webnovel

The Head

"Paano ako sasakay d'yan? E, 'di ba bawal sa buntis 'yong umaangkas sa motor?" Nangunot ang noo ko habang nakatingin sa espasyong naiwan sa motor ni Fabio. Nakasakay na siya ngayon at hinihintay ang pagsampa ko.

Kung noon, okay lang na umangkas ako sa motor niya. Iba kasi ang situwasiyon ngayon, buntis ako.

"Mag-side view ka na lang, 'yong pangbabaeng upo. Okay lang 'yan 'no. Alam mo naman ako, maingat akong mag-drive."

"Kaskasero ka kaya."

"Dati lang 'yon, woy, iba na ngayon, nagbago na ako."

"Sabi mo, e."

Wala akong naging choice kundi ang sumampa sa motor ni Fabio na pa-side view ang upo. 'Yong nasa iisang side lang ang dalawa kong paa. Binabae style kung tawagin nila. Kung maghihintay pa kami ng masasakyang traysikel dito sa amin, baka abutin ako ng hapon dahil madalang lang ang dumadaang traysikel dito sa amin papunta sa bayan. Mabuti sana kung Linggo o 'di kaya'y may pasok, kasi 'yon ang time na maraming traysikel na bumibiyahe sa amin.

Nag-drive si Fabio. Hanggang sa naging pamilyar ang daang pinupuntahan niya. Hindi ito papuntang bayan kundi papunta ito sa burol na madalas kong pag-tambayan noon.

Gusto kong magtanong pero ayoko namang abalahin si Fabio sa pagd-drive na ginagawa niya.

Ilang minuto lang din ay huminto na si Fabio. Pinatay na niya ang makina ng motor kaya hudyat ko 'yon para bumaba na. Inalalayan naman agad ako ni Fabio nang siya naman ang bumaba.

"Kaya mo bang maglakad papunta sa itaas?" At itinuro niya pa ang bandang burol. Tama nga ang naging hinala ko. Sa burol na madalas kong puntahan ang punta namin ngayon.

"Oo naman, hindi naman ako lampa 'no," sabi ko pa.

Ngumiti siya sa akin at iginiya ang daang dadaanan namin. Tahimik kaming naglakad papunta sa tuktok ng maliit na burol na iyon. Kaonting lakaran lang naman at hindi naman nakakapagod. Okay lang din naman ang daan, hindi naman malubak, mabato, o mahirap. Diretso lang kasi ang daan pa-itaas.

"Dahan-dahan lang, ha?" Paalala naman niya sa 'kin na nginitian ko lang.

Nakarating kami sa may burol at ang unang nakita ko ay si Zubby na malawak na nakangiti sa akin. May dala-dala siya pero hindi ko na pinansin 'yon. Biglang sumaya ang buong buhay ko nang makita ko ang ngiti niyang ilang buwan ko ring hindi nakita.

Gusto kong umiyak pero pinipigilan ko lang ang sarili ko.

"Lapit ka, Ayla, may ibibigay ako sa 'yo."

Dahan-dahan akong naglakad papunta sa kaniya nang sabihin n'ya 'yon. Nang isang dipa na ang layo namin sa isa't-isa, ibinigay niya sa akin ang isang may kalakihang box na nakabalot pa. Para siyang regalo o regalo talaga siya? Ewan. Basta ang importante, masaya ako na ngumingiti na si Zubby sa akin ngayon. It's a good start.

"Buksan mo, Ayla!" Sabi niya pa nang makuha ko na ang box.

Tinanggal ko lang 'yong takip dahil 'yon lang ang pinakamadaling paraan para mabuksan 'yon. Nang mabuksan, parang may nakabalot pa sa kung anong parang hugis bilog na iyon. Kinailangan ko pang tanggalin ang plastic na balot na iyon para makita kung ano talaga itong ibinigay niya.

Anak ng baboy! Putang ina! Ano 'yan?

Sumigaw ako at agad nabitiwan ang hawak ko. Sunod-sunod na paghinga ang nagawa ko habang iniiwas ang tingin sa kung ano 'yong nahawakan ko. Mas lalong narindi ang buong pagkatao ko nang makitang may bahid na ng dugo ang mismong dalawang kamay ko.

Putang ina, ano 'yon?

Kung anong kinakaba ko sa nakita at nahawakan, ganoon din ang naging tawa ni Zubby. Nakakarindi ang kaniyang tawa tapos ay pinulot niya ang nakakarindi at nakakatakot na bagay na nabitiwan ko.

"Ha-ha-ha-ha! Ang ganda ng gift ko, 'no? Matagal kong pinag-praktisan 'yan. Matagal kong ginawa 'yan. Ngayon ko lang na-perfect 'yan tapos basta-basta mo lang bibitiwan?!"

Ano 'yong binigay niya? Ano 'yon?!

Nakatingin ako sa kamay kong nababahiran ng maraming dugo. Malagkit, masangsang ang amoy, nakakadiri. Nanginginig na ang kamay ko. Takot na takot ako. Hindi ko na alam kung anong gagawin!

Pinilit kong ipahid ang kamay ko sa damit ko pero hindi lahat ng dugo sa kamay ko ay natanggal, merong natira, pero hindi pa rin ako kumakalma.

'Yong takot na naramdaman ko nang makita kong nagsilabasan ang dugo sa ulo ni Ate Aylen no'ng mahulog siya sa puno ay nanumbalik sa akin. Nanginginig na ang buong katawan ko at hindi ko na talaga alam kung anong gagawin.

Bakit mo ginagawa 'to, Zubby?

"Anong akala mo? Makikipagbati ako sa 'yo? Matapos mong saktan 'yong pinsan ko, gano'n-gano'n na lang ba 'yon, Ayla? Hindi! Kasi kahit anong gawin mo, galit na galit pa rin ako sa 'yo. Kahit lumuhod ka pa sa harapan ko, hinding-hindi pa rin kita mapapatawad sa pananakit at pagta-traydor na ginawa mo sa pinsan ko! Hindi ko aakalain na ang Ayla'ng kilala ko ay aabot sa puntong sasaktan ang ibang tao para lang magpabuntis sa isang Lizares. At sa isang ikakasal pa dapat sa iba! Ganyan ka pala, Ayla? Tahimik pero may landi sa loob? Kaya pala hindi nagkagusto si Vad Montero sa 'yo. Kaya mas pinili niyang makipaglapit sa Ate mo dahil may tinatago ka pa lang baho at sama ng ugali. Ahas is the right term. Akala ko mabait ka. Akala ko kilala na talaga kita. Pero ang dami mo pa lang tinatago sa sarili mo na hinding-hindi ko magugustuhan. Siguro, tama nga ang sinabi ng mga magulang mo, na ikaw talaga ang dahilan kung bakit namatay ang Ate mo."

"T-Tama na…" Bulong ko, pilit pinapakalma ang sarili sa kabang nararamdaman ko.

"Hindi mo alam kung gaano ka-sakit ang ginawa mo kay Fabio, Ayla! Ako 'yong magsasalita ngayon kasi hindi niya kaya. Hindi niya kinaya! Hindi mo alam kung anong ginawa n'ya nang malaman niyang nabuntis ka ng isang lalaki. Muntik nang magpakamatay 'tong pinsan ko, Ayla, tapos ngayon gusto niyang panagutan ka niya kahit hindi naman sa kaniya. Gano'n ka ka-mahal ni Fabio, Ayla, tapos sasayangin mo lang nang dahil sa pera? Tapos isa pa, tinanggap ka ng pamilya namin, tinulungan ka namin tapos ganitong sakit ang ibabalik mo sa amin?"

"Tama na…" Bulong ko ulit. Ayoko nang marinig ang ibang sasabihin mo. Gusto ko nang umuwi.

"What the hell is this? Anong ginawa n'yo kay Ayla?"

Kahit papaano'y kumalma ang nanginginig kong katawan nang marinig ang boses ng isang babae. Gusto ko sana siyang tingnan pero mas gusto kong pigilan ang sarili kong humikbi nang malakas. Ang pagpatak ng luha at pagkagat sa pang-ibabang labi lang ang kaya kong gawin.

Naramdaman ko ang presensiya ng babaeng bagong dating. Pamilyar sa akin ang boses niya. Si Sia ba 'to?

"Anong ginawa n'yo kay Ayla, Zubeida, Fabio? Bakit may dugo 'to? Anong ginawa n'yo sa bata?"

Tama nga, si Sia nga itong bagong dating. Anong ginagawa niya rito? Bakit siya nandito? Paano niya nalamang nandito kami?

Bago pa man masagot ang mga katanungan ko, naramdaman ko na lang ang kamay ni Sia na humawak sa balikat ko at inilapit sa kaniya.

Mas lalo akong naiyak nang maramdaman ang isang safe na presensiya. Pinigilan ko ang sarili kong humikbi sa pamamagitan ng paghawak sa bibig ko. Wala na akong pakialam kung meron pa rin itong dugo. Kahit papaano'y natuwa ang buong pagkatao ko nang maramdamang meron akong kakampi.

"Are you okay, Ayla? May nangyari ba sa bata? Please tell me," mahinang tanong niya sa akin na dahan-dahan kong inilingan. "Sshh, tahan na. Please 'wag ka nang umiyak. Makasasama 'yan sa bata."

"Wala kaming ginawa sa bata, Sia! Siya 'yong may ginawa sa amin. Sinaktan niya ang pinsan ko na kaibigan mo. Bakit mo ba ipinagtatanggol 'yan? 'Di ba galit ka naman sa kaniya? Dahil din sa ginawa niya sa Ate niya, 'di ba, Olesia?"

Gusto ko nang matumba. Gusto ko nang sumuko. Nanghihina na ang buong katawan ko. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko sa buhay ko. Gusto ko nang umuwi. Ayoko na rito.

Iyak lang ako nang iyak at tuluyan na akong walang naging alam sa nangyayari sa paligid ko. Ang alam ko lang, nakauwi ako sa bahay na tulala pa rin. Nakaligo ako at nakapagbihis ng bagong damit pero bakit hanggang ngayon, nararamdaman ko pa rin ang dugo sa kamay ko?

Hindi ako nakapagsalita. Masiyado akong nagulat sa mga nangyari. Ang ayaw ko sa lahat ay makakita ng dugo, makahawak, o makasalamuha nito, at mas lalong ayokong makahawak ng pugot na ulo. Narinig ko kaninang sabi ni Sia sa mga magulang ko na ulo lang daw ng mannequin 'yon na m-in-ake-up-an ni Zubby. Pero para sa akin, totoo 'yon, e. Maniwala man kayo't sa hindi, naalala ko talaga si Ate Aylen, 'yong insidente nang pagkakahulog niya sa puno: Dilat na dilat ang mata, may sugat ang mukha, maraming dugo ang lumabas sa bandang ulo.

Alam na alam ni Zubby na 'yon ang kinakatakutan ko kaya bakit niya ginagamit laban sa akin 'yon ngayon? Ano bang naging atraso ko sa kaniya? Nasaktan ko ba talaga nang ganoon si Fabio? Totoo ba 'yong sinabi niya na muntik nang nagpakamatay si Fabio nang dahil sa akin?

Si Sia ang nag-explain sa lahat. Maski ang pagdating ni Sonny ay hindi ko na napagtoonan ng pansin sa sobrang kaba at takot na naramdaman ko.

Isang oras pa ng pananatili sa gitna nila habang sila'y nag-uusap, kumalma ako. Hindi man totally pero nagagawa ko nang makinig sa pinag-uusapan nila.

"Gusto mo bang kasuhan natin sila, Ayla?"

Napatingin ako kay Sonny. Nakatayo lang siya malapit sa hamba ng pintuan habang nakahilig sa plywood na dingding ng kuwarto.

Agad akong umiling sa naging tanong niya.

"'Wag na, 'wag na. Hindi na dapat. Ayoko nang palakihin ang gulo. May kasalanan din naman ako kung bakit sila nagalit sa akin ngayon."

"It's not your fault, Ayla, and please stop blaming yourself. Hindi mo kasalanan ang lahat. Kasalanan nila kung bakit hindi nila ma-control ang galit nila sa 'yo at kasalanan nila kung bakit hindi nila matanggap ang nangyari sa 'yo. Sobrang pathetic nila, lalo na 'yang si Zubby Mahinay na 'yan. Naturingan mo nga'ng kaibigan, gaganyanin ka pala," sabi ni Sia. Napayuko ako at hindi na nakapagsalita. Mas nakakatakot yata talagang magalit 'tong si Olesia Cecilia, e. "Any plans, Engineer Sonny?"

Bumalik ang tingin ko kay Sonny nang siya ang tanungin ni Sia. Seryoso siyang nakatingin sa akin ng ilang segundo at ibinaling ang tingin kay Tatay na nakatayo naman sa sulok ng bahay, malapit sa kusina, katabi si Nanay.

"Matagal ko nang gustong dalhin si Ayla sa Manila. I'll be doing my doctorate there and isasama ko sana siya para roon na siya makapanganak. Sana naman ngayon, Tito Boyet, Tita Helen, payagan n'yo na akong isama s'ya. Hindi po magiging safe ang buhay ni Ayla rito hangga't alam nila na nandito siya."

Ano? Manila?

Tikhim ni Tatay ang dahilan para mapatingin ako sa kaniya. Umayos siya sa pagkakatayo at seryoso ring nakipagsukatan ng tingin kay Sonny.

Teka, bakit Manila?

"Manila? Ang layo naman no'n, hijo? Hindi ba puwedeng sa Bacolod lang para mas malapit at para naman makita namin kahit papaano si Ayla?" Sabi ni Nanay.

"Kapag alam po nilang nasa malapit lang si Ayla, paniguradong hahanapin at pupuntahan nila ito. Gaya po ng kuwento ni Sia kanina sa nangyari, mukhang may galit si Fabio Varca at Zubby Mahinay sa kaniya na to the point na kailangan nilang i-lure si Ayla na sumama sa kaniya para lang takutin nang ganoon. That's clearly a threat to her and the baby's life."

Aalis ako rito?

"I can also check her from time to time, Tito, Tita, total nasa Manila naman ang trabaho ko at paniguradong accesible naman ang place na titirhan ni Ayla roon," sabi ni Sia.

Oo nga pala, nasa Manila na nga pala ngayon si Sia nagta-trabaho. Nang kumalma ako kanina, medyo nahiya pa ako kasi hindi naman niya alam na buntis ako ngayon at hindi rin ako nagpakita na sa kaniya. Hindi rin alam ng mga magulang niya. Nahihiya kasi akong sabihin mismo sa kanila. Nakakahiya na pinag-aral ako ni Kuya Osias pero heto ako't hindi pa man nakaka-isang taon sa trabaho ay nagpabuntis na sa isang lalaki… hindi basta-bastang lalaki, kundi isang Lizares pa.

"Sige. Payag na akong isama mo si Ayla. But please, Sonny, ingatan mo ang anak ko."

"I will, Tito Boyet."

Matapos ang usapan naming iyon, agad nagpaalam si Sonny dahil aasikasuhin niya raw ang pag-alis namin. Napag-usapan din kanina na papatapusin muna ang eleksiyon saka kami luluwas ng Maynila. Kakauwi niya lang din daw kanina rito sa Negros kaya diretso punta raw siya rito sa bahay nang contact-in siya ni Sia tungkol sa nangyari sa akin.

Naiwan kami ni Sia rito sa labas ng bahay matapos naming ihatid si Sonny. Si Nanay ay nag-presentang mag-aasikaso ng hapunan habang si Tatay naman ay mag-yoyosi muna sa likuran ng bahay.

"Ang laki na ng tiyan mo. Lalaki raw?" Pagbabasag ni Sia sa katahimikan namin.

Lumingon ako sa kaniya at bahagyang ngumiti.

"Mm-Hmm."

"Ninang ako, ha?" Sabi niya pa. Pero seryoso ko lang siyang tiningnan. Naninimbang ako sa kung ano ba dapat ang mga sasabihin ko. Kung anong eksplenasiyon ang sasabihin at gagawin ko. "Don't look at me like that and you don't have to explain everything. Alam na namin ang lahat. Alam na rin nina Mama at Papa, pati ni Kuya, ang situwasiyon mo ngayon. And so you know, hindi kami galit sa 'yo. They're actually waiting for you to come to them to tell them everything and para personally makita ka at ang magiging apo nila." Ngumiwi ang mukha niya. "Mga halatang sabik sa apo kasi apo raw nila 'yang dinadala mo ngayon. Alam mo naman si Kuya, hanggang ngayon wala pa ring anak kaya natuwa talaga sila no'ng malamang buntis kasi that means meron silang apo. I know, it's weird, pero kilala mo naman 'yong si Orlando at Cecil, 'di ba?"

Nakahinga ako nang maluwag dahil sa sinabi ni Sia. Parang may isang tinik na nabunot mula sa puso ko nang malamang hindi galit si Tito at Tita sa akin.

"Sigurado ka bang hindi sila nagalit sa akin? Nabuntis ako nang hindi pa kasal at hindi pa nababayaran ang utang ko sa kanila, sa inyo."

Sumama ang mukha ni Sia dahil sa sinabi ko at aambang sasampalin ako pero tinawanan ko lang. Ganyan naman kasi talaga siya maglambing.

"You're still into paying the tulong that Kuya handed to you, 'no? Stop it, Aylana Rommelle. Really, stop it. Kahit anong gawin mo, hindi nila tatanggapin 'yang bayad na sinasabi mo. At saka, by giving them apo is a big blessing and happiness na para sa kanila, e."

Isang sinserong ngiti ang sinagot ko kay Sia. Kahit na may nangyaring hindi maganda kanina, parang natabunan iyon nang dahil sa tuwang naramdaman ko nang malamang tanggap nina Tito Orlando at Tita Cecil ang situwasiyon ko ngayon.

"A-Anong sabi nga pala ng mga kapatid ni Tito Orlan?"

"Well, at first they got disappointed to what happened to you. Pero no'ng malaman nilang isang Lizares ang nakabuntis sa 'yo at may balak pang pakasalan ka sa susunod na taon, they got cool with it. Parang 'okay, go on, we won't mind'."

"Ikaw? Hindi ka ba na-disappoint sa nangyari sa akin ngayon? Tahimik akong tao pero may tinatago pala akong kalandian sa katawan."

"Girl, hindi mo ba alam na may lahi tayong malandi?" Ano? "Biro lang. Hindi ako na-disappoint dahil sa nangyari sa 'yo. Na-disappoint ako dahil hindi mo sinabi sa 'kin ang mga nangyari sa 'yo before naging ganito ang situwasiyon mo. Kung sana sinabi mo sa akin noon na pinalayas ka pala ni Tito Boyet, edi sana sinabihan ko sina Mama para tulungan ka. Hindi ka nag-share sa akin. I shared to you almost everything tapos ngayon hindi ka mag-s-share sa 'kin? That's unfair, Ayla, ha?"

"N-Natatakot kasi ako na baka hindi ako tanggapin ni Tito Orlan. Napangunahan lang ako ng takot kaya mas pinili kong sarilinin ang problema ko no'n."

"Okay, then, basta mag-drop by tayo sa bahay before our flight to Manila, ha? They miss you so much. As in talaga. Lalo na si Oasis. Gustong magpa-kuwento tungkol sa central ng mga Lizares. Kilala mo naman 'yong bunso namin, dream workplace ang Lizares Sugar Corp."

Ngumiti ako sa sinabi ni Sia hanggang sa tinawanan na namin ang lahat. That ended our conversation. Isang pag-uusap na nagpagaan sa kalooblooban ko kahit papaano.

Aalis ako. Sasama ako sa kaniya. Malalayo na naman ako sa pamilya ko. Pero para sa kapakanan at kaligtasan ng bata, gagawin ko 'to.

Sari-saring emosyon ang naramdaman ko nang dumating na ang araw na aalis na kami. Inihatid kami nina Nanay, Tatay, Tito Orlan, Tita Cecil, at Oasis.

Okay na pala kami nina Tito Orlan. Nakapag-usap na kami noong isang araw no'ng bumisita ako sa bahay nila. Wala si Kuya Osias ngayon dahil nakasampa sa barko. Sa susunod na taon daw ang uwi. Sisikapin niyang sa mismong kasal ko raw ang uwi niya.

Kasal… Magpapakasal kaming dalawa. Handa niyang isakrispisyo ang buhay binata niya para lang mapanagutan ang nangyari sa akin. Hindi na naman sana niya dapat gagawin 'yon. Okay na sa akin ang sustento. Hindi na dapat umabot sa kasal. Pero bakit labag sa kalooban ko ang isiping hindi dapat akong natutuwa dahil do'n? Bakit the more na isipin kong magpapakasal kami nang dahil sa bata, the more na natutuwa ang puso ko? Mahal ko na ba talaga? Sigurado na ba? Sigurado na.

Sorry, anak, nadawit ka pa sa situwasiyon. Kung hindi dahil sa 'yo talaga, anak, hindi ko malalaman na kaya ka nabuo ay dahil sa pagmamahal ko sa kaniya. Kaya ko naibigay ang sarili ko sa kaniya dahil sa pagmamahal na meron ako sa kaniya. Kaya kahit na pinag-uusapan ako ng buong bayan dahil sa nagpabuntis ako sa kaniya, hindi ko pa rin magawang ilayo ang sarili ko sa kaniya. Mas lalo akong napalapit. Kahit na alam kong iba ang gusto niya, handa pa rin akong magsakripisyo para lang mapansin niya at mapagtoonan ng pansin.

Oo, mahal ko na yata si Engr. Sonny Lizares. Mahal na mahal.

~

Next chapter