webnovel

Kapitulo 16: Kalayaan

Tama ang kutob ni Mike.

Wala ngang kinalaman si Sean sa mga pangyayari.

Kasalukuyan siyang patungo sa opisina ng kapatid upang makumpirma ang nabanggit ng kanyang mga tauhan.

"Ano itong narinig ko na pina-ambush mo ang mga Semira?"

Tumigil sa pagpirma ng mga papeles ang panganay ka kapatid, ang next in line sa throne na si Sheldon.

Napabuntong-hininga ito at sumandal sa upuan dahil alam niya na sisitahin na naman nito ang mga brutal na pamamaraan niya kung paano makuha ang ninanais.

"Para mas madali nating maisama si Alfa. Hindi ba dapat magpasalamat ka sa akin?"

"Hindi ito tama!"

"Tinuturuan lang din kita kung papaano ang diskarte sa suliranin mo. Si Uno ba ang problema? Tanggalin natin!"

"Hindi ko intensyon na ipapatay si Uno!" panunumbat na ni Sean sa kanya. "Muntikan pang mapahamak si Alfa sa ginawa mo!"

"She's at the wrong place and wrong time." walang emosyong pagpapaliwanag nito. "Sorry."

Nagdilim ang isipan niya kaya nahatak niya sa kwelyo ang kausap.

"Sorry? Is that all you can say?" hindi makapaniwalang naitanong ni Sean.

"Anong gusto mong gawin ko? Umiyak?"

"Siguro ay sinasadya mo ito! Ipapapatay mo rin talaga si Alfa!" pagbibintang niya rito.

"She already knew a lot. Alam ko naman na ayaw na niyang bumalik sa iyo so what's the use of having her around?" pagpapaliwanag nito sa kanya na tila ba isa lamang kagamitan ang tinutukoy na napakadali lamang itapon. Mas uminit ang ulo ng kausap dahil sa pamamaraan ng pagsasalita nito.

"Huwag mong tatangkain na saktan pa si Alfa o ako ang makakalaban mo!Pasalamat ka at may pinagsamahan tayo at kadugo kita. Kung hindi ay..."

"Kung hindi, ano ang gagawin mo?" Tinanggal niya ang mga kamay ng kapatid mula sa kanyang kwelyo at inayos ang nagusot na suit. "Magkadugo nga tayo kaya kailangan magkakampi tayo, hindi ba?"

Tumayo siya at tinapik ang balikat ng kapatid upang pakalmahin na ito.

"OK. I'm really sorry. Hindi ko talaga sinasadya na madamay si Alfa, sa maniwala ka man o hindi. Ang tunay na panuto ko sa mga tao ko ay tapusin si Uno at sapilitang tangayin ang fiancee mo. Pero lumalaban ang mga Semira e, natural lang na mas marahas ang pagdakip sa kaniya. Ganito ang buhay natin. Kailangan natin mas maging agresibo upang makuha ang mga gusto natin. Kung mahina ang sikmura mo, talo ka! Tatagan mo ang puso mo!"

Hindi na kumibo pa si Sean dahil sa mga baluktot na paniniwala ng kapatid.

Gayunpaman ay tama ang pangaral ng kuya.

Kailangan niyang tatagan ang kanyang puso.

Sa likod ng glamoroso nilang pamumuhay bilang mga nobility, ay madidilim na sikretong pinakakatago-tago ng kanyang pamilya.

Batid niya na maraming anumalya at koruspsyon na nangyayari sa loob at labas ng palasyo.

Nais man niyang makialam ay pilit siyang pinatatahimik ng mga magulang dahil alam nila na taliwas ang kanyang mga prinsipyo kumpara sa kanila.

Sakal na sakal na siya sa mapagpanggap niyang mundo.

Naging malinaw na sa kanya kung bakit hindi pinili ni Alfa ang maging prinsesa...

Nais lamang niyang maging malaya.

Naalala niya ang mga panahong magkasama pala sila ng kababata. Alam niya na pinilit naman nito na mapalapit sa kanya ngunit tadhana na mismo ang gumawa ng paraan upang mapaglayo sila.

Sa gabi mismo ng public announcement ng engagement nila, nasaksihan niya ang impit na pag-iyak nito sa tagong parte ng kastilyo. Batid niya na napagalitan na naman ito ng Inang Reyna dahil hindi nito nasunod ang ilang protocols ng pagiging prinsesa. Kanina pa niya ito hinanahap sa palasyo at nag-aalala na siya na baka ano na ang nangyari sa fiancee niya.

"Alfa..." masuyo niyang pagtawag sa minamahal. Kaagad na tumalikod ang dalaga upang punasan ang mga luha at pilitin ang sarili na kumalma.

"S-Sean..." tugon nito ngunit patuloy pa rin siya sa paghagulgol.

"Anong ginawa ni Ina sa iyo?"

Mas lalong tumulo ang mga luha ni Alfa dahil nais man niya na isumbong na napagbuhatan siya ng kamay ng reyna ay hindi niya magawa dahil ayaw na niyang magkaroon ng lamat ang relasyon ng mag-ina. Kaagad naman na napansin ni Sean ang namumulang pisngi nito. Dahan-dahan niyang hinawakan ang mukha nito upang masiguro ang kanyang hinala.

"Sinaktan ka ba niya?"

"Nasagot ko kasi siya...sorry..." pag-amin na ni Alfa. Nilait kasi nito ang sariling ina at sinabi na hindi maganda ang pagpapalaki sa kanya. Hindi niya maatim ang masamang pananalita nito kaya pinagtanggol niya ang magulang. Dahil doon ay sinampal siya nito sa mukha.

"Hindi na ako makakapayag na saktan ka pa ng pamilya ko." tiim-bagang na pinahayag ni Sean. "Bukas din ay aalis na tayo rito. May bahay naman ako sa Norte, doon na muna tayo mananalagi."

"Sean...ayaw ko na..."

Nagulat siya sa biglaang pahayag ng kasintahan. Hiniling niya na sana ay nagkamali lamang siya sa narinig ngunit inulit-ulit ito ni Alfa.

"Tapusin na natin ito. Ayaw ko na...pasensya na..."

"Bakit? Magagawan naman natin ng paraan ang lahat?" Niyakap na niya ang dalaga at hinagkan sa noo. "Nabibigla ka lang. Pag-usapan natin ito bukas..."

"Hindi ko na kaya...palayain mo na ako..." pagsusumamo nito sa kanya. "Please, ayaw ko ng maituloy ang kasal. Tama na..."

Labis na nalungkot ang prinsipe dahil sa mga salitang nagmula rito. Ayaw man niyang tanggapin ang katotohanan, alam niya na nakikipaghiwalay na ito sa kanya. Gayunpaman ay umasa siya na magbabago pa rin ang isip nito kaya sinubukan pa rin niyang suyuin ito.

"Nais mo ba ba na magbakasyon muna sa mga magulang mo? Sige, bukas din ay ihahatid kita."

Tumango si Alfa dahil matagal na niyang gusto talagang bumalik sa tahanan ng mga magulang. Makikiusap siya na i-break na ang engagement dahil kahit na sinubukan niyang mapamahal kay Sean ng higit pa sa kaibigan, hindi talaga magawa ng puso niya.

"Oo. Magbabakasyon muna ako." pagtanggap niya sa suhestiyon ng fiance.

Hindi inaasahan ni Sean na iyon na pala ang pamamaalam ng pinakamamahal.

Sa isang iglap ay tuluyan ng nawala ang pangarap niya na mapakasalan ang tinuturing niyang prinsesa.

Sa pagsunod niya sa Earth upang mahanap ang fiancee, nawala ang katiting niyang pag-asa na magkabalikan pa sila. Gumuho ang magaganda niyang plano nang makita na masaya na ang dalaga sa piling ng isang ordinaryong tao na si Uno.

"Marahil, kung pinili ko kaagad na maging ordinaryo lamang ako, kahit papaano, napamahal sana siya sa akin..." napagtanto niya. "Siguro ay kapiling ko pa rin siya ngayon at mas naging masaya kami...pero kung maligaya na siya sa piling ni Uno, nararapat na palayain ko na nga siya gaya ng kahilingan niya..."

Dahil sa pagkasawi niya sa pag-ibig, nakapagdesisyon na siyang manindigan. Hindi na niya uulitin pa ang pagkakamali na nagawa kay Alfa.

Kung siya man ay iibig muli, nais niya na may kalayaan sila na magmahalan at hindi na magiging hadlang pa ang pagkokontrol ng mga magulang sa lahat ng kilos nila

"Kuya, kapatid ko..." pagtawag niya sa kadugo.

Nagulat si Sheldon sa pananalita ng nakababata sa kanya. Simula noong siya ay pinahawak ng state affairs ng mga magulang ay hindi na siya natawag na "kuya" ni Sean.

Subukin man niya na maging manhid ay aminado siya na hindi niya matiis ang kaisa-isang kapatid. Kahit noong mga bata pa sila ay madalas na niya itong alalayan dahil tahimik lamang ito at hindi palaban.

"Hindi ko na kaya ang ganitong klaseng buhay..." pagpapatuloy ni Sean.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Tatalikuran ko na ang pagiging prinsipe."

Naghari ang katahimikan dahil sa mga salitang binitawan nito.

"Sigurado ka ba?" pagtatanong muli ng nakatatanda sa kanya. "Baka naguguluhan ka lang dahil sa emosyon mo."

"Oo. Matagal ko na rin itong pinag-iisipan."

"Dahil ba kay Alfa? Maaari pa rin naman natin siyang makuha kung gusto mo."

"Hindi dahil kay Alfa...para sa akin...katulad niya ay nais ko na rin makalaya. Iyon ang leksyon na naituro niya sa akin. Kung nais kong maging masaya, kailangan ko ang kalayaan."

"Kung saan ka masaya, Bunso..." malungkot na pagpayag ni Sheldon. Aminado siya na nais na rin niyang makalaya ngunit malaki ang responsibilidad niya bilang crown prince. Alam niya na matagal ng sinusunog ang kaluluwa niya sa impyerno dahil sa mga kasamaan na nagawa niya upang maprotektahan lamang ang pamilya laban sa mga nais na mang-agaw sa trono ng kanilang kaharian.

Naisip niya na marahil, ang kabutihang magagawa na lamang niya ay ang isalba ang kapatid niya mula sa masalimuot at madilim na mundo ng mga Torres.

"Kung ano man ang mga plano mo sa panibagong buhay mo, susuportahan kita." Niyakap niya ang kapatid at pinaramdam niya rito na magkakampi sila sa mga oras na iyon. "Huwag kang tutulad sa akin. Gawin mo palagi ang tama!"

"Oo. Maraming salamat, Kuya."

Next chapter