webnovel

DUEL WITH THE PERVERT GUY

Pakiramdam ni Marble, natanggal lahat ng kanyang libag sa buong katawan nang maligo kinahapunan sa bonggang shower room ng matanda. Bukas aayain niya itong maligo sa maliit na swimming pool na walang tubig. Gusto niyang maramdaman kung panong maligo duon.

Napapakanta siya habang isinusuot ang bathrobe ng kanyang alaga. Hihiramin niya muna iyon, wala kasi siyang tuwalya, wala ring daster na nakasanayan niyang gamitin pagkatapos maligo.

Lumabas siya ng banyo habang panay pa rin ang kanta.

Ang sarap ng birit niya sa paborito nilang kanta ni Ynalyn saka binuksan ang kabinet at naghanap ng maisusuot na damit duon. Pero wala siyang nakita maliban sa mga damit ng matanda. Sa halip na mamoroblema sa isusuot ay idinaan na lang sa kanta ang lahat, muling bumirit.

Sinabayan pa ng action ang huling birit saka wala sa sariling humarap sa pinto ng kwarto subalit napasigaw din pagkatapos.

"Ayyy! Kabaw!" sigaw niya sa gulat at namumula ang pisnging niyakap ang sarili na para bang hubo't hubad siya pagkakita sa anak ng kanyang mga amo na nakahalukipkip at mariin ang titig sa kanya habang nakasandig sa saradong pinto.

Agad siyang tumalikod diti at nagtago sa likod ng pinto ng nakabukas na kabinet.

Salubong ang kilay na lumapit ang binata bitbit ang isang malaking paper bag at humarap sa kanya.

"Don't worry, hindi ako manyakis na tao 'tsaka kahit makita ko pa 'yang katawan mo, wala akong pagnanasaan d'yan." panunuya ng lalaki sa kanya saka pabagsak na ibinaba ang dalang bag.

Pairap niya itong tiningnan.

"Ano'ng kailangan mo?" pasuplada niyang tanong, humaba agad ang nguso.

Dinuro siya ng lalaki.

"Hey! Do you know who I am? Hindi mo ba alam na ako ang Senyorito dito? Dapat iginagalang mo ako!" Paasik na sagot sa kanya.

Nagpantig agad ang kanyang tenga sa sinabi nito at maangas na itinaas ang mukha saka ito pinandilatan.

"Eh ano kung senyorito ka rito?" pasinghal niyang sagot.

"Baka akala mo, nakalimutan ko na ang ginawa mo sakin sa Cebu!" pagalit niyang nililis paitaas ang mga manggas ng suot na bathrobe saka ipinakita ang kanyang mga pangil upang takutin ang lalaki.

"Hah! Pano kong makakalimutan ang ginawa mo sakin! Iyon ang pinakapangit na naging karanasan ko sa buong buhay ko!" pinatulan na siya ng binata.

Lalo lang siyang nanggigil sa isinagot nito.

"Hoyy! Hindi mo ba alam na 'yon ang first kiss ko tapos nanakawin mo nang gano'n lang? Tsaka----tsaka---- bakit mo hinawakan ang---ang dibdib ko kung 'di ka manyakis?" sigaw niya.

"Idiot!" ganting singhal nito.

"Ikaw ang nanghalik sa'kin, ikaw ang nanghila sa collar ko! Eng-eng ka ba? Imbes na magpapasalamat ka kasi 'di kita hinayaang bumagsak sa semento, ako pa pagagalitan mo?" dugtong nito, namimilog din ang mata sa panggigigil sa kanya.

"Aba! Ako pa ang may kasalanan ngayon? 'Di sana umilag ka kung ayaw mong mahalikan. Bakit napahawak ka pa sa dede ko kung ayaw mo talaga sa halik ko!" namumula ang pisnging sagot niya. Kasalanan ba talaga niya 'yon? Siya ba talaga ang nanghila sa kwelyo ng bastos na 'to kaya ganun ang kinahantungan nila?

Pero sa natatandaan niya gano'n nga ang nangyari. So, kasalanan pala talaga niya?

"You're such a Moron! Malay ko bang babae kang bampira ka! 'Tsaka malay ko bang dibdib mo 'yon!" Nakapameywang na ang binata habang nakikipagtitigan sa kanya, mata sa mata, kapwa umaarko ang kanilang mga nguso sa galit, walang may balak magpaawat.

"Ang sabihin mo bastos ka talaga!" wala na siyang masabi kaya 'yon na lang ang naibulalas niya, pero ramdam niyang namumula ang pisngi niya sa pagkapahiya.

"Ang sabihin mo, nagustuhan mo ang halik ko kaya di ka agad bumitaw! Do you know what my first kiss means to me tapos nanakawin mo nang gano'n lang?" Itinulak na siya nito sa pinto ng kabinet, tila nadala sa galit na nararamdaman at nakalimutang babae siya.

"Aba't gusto mo ng away ha? Kahit ganto ako kapayat di kita uurungan!" bulyahaw niya saka niya ito sinuntok sa t'yan.

Napaatras ang binata at salubong na naman ang mga kilay na bumaling sa kanya habang hinihimas ang nasaktang t'yan.

"Kala mo 'di kita papatulan ha?" hiyaw nito.

Nagtatagis ang bagang na sumugod ito sa kanya pero agad siyang nakatakbo sa sala ng kwarto at naghanap ng pamalo subalit wala siyang makita.

"Lagot ka saking bampira ka!" gigil na wika nito't muli siyang sinugod at iniamba ang isang kamao nito para sana suntukin siya pero biglang bumukas ang pinto ng kwarto.

"Vendrick? Ano'ng ginagawa mo? Naibigay mo na ang ang mga damit kay Marble?" nagtatakang puna ng ina.

Mabilis na nabawi ng binata ang kamay at itinago sa likuran saka ngiting asong humarap sa ina.

"Andun na sa kanya, Ma," anito.

"Asan?" usisa nito.

Sandali siyang natigilan sa kinatatayuan habang nakatalikod sa madam sa pag-aakalang isusumbong siya ng binata sa pagsuntok niya rito ngunit nang makabawi ay humarap siya sa pumasok.

"Ando'n," itinuro ng binata ang paper bag sa harap ng kabinet.

"Oh, ano pa'ng ginagawa mo rito? Umalis ka na," anang ina saka siya nilapitan.

"Bleh!" baling niya sa binata sabay labas ng dila para asarin ito.

Nagtagumpay naman siya dahil kita niya ang panlilitid ng mga ugat nito sa leeg sa panggigigil sa kanya bago tila nagmamartsang lumabas ng kwarto pagkatapos siyang sulyapan nang matalim na para bang sinasabing "May araw ka rin sakin."

"Marble, kunin mo ang mga pinamili ko para sa'yo," utos ng Madam sa kanya.

Tumalima naman siya at kinuha ang paper bag saka binibitbit pabalik dito.

"Sige, tingnan mo lahat. Wala na kasi akong magawa kanina kaya dumiretso na ako sa divisoria at ibinili kita ng mga damit," anito.

Lumuhod siya sa harap nito at kinuha isa-isa ang mga pinamili nito saka iniladlad sa kanyang harap.

"Wow Madam, andami naman po ng mga 'to. Sakin po lahat ng mga to?" 'di makapaniwalang tanong niya.

Sa kalkula niya, Sampung pirasong t-shirt ang laman ng bag tsaka isang dosenang panty at bra, meron pang dalawang fitted jeans at tatlong blouse na panlakad 'tsaka isang tuwalya.

Napahagikhik ang Madam nang makita ang tuwa sa mukha niya.

"Nagustuhan mo ba?" tanong nito.

Ilang beses siyang tumango ngunit di inaalis ang paningin sa mga damit na binubuklat mula sa bag.

"May kailangan ka pa ba? Wag kang mahihiyang magsabi sa'kin," usisa nito.

Umiling siya saka lang nag-angat ng mukha para bumaling sa Madam.

"Maraming salamat po Madam. Wala na po akong kailangan. Maraming salamat po," sagot niya.

"Siyangapala. Pwede ka namang tumabi kay Papa sa pagtulog tutal eh tumatabi naman din siya sayo pag gabi na," anito.

"Opo," anya saka sinulyapan ang alagang mahimbing pa rin ang pagkakatulog.

"'Pag 'di nagising si Papa sa oras ng hapunan, 'wag mo nang gisingin ha? Saka mo na lang pakainin 'pag nagising na mamayang gabi," bilin nito bago lumabas ng kwarto.

Kung kelan naman ito nakalabas, saka naman niya naalalang gusto nga pala niyang tumawag sa mga magulang at kumustahin ang mga ito.

Pero 'di bale, bukas na lang.

Next chapter