webnovel

CHAPTER 2 "DANIEL TRINIDAD"

KATULAD ng inaasahan ni Ara, isang linggo matapos ang kaniyang high school graduation ay lumabas na ang resulta para sa kaniyang application for student assistant sa unibersidad na papasukan niya. At laking tuwa ng dalaga nang malaman niyang kasama siya sa mga estudyante na nakapasa.

"Nay! Tay!" nasa may tarangkahan pa lamang si Ara ng bahay nila ay iyon na ang masayang tawag niya sa kaniyang mga magulang.

Alam niyang matutuwa ang mga ito at hindi nga siya nagkamalai. Masaya siyang niyakap ng kaniyang ina at ganoon rin ang ama niyang si Anselmo.

"Matatalino talaga ang mga anak natin, Susan. Kung ganoon, kailangan nating mag-celebrate. Mamili ka, kakain tayo sa labas ngayong pananghalian o magluluto tayo ng espesyal na ulam dito sa bahay?" ang tatay niya na ngiting-ngiti habang nangingislap ang mga mata dahil sa labis na kasiyahan.

Noon nagkibit ng kaniyang mga balikat si Ara saka nakangiting nagsalita. "Kahit dito nalang po tayo kumain, mas makakatipid tayo at mas mabubusog pa kami ng kapatid ko," si Anthony ang tinutukoy ni Ara na nasa elementarya pa lamang.

Nakita niyang nagpalitan ng makakahulugan na tingin ang kaniyang mga magulang dahil doon. At noon nga siya niyaya na ng kaniyang ina para samahan ito sa pamimili ng mga kakailanganing rekado para sa iluluto nitong menudo at kare-kare para sa kanilang espesyal na pananghalian.

*****

Nasa veranda ng malaki nilang bahay noon si Daniel at kasalukuyang kausap sa telepono ang ina niyang Marielle nang mula roon ay matanawan ang isang babaeng kulay blonde ang buhok.

Agad siyang natigilan.

Makatawag pansin hindi lang ang mala-porselana nitong kutis kundi maging ang pino at mahinhin nitong paglakad.

"Daniel, anak? Nariyan ka pa ba? Naririnig mo ba ako?" mula sa kabilang linya ay iyon ang untag sa kaniya ng kaniyang Mama.

"Ah, yeah, Mama. I'm sorry, " ang mabilis niyang paghingi ng paumanhin.

"Huwag kang masyadong magpa-stress sa pag-aaral mo dahil hindi ko naman hinihingi ang maging number one ka palagi. Ang gusto ko lang matataas na grades, baka naman magkasakit ka? Ayokong mangyari iyon," ang malambing na paalala pa sa kaniya ng kaniyang ina na nagpangiti sa kanya bagaman pirmi ang mga mata niya na nakasunod sa babaeng blonde na ngayon ay malayo na ang nalalakad kasama ang sa tingin niya ay nanay nito na mestisahin rin pero itim na itim naman ang buhok.

I wonder what she looks like.

Ang naglalaro sa isipan ni Daniel nang mga sandaling iyon saka na nagbawi ng tingin nang makita sumakay na ng traysikel ang babae kasama ang ginang na kasama nito.

"Daniel," ang muli ay narinig niyang pag-untag sa kaniya ng kaniyang ina.

"Ma, sorry ulit," aniyang natawa pa ng mahina.

"Ano bang nangyayari sa iyo? Bakit parang distracted ka yata?" nasa tono ng ina ni Daniel ang magkahalong curiosity at amusement kaya hindi napigilan ng binata ang matawa ng mahina.

"Wala Ma, sorry," ang tanging sinabi na lamang niya para hindi na magtanong pa ng magtanong ang kaniyang ina.

Ganoon naman kasi siya, hindi niya gusto ang masyadong mahabang usapan at hindi rin niya gusto ang palaging tinatanong ng kung anu-ano lalo na kapag personal. At alam iyon ng kaniyang ina na si Marielle.

Nasa New York ang Mama niya at nagtatrabaho doon bilang isang Communications Manager. Sampung taon lang siya nang mamatay dahil sa atake sa puso ang Papa nilang si Danico kaya naman simula noon ay wala nang ginawa ang Mama niya kundi ang magtrabaho para sa kanilang dalawa ng kaniyang Ate Danica.

"Okay, ipapadala ko nalang mamaya ang pang-enroll mo at pati narin ang allowance ninyo para sa buwan na ito. Mag-aral kang mabuti anak, para pagka-graduate mo makasunod ka na rito kasama ang Ate mo, sobrang miss na miss ko na kayo at gusto ko na kayong makasama," naramdaman ni Daniel sa tono ng pananalita ng kaniyang ina ang sinabi nito.

Ganoon rin naman siya.

Sa loob nang mahigit sampung taon ay nanatiling nasa malayo nagtatrabaho ang nanay nila at lumaki na siya na madalang kung makasama ito. Kadalasan ay tuwing Christmas season lamang iyon nangyayari, ang nakukumpleto silang buong pamilya.

"Miss na rin kita, Mama," nang hindi makatiis ay minabuti ni Daniel na aminin na iyon sa kaniyang ina.

Parang nakikita ni Daniel ang magandang ngiti sa mga labi ng kaniyang ina nang sumagot ito at magsalita.

"May girlfriend ka na ba anak? Sana kung papasok ka sa relasyon piliin mo iyon babae na mamahalin ka ng buo, kahit hindi mayaman, kahit simple lang at hindi sobrang ganda. Ang mahalaga nakahanda siyang samahan ka palagi," paalala ng Mama niya sa kanya.

Noon matamis na napangiti si Daniel.

Hindi naman iyon ang unang pagkakataon na nagtanong sa kaniya ng ganoon ang kaniyang ina. At hindi rin iyon ang unang pagkakataon na nagpaalala ito sa kaniya. Sa katunayan ay kabisado na niya halos ang mga dialogues nito. Pero ganoon siguro talaga, nasa malayo ito at kung tutuusin, kung hindi sana pumanaw ng maaga si Danico na isang mahusay na Civil Engineer, baka kasama nila ito ngayon.

Baka wala sa abroad si Marielle at baka buo parin ang pamilya nila at magkakasama. Katulad nang iba niyang mga kaibigan na nakakalabas tuwing linggo at nagkakaroon ng oras para sa tinatawag na family bonding. At higit sa lahat, baka may nakakausap siya tungkol sa mga bagay na pinagdadaanan niya bilang isang teenager.

Sabik na sabik siya sa pagmamahal ng isang ama, malapit na malapit kasi siya kay Danico noong nabubuhay pa ito. Ganoon rin naman sa kalinga at paglalambing ng isang ina. Dahil kahit ano pa ang sabihin ng iba, aaminin niya isa siyang certified mama's boy.

Para kay Daniel, wala siyang makitang masama doon.

Dito lang yata sa Pilipinas nagkaroon ng masamang connotation ang salitang iyon pero ang totoo, wala siyang makitang hindi maganda kung mahal na mahal ng isang anak na lalaki ang kaniyang ina. Kung malapit siya rito at ito ang itinuturing niyang matalik na kaibigan. Lalo na sa isang katulad niyang tao na malalim at malihim.

Iba naman ang ibig sabihin nang labis na pagmamahal mo sa iyon ina kumpara sa kawalan ng sariling disposisyon sa buhay. Dahil sa parteng iyon, kahit malapit siya sa kaniyang ina, ay nagagawa parin niyang mag-decide para sa sarili niya. Katulad na lamang sa kung sinong babae ang gusto niyang ligawan. Kung anong kurso ang gusto niyang kuhanin at maging ang pagsunod niya sa New York pagkagraduate niya ay hindi rin naman sapilitan.

Aminado siya sa pagiging pilyo niya sa mga babae pero hindi siya cheater.

Hindi rin siya ang tipo na lalandiin ang isang babae, tapos kapag hulog na hulog na ay saka niya iiwan. Naturuan siya ng Mama niya na igalang ang mga babae kahit dumarating sa mga punto na nakaka-encounter siya nang mga tipong kulang nalang ay maghubad sa harapan niya dahil sa lantarang pagpi-flirt.

"Daniel?" ang boses na iyon ng kaniyang ina ang pumutol sa malalim na pag-iisip ng binata.

"Sa ngayon wala po, Mama," aniyang tumawa ng mahina.

"Sa ngayon wala?" amuse ang nasa tono ng pananalita ni Marielle.

"Break na kami ni Lilet, Ma, halos apat buwan na," sa huling sinabi ay napabuntong hininga si Daniel.

Si Lilet ang kaniyang huli at pinakamatagal na nakarelasyon. First year college pa lang siya nang makilala ito, pero dahil nga nag-decide ang Mama niya na bumili ng bahay sa parteng ito ng Maynila ay nakipaghiwalay sa kaniya si Lilet na naiwan sa Cebu.

"Sorry anak, mukhang napasama yata ang pagdedesisyon kong bumili nalang ng bahay diyan sa Maynila?" ang Mama niya.

"Okay lang po, hindi lang siguro kami para sa isa't-isa kaya ganoon," totoo iyon sa loob niya.

Sa Cebu talaga sila nakatira sa loob ng matagal na panahon. Pero dahil nga nag-decide ang Mama nila na bumili ng bahay dito sa Maynila ay minabuti nilang lumipat nalang dito. Kumuha na lamang ng caretaker ang kanilang ina para hindi mapabayaan ang matandang bahay nila na naiwan sa probinsya.

Sa ngayon ay mag-i-isang linggo pa lamang mula nang lumipat sila ni Danica dito sa Maynila. Pero katulad narin ng sinabi niya, halos apat na buwan na mula nang makipaghiwalay sa kaniya si Lilet.

Naunawaan naman niya iyon.

Ayaw ni Lilet ng long-distance relationship kaya kahit siguro magtatlong taon narin sila ay minabuti nitong tapusin ang lahat sa kanila.

Nasaktan siya. At hanggang ngayon ay may mga pagkakataon na sumasagi parin ito sa kaniyang isipan lalo na sa mga pagkakataon na mag-isa lang siya. Pero ano nga bang magagawa niya? Hindi naman tama na ipilit niya ang gusto niya dahil ayaw na nito. Kaya pinalaya niya ang dalaga masakit man sa kalooban niya.

Sa ngayon ay incoming third year na siya sa kursong Civil Engineering. Oo, katulad ng propesyon ng namayapa niyang ama ang kurso na kaniyang kinuha. Gusto niyang ituloy ang mga pangarap nito. Gusto niyang maging proud ito sa kaniya, nasaan man ito ngayon.

"Ganoon ba? O siya sige, magpapahinga na ako, ikaw din magpahinga ka muna at baka napapagod kayong husto ng Ate mo sa pag-aayos ng bahay. Kung may kailangan kayo sabihin lang ninyo sa akin, oo nga pala, pakisabi sa ate mo na tawagan niya ako mamayang gabi," bilin pa ng Mama niya.

"Sige po," ang maikli niyang sagot at naputol na ang linya.

Mukhang nahuhulaan na niya ang sasabihin ng Mama niya sa kaniyang Ate mamaya. Gusto rin kasing doon mag-trabaho ng kapatid niya bilang nurse. Isa rin iyon sa mga dahilan kung bakit bumili ng bahay dito sa Maynila ang kanilang ina. Kung sakali kasing makaalis ang kapatid niya, at least hindi siya maiiwang mag-isa sa Cebu.

Pero para sa kaniya, kung sakali kahit naman nandito siya sa Maynila o nasa Cebu, wala rin iyong pinagkaiba dahil mag-iisa parin siya.

Sa huling naisip ay tahimik lang siyang nagbuntong hininga.

Okay lang iyon, nauunawaan niya. Kaya niyang maiwan mag-isa at hindi sasama ang loob niya. Dahil kung para sa mga taong mahal niya, lagi siyang nakahandang umunawa.

Next chapter