na pwede niyang ikapahamak.
Nang-iinis na tumawa ng mahina si Daniel na nakita niyang nagtakip pa ng bibig at nagsalita na tila isang babae. "Sinabi ko na sa iyo hindi ba? You're not my type!" anitong impit pang tumawa na lalong nakapagpainit ng ulo niya.
Sa narinig ay namula ang mukha ni Ara. May point nga naman ito. Baka nga naman hindi siya nito talagang type at ina-assume lang niya iyon. Doon lihim na nasaktan ang dalaga kaya bago pa man siya mapaiyak dahil nararamdaman na niya ang pag-iinit ng sulok ng kaniyang mga mata ay minabuti niyang talikuran na si Daniel.
"Hoy, Ara, hintayin mo ako!" si Jason na humabol naman sa kaniya.