webnovel
avataravatar

Hindi Maintindihang Babae

Agad na kinontrol ni Lin Che ang sarili, "Anong ginagawa mo…"

Nagtatakang tiningnan siya ni Gu Jingze, "Bakit? Kakain lang naman tayo sa labas ah. May alam akong bagong bukas na isang French restaurant at talagang masarap ang mga pagkain doon. Magbihis ka na at pupunta tayo doon."

"Ah… Oh, okay. Magbibihis lang ako," mapula ang mukha ni Lin Che habang nagmamadali siyang pumasok sa loob.

Nilingon sya ni Gu Jingze. Naghihinala ang tingin nito sa kanya.

Habang pinapanood siyang walang ingat na tumatakbo papasok ay napailing nalang ito.

Maraming damit na ang isinukat ni Lin Che. Kailangang akma ang suot niya dahil isang French restaurant ang pupuntahan nila. Kaso nga lang, parang may mali kasi. Kung hindi mahaba ay masyado namang maikli ang damit, o di kaya ay masyadong hapit sa katawan.

Bago sa kanya ang ganitong pakiramdam.

Pagkatapos lang talaga ng nangyari sa kanila noong isang araw ay hindi na niya maintindihan ang kanyang puso sa tuwing naiisip niya si Gu Jingze. Kusang namumula ang kanyang mukha at hindi niya magawang tumitig sa mga mata nito.

Habang naglalakbay ang isip ay nagpasya siya na magsuot nalang ng simpleng damit. Maganda pa rin naman siya, pero hindi magarang tingnan ang kanyang hitsura.

Dahan-dahang umikot siya sa harap ng salamin, naglagay ng kaunti at simpleng makeup, at nasisiyahang ngumiti.

Paglabas niya ng pinto ay nandoon sa labas si Gu Jingze, ang isang kamay nito ay nasa loob ng bulsa ng pantalon. Napahinto ito saglit nang makita siya.

Parang isang prinsesa si Lin Che sa suot nitong retro fashion; mamahalin at elegante ang hitsura nito.

Malalim ang tinging tinitigan siya ni Gu Jingze, pagkatapos ay lumapit sa kanya at sinabing, "Tara na."

Ngumiti si Lin Che. Tinanong siya ni Gu Jingze, "Hindi mo ba alam na kailangan mong ilagay ang iyong kamay sa braso ko? Ganito ang istilo ng mga Western people lalo na sa isang kainan."

"Huh?"

Iniunat ni Gu Jingze ang braso at nagmistulang naka-abrisyete. Walang nagawa si Lin Che kundi ang ilagay ang kamay sa loob noon.

Masaya namang ngumiti si Gu Jingze at tumango. Nakakailang hakbang pa lang sila nang biglang tumunog ang cellphone niya.

Sumimangot bigla si Gu Jingze nang makitang si Mo Huiling ang tumatawag.

Sinulyapan niya muna si Lin Che bago sinagot ang tawag.

"Anong mayroon, Huiling?"

Umiiyak si Mo Huiling. "May nakapasok na magnanakaw sa bahay ko. Natatakot ako."

"Ano? Sinong magnanakaw? Paanong nangyari iyan?"

"Dito sa bahay na nililipatan ko palang. Hindi ko alam kung ano ang sitwasyon sa lugar na ito, pero hindi ako ligtas dito kagaya ng sa bahay mo. Isa pa, mag-isa lang ako dito, kaya…" habang nagsasalita ay lumambot ang boses ni Mo Huiling na para bang natatakot ito at kinakabahan sa kung ano man ang isasagot ni Gu Jingze.

Humugot ng malalim na bunting-hininga si Gu Jingze. Wala siyang ibang choice at nilingon si Lin Che habang pilit na pinapatahan si Mo Huiling, "Huwag ka ng umiyak. Pupunta na ako diyan."

Nang patayin niya ang tawag ay nakabitiw na ang kamay ni Lin Che mula sa kanya, "Hmm… Kailangan mo siyang puntahan."

Nahihiyang tiningnan ni Gu Jingze si Lin Che pero bago paman ito makapagsalita ay ngumiti si Lin Che at sinabing, "Bilisan mo na't puntahan siya. Hindi biro ang mapasok ng mga mga magnanakaw."

Itinikom ni Gu Jingze ang labi. Maya-maya ay tiningnan siya, "Okay, sige. Pupuntahan ko muna siya doon. Ipapahatid nalang muna kita sa driver doon sa restaurant. Pupuntahan agad kita kapag natapos na ako doon."

"Hm, okay."

Muling tinitigan ni Gu Jingze si Lin Che at pagkatapos ay umalis na.

Napabuntung-hininga din si Lin Che. Napakagaling talagang tumayming ng Mo Huiling na iyon.

Samantala, sa lugar ni Mo Huiling.

Ibinaba ni Mo Huiling ang cellphone at masiglang inilibot ang tingin sa paligid. Tiningnan niya ang napakalinis na kwarto, ilang sandaling nag-isip at pagkatapos ay hinulog ang lahat ng mga gamit na nasa lalagyan. Itinapon niya ang mga laman ng mga wine sa sahig at binuksan lahat ng mga kabinet. Ikinalat din niya lahat ng mga mamahaling gamit sa kwarto. Sinigurado niyang magmumukha talagang ninakawan ang kanyang bahay. Nang matapos na siya ay nasisiyahan siyang ngumiti.

Hmph! Lin Che, akin lang si Gu Jingze! Oo nga't asawa mo siya, pero kapag tinawagan ko siya, kaagad siyang pupunta sa akin!

Hindi nagtagal ay nakarating na si Gu Jingze.

Malapit lang naman ang bahay ni Mo Huiling sa bahay ni Gu Jingze. Sampung minuto lang ang gugugulin kung maglalakad papunta doon.

Pagpasok palang ni Gu Jingze sa bahay ay kaagad na sumalubong sa kanya ng yakap ang umiiyak na si Mo Huiling.

Naalala ni Gu Jingze ang huling beses na dumikit ang luha nito sa kanyang katawan dahilan para sumumpong ang kanyang sakit. Kaya, mabilis niyang itinulak si Mo Huiling.

Pabagsak na napaupo si Mo Huiling. NAgmamakaawa ang mukha nito nang tumingin sa kanya.

Nagsalita si Gu Jingze, "Hindi ako nakainom ng gamot ko ngayon. Mas makabubuti kung hindi ka lalapit o didikit sa akin dahil kung hindi ay baka bigla akong isugod sa hospital ngayon at hindi ako makakatagal sa bahay na ito."

Nang marinig iyon ni Mo Huiling ay nagpunas nalang ito ng luha. May pag-unawang tumango ito sa kanya. "Okay, alam ko namang hindi kita pwedeng hawakan…"

Tiningnan ito ni Gu Jingze, "Anong nangyari?"

Itinuro ni Mo Huiling ang loob ng bahay. "Nakikita mo iyon? Pagkauwi ko kanina ay ganito ang bumungad sa akin. T-takot na takot ako."

Tiningnan ni Gu Jingze ang kalat sa kwarto. Sinuri niya ang buong silid at pagkatapos ay tiningnan sa mata si Mo Huiling. "Napasok ka ng mga kawatan?"

"Oo, oo." Mabilis na tumango si Mo Huiling. "Marahil ay dahil kalilipat ko lang dito. Baka alam nila na mag-isa lang ako dito, kaya…"

Sumagot si Gu Jingze, "Eh sino ba kasing nagsabi sayo na lumipat ka dito? Hindi ba't okay ka lang naman sa bahay ninyo? Malamang ay hindi mabuti para sayo na mag-isang tumira dito sa bahay na ito. Wala kang kasama na mag-aalaga sayo dito."

Yumuko si Mo Huiling habang ang mga kamay ay marahang kinukuskos, "Nandiyan ka naman eh."

"Pero masiyado akong busy. Hindi ko kayang magpunta at bisitahin ka dito araw-araw."

"Pero gusto ko lang naman na mas mapalapit sayo… Gusto ko lang talaga na makita ka nang mas madalas, iyon lang."

"Nang dahil diyan, kaya ka lumipat dito…" sagot ni Gu Jingze. "Para kang bata…"

"Handa akong gawin ang lahat para sa'yo."

"Pero, hindi rin tama na magsinungaling ka sa akin, nang dahil lang sa rason na iyan," tiningnan ni Gu Jingze si Mo Huiling.

Nagulat si Mo Huiling, "Huh… hindi ako nagsinungaling sayo…"

Napansin ni Gu Jingze na ayaw umamin ni Mo Huiling. Galit na itinuro niya ang kwarto, "Tingnan mo nga ang hitsura ng kwartong iyan! Mukha ba itong ninakawan?!"

Nakaramdam ng kaba si Mo Huiling dahil sa sinabi niya. Nilingon nito ang kwarto. "At… at bakit naman hindi?"

Naglakad si Gu Jingze papunta sa kwarto. "Napakaraming mamahaling kwintas at mga hikaw na nandito, ang bawat isa sa mga ito ay tiyak na libo-libo ang halaga. Ibig mo bang sabihin ay binuksan lang ito ng magnanakaw pero hindi ninakaw? At isa pa, bakit naman mag-aaksaya ng panahon ang kawatang iyon sa pagkakalat ng iyong mga damit? Lahat ng mga mamahaling gamit dito ay nakatago at mabuti ang kalagayan sa kabinet pero hindi man lang tiningnan kung ano ang laman nun? Kung ganoon, mas pinili nitong mag-aksaya ng oras sa mga damit mo lang?"

Hindi makapagsalita si Mo Huiling.

Hindi niya naisip ang mga bagay na iyon dahil gusto lang naman niyang makita si Gu Jingze. Mayaman siya at maayos ang buhay sa kanilang bahay kaya hindi niya pa nararanasang mapasukan ng mga magnanakaw sa tanang buhay niya. Kaya naman, hindi niya naisip ang mga detalyeng iyon habang isinasagawa niya ang plano kanina.

Namula ang kanyang mukha dahil sa kahihiyan. Tiningnan niya ang galit na si Gu Jingze at nagmamadaling nagsabi, "I… I… I'm sorry, Jingze."

Umiling lang si Gu Jingze at naisip si Lin Che na kasalukuyang naghihintay sa kanya sa restaurant. Tumalikod siya at mabilis na naglakad palabas. "Tama na. Dahil wala naman akong kailangang gawin dito, aalis na ako. May mga gagawin pa ako."

"Jingze!" hinablot ni Mo Huiling ang braso ni Gu Jingze. "Huwag kang umalis. Pakiusap, huwag kang magalit sa akin. Mali ako. Nagkamali ako. Pakiusap huwag kang umalis."

"Huiling, bitiwan mo ako!" Naiinis na si Gu Jingze.

Sumusobra na ang Mo Huiling na ito at hindi na niya ito maintindihan pa.

Next chapter