webnovel

Kabanata 14

Kabanata 14

Para bang may kutsilyong tumusok sa puso ko dahil sa nasaksihan kong eksena doon sa gilid ng pool. Nakahawak si Sir Zeus sa batok ni Marquita, habang ito naman ay nakakapit sa matipunong braso niya. Ngunit ang mas nakakagulat ay naghahalikan sila. At hindi lang basta simpleng halik lang!

Naghalo-halo ang emosyon ko at 'di ko na rin namalayan ang mga nangyari. Nagulat nalang ako nang mabitawan ko ang tray na dala ko. Kasunod noon ay ang malakas na tunog ng pagkabasag ng mga baso. Nang sandaling 'yon ay para rin akong nasampal ng katotohanan. Bumalik sa isip ko ang mga sinabi ni Apollo sa akin.

'Wag mo nang pangarapin ang kapatid ko! Hindi siya katulad ko. Hinding-hindi siya magkakagusto sa tulad mong dukha!'

'Balang araw, makikita mo rin, magiging masaya siya sa piling ni Marquita. At ikaw? Wala ka lang sa buhay niya.'

Napaluhod ako para tipunin ang mga basag-basag na piraso ng baso. Habang ginagawa ko 'yon ay kitang-kita ko ang panginginig ng kamay ko. Naramdaman ko rin ang pag-iinit ng mata ko. Hanggang sa mayamaya nga ay unti-unti nang tumulo ang luha mula sa mata ko pababa sa pisngi ko.

Kung para sa'n ang luhang 'yon ay 'di ko na alam. Dahil ba kay Sir Zeus at kay Marquita? Dahil sa nabasag kong baso at baka mapagalitan ako?

"My gosh! What is that?"

Narinig ko pa ang maarteng boses ni Ma'am Marquita, ngunit hindi ko magawa ang tumingin sa kanya—sa kanila. Pinagpatuloy ko lang ang ginagawa ko, at pasimple ko ring pinalis ang luha ko sa pisngi ko.

"What happened?"

Kasunod naman niya ay si Sir Zeus at mukhang mas malapit na sila sa akin ngayon.

"Ano 'yung nabasag?"

Mayamaya rin ay narinig ko ang boses ni Manang Guada. Sa pagkakataong 'yon ay nag-angat ako ng tingin para lingunin si Manang. Bakas ang pag-aalala sa mukha niya. Kasunod na rin niya ang iba pang mga kasamahan namin.

Nagmamadali siyang lumapit sa'kin nang makita ang kalagayan ko. "Ay, jusko, Maureen! Ano'ng nangyari?!"

"M-Manang. . ." Hindi ko na napigilan at napahikbi ako.

"Maureen!" Tumakbo rin papalapit sa'kin si Danica at tinulungan akong makatayo.

"Ano ba naman 'yan?! Dalawang baso lang 'yan, naibagsak mo pa?!" inis na sabi sa'kin ni Marquita. Sa pagkakataong 'yon ay wala na akong maisagot. Patuloy lang ang pag-iyak ko habang nakaakbay naman sa akin si Danica.

Napalingon siya kay Sir Zeus. "Zeus, ganito ba talaga mga katulong n'yo? So stupid!"

"Grabe naman po kayo!" sigaw ni Danica sa kanya.

Hinawakan ko naman si Danica sa braso para pigilan siya. Alam ko naman kasi na ako ang may kasalanan. "Danica, 'wag na."

"Wow? Ako pa ang grabe, huh?" reaksyon ni Marquita. "And don't you dare talk to me that way, dahil isa ka lang muchacha dito!"

Napayuko nalang kami ni Danica sa sinabing 'yon ni Marquita. Hindi na kasi dapat pa sinabihan ng gano'n ni Danica si Marquita, e. Alam naman niya ang ugali ng babaeng 'to.

"Hindi grabe si Ma'am Marquita," sabi sa amin ni Manang Guada. "Kung inaayos n'yo lang kasi ang trabaho n'yo, hindi sana magkakaganito."

"P-Patawad po, Manang Guada. S-Sorry po talaga," umiiyak na sabi ko kay Manang Guada. Lumuhod pa akong muli at hinawakan ang mga kamay ni Manang. Pakiramdam ko kasi matatanggal na ako sa trabaho dahil dito.

"Ay naku kang bata ka! Tignan mo nga, dumudugo 'yang kamay mo!" sabi niya sa'kin at hinawakan ang dalawa kong kamay na kanina'y nakahawak sa kanya. Noon ko lang din napansin 'yon, pero hindi ko na 'yon ininda pa.

"Please, Manang, 'w-'wag n'yo po akong tanggalin! Pakiusap! P-Pangako, p-pagbubutihan ko na po! P-Please, Manang. . ." pagmamakaawa ko pa. Wala akong pakialam kung naghahalo na ang sipon at luha ko. Kung lahat man sila ay nanonood ngayon sa kadramahan ko.

"Maureen, wala sa'kin ang desisyon. Na kay Ma'am Helen 'yon," sabi sa akin ni Manang Guada na mukhang nahihirapan din sa kalagayan ko ngayon.

Wala akong naisagot kung hindi ang labis na pag-iyak. Gusto kong magalit sa sarili ko dahil 'di ako nag-iisip ng tama! Hindi naman ito dahil lang sa pagiging tanga at mali-mali ko, e. Kung sana, nakaya kong kontrolin ang emosyon ko, hindi sana mangyayari 'to.

"Maureen. . ." pag-alo sa akin ni Danica at muli akong inalalayan na makatayo.

"Manang, i-report mo na 'to agad kay Tita. Dapat matanggal na 'yang tatanga-tangang katulong na 'yan!" sabi pa ni Marquita sabay irap.

"Teka, Marquita, masyado ka naman yata. . ." sabi ni Sir Zeus sa kanya, na ikinagulat ni Marquita. Maging ako rin naman ay nagulat doon. Ipinagtatanggol ba ako ni Sir Zeus?

"What, Zeus? Bakit parang sa'kin ka pa nagagalit? E, siya naman 'yung may kasalanan!" takang tanong ni Marquita kay Sir Zeus. Bakas na bakas pa rin ang inis sa boses niya.

"Hindi naman niya sinasadya 'to, e," katwiran pa ni Sir Zeus sa kanya.

Napaawang ang bibig ko dahil sa narinig ko. Pinagtatanggol nga ba niya ako? Kusa rin akong napalingon kay Danica, na noon din ay nakatingin din pala sa'kin. Sabay din naming ibinalik ang tingin kay Sir Zeus at kay Marquita.

"Ano'ng hindi? Kasalanan niya 'to, Zeus, kasi tatanga-tanga siya!" giit pa ni Marquita.

"Pwede ba, Marquita? 'Wag ka munang mangialam dito." Hindi man sumigaw si Sir Zeus, pero nakatatakot pa rin ang mariin niyang boses. Napaatras nalang si Marquita at natahimik.

Bumaling naman si Sir Zeus kay Manang Guada. "Manang. . ."

"S-Sir."

"Wag n'yo nalang sanang sabihin kay Mommy. Hindi naman sinasadya ni Maureen, e. And I think, lahat naman tayo nagkakamali. Palagpasin n'yo nalang sana 'to."

Hindi ako makapaniwala sa mga naririnig ko. Totoo bang kay Sir Zeus nanggagaling lahat nang 'to? Bakit hindi siya nagagalit sa'kin? Bakit pinagtatanggol pa niya ako?

"Manang?"

"S-Sige po, Sir," sagot ni Manang sabay yuko. Maya-maya rin ay hinawakan ako ni Manang at bahagyang inilapit sa kanya. "Halika, Maureen, gamutin natin 'yang sugat mo."

Nagpahila nalang ako kay Manang, pero bago kami umalis ay napayuko ako sa harapan ni Sir Zeus. "Salamat po, S-Sir Zeus. Pasensya na rin po."

"It's okay," sagot naman niya.

"Halika na," sabi naman sa'kin ni Manang, kaya sumabay na ako sa kanya. Bago pa kami tuluyang makaalis ay inutusan niya sila Monet na linisin ang mga nabasag na baso.

Dinala naman ako ni Manang Guada sa sala at doon niya ginamot ang sugat na nakuha ko mula sa bubog ng nabasag na baso. Dahil sa ginawang pagtatanggol sa'kin ni Sir Zeus ay medyo humupa na ang luha ko. Mabuti nalang at ipinagtanggol niya ako. Kung hindi, saan na kaya ako pupulutin ngayon?

"Ano ba naman kasi'ng tumatakbo sa isip mo?" tanong ni Manang habang pinupunasan ang kamay ko.

"P-Pasensya na po, Manang. Nagulat lang po kasi—"

"Wag ka nang sumagot. Sa susunod, mag-iingat ka ha? Kayo nina Danica at Monet. Maaaring mabait si Ma'am dahil wala pa tayong nagagawang mali. Ingatan n'yo naman sana ang trabaho n'yo dito," sabi pa niya sa'kin.

Nahihiya akong tumango-tango. "Hindi na po talaga mauulit."

"Oh? Ano'ng nangyari d'yan?"

Napatingin ako kay Jacob at Junard na kakapasok lang ng mansyon.

"E, nabasag ni Maureen 'yong baso, e. Heto, nabubog," sagot ni Manang Guada sa kanya.

Hindi sumagot si Jacob, pero lumapit siya sa amin. Si Junard naman ay dumiretso patungo sa kwarto nila.

"Oh, hayan na. Tapos na. Magpagaling ka na lang," saad ni Manang nang matapos siyang gamutin ang sugat ko. "Mabuti siguro 'wag ka munang maghawak ng mga babasagin."

"Opo, Manang. Salamat po ulit. Salamat po nang marami," sabi ko kay Manang at halos yakapin ko na siya.

"Hay naku, kay Sir Zeus ka magpasalamat. E, kung hindi, e, talagang isusumbong na kita kay Ma'am Helen," sabi naman sa'kin ni Manang.

"Pasensya na po ulit," sabi ko at yumuko.

"Ay, sige, maiwan na kita d'yan," sabi niya sabay tayo. Kinuha na rin niya ang first aid kit na ginamit niya sa paggamot sa'kin.

"Maureen, anong nangyari? Bakit mo nabasag 'yung baso?" nag-aalang tanong nj Jacob at naupo sa harapan ko.

"Ala, ano, Jacob, n-nagulat lang kasi ako, e. . ." sabi ko nalang. Pinadausdos ko rin ang kamay ko sa laylayan ng uniform ko. Nagusot ko pa 'yon.

"Sa susunod, mag-iingat ka ha?" bilin pa niya sa'kin.

Tumango-tango naman ako at ngumiti. Parang kapatid ko na 'tong si Jacob, kaya alam kong labis din ang pag-aalala niya sa'kin. At natutuwa naman ako dahil doon.

"Mabuti hindi ka natanggal dito," sabi pa niya.

"Muntik na nga, Jacob, e. Buti nalang pinagtanggol ako ni Sir Zeus," sabi ko naman sa kanya.

Hindi ko naman mapigilan ang ngiti ko. Aaminin kong hindi ko pa rin makalimutan ang nasaksihan ko kanina. Pati na rin ang masasakit na salitang natanggap ko—namin ni Danica—mula kay Marquita. At ang kamuntikan kong pagkatanggal dito sa mansyon.

Pero sa kabila ng lahat, nagagalak pa rin ang puso ko sa ginawang pagtatanggol sa'kin ni Sir Zeus. Naalala ko pa noon na nasusungitan ako sa kanya. Pero 'di ko akalaing darating pala ang sandaling magiging mabait siya sa akin. Napakalaki ng utang na loob ko sa kanya.

Tumango-tango na lang si Jacob.

"Sige, Maureen." Tinapik niya ako sa balikat. "Balik na 'ko sa garden."

"Sige," pagpayag ko. Napagpasyahan ko rin namang mamalagi nalang sa kwarto namin. Doon ay inalala ko kung paano ako pinagtanggol ni Sir Zeus kanina. Para bang natakpan no'n ang bigat ng damdamin ko sa halik nila ni Marquita.

* * *

"Kamusta ka?" tanong ni Danica sa akin.

Kami palang dalawa dito sa kwarto namin, dahil kakagaling lang nila sa kusina. Sinabihan kasi ako ni Ate Bella na 'wag na raw muna akong tumulong sa kanila sa paghuhugas ng pinggan at paglilinis ng kusina dahil sa sugat ko.

"Maayos na 'ko kahit pa'no," sagot ko naman sa kanya. Kapwa kami nakapambahay na ngayon.

"Grabe 'yong nangyari kanina! Pati ako kinabahan sa'yo. Si Ate Bella nga, napagalitan pa 'ko," sabi pa niya at umupo sa tabi ko. Nandito ko ngayon sa ibaba ng double deck.

"Gano'n ba? Pasensya na," sabi ko naman.

"Ano ka ba? Wala 'yun!" sabi naman niya sa'kin. Mayamaya'y siniko niya ako. "Pero, wow ha! Pinagtanggol ka ni Sir Zeus sa Marquita'ng 'yon!"

Napangiti na rin ako. "Hindi ko nga rin alam kung bakit ginawa niya 'yon. E, dati, wala naman siyang pakialam sa atin na mga katulong 'di ba?"

"Naku! Kung ano man ang rason ni Sir Zeus kung ba't ka niya pinagtanggol, isa lang ang alam ko—kinikilig ako sa inyo!" Tinulak-tulak pa niya 'ko.

"Pero, teka nga, bakit mo nga ba naibagsak 'yung tray?" tanong naman niya sa'kin mayamaya. Parang noon lang niya naalalaang tanong na 'yon.

Napabuntong-hininga naman ako at mas lumapit sa kanya. "Nakita ko kasing. . .m-magkahalikan si Sir Zeus at si Marquita."

"Ano?!" gulat na reaksyon niya.

Tumango-tango ako. "Nagulat ako at, aaminin ko, nasaktan ako. Hindi ko na alam. Hindi ko namalayan na nabitawan ko pala 'yung tray. . ."

"Totoo ba 'yan?" tanong pa niya.

"Mukha ba 'kong nagloloko?"

Napahalukipkip siya. "Nakakainis naman! Akala ko pa naman, lumalamang ka na sa Marquita na 'yon!"

Hindi nalang ako nagsalita. Mayamaya ay may naalala ako. Pakiramdam ko kasi, hindi ko pa napapasalamatan nang maayos si Sir Zeus.

"Kung pumunta kaya ako sa kwarto ni Sir Zeus?" tanong ko sa kanya.

"At bakit? Ano'ng binabalak mo?" tarantang tanong niya.

"Danica, m-magpapasalamat lang ako! Napakalaki ng utang na loob ko sa kanya, kaya pakiramdam ko, hindi pa sapat 'yung ginawa ko kanina," paliwanag ko sa kanya.

"Sasamahan na kita!" sabi naman niya.

Umiling-iling ako. "Hindi. Ako nalang."

Tumayo na rin ako kaagad at lumabas ng kwarto. Hindi naman na ako pinigilan pa ni Danica. Mabuti at wala akong nakasalubong sa pagpunta ko sa kwarto ni Sir Zeus. Pansin ko sa mga Lorenzino na 'di rin sila mahilig tumambay sa sala nila at manood ng TV.

Labis-labis ang kaba ng puso ko nang kumatok ko sa kwarto ni Sir Zeus. Hindi ko naman gagawin 'to dahil gusto kong magka-usap kami. Gusto ko talaga siyang pasalamatan dahil kung hindi dahil sa kanya, wala na akong trabaho ngayon.

"Oh, Maureen? W-What are you—anong ginagawa mo dito?" takang tanong niya sa'kin nang pagbuksan niya ako ng pinto.

"Uh, Sir Zeus, gusto ko lang po sanang mag-sorry sa nangyari kanina. Tsaka, salamat din po pala sa ginawa n'yo. Maraming salamat po talaga. . ."

"It's okay," sabi niya at tipid na ngumiti. Pero bakit parang ang peke ng ngiti na 'yon? "Now, kung wala ka nang sasabihin, pwede ka nang umalis."

Napaawang nalang ang labi ko sa sinabi niya. Bakit ngayon ay parang ang lamig na ng pakikitungo niya sa'kin? Gusto ko lang namang humingi ng tawad at magpasalamat sa kanya ah? Bakit nagsusungit na naman siya?

Sa huli ay masama ang loob ko na tumalikod sa kanya at dumiretso pababa ng hagdan. Habang bumabababa ako ay 'di ko mapigilan ang mainis sa inakto ni Sir Zeus. Kahit man lang sana maayos na pakikitungo sa akin ay ginawa niya. Gusto ko lang naman kasi talaga ang magpasalamat, e!

Napagpasyahan kong dumiresto sa kusina at uminom ng tubig. Hindi ko alam, pero parang nadismaya ako sa nangyari. Akala ko naman kasi, nag-iba na talaga ang pakikitungo ni Sir Zeus sa akin. Hindi pa rin pala. Nag-iilusyon lang siguro ako na ginawa niya 'yon para sa'kin. Siguro ayaw lang din niya ng gulo. O baka naman ayaw gusto niyang matigil na lang ang eksena doon, para makapagsolo ulit sila ni Marquita?

"Oh. Look who's here."

Napaangat ang tingin ko kay Apollo at kasunod noon ay napakagat nalang ako ng lab ko sabay irap. Sa lahat talaga ng oras na magkikita kami nang harap-harapan, ngayon pa?

"Wag na lang muna kayong sumabay ngayon, pwede ba?" malamig na sabi ko sa kanya. Napagpasyahan ko na ring umalis. Kaya lang, medyo nakaharang siya sa daanan, kaya doon pa rin ako dumaan sa gilid niya.

"Wag mo 'kong tatalikuran kapag—"

"Ah!" Hindi ko naiwasan ang mapadaing dahil nadiinan niya mismo ang sugat sa kamay ko. Pinilit pa niya kasi akong hilahin.

Kaagad namang nagbago ang ekspresyon niya nang marinig ang daing ko. Mula sa madilim na ekspresyon ay napalitan ito ng isang maamong mukha niya. Nag-aalala ba siya sa'kin?

Wala akong nagawa kung hindi ang hayaan siyang tignan ang kanang kamay kong may band-aid.

"Ano'ng nangyari dito? Bakit ka may sugat?" tarantang tanong niya sa'kin.

Pilit kong binawi ang kamay ko sa kanya at hinayaan naman niya ako. "Wala ka nang pakialam doon."

Bukod sa ayoko siyang makausap, ayoko ring malaman niya ang kasalanang ginawa ko kanina. Baka mamaya, magalit din siya at isumbong ako sa nanay nila. Baka siya pa ang maging dahilan nang pagkatanggal ko dito.

"Sabihin mo lang sa'kin!" pagpilit pa niya.

"At bakit ko naman sasabihin sa'yo?" inis na tanong ko.

Nakakainis talaga! Pwede namang sa ibang araw nalang niya sana ako bwisitin, pero sumabay pa talaga siya kung kailan masama ang araw ko! Napakagaling! May isasama pa pala ang araw kong 'to.

"Dahil nag-aalala ako."

Hindi ko maiwasan ang manganga nang kaunti. Hindi ako nagulat sa sinabi niya, kung hindi sa paraan ng pagkakasabi niya noon. Nawala ang matigas at nakakatakot niyang boses. Napalitan 'yon ng isang boses na punong-puno ng malasakit at pag-aalala. At kitang-kita ko rin 'yon sa mukha niya.

Hindi, Maureen! 'Wag kang magpalinlang sa boses niyang 'yan! Masama pa rin ang laking 'yan!

"Hindi ko kailangan ang pag-aalala mo," mariing sabi ko at kaagad na tumalikod sa kanya.

Hindi naman na siya umimik o sumunod pa. Mabuti naman! Masyadong maraming nangyari sa araw na 'to. Gustong-gusto ko nang magpahinga.

Itutuloy. . .

Sino mas gusto n'yo? Zeus or Apollo? hihi

elysha_janecreators' thoughts
Next chapter