"ANAK naman, malapit ka nang mag-disi-otso, pero simpleng pagpi-prito lang ng itlog at hotdog ay hindi ka pa marunong? Paano na lang kung bigla kang mag-asawa? Ano na lamang ang ipapakain mo sa asawa at mga anak mo? Aba! No'ng nasa edad kita, marami na akong alam lutuin, dahil lang sa panunood ko sa mga magulang ko kung paano sila magluto." mahabang litanya ng mama niya, nasunog kasi niya ang itlog na iniutos ng mama niya na i-prito niya, dahil abala ito sa pagtulong sa papa niya sa pagmamasa ng dough para sa gagawing tinapay.
"Ang sabihin mo mahal, mamaya biglang magpakita ang mga lolo at lola niya sa kanya saka siya biglang turuang magluto, naku, mas nakakatakot 'yon." Natatawang segunda naman ng papa niyang si Gerry.
"'Ma, 'pa, hindi pa naman po ako mag-aasawa at matagal pa po bago mangyari 'yon, kaya kalma lang po." Nakangiting sabi niya.
"Anak, hindi mo hawak ang iyong kapalaran. Ngayon pa lang, sinasabi ko na sa 'yo na dapat ka nang matuto sa mga gawaing bahay, lalo na ang pagluluto. Hindi na baleng hindi ka gaanong magaling sa klase, basta maabilidad ka sa buhay, sapat na 'yon." Anang mama. Na-werduhan tuloy siya sa pinagsasabi ng ina. Gusto na ba siyang ikasal agad ng mga ito?
"Siya nga naman anak, magsumikap kang matuto sa mga bagay-bagay, alam naming maliit na bagay lang sa 'yo ang mga 'yan! Hindi kami laging nasa tabi mo para paalalahanan ka kung ano ang mga dapat at hindi dapat mong gawin." sabi ng papa niya. Ano ba ang nangyayari sa mga magulang niya? End of the world na ba kaya kung ano-ano na lang ang pinagsasasabi ng mga ito?
Napailing na lang siya at muling nag-concentrate sa pagluluto. Hanggang sa wakas ay na-perfect din niya ang pag-prito ng itlog, si Pen-pen naman ang nagluto ng sinigang na isda at black beans. Pagkatapos nilang mag-dinner ay mabilis na siyang nagtungo sa kanyang kuwarto para sa daily dose of Sandro Emir Lim, para pak na pak ang gabi, ganern!
"MAMA, hindi niyo pa po ba nasasabi kay ate 'yong tungkol sa narinig kong usapan ninyo ni papa no'ng isang araw? 'Yong tungkol sa habilin ni lolo Luisito sa inyo ni papa—pagtungtong ni ate sa edad na eighteen? 'Yong kasunduan nila ng kaibigan niya?" tinutukoy ni Pen-pen ang yumaong tatay ng papa niya.
Nagtataka siyang napatingin sa mama niya na hindi rin makatingin sa kanya nang diretso. Nasa hapag-kainan sila noon para mag-agahan at nai-open nga ni Pen-pen ang tungkol daw sa habilin ng lolo nila tungkol sa kasunduan nito at ng kaibigan—na hindi niya alam kung ano.
Napatingin siya sa papa niya pero agad din itong nag-iwas ng tingin nang mahuli niya itong nakatingin sa kanya. Napakunot-noo siya, may naamoy yata siyang hindi maganda sa mga ikinikilos ng mga magulang niya, mukha yatang may itinatago ang mga ito sa kanya! Na-curious na tuloy siyang malaman kung ano ang habilin ng lolo niya patungkol sa pagtungtong niya sa edad na eighteen at ang kasunduan na sinasabi ng kapatid niya.
"Mama, papa, ano po 'yon?" curious na tanong niya. "Magsabi kayo nang totoo mama, ampon po ba ako? Ano'ng kasunduan ang sinasabi ni Pen-pen? Magsalita kayo!" tama kaya siya nang iniisip? Naiiyak na siya ngayon pa lang!
"Huwag kang mag-alala anak, hindi ka ampon." Sabi ng papa niya, kaya nakahinga siya nang maluwag. Muling natahimik ang mga ito kaya tinignan niya nang mapanuri. Kung hindi siya ampon, e, ano?
Nakita niyang nagbukas ng bibig ang mama at parang may gustong sabihin, ngunit hindi rin nito naituloy ang anumang gustong sabihin. Napatingin siya kay Pen-pen para alamin ang pinagsasasabi nito, ngunit nagkibit-balikat naman ito at itinuro ang kanilang mga magulang para sa mga ito siya magtanong. Naguguluhan na tuloy siya sa inaakto ng mga ito, kagabi pa werdo ang ikinikilos ng mga ito!
Hanggang sa loob ng klase ay napapaisip pa rin siya sa habilin at kasunduan na sinabi ng lolo niya sa mga magulang niya—ang unfair dahil alam ni Pen-pen ang tungkol doon, pero siya ay hindi—well, mas chismosa nga naman kasi ang kapatid niyang 'yon kaysa sa kanya.
Agad ding nawala ang iniisip niyang 'yon nang ipakita sa kanya nina Che at She—ang dalawa sa mga closest friends niya at kaklase—ang latest video ni Emir na kaa-upload lang kanina. Ang buong klase ay naging abala sa panunood ng videos ni Emir hanggang sa dumating ang kanilang guro.
Nang matapos ang klase ay nag-meryenda break sila at habang abala siya sa kinakain niyang cookies na ginawa ng papa niya ay biglang nagtilian ang mga kaklase niyang babae habang nakatingin sa katapat na building—ang Science building—mabilis siyang tumayo sa pag-aakala na si Emir ang tinitilian ng mga ito dahil nasa kabilang building lang din ang binata, pero iba pala—isang matangkad at guwapo rin na noon ay naglalakad. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makilala niya ang lalaking 'yon—ito 'yong cold-hearted at unemotional na lalaking binato niya ng maliliit na cakes no'ng nakaraang araw!
So, taga-kabilang building lang pala ang lalaki! Palibhasa ay iisang lalaki lang ang inaabangan niya kaya hindi niya ito pinapansin, pero ngayon ay aware na siya dito—lalo pa at tinubuan siya ng inis sa lalaking ito! Napapaypay siya sa kanyang sarili gamit ang kanyang mga kamay, para pigilan ang inis na biglang umusbong nang maalala niya ang nangyari nang araw na 'yon. Nabalewala ang lahat nang ginawa niya para sa lalaki! Sayang, guwapo sana kaso may attitude!
"Hi, Toffer!" sabay-sabay na bati ng mga kaklase niyang babae sa lalaking nasa kabilang building kaya dahan-dahan itong lumingon sa kinaroroonan nila—nanlaki at kanyang mga mata at mabilis na tumalikod nang magtagpo ang kanilang mga mata. Kailangan niyang magtago dahil may atraso pa siya dito! Pero ang weird dahil bumilis ang tibok ng puso niya.
"He's so snob talaga!"
"'Di bale tinignan niya naman tayo kahit hindi niya tayo nginitian. Ang guwapo-guwapo talaga!"
"Magkaibang-magkaiba sila ni Emir!"
Tumango-tango naman siya sa huling nagsalita. Emir is a gentleman, mabait ito at smiling face. Kinikilig na siya, iniisip pa lang ang binata. Kailan kaya darating ang oras na maso-solo niya ito? Sana God, malapit na. Please?
"Love ko si Emir, pero para sa akin mas guwapo at mas hot si Christopher John Lim, aside from being a rich kid, napaka-multi-talented pa; kita niyo naman miyembro na ng basketball team, naglalaro pa ng tennis at soccer, nagpi-piano pa at hindi lang 'yon—super genius with a two hundred plus IQ and a complicated course of Bio-chemistry. Kaya kung ako papipilin, sorry Emir, pero kay Toffer ako!" mahabang sabi ni She.
"Ay naku, aanhin mo naman ang super genius at super hot na katulad ni Toffer kung hindi ka naman pinapansin? Basta kami, kay Emir lang. And FYI, multi-talented din ang Prince charming namin 'no, hindi sila nagkakalayo ng Toffer mo!" sabi naman ni Che.
Oh! So, he is the famous Christopher John Lim—the consistent number one student in their school, ang laging laman ng quiz bee at school editorial news, naririnig din niyang naging usap-usapan ang binata—ngunit dahil Emir biased siya, hindi niya 'yon pinapansin! Napahawak siya sa baba niya habang nagpapatango-tango, hindi lang pala puro looks and cold-hearted ang lalaking 'yon, matalino din pala at talented.
"Ikaw Chyn, sino ang mas gusto mo kina Toffer at Emir?" tanong ni Pilar, isa rin sa mga kaklase niyang dead na dead kay Emir.
"Emir of course!" mabilis niyang sagot, saka sila nag-high five ng mga kaklase niyang pro-Emir!
Natapos na ang meryenda break ay ang dalawang lalaki pa rin ang usap-usapan ng mga kaklase niya. Malakas yata talaga ang gayuma ng dalawang lalaking 'yon, palibhasa ay type na type nila ang mga singkit na lalaki tulad ng mga ito.
"Pero sorry to tell you, She, may napapabalita ng girlfriend si Toffer mo, 'yong girl na madalas kasama niya dati sa music room—si Reneé Laine Peñano, from the Arts department—ang RK na chinita-pianista na pambato ng school." Ani Cleo, isa pa sa mga kaklase niya.
"E, bakit, kasal na ba sila?" nakangiting tanong ni She.
"Hindi." Sagot naman ni Cleo.
"O, e di, may pag-asa pa kaming mga pro-Toffer. 'Di ba guys?" nakangiting h-in-igh five nito ang mga kasamahan nitong pro-Toffer na sina Gieroma, Andrea, Cess at Nizza. Kaya napailing na lang ang mga co-Emir fans niya.
"Hay naku, mabo-bore ka lang kapag isang super genius ang kasama mo. Baka buong araw kayong mag-aaral kapag magkasama kayo." Singit niya. "Napaka-cold hearted at unemotional. Baka nga mapanisan ka ng laway kapag kasama siya."
"Close kayo?" sabay-sabay na tanong ng mga kaklase niya sa kanya, naagaw tuloy niya ang atensyon ng lahat.
"Palibhasa Chyn, hindi ka gaanong palaaral, kaya nasasabi mo 'yan." Ani Lindsay, ang seryoso at palaaral niyang kaklase.
"Hindi kami close, saka hula ko lang 'yong mga sinabi ko." sagot niya sa mga kaklase niyang noon ay makatingin sa kanya ay wagas! "And excuse me pwede ba, Lindsay. Nag-aaral po ako, hindi lang gano'n ka-intense tulad mo, na halos mabaliw-baliw na." natatawang biro niya.
Hindi na siya sinagot ng babae, dahil nagpatuloy na uli ito sa pag-aaral nito. "So, mas bet mo ang mga katulad ni Emir, Chyn?" singit ni Danny, na mabilis niyang tinanguan. "So, wala nang pag-asa si Garnet?" tukoy nito sa isang kaklase nilang nagpapalipad-hangin sa kanya.
Umiling-iling siya. "Sorry and move on, guys. May Emir na ako, e." nakangiting sabi niya, na ikinailing at ikinatawa na lang ng mga kaklase niya. Hanggang sa dumating na ang teacher nila.