webnovel

~ SA KABILANG DAKO ~

"Sigurado ka bang siya na ang babaeng hinihintay natin?" Tanong ng lalaking nakaupo sa isang malaking upuang may sandalan, na nakaluklok sa mataas na bahagi ng bulwagang iyon na animo'y isang hari. Na bago mo marating ay kailangan mo pang umakyat ng limang baitang na hagdan.

Nakasuot nang isang pares ng mamahaling damit at pantalon. Maging ang sapatos ay nangingintab dahil sa bago pa lang iyon. May nakasampay pang mistula isang kapa na kulay itim sa mga balikat na sumasayad hanggang sa nangingintab na sahig ng lugar na iyon. Kung titingnan ay napakabata pa nito pero ang totoo ay halos kulubot na ang balat nito kung hindi lang dahil sa mga iniinom nitong dugo at kinakaing mga laman ng tao.

"Opo panginoon," sagot ng lalaking nakaluhod ang kaliwang tuhod na animoy isang kawal at nakayuko ang ulo.

"Bakit hindi mo na isinama pabalik dito?"

"Binabantayan siya ng magkakapatid."

"Binabantayan? O pinairal mo na naman `yang ulo mo sa baba?!" Mariing sigaw nito na namumula pa ang mga mata.

"P-panginoon...patawad po." Nahihirapang sabi nito. "Pe-pero sa tingin ko wala pa siyang alam tungkol sa tunay na katauhan ng magkakapatid. O kahit ang dahilan kung bakit naroon siya sa lugar na iyon."

"Kung gano'n nga ang sitwasyon mas madali mo dapat siyang nakuha!" Sigaw ng lalaki na sa isang iglap ay nakatayo na sa harapan ng nakaluhod na lalaki. Napasinghap ang lalaki at wala sa sariling napaatras dahilan para mapaupo ito habang nanlalaki ang mga matang nakatingala rito. "Sa susunod na gawin mo ulit ang kapalpakang iyan sisiguraduhin kong iyon na rin ang huling hininga mo! Naiintindihan mo ba?" Sabi ng lalaki kasunod ng pagdaklot sa leeg ng natulalang lalaki na wala ng ibang nagawa kundi ang humawak sa braso ng panginoon nito habang nakaangat sa ere.

"O-opo." Nahihirapang sagot nito at halos namumula na rin ang mukha tanda na nauubusan na ito ng hangin.

"Umalis ka na sa harapan ko at tipunin mo ang lahat ng magagaling kong alagad!" Utos nito matapos pasalyang binitawan ang lalaki na masalampak na bumagsak sa sahig. Hawak ang leeg habang sunud-sunod na umuubo. "Pagpaplanuhan natin ang gagawin nating pagpapabagsak sa magkakapatid at pagkuha sa babaeng iyon."

Mabilis namang tumalima ang lalaki kahit na nanlalambot pa rin ito dahil sa ginawa ng panginoon nito.

"Makakaganti na rin ako sa pagpapalayas na ginawa n'yo sakin. Sisiguraduhin kong pagsisisihan ninyong binuhay n'yo pa ako." Galit na bulong nito habang nakatitig sa kawalan. Pagkatapos ay nagpakawala ng isang malakas na halakhak na kung sino man ang makakarinig ay iisiping nasisiraan na ito ng bait.

Next chapter