webnovel

Welcome to LED Hotel

Napanganga si Rina nang nakita ang LED Hotel. Mataas iyon at maganda kaya naman nagtataka siya nang narinig na malulugi na ang branch na ito. Nilapat niya ang palad sa taas ng kaniyang  noo upang makita ang pinakaitaas ng building. Hindi niya kasi magawang tingnan iyon nang maayos dahil sa sikat ng araw.

"Welcome sa LED Hotel," pagbati ni Cliff.

Kakatuntong pa lang ng mga paa nila sa hagdan papunta entrance ay binati na si Cliff ng guards. Nang ipakilala ni Cliff si Theo bilang anak ni Armando Ledesma ay natataranta namang yumuko ang dalawang guwardiya upang magbigay galang sa lalaki.

"Good morning ho, Sir," magkapanabay na sambit ng dalawa.

Nagpatuloy sila sa paglalakad papasok sa loob. Napansin ni Theo ang main lobby. Walang katao-tao at walang staffs na sasalubong sa mga taong papasok. Lumapit sila sa information desk. Kunot-noong tumingin si Theo sa babaeng nandodoon at abala sa paggamit ng phone. Ngingiti-ngiti pa ang babae habang tutok na tutok doon.

"What's that? Is that related to your job?" Mahina subalit makahulugang tanong ni Theo sa babae.

"Ho?" balik na tanong nito sa kaniya. Tinaasan pa siya nito ng kilay.

"Miss Jen, this is Mr. Theo Ledesma, anak ni Mr. Armando Ledesma," pagpapakilala ni Cliff sa kaniya dahilan para mamutla ang babae.

"Po?" nauutal na sabi nito. "Pasensya na po." Paulit-ulit na yumuko ang babae sa kanila. Ang kaninang masungit nitong awra ay bigla na lamang nagbago na animo'y isang anghel.

"Get your things, you may leave this hotel now," mariing sabi ni Theo.

"Pero...pero Sir...pasensya na po talaga. Aayusin ko na po ang trabaho ko sa susunod."

"Is this how you greet people? Paano na lang kung customer ang nasa harap mo ngayon? Hindi puwedeng pagsungitan mo sila," panenermon ni Theo.

"Please Sir, isang chance pa po..."

"No," maawtoridad na sabi ni Theo dahil naniniwala siya na kapag pinagbigyan mo ng isang beses ang isang tao ay aabuso na. One mistake is enough para maging leksyon din iyon sa iba nilang tauhan.

Dumiretso sila sa isang kuwarto na magsisilbing opisina ni Theo sa loob ng hotel. Nang nakarating na sila sa tapat ng pinto, binuksan iyon ni Cliff para sa kanila.

"Welcome to your new home, Insan," panunuya ni Cliff subalit hindi siya pinansin ni Theo. 

Nang makapasok sila ay nilibot lamang ni Theo ng tingin ang buong lugar at lumapit sa mga mga maliliit na detalye ng silid upang masuri kung maalikabok ba iyon o hindi. Ginamit pa nga nito ang daliri upang pahirin ang mga mga alikabok at nang makontento ay tumingin si Theo kay Cliff.

"Mukhang pinaghandaan mo talaga ang pagdating ko rito."

"Syempre naman, Insan. Kailangan ma-impress kita sa opisina mo na ito nang magtagal ka rito," sabi ni Cliff na pawang katotohanan lamang.

Ang silid na pinasukan nila ang magsisilbing working place ni Theo lalo na kung may kailangan itong suriin na mahahalagang papeles o kaya naman may kailangan itong pirmahan tungkol sa hotel. 

"Gusto kong tingnan ang mga kuwarto sa hotel," ani ni Theo at nagpagpag ng kakaunting alikabok na napunta sa kaniyang palad.

"Sige, Insan. Tara, dahil ipapakilala pa kita sa iba pang mga staffs."

Iyon nga ang ginawa nila. Si Cliff ang nagsilbing guide nina Theo at Rina para malaman ang pasikot-sikot sa hotel. Hindi rin naman maiwasan ni Rina ang mamangha dahil para lamang silang namamasyal at na-e-enjoy niya talaga ang itsura ng buong lugar.  

Pinakilala naman ni Cliff si Theo sa lahat kaya mapapansin sa mga mukha ng empleyado ang takot lalo pa nang narinig ang pangalan ni Armando na ama ni Theo. Napansin naman ni Theo kung paano magpa-impress ang mga tauhan sa kanila. May iilan din na kinakausap siya na napaghahalataan na gusto lang makipag-close subalit dahil hindi pa rin sanay si Theo sa atensyon at presensya ng ibang tao, pinili na lamang niya na putulin agad ang usapan at dumistansya sa mga ito. Pilit niya ring itinatago sa lahat ang takot na nararamdaman. At kapag sumusulpot sa alaala niya ang nangyari sa kanya noon, napapahawak siya agad sa kamay ni Rina.

"Let's go," ani ni Theo na hawak pa rin sa kamay si Rina. Lumakad sila palayo sa mga empleyado subalit hindi naman nakaligtas sa pandinig ni Theo ang bulungan nang mga tauhan lalo pa nang makita ng mga ito ang paghawak niya sa kamay ni Rina.

"Girlfriend ni Sir?" ani ng isang empleyado.

"Mukha."

"Mukhang modelo, saan pamilya kaya siya galing?"

Napayuko si Rina nang marinig ang bulong-bulungan nang mga empleyado subalit napatikom naman ng bibig ang mga nag-uusap nang madako ang mata nilang dalawa ni Theo sa mga ito. Matapos ang sandaling sulyap sa mga empleyado ay nagpatuloy na sila sa pagbalik sa opisina. 

Ramdam ni Rina ang mahigpit na paghawak ni Theo sa kanyang kamay. Malalim din ang paghinga nito kaya gusting-gusto niyang itanong kung ayos lang ba ito. Gusto niya ring malaman kung ano ba talaga ang nangyari dito noong bata pa ito at bakit ganoon na lamang ito katakot lumabas at katakot humarap sa mga tao.

Hindi lamang makahanap ng tamang pagkakataon si Rina subalit matagal niya nang balak itanong iyon sa lalaki. Nangangamba lang talaga siya dahil paano kung magalit ito at paano kung hindi pa ito handa na sabihin iyon sa kanya. Pero hindi niya rin naman malalaman kung handa na ito kung hindi niya susubukang tanungin ito.

"Theo, ayos ka lang?"

Hindi naman sumagot si Theo na para bang nahihirapang magsalita dahil malalim pa rin ang paghinga nito.

"Sandali, kukuha lang ako ng tubig," ani naman ni Cliff at lumakad na para kumuha ng tubig para kaya Theo.

Samantala, pinaupo naman ni Rina si Theo sa sofa. Mabuti na nga lamang at air-conditioning sa loob dahil baka mas lalong mahirapang huminga si Theo kung sobrang init sa loob.

"Nabigla ka lang siguro, Insan." Inabot ni Cliff ang baso ng tubig kay Theo kinuha naman iyon ng huli at tinungga nang tuloy-tuloy ang tubig na laman noon.

Hindi lingid kay Rina na baka nga nabigla lamang si Theo at baka pinipilit lamang nito ang sarili na lumabas at ipakita na kaya na nito. Kung puwede niya lamang sigurong paaminin si Theo sa totoo nitong nararamdaman subalit suntok sa buwan kung mangyari man iyon. 

"Padala na lang ako ng makakain ninyo. Bababa muna ako, iwan ko na kayo rito," paalam ni Cliff at lumabas na ng pintuan.

Nang sina Theo at Rina na lamang ang nasa loob, nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Theo. Napalingon sa kanya si Rina kung saan naramdaman din nito ang pagluwag ng hawak ng kamay ni Theo.

"Ayos ka na?"

"I hope so. Akala ko kaya ko nang tagalan. Hindi pa pala."

"Huwag mo munang pilitin ang sarili mo."

"I know pero kailangan nang mapabilis ang recovery ko. Ayoko nang maging hadlang ito sa pagtulog ko sa negosyo."

Napahimas si Rina ng palad habang nagdadalawang-isip sa itatanong kay Theo. Sa huli, nagtagumpay naman siyang magtanong dito.

"Theo, ano ba kasi talaga ang nangyari sa 'yo noon?"

Paulit-ulit namang napapalunok si Rina habang hinihintay ang sagot nito pero mga ilang segundo na ang lumipas, hindi pa rin nagsalita si Theo. Tatayo na sana siya upang lumayo sa lalaki dahil masyado na ring malapit ang kanilang posisyon pero hindi pa man siya tuluyang nakakatayo ay hinawakan na Theo ang kamay niya dahilan upang mapabalik siya ng upo.

"Bakit?"

"I'll tell you what happen."

"Sigurado ka? Okay na ba sa 'yo na pag-usapan 'yon?"

"Oo."

Nagulat si Rina nang bigla siyang hatakin ni Theo dahilan para masubsob siya sa dibdib nito. "Magkukwento ako pero mapagkakatiwalaan ba kita?" walang emosyong tanong nito.

Mabilis na tumango-tango si Rina at mabilis din na lumayo sa lalaki. Kaya nga lang, nahiling niya sa sarili na sana hindi na siya lumayo sa lalaki para mas maamoy niya pa ang nakakaadik na pabango ni Theo. Mahina siyang napasampal sa sarili at umayos nang upo.

"Promise, kung ano man ang ikukuwento mo, hindi ko ikukuwento sa iba." Tinaas pa ni Rina ang kamay upang mangako at makaramdam ng kasiguraduhan ang kasama.

"Make sure of that."

"Uhm," aniya kasabay muli nang pagtango.

Next chapter