ILANG beses nag-check si Michelle kung nakasara na ang lahat ng gripo, gas, knob ng stove, kung nakatanggal na sa saksakan ang mga appliances, at nakasara na ang pintuan ng second floor.
Bumaba siya at doon naman nag check. Isasara muna niya ang KMIX boutique para makapag date sila ng maayos ni Julius. O ang ibig niyang sabihin, makapag-usap sila ng masinsinan.
Sa totoo lang ay kinakabahan siya. Hindi niya alam kung paano sasabihin kay Julius ang mga bagay na nadiskubre niya sa sarili. Kahit paano pa niya sabihin, masasaktan ito. Pero tama naman si Mike, unfair kung hindi niya ipagtatapat sa nobyo ang nararamdaman pa ring damdamin para kay Diego.
Muntik na siyang mapalundag nang tumunog ang ring tone ng kanyang cellphone. Agad niyang inilabas iyon sa kanyang bag at napakunot ang noo niya nang mabasang ang kasintahan niya ang tumatawag.
"Hello?" sagot niya. Kadalasan, kapag sinusundo siya nito ay kakatok o mag-do-doorbell na lang ito. O baka naman tinatamad na itong bumaba ng sasakyan?
"Hello, Michelle?" tugon sa kabilang linya ng tinig ng isang may edad ng babae.
Mas lalong nagdikit ang kanyang mga kilay. "Po? Si Michie nga po ito."
"Hija, mommy ito ni Julius. Huwag ka mabibigla ha, pero nasa ospital kami. Nabangga kasi ng mini van ang sasakyan ni Julius. Nasa e.r. pa kami ngayon pero baka mamaya ay ililipat na kami sa kuwarto," paliwanag ng babae.
Nanlamig ang buong katawan ni Michie. Naaksidente si Julius! Pero mukhang okay naman ito kasi ililipat na ng kuwarto. Nagpasalamat siya sa ginang bago hiningi ang detalye kung nasaang ospital ang mga ito. Dali-dali siyang kumuha ng ballpen at papel na nakapatong sa cashier area. Nagpasalamat siya sa mommy ni Julius bago nagpaalam.
Pagdating sa ospital ay saka na lang niya itatanong ang lahat ng detalye. Totoo naman na nag-aalala siya para kay Julius. Sana naman ay hindi malubha ang pinsala nito.
Isang linggo na ang nakalipas mula noong nag-usap sila ni kuya Mike sa kuwarto niya doon sa bahay ng mga magulang nila. Nakabalik na ang kapatid niya sa Singapore pagkatapos ma renew ang passport nito.
Mabuti pa si Mike, walang problema ang renewal ng passport. Siya, heto at malaki pa ang sakit sa ulo. Mabuti na lang at next year pa ang expiration date ng kanyang passport, pero sabi ng travel agency ay kailangan talaga ma-renew na kasi married na siya. Kainis talaga!
Tapos ngayon ay may nangyari pa kay Julius. Binuksan niya ang app ng Grab ride sa kanyang cellphone at nag-book na ang destinasyon ay ang ospital kung nasaan ngayon ang kanyang nobyo.
Hindi naman nagtagal ay dumating ang kanyang sasakyan. Sana lang ay mabilis lang ang biyahe dahil Linggo naman. Habang nasa biyahe siya ay itinext niya sa mama niya at kay Kristine na naaksidente si Julius, at papunta na siya sa ospital. Magbabalita na lang siya kapag nakausap na niya ang binata. Huwag lang silang mag-alala kasi mukhang hindi naman malala ang kalagayan nito.
Pagdating sa ospital ay may nakita siyang grocery sa hindi kalayuan. Mas maigi kung makabili siya kahit mga prutas lang at biskwit.
Pagpunta niya sa ospital ay agad siyang nagpunta sa E.R. at hinanap doon si Julius, subalit na-admit na daw ito. Kaya nagpunta muna siya sa information para itanong kung saan ang silid ng binata.
Dali-dali siyang sumakay sa elevator para umakyat sa fourth floor. Nasa room 423 ito, left wing. Bitbit ang kanyang pasalubong, madali naman niya natunton ang silid.
Naku! Nakalimutan niya magpunta ng CR. Bakit ba kung kailan nakatapat na siya sa pintuan ay saka niya naaalala ang mga dapat gawin? Ni hindi man lang siya nakapagsuklay at powder. Baka puwede na magsalamin sa mukha niya.
Paatras na sana siya upang maghanap ng CR nang bumukas ang pintuan. Napilitan na siya ngumiti at bumati sa may edad ng ginang. Sigurado siya na ito ang ina ng kasintahan dahil magkamukha ang dalawa.
Hindi pa naman siya nag doorbell o kumakatok ah. Ang lakas naman ng radar nito.
"Good morning po," bati niya habang nakangiti. "Ako po si Michelle, iyong tinawagan ninyo kanina."
Gustong maumid ng dila niya nang tignan siya mula ulo hanggang paa ng ginang. Naalala tuloy niya rito ang batikang aktres na si Cherie Gil. May edad man ito, pero bakas ang ganda at pagiging elegante sa hitsura nito. May pagka-aristokrata ang dating ng mommy ni Julius. Kaya lang ay mukhang masungit din at matapobre. Sana naman ay mali ang kanyang first impression rito.
"What's good in the morning? My son is in a hospital," sabi nito bago ibinukas ng maluwang ang pintuan.
Bakit ba ang pakiramdam niya ay ayaw sa kanya ng ginang? Ni hindi nito hinintay ang kanyang tugon at tumalikod na. Sumunod na lamang siya. Pasensiya… Mahabang pasensya ang kanyang kailangan.
Baka mainit lang ang ulo nito dahil nga naaksidente ang anak. Kahit sinomang magulang ay maaapektuhan sa ganitong sitwasyon. Kailangan na lang niya intindihin ang ginang.
Nakahinga siya ng maluwang nang tumambad na sa kanya ang kasintahan na nakahiga sa hospital bed. May benda ito sa kaliwang braso at may mga gasa na nakatapal sa kaliwang bahagi ng mukha nito.
Nakaramdam siya ng labis na pag aalala. Pero nakita niya ang pagliwanag sa mukha ni Julius nang makita siya.
"Michie!" masayang tawag nito sa kanya.
Ngumiti siya ng matamis at agad na lumapit dito. "May pasalubong ako sa inyo," sabi niya at bahagyang inangat ang basket ng prutas na binili niya sa malapit na grocery. Nagpasalamat ito bago itinuro kung saan niya puwedeng ilapag ang basket. Maingat niyang ipinatong iyon sa ibabaw ng cabinet na malapit sa kama.
Napatingin siya sa ginang na nakatayo sa kabilang ibayo ng kama. Hindi man nakatingin ito sa kanya ay kita ang disgusto sa mukha nito. Ano ba ang ginawa niya at mainit ang dugo nito sa kanya? Hindi tuloy niya makita na magiging future mother-in-law niya ito.
Julius stretched out his hand to her. Agad niyang inabot iyon. "Kumusta ka na? Ano ang nangyari? Ano ang sabi ng duktor sa'yo?" sunod-sunod na tanong niya.
Natawa si Julius. Pero bago pa ito nakasagot ay tumunog ang cellphone ng ina nito. Pagkasagot ay nagpaalam sa kanila ang ginang.
"I have to take this call outside, it's your father," sabi nito sa anak bago tumingin sa kanya na tila ay tahimik na nagpapaalam.
Marahan siyang tumango upang ipaalam dito na ina-acknowledge niya ang pagpapaalam nito. Nang marinig nila ang pagsara ng pintuan ay saka siya muling bumaling sa kasintahan. Umupo siya sa silya na katabi ng kama habang hindi binibitawan ang kamay nito.
Marahan niyang hinaplos ang buhok ng lalaki. "Ano ang nangyari? Okay ka lang ba?" ulit niya sa kanyang tanong.
"I'm okay. Sumalpok kasi iyong mini van sa driver's side kaya puro left side ko ang nabugbog. Buti na lang nag activate iyong airbag kaya hindi ako napuruhan. Ayon sa initial reading ng x-ray, wala naman fracture sa braso ko pero minabuti na lang ng duktor na immobilize para kung sakaling merong bali, hindi na lumala. Kaya heto at naka benda.
"May order para gawin ang ct-scan nang masiguro na walang mga hairline fracture. They just want to keep me in the hospital para magawa lahat ng necessary tests. Kapag lumabas na ang resulta at normal ang lahat, pauuwiin na rin ako. Pinakamaaga na raw bukas," paliwanag nito.
Bumaba ang haplos niya sa pisngi nito. "Pero may mga sugat ka."
Muling ngumiti si Julius at hinuli ng malayang kamay nito ang kanyang kamay na nakahaplos sa mukha nito. Madamdamin nitong hinalikan iyon.
"Nabasag kasi iyong salamin sa left door ng kotse, kaya may mga tumalsik na bubog. That's nothing, just scratches," anito.
"Bakit ba sumalpok ang mini van sa kotse mo?"
Napa-iling si Julius. "Beating the red light. Naka go ako to take the right turn, siya naman ay papasok din sa street na iyon mula naman sa kabilang road. Nagmadali kasi nag red na signal sa kanya, kaso hindi agad naka-preno kaya nasalpok ako. Nasa presinto si daddy, siya na nag-ha-handle ng reklamong isasampa doon sa driver."
Itatanong na sana niya kung saang kalye nangyari iyon nang may magsalita mula sa kanyang likuran.
"Hindi kasi sana iyan nangyari if you only stayed at home. I told you Clarisse and her family were coming over. Pero ang tigas ng ulo mo at umalis ka pa rin. See what happened?"
Napatingin siya sa kanyang likuran at nakita niya ang inis sa mukha ng mommy ni Julius. Bakit ba ang bigat ng dugo sa kanya ng babaeng 'to?
"Mommy!" saway ng binata sa ina ito.
Pipigilan sana niya ang lalaki para hindi na lumaki ang gulo nang cellphone naman niya ang tumunog. Bumitaw muna siya ng hawak sa kasintahan at inilabas sa bag ang cellphone niya. Nakita niyang si Kristine ang tumatawag.
Bumaling siya sa mommy ni Julius, "Excuse me po, kailangan ko pong sagutin. Lalabas lang po muna ako," aniya. Tumingin din siya sa lalaki at marahan itong tumango.
"Si Kristine," sabi niya para alam nito kung sino ang tumatawag. Muli itong tumango. Tumayo na siya at nagmamadaling lumabas ng silid. Malapit lang ang kuwarto sa nurse's station kaya naghanap siya ng area para hindi naman makagulo ang ingay niya.
Nakita niya ang dulo ng pasilyo at sinagot na ang tawag habang patungo siya roon. "Hello, Kristine," bati niya.
"Michie! Pasensya na ha, kinailangan kong tumawag. Nandiyan ka na ba sa ospital?"
"Oo."
"Kumusta si Julius?"
Mabilis niyang ikinuwento ang mga nalaman niya. Hindi na niya binanggit ang katarayan sa kanya ng nanay ng lalaki, hahaba pa ang usapan. Saka na lang niya ikukuwento, hindi ngayon.
"Ah okay. Pakikumusta na lang ako sa kanya," sabi nito pagkatapos niyang magkuwento. "Pero kaya ako talaga tumawag kasi itatanong ko kung mayroon ka pa ba nung mga national costume na tinda? Kahit ano'ng bansa basta nasa Asia. Kailangan nitong pamangkin ko."
Mabilis niya hinalukay ang memorya sa ginawa niyang imbentaryo kahapon. "Puwede na ba iyong cheongsam? May natira pa doon sa binili ko nung huli akong nag Hong Kong."
Napangiti siya. Kasi iyon ang panahon na kasama niya si Julius at doon din niya sinagot.
"Ayun! Puwede na iyon. Sasabihin ko kay ate Chona. Sana magkasya itong si kulit sa cheongsam," masayang sabi nito.
Ilang saglit pa at nagpaalam na sila sa isa't isa. Ibinalik niya ang cellphone sa loob ng bag at naglakad na pabalik sa silid ni Julius. Bukas daw sasamahan ni Kristine ang ate nito para bilhin sa kanya ang damit.
May sure sale na siya bukas. Bibigyan na lang niya ng discout tutal ay bff naman niya si Kristine. Mas mura daw kasi sa boutique niya kaysa sa mga mall. Saka ang gasolina ni ate Chona ay libre sa kompanyang pinapasukan nito kaya malakas ang loob na puntahan siya.
Kakatok na sana siya nang makita niyang naiwan palang nakaawang ang pintuan. At nanggilalas siya nang marinig ang usapan ng mag-ina sa loob ng silid.
Nasanay kayo doon sa title, ano? hehe! Nabigyan ng ibang twist ang chapter na ito. ;D
Anyway, akala ko ay matatapos ko na ito, nagulat ako at may iba pa palang mangyayari. At least lumalawak muli ang imagination-hihihi!
Maiba ng topic, kahit mag gcq na ang probinsya kung nasaan ako, ingat-ingat pa rin po tayo. Manatili po na naka mask kapag lumalabas ng bahay, huwag basta hahawakan ang mukha, at maghugas po lagi ng kamay. Stay safe and healthy, everyone. ^^