webnovel

Kabanata 12

Kabanata 12

Hanggang sa pag-uwi namin sa bahay nang gabing 'yon at hanggang sa pagtulog ko ay baon ko ang matamis kong ngiti. Bawat minuto na nga lang yata ay naaalala ko ang pag-uusap namin na 'yon ni Sir Zeus. At mas lalo akong napapangiti kapag naalala ko ang guwapong ngiti niya!

"Ito na po, 'Tay! Kumain na po tayo!" magiliw kong sabi nang ibinaba ko ang platong may pritong itlog sa harapan niya.

"Kagabi ka pa ata ganyan kasigla, ah?" puna niya sa'kin sabay kuha ng kanin sa kaldero namin.

Bahagya akong natigilan at lumibot pa ang mga mata ko. Sana ay hindi napansin ni Itay.

"Wala 'to, Itay! Masaya lang po ako sa trabaho ko ngayon," palusot ko nalang.

"At bakit?" tanong pa ni Itay na nakataas ang isang kilay. Isang tanda ng pagiging istrikto niya. Patay ka, Maureen!

"Ano, Itay, kasi, 'di ba nga po malaki ang sweldo doon sa mansyon? Kaya sigurado po ako, sa susunod na pasukan, makakapasok na po ako," paliwang ko.

Totoo rin naman 'yon. Masaya rin ako dahil panigurado ko, sapat na ang sweldong makukuha ko mula sa mga Lorenzino para makapag-enroll ako sa pasukan sa susunod na taon. Pero, syempre, may isa pang dahilan.

"Maghintay ka lang, Anak. Kapag nabayaran ko na lahat ng mga utang natin," sabi pa sa akin ni Itay, kaya mas napangiti ako.

Pero sa kabila rin naman ng ngiti ko ay nakokonsensya ako. Walang ibang gusto si Itay kung hindi ang kabutihan ko. Paano nalang kung malaman niyang sinuway ko ang utos niya? Ang huwag umibig sa isang mayaman? Pero hindi ko nalang muna iisipin ito sa ngayon.

"Itay, okay lang kahit hindi pa maginhawa ang buhay natin. Basta ang mahalaga, magkasama tayong dalawa," tugon ko sabay ngiti.

"Oh, siya, sige, kumain na tayo," sabi niya at nag-krus.

Ginaya ko naman siya at nagsimula nang kumain. Matapos kumain ay umalis na siyang muli para mamasada. Medyo matumal ang kita tuwing Sabado dahil kaunti lang ang estudyante. Pero kahit papa'no ay may mga trabahador pa rin at 'yung iba naman ay namamalengke.

Pagkaalis naman ni Itay ay sinimulan ko nang kusotin ang mga labada namin. Kaunti lang naman 'yon dahil dadalawa lang naman kami ni Itay sa bahay. Kasama na rin doon ang uniporme ko.

Halos kakatapos ko lang maglaba nang marinig ko ang tunog ng tricycle ni Itay. Mabuti at naisingit ko na rin ang pagsasaing kanina. Nga lang ay wala pa kaming ulam.

"Ang tumal talaga ng biyahe 'pag Sabado," reklamo ni Itay sabay upo sa papag namin. Binuksan naman niya ang bentelador naming napakahina ng buga ng hangin. Itinapat niya 'yon sa kanya. Kasabay pa noon ay nagpaypay siya gamit ang sumbrero niya.

"Itay," tawag ko sa kanya. Lumapit pa ako para magmano. "Pasensya na. 'Di pa po ako nakakapagluto ng ulam."

"Oh, ayos lang." Kinuha niya ang wallet niya sa bulsa niya. Kumuha siya doon ng bente pesos at inabot sa akin. "Bumili ka nalang muna ng chicharon. Ayos na 'yon."

"Sige po," sagot ko at nagmadali nang pumunta sa pinakamalapit na tindahan sa amin. Sa tapat lang naman ng compound namin 'yon.

Maging ang kalye namin ay walang halos tao. Sino ba naman kasi ang tatambay dito sa kalsada, e, tirik na tirik ang araw? Buti nga at may bubong, kahit papaano, sa tindahan ni Aling Diony.

Naabutan ko pa doon si Danica na may dalang payong at may bitbit na yelo.

"Maureen!" bati niya nang makita ako.

"Danica," bati ko pabalik.

"Anong sa'yo?" tanong sa'kin ni Aling Diony.

"Ah, magkano po chicharon n'yo?" tanong ko.

"Disi-syete," sagot naman niya. "Bibili ka ba?"

Tumango ako. "Isa po. Tsaka magkano po ang yelo?"

"Tres lang," sagot niya. "Isa rin ba?"

"Opo!" Tumango-tango pa ako.

"Uy, Maureen, maligo tayo sa ilog mamaya! Napaka-init ng panahon, e!" pag-anyaya sa'kin ni Danica na hindi pa rin pala umaalis.

"Oo, sige, pero magsasampay muna ako," sabi ko sa kanya.

"Sabi mo 'yan ah?"

Tumango naman ako. Sakto rin naman at ibinigay ni Aling Diony ang binili ko. Kinuha ko na iyon at sumabay kay Maureen.

"Oo," sagot ko sa kanya. "Pupunta naman ako sa inyo, kasi makiki-dryer ako."

"Sige ba!"

"Oh siya, sige, kain na muna kami," sabi ko nang makarating na kami sa harap ng bahay namin.

"Mamaya nalang, Maureen, ah?" sabi pa niya.

"Oo!"

Sinawsaw lang namin ni Itay ang chicharon sa suka at bawang, para naman mas may lasa. Pagkatapos kumain, binuksan niya ang luma naming TV at saka namahinga.

"Mamayang hapon nalang siguro ulit ako papasada," sambit niya.

"Sige, 'Tay. Sampay ko lang po 'tong mga 'to ah?" sabi ko naman habang dala ko ang maliit na batya. Tango lang ang isinagot niya sa'kin, kaya lumabas na ako at dumiretso kina Tita Maricar.

"Tita Maricar!" tawag ko mula sa labas ng bahay nila. "Pa-dryer ako!"

"Sige!" sagot niya na pasigaw dahil nandoon pa siya sa loob. Sigurado akong nananahi siya dahil dinig ang tunog ng makina niya.

Si Tita Maricar lang ang may washing machine dito sa palibot namin. Kaya, sa tuwing maglalaba kami, nakiki-dryer kami sa kanya. Mahirap din naman kasi magpatuyo ng damit. Pero sa panahon ngayon, siguradong mamaya, tuyo na kaagad 'to.

Ang tatay ni Danica ay isang construction worker sa ka-Maynila-an. Minsan lang 'yon umuwi dito sa Doña Blanca. Gustohin man ni Tito Lito na manatili dito, wala naman siyang mahanap na trabaho dito. Doon daw sa Maynila ay marami siyang raket. Kaya lang, maliit pa rin ang kita.

Kaya itong si Tita Maricar, tumatanggap siya ng mga patahi. Araw-gabi at walang tigil ang pananahi niya. Minsan tumutulong kami ni Danica, at maging ang mga kapatid niya, sa pag-gugupit ng mga tela. Para na rin mabawasan ang trabaho ni Tita.

Nasa elementarya palang si Junjun at si Buknoy. At gusto sana ni Tita at ni Tito na makapagtapos sila ng pag-aaral. Pati si Danica. Kasi sila mismo ay hindi rin nakapagtapos ng pag-aaral. Kaya lang, sadyang mahirap talaga ang buhay. Kaya sa mura ring edad namin ni Danica, sumabak na kami sa pagbabanat ng buto.

"Oh! Tulungan na kita d'yan!" sabi ni Maureen nang makita niya akong kinukuha ang mga damit namin mula sa dryer.

"Naku, 'wag na! Kaunti lang naman 'to," sabi ko naman sa kanya.

"Hindi! Tutulungan na nga kita!" Pagpupumilit pa niya. "Ligong-ligo na 'ko 'no!"

"Ang kulit mo!" Natawa ako. "Sige na nga."

Kaunti lang naman talaga 'yon, kaya wala pang ilang minuto ay natapos na kami. Sinamahan naman ako ni Danica na pumunta sa bahay para isoli ang batya. Para na rin magpaalam kay Itay.

"Hi, Tito Jose!" bati ni Danica kay Itay sabay mano pa.

"Sabi na't kasama ka ni Maureen, e. Malayo palang, e, dinig na dinig na ang boses mo, e," biro naman ni Itay sa kanya, kaya pati ako ay natawa. Likas na kasing madaldal si Danica kahit no'ng bata pa kami.

"Grabe naman, Tito!" kunwari ay apektadong sabi ni Danica. "Siya nga pala, Tito, maliligo po kami ni Maureen sa ilog ah?"

"Naku, baka may katatagpuin lang kayo do'n?"

"Ay naku, Tito, wala! Sana nga po meron, e."

Natawa kaming dalawa sa sagot na 'yon ni Danica.

"Ikaw talagang bata ka. Oh siya, sige. Mag-iingat kayo ah?"

"Opo, Tito," sagot ni Danica.

"Sige, Tay, alis na po kami," sabi ko naman. Tumango lang naman siya.

Ilang lakad lang naman ang ilog mula sa bahay namin. Noon pang mga bata kami, madalas kaming tumambay, maglaro at maligo doon nila Danica at ni Jacob. Mababaw lang naman ang bahaging 'yon ng ilog at hindi rin kalakasan ang daloy ng tubig. Kaya tamang-tama talagang pagliguan. Hindi rin naman ipinagbabawal dito. 'Yung iba nga, doon pa naglalaba, e.

"Ang sarap sa balat ng tubig! Ang presko!" tuwang sabi ni Danica habang binabasa ang sarili niya ng tubig mula sa ilog. Ganoon din naman ang ginawa ko.

"Sa wakas! Nalamigan din!" sabi ko naman. Kung kanina'y init na init ang likuran, dibdib, at batok ko, ngayon naman ay nakaramdam na ako ng kapreskuhan. Mabuti nalang talaga at inaya ako ni Danica dito. May kalamigan ang tubig ng ilog at medyo mahangin din dito.

Mabuti rin at kaming dalawa lang ni Danica ang nandito ngayon. Malaya kaming nakakapagtampisaw na parang mga bata. Kahit sa mga ganitong bagay lang, nakukuha naming sumaya.

Nang magsawa kami ay napagpasyahan naming maupo sa mga malalaking batong naroon. Tamang-tama lang para pagtambayan namin.

"Sayang ano? Wala si Jacob," sambit ni Danica.

"Oo nga, e. Nakaka-miss no'ng bata pa tayo, 'no?" sang-ayon ko naman sa kanya.

"Sana nga kahit makaahon tayo sa hirap, magkakasama pa rin tayo nila Jacob. 'Di ba? 'Yung tipong walang iwanan!" sabi pa niya.

Natawa naman ako sa kanya. Ganito talaga si Danica—madalas ay puro kalokohan pero bigla-bigla nalang nagda-drama.

"Oh? Ba't mo 'ko tinatawanan?" tanong naman niya at humalukipkip pa.

"Kasi ang drama mo! Halika nga dito," sabi ko at inakbayan siya. Medyo mas matangkad kasi ako sa kanya. "Kahit anong mangyari—kahit magkahiwa-hiwalay pa tayo nila Jacob—hindi kayo mawawala sa puso ko."

"Talaga?" tanong pa niya.

"Oo!" sagot ko. "At alam ko, gano'n din kayo. 'Di ba?"

"Oo naman!" sagot niya.

"Tama na nga 'tong drama natin!" sabi ko at lumayo sa kanya. "Alam mo, ganito nalang. Kukwentuhan nalang kita."

"Ay! Gusto ko 'yan!" Napapalakpak pa siya sa pagkasabik niya. "Tungkol 'yan kay Zeus ano?"

"Syempre! Kanino pa ba?" natatawang sabi ko.

"Okay, sige! Kwento mo na!" nasasabik nang sabi niya.

"Alam mo, kahapon, nagkausap kami!" panimula ko.

"Talaga?" Nanlaki pa ang mga mata niya. "Teka, a-anong pinag-usapan n'yo?"

"Nagtanong siya sa'kin, e. Pinapili niya ko kung 'yung tama ba pero hindi ako masaya do'n, o 'yung mali pero masaya naman ako."

"Tinanong niya talaga 'yan?" hindi makapaniwalang tanong niya.

Tumango-tango ako. "Hindi ko nga rin inaasahan, e."

"Oh, e, anong sagot mo?" tanong naman niya.

"Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung ano nga ba'ng isasagot ko," pag-amin ko. "Kaya sinabi ko nalang 'yung sabi ni Itay noon."

Napaatras siya at napangiwi. "Bukod sa masasama ang mga mayayaman, at 'di tayo nabibilang sa mundo nila, ano pa ang sinabi sa'yo ni Tito Jose?"

Tinignan ko naman siya ng masama, pero sa huli ay sinagot ko siya, "Sabi kasi ni Itay, palagi raw piliin ang tama. Kasi 'yung mali, makakasama lang sa'tin, e."

"Ang gara talaga ni Tito!" inis na sabi niya. Napairap pa niya siya at humalukipkip. "Kung ako ang tatanungin? Pipiliin ko kung saan ako masaya!"

"Kahit mali at baka may masaktan kang iba?" tanong ko naman sa kanya.

"Di naman maiiwasang makasakit ka! Pero, wala namang masama kung iisipin mo 'yung sarili mo."

"Parang 'di naman yata tama 'yon. . ."

"Alam mo, halata namang pag-ibig 'yang problema ni Sir Zeus, e. At sabi nila, ang taong lubos na nagmamahal, handang hamakin ang lahat, para sa kanyang minamahal," sabi naman niya sa akin. May paarte-arte pa siya habang sinasabi niya 'yon.

"Saan mo na naman nakuha 'yan?" naiiling na tanong ko sa kanya.

"Do'n sa dramang pinapanood ko! 'Yung 'Hamakin Man Ang Mundo'. Maganda ang bida do'n! Si Mercedes Olivarez!" sagot niya sa'kin.

Hindi nalang ako tumugon doon. Hindi ko naman kilala ang artistang 'yon. 'Di naman kasi ako mahilig sa mga palabas sa TV.

"Pero alam mo kung ano pa ang mas nakakatuwa, Danica?" sabi ko nalang habang nakangiti. Naku! Naaalala ko na naman kasi ang tagpo namin ni Sir Zeus kahapon.

"Hmm? Ano?"

"Kilala niya ko! Nasabi niya ang pangalan ko! At—At alam mo ba? Nginitian niya ako, tapos—tapos nagpasalamat pa siya sa'kin!"

Hindi ko na alam kung kakapusin ba ako ng hininga. Para ba akong hinahabol ng kabayo sa bilis ng tibok ng puso ko habang kinukuwento 'yon. Para ring bigla akong nagkaroon ng maraming-maraming energy. Na para bang isa akong tricycle na puno ng gasolina.

"Talaga? Hala, Maureen! Nakakakilig naman 'yan!"

Si Danica ay halos gan'on din naman ang reaksyon. Hinawakan pa niya ako sa balikat at niyugyog. Kahit medyo nasasaktan ay 'di ko nalang din maiwasan ang mapangiti. Kung si Danica ay kinikilig, paano pa kaya ako?

"Ganito pala ang pakiramdam ano? Kapag may gusto ka sa isang tao," nakangiting sabi ko habang tila nangangarap nang gising na nakatingin sa kalangitan.

"Asus! Pakiramdam ko nga 'di na lang gusto 'yan, e," sabi naman niya.

Mula sa kalangitan ay nalipat ang tingin ko sa kanya habang nakakunot ang noo ko. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Sa tingin ko mahal mo na 'yang si Sir Zeus."

Natigilan naman ako doon. Pag-ibig na nga ba 'to? "M-Mahal? Ano ka ba naman! Mahal kaagad?"

"Oo! 'Yon ang nakikita ko sa'yo, e," sagot namna niya.

Naisipan ko namang ibalik sa kanya ang tanong. "Pa'no mo nasabi? Nagmahal ka na ba?"

Hindi nakaligtas sa'kin ang pag-iwas niya ng tingin sa akin. "Hindi pa 'no."

"Talaga ha?" sabi ko naman dahil 'di ako kumbinsido. "Sabi mo, e."

"Mabalik tayo kay Sir Zeus." Umayos siya ng upo para mas makaharap ako. "Kung pinapili ka niya ng tama at mali, ano kayang ibig sabihin no'n?"

Nagkibit-balikat ako. "Ewan."

"Siguro hindi niya pwedeng mahalin 'yung totong mahal niya!"

Napaisip ako dahil doon at naalala ko ang tanong ni Sir Zeus.

'May dalawang bagay: isang tama at isang mali. Mas masaya ka sa isa, but alam mong mali 'yon. So, ano'ng pipiliin mo?'

Posible nga kayang 'yon ang ibig sabihin noon? Parang napakalalim ng iniisip niya at parang 'yon talaga ang bumabagabag sa isip niya, e.

"E, kung gano'n, sino naman kaya 'yung isa?" tanong ko kay Danica.

"Malay natin!" sagot niya. "Malay mo. . . Ikaw."

"Bakit naman magiging ako 'yon?" sabi ko naman. Gusto ko man, pero alam ko namang hindi mangyayari 'yon, e.

"Wala. Gusto ko lang," sagot naman niya.

"Tara na nga. Umuwi na tayo at nang makapagbihis na tayo," sabi ko nalang sabay tayo.

* * *

Hanggang sa makauwi ay hindi maalis sa isip ko 'yon. Nagulo rin tuloy ako dahil doon, e. Para kasing tama si Danica. Siguro nga konektado ang tanong na 'yon ni Sir Zeus sa dalawa niyang minamahal. At kung masaya siya doon sa mali, ibig sabihin 'yon ang mas mahal niya. Pero sa tingin niya ay mali ito.

Pero bakit naman kaya niya naisip na mali? Dahil ba si Marquita ang gusto ng lahat para sa kanya o may iba pang dahilan?

"Let's all welcome the very beautiful and stunning Belle Dela Rama - Olivarez!"

Natuon ang atensyon ko sa telebisyon. Palabas iyon ng isa sa mga magagaling na host dito sa Pilipinas na si Aniceto Menaldo. Ang title ng show niya, na ilang taon nang umeere at tinatangkilik ng mga tao, ay "The Afternoon Show"

Ngayon ay mukhang may guest siyang isang medyo may edad nang babae. Pero sa kabila noon ay kitang-kita pa rin ang ganda ng kanyang mukha at maging ng katawan nito.

"Itay, patayin ko na po ang TV! Hindi naman po kayo—"

Bago pa man din ako matapos ay nagsalita na si Itay, "Oh, teka, 'wag muna!"

"Hmm? Hindi naman po kayo nanonood nitong palabas ni Aniceto ah?" sambit ko naman.

"E, inaantay ko 'yung balita, e," paliwanag naman ni Itay. Naupo pa siya sa bangko, kung saan tanaw pa rin ang TV. Maliit lang naman kasi ang bahay namin.

"Baka po may balita na ngayon sa radyo," sabi ko naman. Palagi naman kasing may balita sa mga piling estasyon ng radyo, e. 'Yon din ang dahilan kung bakit 'di kami mahilig manood ng TV. Bukod pa sa hindi na rin halos maganda ang kondisyon nito.

"Eh, hayaan mo na't pagkatapos n'yan, e, balita naman na," giit pa niya.

"Sige na nga po," sabi ko at naupo na lang muli sa papag. Hayaan ko na nga lang si Itay sa gusto niya. Ang babaw naman kung kokontrahin ko pa siya.

Pinanood ko na lang din ang palabas sa TV. Bidang-bida ang artista na guest ngayon ni Aniceto. Halata sa crowd na marami ang nagmamahal sa kanya.

"So ano'ng wish mo ngayong birthday mo, Belle?" tanong ni Aniceto sa kanya matapos ipakita ang video ng pamilya niya na bumati sa kanya.

"Well, I only want good health and good life! At sana, palaging masaya at buo ang pamilya ko. Okay na sa'kin 'yon," nakangiting sagot ng artista. Halata naman sa kanya na masaya siya sa kung anong meron siya ngayon.

Sino nga ba ang malulungkot pa? May masaya siyang pamilya at mukhang lahat sila ay kilala. Halata ring mayaman sila. Wala na sigurado pang kulang sa buhay niya. Ang swerte-swerte nila.

Bakit hindi nalang lahat ng tao ay biyayaan ng ganyan kasayang buhay? Sana walang malungkot. Sana walang mga nagdudusa.

Kaso, oo nga, hindi gano'n ang buhay.

Itutuloy. . .

Next chapter