webnovel

THE REUNION OF THE APPROACHABLES(1)

Sa kabila ng madaming problema ay maaga pa ring nakatulog si Marble, hindi siya nanibago sa lugar na kinaruruonan, palibhasa'y napagod sa biyahe nila at pagod din ang kanyang utak sa kakaisip kay Vendrick at sa dalawang kontrabida ng buhay niya.

Subalit maaga pa lang kinabukasan ay dinig na niya ang malalakas na usapan sa baba ng kanilang bahay hanggang sa tuluyan na siyang magising at mapabangon sa kama nang di oras.

Nang sipatin niya ang wrist watch ay alas singko pa lang nang umaga. Pinagmasdan muna niya si Kaelo na kumain lang kagabi at muling nakatulog, hanggang ngayon ay di pa rin nagigising, ni di inalam kung saan na ito naruruon.

May sariling banyo ang silid na 'yun kaya't pumasok siya sa loob at duon nagmumog at naghilamos tulad ng nakagawain 'pag umaga saka siya lumabas ng kwarto, eksakto namang kalalabas lang din ni Eva sa kwarto nito.

"Good morning, Marble. Namamahay ka rin ba? Di kasi ako makatulog, namamahay ako," salubong nito sa kanya.

Umiling siya pagkatapos itong batiin.

"Nagising lang ako sa ingay sa baba. Halika, mag-almusal na lang tayo," yaya niya't nagpatiuna nang bumaba ng hagdanan.

"Marble!!!" tumitiling hiyaw ng isang dalagang nakaupo sa sofa na gawa sa kawayan, kasama nito ang ilan pang kasing-edad yata ng dalaga.

Natigilan siya at sinino ito, mula sa layered na buhok na kinulayan ng light matt na bumagay sa maputi at makinis nitong mukha, sa katawan nitong maganda ang pagkakahubog, mas may laman lang sa kanya nang kunti at sa tindig nitong parang isang model. Napanganga siya, si Ynalyn lang ang may ganu'ng ganda. Kung noo'y maganda na talaga ito, ngayo'y dumoble pa 'ata, di magpapatalo sa ganda ni Anna Kendrick, isang hollywood actress.

Sisigaw na din sana siya ng 'Besttyy!' nang kumaripas ito nang takbo palapit sa kanila at nilampasan siya, si Eva ang niyakap nang mahigpit.

Dismayado siyang napalingon dito, napapangiti na lang si Eva.

Dismayado pa ring napatingin siya sa mga kasama ni Ynalyn sa sofa, tahimik nang nagpakatayo. Sa dami ng mga ito't malalaki na ang ipinagbago ng mga mukha ay si Merly lang ang kanyang nakilala. Kumaway siya sa mga kaibigan.

Nahihiyang ngumiti lang ang mga ito ngunit titig na titig sa kanya at mula sa mga ito ay may sumigaw ng, "Boss Jols!"

"William?" kunut-noo niyang sambit at napatitig sa binatang anlaki ng ipinagbago ng katawan. Nawala na ang mga tigyawat nito sa mukha, kuminis na at pumuti ang balat nito't tumangkad nang ilang pulgada. Sa tantya niya'y 5'8" ang tangkad nito't naging macho ang katawan, halata sa suot na fitted shirt at sa ma-muscle nitong mga braso.

Sa lahat ng mga kaibigan, ito lang yata ang nakakilala sa kanya, kung bakit ay di niya alam.

"Besty! Ang puti mo na, ang ganda pa besty," puro papuri ang naririnig niyang sinasambit ni Ynalyn sa kanyang likuran ngunit nang marinig ang tawag ni William ay napatingin ito sa binata.

Tumakbo na si William para salubungin siyang nagmamadali ring bumaba ng hagdanan at niyakap ang binata.

"Sabi ko na nga ba't ikaw 'yan, Boss Jols eh," natatawang wika nito.

Muli siyang napahagikhik. "Pa'no mo akong nakilala?" natatawa niyang usisa pero di ito sumagot, nanatili lang nakayakap sa kanya.

"Besty?! Ikaw yan?!" bulalas ni Ynalyn sa taas ng hagdanan at takang bumaling kay Eva.

Nangiti naman ang dalaga. "Siya nga si Marble, kasama niya lang ako," pakilala na nito.

Pagkarinig lang ay kumaripas na uli itong takbo pababa at hinablot siya kay William saka niyakap nang mahigpit.

Natawa siya nang malakas.

"Pambihira ka! Bakit di mo sinabing ikaw pala 'to?" paninisi ng kaibigan sa kanya. Hagikhik na uli ang kanyang isinagot.

Sabay nang naglapitan ang mga kabarkada para yakapin siya at isa-isang nagpakilala.

"Grabe, di ko kayo halos makilala!" bulalas niya, tuwang tuwa sa nakikita. Paano nga'y ang gaganda na ng mga ito ang gugwapo na, kahit si Merly na ngungo ay naoperahan na ang bibig at anlaki din ng ipinagbago ng mukha kahit na halata pa rin ang operasyong ginawa sa dalaga.

"Besty 'asan na ang mga pangil mo?" takang usisa ni Ynalyn, yakap pa rin siya sa beywang, ayaw siyang bitawan.

Ibinuka niya ang bibig at ipinakita ang mga ipin. "Wala na besty, ipinaayos ng amo ko noon,"

"Amo?! Nangamuhan ka, besty?" gulat na wika nito.

Tumango siya. "Oo. Bakit, di ba obvious sa mukha ko?" pigil ang tawang balik-tanong niya.

"Weh! Di nga? Sabi ni Tyang Linda, inampon ka raw ng mayamang matanda. Nagpunta pa nga dito 'yung apo nang umampon sa'yo noon. Pero in fairness, mas gwapo yung alalay niyang Drick ang pangalan," kwento ng kaibigan, humagikhik pa nang sambitin ang pangalan ng asawa.

Napakunut-noo siya. Paano'ng naging alalay si Vendrick?

"Ako din, Boss Jols. Nakita ko sila. Ako pa nga ang naghatid sa kanila dito," sabad ni William sa kanyang tabi, pinapagitnaaan kasi siya ng binata at ng matalik na kaibigan habang nasa harap naman nila ang iba pang mga barkada niya.

Si Eva nama'y nagtungo na sa kusina at tinulungan si Aling Linda sa paghahanda ng pagkain.

Napabaling siya kay William na biglang namula ang pisngi nang magtama ang kanilang mga mata, yumuko ito agad.

Inakbayan niya ito tulad ng ginagawa niya noong mga high school pa lang sila.

"Ang gwapo na ng William ko ah," sambit niya.

"Sino na ba ang jowa natin ngayon?"

Naubo ito sa kanyang tanong.

"Ako, Boss Jols. Ako ang magiging girlfriend niya. Torpe lang kasi 'yan sakin," sabad na ni Merly sabay hagikhik at lumapit na kay William para umabrasete.

Kantyawan ang mga kaibigang naruon.

Binatukan naman ito agad ng binata.

"Sino'ng may sabing liligawan kita?" gigil na sita ng lalaki.

"Ako!" mabilis na sagot ni Merly, hindi na ngungo magsalita. Muli itong binatukan ng binata.

Tipid siyang napangiti ngunit tila may kumurot sa kanyang dibdib. Naalala kasi niya si Vendrick, ganun sila noon.

Napayuko siya, nalungkot. Ngunit ayaw niyang ipahalata sa mga itong may problema siya kaya pag-angat niya nang mukha'y rumihestro agad ang isang matamis na ngiti.

"Magbonding tayo ngayon, The Approachables. Mag-iinuman tayo buong araw. Ako ang taya!" presenta na niya.

Nagpalakpakan ang lahat lalo na si Ynalyn.

"Boss Jols, duon na lang tayo sa labas. Gagawa kami ni William ng bahay-kubo duon," sabad ni Roland, kasali sa gang nila noon, matalik na kaibigan ni William.

"Magandang ideya 'yan. Sa likod-bahay tayo gumawa," susog ni William at tumalima agad para ihanda ang mga gagamitin sa paggawa ng bahay-kubo.

"Huh? Magagawa ba 'yun agad?" sambit niya kay Ynalyn.

"Asus, sisiw lang yan kay William eh sa construction 'yan sa bayan nagtatrabaho, sila ni Roland. Madami tayong mga barkada dito, baka mamayang tanghali lang, tapos na ang bahay kubo natin," kampanteng paliwanag ni Ynalyn.

"Almusal na! Mag-almusal muna kayo bago kayo magdaldalan dyan!" matinis na hiyaw ni Aling Linda, kalalabas lang ng kusina at may dalang malaking tray ng almusal. Kasunod si Eva na may hawak na dalawang thermos.

Tumalima ang lima pang naiwan sa sala kasama si Merly at kinuha ng mga ito ang bitbit ng ginang at ni Eva saka inilapag sa nakapwesto nang mesa sa gitna ng may kaluwagan ding sala ng bahay.

Nakapalibot na rin sa mesa ang sampung silya na di pa rin natatanggal ang pangalang uratex, halatang alagang-alaga ang mga iyon ng may-ari.

Naiwan sila ni Ynalyn na nanatili lang nakatingin sa ginagawa ng iba, pagkuwa'y humarap ang kaibigan sa kanya at hinaplos ang kanyang pisngi pero pabiro niya itong tinapik.

"Besty, ang ganda mo na talaga. Parang di ikaw ang bestfriend ko noon," ani Ynalyn, niyakap na uli siya nang mahigpit.

"Ikaw nga dyan. Pang model ang beauty mo. Isama kaya kita sa manila at ire-recommend kita kay Erland bilang model," suhestyon niya.

Biglang inilayo ng kaibigan ang katawan sa kanya.

"Talaga, besty? Isasama mo ako? Ayyy! Makakapunta na ako ng manila! Makikita ko na ang future husband kong si Drick!" bulalas nito sa sobrang tuwa.

"Ha?" maang niyang sambit.

"Oo, besty. Yung sinasabi ko sa'yo kanina. 'Yung si Drick. Alalay daw siya ni Binbin, yung apo ng umampon sa'yong matanda," paliwanag ng kaibigan.

Lalo siyang naguluhan sa sinabi nito.

"Ito kasi si tyang eh, ayaw ibigay ang number mo kaya di ko tuloy makausap ang future-husband kong si Drick," umirap ito bigla sa kanyang ina.

Siya nama'y litong napabaling sa inang di ata dinig ang kanilang usapan at busy sa pagnguya ng sandwich habang nakaupo sa isang silya sa harap ng mesa.

"Kumusta na pala kayo ni Binbin? Nagkatuluyan ba kayo?" usisa ni Ynalyn pagkuwan.

Hindi siya sumagot, lumapit na sa kinalalagyan ng almusal at kumuha ng sandwich saka nagsalin ng kape sa tasang nakalapag sa mesa.

Ganun din ang ginawa ng kaibigan.

"Marble, magpakita ka naman sa mga kapitbahay mamaya pagdating ng tatay mo. Nagtampo sila sa'yo kahapon at di ka man lang daw lumapit sa kanila. Ikaw ang mamigay ng biskwit pag nakabili na ang ama mo," utos ng ina maya-maya.

"Grabe naman ka-demanding ng mga kapitbahay 'yan, Nanay Linda," puna ni Eva.

"Naku, ganito dito. Kailangan mong makisama sa mga kapitbahay at pag ikaw naman ang nagipit ay sila din ang tutulong sa'yo, lalo na 'yang mga katulad nating mahihirap," katwiran ng ginang.

Natahimik bigla ang lahat kung hindi lumabas ng kwarto ang kambal na kapatid niya na agad naman niyang nilapitan at isa-isang kinarga at dahil mga bata pa ang mga ito nang umalis siya'y di siya nakilala, muntik na ngang mag-iyakan kung di sinaway ng kanilang ina at ipinakilala siyang yung kapatid ng mga ito sa manila. Saka lang ang mga ito nagsiyakap sa kanya at nagbungisngisan.

*********

Tulad ng utos ng ina'y siya nga ang namigay ng biskwit sa mga kapitbahay, sila ni Eva. Madalas ay si Eva ang napagkakamalan ng mga ito bilang siya, di na lang sila nagsasalita pero pagkatapos nilang mamigay ng biskwit sa lahat at nakauwi na'y saka sila naghagikhikan.

Nagsiuwi muna ang mga barkada niyang babae, naiwan ang mga kalalakihan para tulungan sina William at Roland sa paggawa ng bahay-kubo sa likod-bahay na malawak ang espasyo, kasya pa yata ang isang malaking bahay duon.

Ang ama nama'y muling bumalik sa bayan nang malamang may inumang magaganap sa kanila, bumili na nang maraming karne para iluto nang di sila mabitin sa pulutan.

Pagkagising lang ni Kaelo nang umagang iyon ay dinala niya ito sa matanda upang magkabonding ang dalawa kasama si Eva.

Siya'y tinulungan ang inang magluto ng pagkain para sa gagawin nila mamaya.

Next chapter