"Weak," kutya nito kahit na pareho lang kaming marami ng pinsalang natamo. At ramdam ko ang panghihina ng aking katawan dahil sa walang tigil na pagdugo ng sugat ko sa tiyan. Sinubukan kong tumayo pero muli rin akong bumagsak sa lupa, na sinamantala naman ng kalaban at mabilis na lumapit sa akin at dinaklot ang buhok ko dahilan para mapatingala ako. "Katapusan mo na," sabi nito bago ngumisi. Nakita ko ang mabilis na pagbulusok ng mga kuko nito patungo sa aking leeg kaya napapikit na lang ako habang habol ang hininga at hinihintay ang aking katapusan.
"Wala kang karapatang saktan ang kapatid ko!" Tinig na nagpamulat sa akin. At nakita ko na lang si Alexander na nakatayo sa likuran ng kalaban ko at nakabaon na ang kanang kamay sa likuran nito at tumagos sa harapan.
Dahil doon ay nabitiwan na nito ang pagkakasabunot sa akin. Agad naman akong dinaluhan ni Sam ng bumagsak ang aking katawan.
"Kawawa naman k-kayo," nahihirapang sabi nito na binuntutan pa ng tawa kahit na may lumalabas ng kulay itim na dugo sa bibig nito. Bago pa ito tuluyang bumagsak at mawalan ng buhay ay malinaw naming narinig ang huling sinabi nito. "Tagumpay kami…"
"Halika bubuhatin na kita," sabi ni Sam habang katulong si Alexander na maitayo ako. "Saan mo ipinarada ang kotse mo?"
"Ma-malapit sa site…" habol ang hiningang sagot ko. "Sandali, sinong kasama ni Liane?"
"Si Jake," sagot ni Alexander na alerto pa rin na nagmamasid sa paligid.
"Alex, balikan mo na sila. Ako na ang bahala rito."
"Pero…"
"Balikan mo na sila! Masama ang kutob ko. Hindi mo ba narinig ang huling sinabi no'ng lalaking iyon? Nagtagumpay raw sila!" `Di ko na napigilang isigaw. Na agad ko ring pinagsisihan dahil halos mapugto ang hininga ko sa matinding sakit. Matapos kong sabihin iyon ay halos sabay-sabay rin kaming natigilan. Nang mapagtanto ang sinabi ko.
"Diversion! Bwisit!" Bulalas ni Alexander at wala ng sabi-sabing tumakbo patungo sa kinaroroonan ni Liane.
"Sana mali tayo…" Naibulong ko na lang bago bumigay ang aking katawan dahil sa panghihina.