Sobra ako makakapit at makatago sa likod ni ama habang naglalakad kami patungo sa kanila noong tahanan. Hindi ako sanay sa ganoong klaseng ingay lalo't nabuhay ako sa gitna ng tahimik na lugar sa isang kakahuyan. Mas lalo akong naging panatag sa pagsama sa kaniya dahil napatunayan ko, sa pagsalubong pa lamang sa kaniya ng mga mamamayan ng kanilang purok, na isa siyang mabuting tao. Nang makarating kami ni ama sa kanilang tahanan, agad siyang niyakap ng noo'y buntis pa na aking inang si Mara. May kaunting hawig sila ni ina. 'DI siya katangkaran, mahaba rin ang itim niyang buhok, may pagkakayumanggi at makinis ang balat, may kaunting kalakihan ang mga mata ngunit maganda at bagay pa rin sa kaniyang mukha. Naging napakagiliw rin ng pagtanggap ni ina sa akin.
"Sino ang napakagandang batang ito?" buong ngiting kamusta ng ina kong si Mara sa akin. Ang ngiti niya ang talagang nagpapalitaw ng tunay niyang kagandahan. Napakasarap alalahanin. Kailan ko kaya muli iyon makikita?
Sinusubukan kong magtago sa likod ng binti ni ama. Natatakot pa kasi ako noon sa aking mga bagong nakikilala. Tinignan ako ni ama sa aking mga mata't sinenyasan na mabuting tao ang aking kaharap. Inalok ni ina ang kaniyang kamay bilang daan upang kami'y magkakilala. Dahan-dahan akong lumapit at inabot ito, bagamat nag-aalangan.
"Napakaganda mo namang bata. Ano'ng pangalan mo, iha?" muling usisa noon sa akin ni ina.
Sinusubukan kong ibuka ang aking bibig ngunit wala pang boses ang lumalabas rito. Tila ubos pa rin ang aking lakas at matindi pa rin ang aking pag-aalinlangan dahil sa aking sinapit. Ikinuwento ni ama kay ina ang aking dinanas. Binanggit nito na napulot niya ako sa Kakahuyan ng Kalingag matapos ang kamatayan ng aking ina.
Naintindihan ni ina ang noo'y aking lagay kaya't 'di niya na ito inusisa pa. Marahan niyang hinawi ang aking buhok gamit ang kaniyang mga banayad na kamay at niyapos ako. "Napakagaan ng loob ko sa iyo, Cateline." Ibinuka ni ina ang kaniyang mga kamay, paanyaya sa mahigpit niyang yakap na nakalaan para sa akin.
Naging mapagmahal si ina. Madalas siyang magluto ng masasarap na pagkain noon para sa kaniyang mas lumaking pamilya. 'Di ko alam ngunit sa dinami-rami ng kaniyang masasarap na lutuin ay sopas ang aking pinakanagustuhan. Sinasama niya rin ako sa tuwing babasahan niya ng mga aklat si Christine, noong nasa sinapupunan pa lamang ito, bago kami matulog sa kanilang kuwarto. Nagpasadya pa siya ng ikalawang kama sa loob ng kaniyang kuwarto upang maging aking tulugan.
"... at diyan nagtatapos ang ating kuwento." Inilapat ni ina ang kaniyang kamay sa aking ulo. "Matulog ka na anak."
Niyakap ko ang nakaupong si ina sa kaniyang higaan. Laking gulat at tuwa ni ina nang sumipa ang bata sa kaniyang sinapupunan nang lumapat ang aking mga palad sa kaniyang tiyan. Ganoon pala ang pakiramdam ng sumisipang sanggol. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang galak, kaya't ako'y napangiti rin. Mukhang nakadagdag pa sa kaniyang pagkagalak ang aking pagngiti.
"Ravan, sumipa na ang anak natin!" sigaw ni ina sa labis na kaligayahan.
Agad namang tumakbo papasok ng kuwarto si ama animo'y batang makatatanggap ng sorpresa. "Totoo ba?" tanong niya. Nilapat ni ama ang kaniyang tainga sa tiyan ni ina. Kinausap niya ang sanggol sa loob, "Mana ka sa iyong ina, malakas!" Sinenyasan naman ako ni ama upang lumapit at makisalo sa haplos at yakap ng kanilang pagmamahalan at pagkagalak. Kakatwa dahil muling sumipa ang sanggol nang muli kong mahawakan ang tiyan ni ina. Naging maingay ang kuwarto dahil sa labis na tawanan at kasiyahan ng pamilya.
Napakaraming biyaya ang naganap sa mga sumunod na araw. Nagsimulang sumakit ang tiyan ni ina. Humihilab raw ang kaniyang sinapupunan — tiyak na mangaganak na siya. Nagmadali si ama na lumabas upang tumawag ng nagpapaanak. Mas lalong naging maligaya ang lahat ng isilang na ang sanggol. Sa bahay nina ama nanatili si ina matapos niyang magluwal. Laking galak nila na babae muli ang dumagdag sa aming pamilya. Itinabi ng nagpaanak ang umiiyak na sanggol kay ina. Nakakatuwang tignan ang sanggol. Ang unang mapapansin ay ang mga mata niya, na ang pungay ay nadagdagan pa dahil sa haba ng pilikmata. Kay ganda rin ng pino nitong mga kilay. Kayumanggi rin tulad ni ina at 'di katangusan ang ilong.
"Ano kaya'ng magandang ipangalan sa iyo mahal kong anak." Hinawakan ni ama ang kamay ng umiiyak pa ring sanggol at maging ang kamay ni ina. "Ang hirap naman, ikaw na kaya magbigay ng pangalan, Mara?" Yumukod si ama sa gilid ng kamang hinihigaan ni ina.
Naupo si ina at sumandal sa mga unan. Hinele ni ina ang umiiyak na sanggol. "'Di ako nakapag-isip ng ipapangalan. Iniisip ko kasi lalaki ang magiging anak natin dahil sa lakas nitong sumipa." tumawa si ina. "Tanungin kaya natin si Cateline?" Masaya akong tinitigan ni ina habang naghihintay ng aking kasagutan.
Nakangiti lang ako habang pinagmamasdan ang dalisay na sanggol. 'Di ko namamalayan kanina pa pala ako tinititigan ni ina. Inulit niya sa akin ang tanong. "Ch-Christine," nauutal kong tugon sabay ngiti nang bahagya. "P-pangalan… po… iyon ng mahal kong manika noon."
Nagulat at nalugod si ina at ama dahil sa muli kong pagsasalita. Nadagdagan pa ang ligaya noong tumahan at ngumiti ang sanggol nang marinig ang aking sinambit na pangalan. "Christine!" sigaw ni ama sa labis na kaligayahan. At muli ngang ngumiti si Christine. Hinalikan niya ako at si ina sa noo, at binuhat naman ng pagkataas-taas ang kakasilang pa lang na si Christine. Naupo siya sa kanan ni ina habang kalong si Christine sa kaniyang mga bisig. Sa kagalakan, iniabot niya ang kaniyang camera at humiling sa nagpaanak na kuhaan kami ng litrato. Tinawag ako ni ina at pumuwesto ako sa kaniyang kandungan. Kay saya namin noon. Isinilid ni ama sa loob ng agnos na handog ng aking inang si Mara ang larawang iyon. Kay tagal na noong huli ko iyong nakita. Nasaan na nga kaya iyon? Nais ko itong muling masilayan. Naging napakasaya pa ng aming pamilya. Unti-unti ring nanumbalik ang aking sigla. Madalas na ako muling ngumiti at mas nakikihalubilo na rin ako ng maayos. Ngunit, lahat ng iyon ay nagbago.
Anim na buwang gulang noon si Christine. Ang tagal tumila nang ulan kaya't naghain sa hapag si ina ng sariling timplang pritong manok at napakainit na sabaw. Nagambala ang aming pagsasalo nang biglang pumasok ang sundalong si Magath sa aming tahanan. Magulo ang mahaba't 'di-gaanong kulot nitong buhok, kay dungis, gusot ang uniporme, lasing, may hawak na bote ng ubos na alak, basang-basa, at kahabag-habag kung tignan. Hindi ko pa naiintindihan ang noo'y kanilang pinag-uusapan ngunit tumatak ang mga iyon sa aking isip dahil simula noon, nag-iba na ang turing ni ina sa akin.
"Mara, mahal na mahal kita." lasing na sinambit ng sundalo nang madapa ito sa tapat ng pintuan ng aming tahanan.
Sinubukang lumapit ni ama ngunit pinigilan siya ni ina. "Ako na lang ang kakausap sa kaniya. Bantayan mo muna ang ating mga anak." Iniabot ni ina ang kalong niyang si Christine sa mga braso ni ama. Lumapit siya sa sundalo't mahinahong naki-usap, "Umalis ka na maaari ba?"
Lumuhod ang sundalo sa harapan ni ina, "Bumalik ka na sa akin, mahal na mahal kita. Kaya ko kayong alagaan ng anak mo." Nagsusumamo ito't tumatangis nang kunin niya ang palad ni ina.
Inialis ni ina ang kaniyang mga kamay. "Paki-usap, 'wag ka na manggulo."
"Ako nga ba ang nanggugulo?" biglang nag-iba ang tono ng boses ng sundalo. "Alam mo ba anak ni Helen 'yang batang iyan!" pasigaw niyang sambit nang ako'y kaniyang tinuro. Naalala ko pa noon ang kaniyang mga titig sa akin. Mga titig ng isang desperadong nilalang. Mga titig na mapamintang na tila may napakabigat akong kasalanang nagawa.
Sinaraduhan ng pinto ni ina ang sundalo. Namula ang kaniyang mga mata nang ang titig nami'y magtagpo. Bigla siyang nanlumo't bumaling ng tingin kay ama, "Sabihin mo Ravan, totoo ba?"
"Magpapaliwananag ako." himok ni ama.
"Kung gayon, si Helen pa rin pala." Biglang hindi mapakali si ina't nagmamadaling nagkikilos. HIndi pa man nagalaw ay sinimulan nang iligpit ni ina ang mga nakahain. Bigla na lamang nagbagsakan ang mga ito mula sa kaniyang kamay. Nalapnos ng mainit na sabaw ang kaniyang kanang kamay kasabay ng pagbuhos ng kaniyang mga luha.
Sinubukang lumapit ni ama, "Ma—"
"Nasaan si Helen?" nagmamakaawang tanong ni ina.
Napayuko na lamang si ama't 'di na lumapit. Mahina niyang tugon, "Malapit sa Ilog Bakunawa. Nasa tabi ng pinakamalaking puno sa kakahuyan na iyong matatanaw 'pag nakita mo na rin ang malaking tulay. Nais mo bang… sa-samahan k-kita?" Inalok niya ang kaniyang kamay ngunit nagpatuloy si ina sa pag-alis.
Naging malungkutin at mainitin na ang ulo ni ina simula noon. Inuutusan na niya ako ng mga gawaing bahay sa umaga tuwing nagtatarabaho si ama't wala sa aming tahanan — kahit na napakabata ko pa. Madalas niya na rin akong pagsigawan at pagalitan. Ibang-iba na talaga siya. Ngunit, nagpapasalamat pa rin ako dahil 'di labis ang sinapit ng kaniyang kamay kaya't nagagawa niya pa ring magpatuloy sa pagluluto ng mga masasarap na putahe.
Matapos ang mga naganap, parang hangin na lang na dumaan ang mga lumipas na araw at taon.