webnovel
avataravatar

Paano Kung Ayaw Kong Makipag-divorce?

May pandidiring tiningnan ni Gu Jingze si Mo Huiling, "Ano ba talagang nangyayari sa'yo, Huiling? Bakit ka nanggugulo dito?"

Nanggugulo? Nakakagulo lang siya dito?

Galit na tiningnan ni Mo Huiling si Gu Jingze, "Gu Jingze, tatanungin kita. Ano ba'ng mayroon sa kanya ha? Bakit mo siya dinala dito sa room nating dalawa?"

Sumulyap si Gu Jingze sa loob ng room, "At kailan pa naging atin ang room na ito?"

"Ano…" Nanggagailiti na sa inis si Mo Huiling. "Siyempre naman, sa'tin ito. Madalas tayong magpunta dito."

"Gusto ko lang ang lugar na ito. Maliban sa'yo ay nagpupunta din dito ang mga kapatid ko at ang buo kong pamilya. Pati nga mga kaibigan ko ay pumupunta din dito."

"Pero…" Hindi inaasahan ni Mo Huiling na iyon ang isasagot ni Gu Jingze. Ang buong akala niya kasi ay personal room nilang dalawa ito.

Palagi silang magkasamang pumupunta dito at kahit pa mag-isa lang siyang pumupunta ay kaagad siyang inaasikaso ng mga staffs ng restaurant.

Nakatitiyak siya sa sarili na siya at si Gu Jingze lang ang nagmamay-ari ng room na iyon, kaya hinding-hindi niya matatanggap na dinala nito ang babaeng iyon dito!

Nilingon siyang muli ni Gu Jingze, "Tingnan mo kung paano mo naistorbo ang trabaho ng mga staffs dito. Umalis ka na."

Hinawakan niya si Gu Jingze, walang balak na umalis.

"Hindi. Narinig ko kanina kung gaano ka kasayang tumatawa habang kumakain kayong dalawa. Naiinis ako."

Huminga nang malalim si Gu Jingze at pilit na kinokontrol ang sarili habang nakatingin kay Mo Huiling. Pero ang totoo ay gusto na niyang sumabog sa inis, "Kumakain lang kami. Huwag mong sabihing hindi na rin ako pwedeng kumain ngayon?"

"Pero…" Napatigil si Mo Huiling. Wala na siyang maisip na irarason.

Dahil napansin niya na parang naiinis na si Gu Jingze kaya nilambingan niya ang pagsasalita, "Jingze, isinama ko ang mga kaibigan ko ngayon dito, pero hindi ko naman inaasahan na makikita kita dito pati ang babaeng iyon. Alam ng lahat na may relasyon tayong dalawa. Ngayong nakita nila kayong magkasama, wala na akong mukhang maihaharap sa kanila. Siguradong sa mga mata nila ay iniwan mo na ako… Bakit ba nangyayari sa'kin 'to…"

"Huiling… Huwag mong pansinin ang iniisip ng ibang tao."

"Hindi naman kasi ikaw ang nasa sitwasyon ko kaya wala lang sa'yo ito!" Medyo napalakas ang boses ni Mo Huiling.

"Eh di sana ay noon mo pa sinabi sa kanila na may asawa na ako at tapos na ang relasyon nating dalawa. Kung nagkagayon, hindi sana sila mabibigla at hindi ka sana magiging katawa-tawa ngayon."

"Ano…" Parang nagtambol ang puso ni Mo Huiling. "Tapos na ang relasyon nating dalawa? JIngze, hindi! Tayo pa rin, diba? Akin ka pa rin. Hindi magtatagal ay magdidivorce din kayong dalawa at sinabi ko na sayo dati na maghihintay ako sa'yo!"

"Oo. Hindi magtatagal ay maghihiwalay nga kami pero sa ngayon, mag-asawa pa kami. Hindi pa kami hiwalay. Darating din kami sa panahong iyan. Sinabi ko na sa'yo dati na okay lang sa'kin na maghanap ka ng ibang lalaki. Kailangan mong magpatuloy sa iyong buhay. Hindi natin alam kung ano ang mga mangyayari kinabukasan. At nang magpakasal ako, hindi ko rin naisip na…"

Hindi niya naisip na dadating ang araw na ito kung saan masaya siyang kasama si Lin Che.

Sa tuwing naririnig niya ang salitang 'divorce' ngayon ay parang hindi siya mapakali.

Ayaw niyang ipaalala sa sarili na kailangan nilang magdivorce balang araw. Unti-unti na siyang nasasanay na kasama si Lin Che.

"Hindi mo naisip na ano?" Kinakabahang tanong ni Mo Huiling.

Huminga nang malalim si Gu Jingze. "Hindi ako sigurado kung magfa-file ba ako ng divorce; at kung sakali mang makipag-divorce ako, hindi ko alam kung kailan."

Hindi na maitago ang galit sa mukha ni Mo Huiling. "Wala akong pakialam kahit pa gaano katagal bago dumating ang araw na iyan! Basta maghihintay ako!"

"Huiling!" Matiim ang titig na tiningnan ni Gu Jingze si Mo Huiling. "Paano kung ayaw kong makipag-divorce?"

"Ano…" lumapit ito kay Gu Jingze. "Kung hindi ka makikipag-divorce sa kanya, mas gugustuhin ko pa ang mamatay kaysa pakawalan ka! Mas gusto ko pang mamatay kaysa ang iwanan ka. Jingze, makikipaghiwalay ka sa kanya, makikipaghiwalay ka! Bakit hindi ka makikipag-divorce?"

Basa na ang damit ni Gu Jingze dahil sa luha ni Mo Huiling. Bagama't hindi siya komportable ay hinayaan nalang niya itong umiyak at hindi ito itinulak palayo.

Hindi na siya nagsalita pa, dahil alam niya ang ugali ni Mo Huiling. Wala din naman siyang alam kung ano ang mangyayari sa mga susunod pang araw pero sadya lang talagang magulo ang puso niya ngayon kaya nasabi niya ang mga salitang iyon. Habang pinagmamasdan niyang umiiyak si Mo Huiling ay nakaramdam siya ng kaunting pagsisisi. Hindi niya lang napigilan ang sarili dahil sa galit na naramdaman kanina.

Basta't ang alam niya lang ay nangingibabaw sa puso niya na ayaw niyang makipag-divorce kay Lin Che.

"Okay. Tahan na, Huiling."

Narinig ni Mo Huiling na lumambot na ang pagsasalita ni Gu Jingze at naisip na totoo ngang may puwang pa siya sa puso nito. Bahagyang kumalma ang kanyang pakiramdam kaya tumigil na siya sa pag-iyak.

Sa loob ng napakahabang panahon ay pareho ang nararamdaman nila sa isa't-isa. Paanong nawaksi lang kaagad ang mga iyon simula nang dumating sa buhay nila si Lin Che?

"Okay, sige na, kumain ka na. May pupuntahan pa ako," pagpapatahan ni Gu Jingze.

Tumango si Mo Huiling. "Ilang araw na lang ay Qixi Festival na. Gusto kong makasama ka sa araw na iyon."

"Malapit na ang Qixi Festival?"

"Oo."

"Pero nakagawian na ng mga Gu na magdiwang sa tuwing Qixi Festival. Pasensya na pero hindi ako pwede sa araw na iyon."

Naalala ni Mo Huiling ang mga Gu. Naiinis talaga siya sa mga ito.

"Fine! Pero, kailangan mong bumawi sakin sa susunod ha."

Nang makaalis na si Gu Jingze ay isa-isang lumabas ang mga kaibigan ni Mo Huiling.

Nagulat ang mga ito nang makita na may kasamang ibang babae si Gu Jingze.

Hindi sila makapaniwala na sa loob ng napakahabang panahon na pang-aamo nito kay Gu Jingze ay hindi pa rin pala ito tanggap ng mga Gu. Mukhang sa maling basket nito nailagay ang kanyang mga itlog.

Sininghalan sila ni Mo Huiling, "Ano'ng tinitingin-tingin niyo? Iyong babaeng iyon ay isa lamang pipitsugin na ipinagkasundo ng mga magulang ni Gu Jingze sa kanya! Ako at ako pa rin ang babaeng mahal niya. Hindi magtatagal ay ako mismo ang magpapalayas ng babaeng iyon! Hmph. Hindi niya ako kayang pantayan!"

Nang makalabas na si Gu Jingze ay nakita niya si Lin Che na naiirita na sa paghihintay. Napansin siya nito at nakairap na nagtanong, "Tapos mo na ba siyang suyuin?"

Sumakay na sa loob si Gu Jingze. "Mali ang akala niya. Akala niya ay sa'ming dalawa lang ang room na iyon pero ang totoo ay wala namang special doon. Lagi ko din namang dinadala doon ang pamilya ko."

Agad na nagsalita si Lin Che. "Hindi mo na kailangang ipaliwanag pa sa akin iyan; pakialam ko ba! Pero siguradong galit na galit iyon sa iyo dahil sa paraan ng pakikipag-usap mo sa kanya. Buong akala niya nga kasi ay sa inyo iyon pero diretsahan mong sinabi sa kanya na mali siya."

"Pero iyon ang totoo. Ano ba'ng dapat na sabihin ko?"

". . ." sa isip ni Lin Che ay sobrang talino ng Gu Jingzeng 'to pero napakahina sa aspetong ito.

Wala itong kaalam-alam sa relasyon!

Bilib din naman siya sa laki ng pasensiyang mayroon itong si Mo Huiling. Napakahaba ng panahon na magkasama silang dalawa at natitiis nito si Gu Jingze?

"Ah, di bale na nga. Wala din namang silbi kung ipapaliwanag ko sa isang taong walang kalam-alam sa relasyon na katulad mo!"

Alam din naman ni Gu Jingze na hindi niya kailangang magpaliwanag kay Lin Che.

Pero, hindi niya lang talaga napigilan ang sarili. Gustong-gusto niyang malaman nito na walang espesiyal sa room na iyon, at hindi iyon sa kanila lang ni Mo Huiling.

Nang sandalling iyon ay lumabas mula sa loob ang manager ng restaurant at lumapit sa kanila. "Mr. Gu, gusto ko po sana kayong makausap."

"Bakit?"

"Marami pong babayaran si Miss Mo pero sa iyo po nakapangalan ang lahat ng iyon." Ang alam ng manager ay si Mo Huiling na ang future Mrs. Gu, kaya hindi niya na masiyadong pinansin pa nang gawin nito iyon.

Pero, ngayong nakita niya na may ibang babae na isinama si Gu Jingze dito ay nagkaroon na agad siya ng kutob. Naisip niya na baka magkaroon ng problema kaya dali-dali siyang lumabas para ibigay kay Gu Jingze ang mga bills na iyon.

Next chapter