Nang mawala sa aming paningin si Liane ay hindi ko napigilang magpakawala ng isang malalim na buntonghininga.
"Siguradong nahihirapan ngayon si Liane. Kung bakit kasi hindi na lang sa isang simple at normal na pagkakataon natin siya nakilala."
"Kahit anong gawin natin hindi na mababago ang lahat. Isa pa, kahit na hindi maganda ang mga nangyari ay masaya pa rin ako na natagpuan na natin siya. O mas tamang sabihing natagpuan niya tayo," sabi ni Jake na pinagsalikop ang mga daliri at inilagay sa likod ng ulo, bago sumandal sa kinauupuan nito.
"Tama si Jake. Gawin na lang natin ang lahat para maging ligtas siya," sang-ayon ni Chris.
"Sana lang mapaghandaan natin ang muling pagbalik ng kalaban. Dahil kahit anong gawin natin wala tayong ideya sa lahat ng magiging kilos nila maliban sa pagtatangka nilang makuha si Liane bago sumapit ang full moon," sabi ni Sam sa seryosong tinig.
"Tama ka…" tanging nasabi ko na lang. Pagkatapos ng usapang iyon ay binalot ng katahimikan ang buong paligid dahil sa kaniya-kaniyang iniisip.