webnovel

Kapitulo 7: Drama Queen Moment

Mag-aalas onse na ng gabi.

Tanggap na niya na baka natutulog na si Alfa kaya bukas na niya ito matuturuan magluto ng adobo.

Gayunpaman ay nakaramdam siya ng panghihinayang dahil nais talaga niya itong makasabay sana na maghapunan.

Pagpasok niya sa bahay ay nakita niya kaagad ang dalaga na mahimbing na natutulog at nakapamaluktot sa sofa.

Tahimik siyang lumapit at sinipat kung tulog nga. Nang masiguro na malalim ang paghimlay nito ay dahan-dahan na siyang naglakad upang hindi ito magambala pa.

Ngunit natukso siya na bumalik at mapagmasdan si Alfa. Maingat siyang umupo sa tabi ng sofa at tinitigan ito.

Napakayapa ng kanyang mukha.

Tila ba isa siyang prinsesa na naligaw lamang sa kanyang kinaroroonan.

Naisip niya na marahil ay isang diwata ang kaharap at nagpapanggap lamang na tao.

Kahit ano pa man siya o saan man nanggaling, wala naman problema sa kanya.

Kahit alien pa na may tatlong mata ay OK lang basta ba nagmamahalan sila.

"Mahal?" napatanong siya bigla sa sarili. "Nafo-fall na ba ako? Iba na ang nararamdaman ko. Kakaiba ito sa mga naging exes ko na ang habol lang ay kung ano ang mayroon ako. Napakasimple niyang babae at masayahin pa kaya masarap kasama."

"Ay, Sir. Kanina ka pa riyan?" nagulat pa si Alfa nang magising at mapansin na nakaupo sa may harapan niya ang amo. Tumayo at lumayo kaagad si Uno upang hindi mapag-isipan na may pinaplano itong masama sa dalaga.

"Sorry po, hindi kita narinig at napagbuksan sa garahe. Parang mantika raw kasi ako kapag tulog." Kinusot niya muna ang mga mata bago umupo. Hinanap niya ang tsinelas at isinuot iyon. "Kumain ka na ba? Nagluto ako ng kaunting ulam baka kasi gutom at pagod ka na pagka-uwi."

Nakunsensya siya dahil hinintay pa pala siya ni Alfa at pinagluto.

"Saan pa siya makakahanap ng ganito kabuting babae?" naitanong niya sa sarili.

"Hindi pa." tugon niya kahit na kagagaling lamang niya mula sa palpak na dinner date. "Maari mo ba akong samahan na kumain kahit sandali?"

"Oo naman! Tara! Nagluto ako ng pink salmon steak at buttered mushroom. Pasensya na at di ko talaga makuha ang timpla ng adobo kaya ginawa ko na lang na steak. Lutong-toyo rin naman. Sana magustuhan mo."

"Paborito ko 'yun."

"Talaga, Sir?" natuwa si Alfa dahil sa pahayag niya.

Inihanda niya ang hapag-kainan upang sila ay mag-late dinner. Ininit niya ang kanin at ulam at masayang nilapag ang mga pagkain sa harapan ni Uno.

"Salamat."

"Walang anuman, Sir."

"Uno na lang itawag mo sa akin."

"Sir?"

"Call me "Uno"." pag-uulit niya.

"U-Uno."

"Kain ka na rin." pag-aya niya kay Alfa.

"Sige lang." Pinanood lang niya ang binata na kumain. Maging ang paraan nito ng pagsubo at pagnguya ay nahuhumaling siya.

"Masarap ang timpla mo sa steak." pagpuri niya nang makahalata na napapatagal na ang pagtitig nito. Kumuha ito ng isang malaking piraso ng isda at nilagay sa plato ng kasabay. "Huwag mo akong panoorin. Kumain ka."

"Thank you." Namula pa ang mga pisngi niya dahil pinag-serve pa siya ng pagkain ng loves niya. Feeling niya ay ang haba-haba ng hair niya.

"Matanong ko lang. Taga-Cebu ka, hindi ba?" paninimula ni Uno na mag-usisa.

"Yes po!" mabilis niyang tugon para hindi makahalata na gawa-gawa lamang niya ang address. Dahil may koneksyon pa siya sa ilang mga kaibigan na matagal ng naninirahan sa Earth, nagawan nila ng paraan na magkaroon ito ng identity sa Pilipinas. Pinalitaw nila na half-American ito ngunit iniwan na ng ama at ang ina naman ay pumanaw na. Sa records niya ay pinalitan niya ang tunay na apelyido na Buenavista. Sa Earth ay siya na si Alfa Starr at kumuha ng vocational course ng hotel at house keeping.

Ang totoo ay hindi naman siya mestisahin sa planeta nila. Isa siyang puro na Bow-wowian. Sikat sa iba pang mga nations, maging sa ibang galaxy, na pinagpala ng magagandang mga babae at makikisig na lalaki ang kanilang bansa. Nakapagtapos din siya ng Hotel at Room Management sa planetang pinanggalingan kaya bongga ang mga alam niyang room arrangements at nilulutong mga pagkain.

"Nakakapagtaka. Iba ang punto mo kumpara sa inaasahan ko." nabanggit ng binata.

"Sabi nga rin nila. May pagka-American accent nga raw ako. Hahaha!' ninenerbiyos na tumawa pa siya.

"Napansin ko rin." pagsang-ayon ng kausap.

Masaya na sana ang kuwentuhan nila nang may lumipad na ipis sa may mesa. Napatili si Alfa dahil nakyutan siya sa maitim at mabahong insekto. Dadamputin na sana niya iyon nang biglang hinampas ni Uno ng tsinelas.

"Sa lahat ng pupuntahan mo, dito pa!" nayayamot na pinagalitan pa niya ang patay na ipis. Tumayo siya upang kunin ang walis at dustpan. Pagkakuha sa insekto ay tinapon lang niya iyon sa trash can at naghugas na ng kamay. Nakangiti siyang bumalik kay Alfa na shook na shook dahil sa karahasan na nasaksihan.

"Natakot ka ba ng ipis?" pag-aalala ni Uno nang mapansin na tulala ang kasama. "Wala na, patay na. Deads na. Tigok na."

Maya't-maya ay napahagulgol na ang kausap.

"Uno, bakit mo nagawa iyon?" panunumbat niya. Hindi siya makapaniwala na ang lalaking pinakamamahal ay kaya palang pumatay ng walang laban na ipis.

"Ang alin?" takang-taka na naitanong niya. "Bakit ka umiiyak?"

Tumayo si Alfa at tumakbo patungo sa kwarto. Kahit na nakasara ang pinto ay dinig na dinig ni Uno ang paghikbi nito. Nais man niya itong damayan ay hindi niya talaga maintindihan kung ano ang iniiyakan nito.

"Ang babae talaga...mahirap intindihin." Napailing na lang siya dahil sa naging kakatwang reaksyon ni Miss Alien.

Mga tatlong araw rin na nanatiling tahimik si Alfa. Magsasalita lang siya kapag tinatanong ni Uno. Masama pa rin ang loob niya dahil sa walang-pusong pagpaslang nito sa insekto na nais lamang humingi ng pagkain kaya lumipad sa may mesa.

"Napakasama mo, Uno." pagtatampo niya habang gigil siyang nagmo-mop ng sahig.

"Alfa..." pagtawag sa kanya ng lalaking kinapopootan. Nagulat pa siya dahil inakala niya na nababasa nito ang isipan niya.

"Ano 'yun?" tipid niyang tugon.

Iniabot nito sa kanya ang isang kahon ng mamahaling mga tsokolate. Nasiyahan man siya ay pinigil pa rin nyang mapangiti dahil naaalala pa rin niya ang patay na katawan ng kawawang ipis.

"Galit ka ba sa akin?" pag-uusisa nito sa kanya. "Kung ano man 'yun, sorry na."

"Hindi." pagde-deny niya.

"Humihingi pa rin ako ng paumanhin dahil sa nangyari noong isang gabi. Bumili rin pala ako nito para hindi ka na matakot pa." Nilabas niya mula sa sisidlan ang isang spray can na kulay green at iniabot sa kanya. Pinagmasdan niya ang lata na may nakaguhit na malaking ipis.

"Ano ito, pabango?" pagtatanong niya habang binabasa ang mga nakasulat doon. Namutla siya nang mapagtanto na insecticide pala ang produkto.

At, formulated pa para pumatay ng mga ipis!

"Gamitin mo kapag may nakita ka sa paligid. May phobia ka pala sa ipis. Sana sinabi mo kaagad para nagawan ko ng paraan." pagsusumikap ni Uno na maging masuyo ang kanyang tono upang hindi na magdamdam pa ang kausap. "Hindi bale, ipapa-pest control ko na ang bahay para siguradong wala ng gagambala pa na ipis sa iyo."

Nabitawan ni Alfa ang hawak na tsokolate at insecticide dahil sa nakaka-trauma na mga salita.

"I-Ipis...kawawang ipis..." sinisinok na sinambit niya.

Muli ay namuo ang luha sa kanyang mga mata. Nataranta na si Uno dahil sa pangamba na iiyak na naman ito.

Tama nga ang kanyang kinatatakutan.

Napaiyak ang dalaga at nagkulong pa sa banyo. Malaki ang tampo niya dahil pakiramdam niya ay pinagtitripan pa siya ng binata.

Naiwan si Uno na gulong-gulo na sa mga Drama Queen moments ni Alfa.

Hindi talaga niya ma-gets kung bakit naging iyakin ito simula noong nakakita ng ipis.

Pilit niyang inintindi na lang dahil alam niya na 99% ng mga babae ay takot sa ipis.

"Baka extreme ang phobia niya." pag-aalala niya.

"Kawawa naman..."

Next chapter