Sa buong kasaysayan ay hindi pa nangyayari ang matinding kaguluhan na nangyayari ngayon sa lupon ng mga Aswang. Parang apoy ay kumalat ang takot at pangamba doon sa mga nananatiling tapat sa mga Matatanda. Gayundin naman ay marami ang nagdiwang dahil dumating na ang panahong pinakahihintay nila, ang panahon ng mga aswang.
Isang malaking bahay na nasa isang liblib na bayan sa Ilocos ang biglang nabulabog ng puwersahang pumasok ang apat na lalaking naka-itim mula ulo hanggang paa. Pati ang kanilang mukha ay natatakpan ng kulay itim na maskara. Sa likod nila ay kasunod ang mga lalaking aramado ng matataas na kalibre ng baril. Ang mga bantay ng bahay, bagamat nagulat at nasindak sa apat na lalaking nakaitim, ay mabilis na kumilos upang kumuha ng mga baril upang labanan ang mga hindi inaasahang panauhin.
Ngunit sadyang wala silang pag-asa laban sa mga Maskarado.
Napakabilis kumilos ng mga Maskarado, ni hindi sila masundan ng mata. Bagamat hindi nagsasalita ay koordinado ang kanilang mga galaw na para bang binabasa ang isip ng bawat isa. Hindi pa man nakakapuwesto ang mga bantay ng bahay ay madali silang napatay ng apat na Maskarado. Ito ay kahit na wala silang dalang anumang sandata.
Nagkagulo sa loob ng bahay. Naglabasan ang iba pang mga bantay para harapin ang mga bagong dating. Ang iba sa kanila ay may bitbit na mga baril. Mayroon namang iba na may dalang iba't ibang uri ng patalim at espada. Ang ilan naman ay biglang nagbago ng anyo, naging parang mababangis na hayop. Hindi naman natinag ang apat na lalaking naka-itim at ang kanilang mga kasama. Sinalubong nila ang mga bantay at sa gitna ng kadiliman, nagsalpukan ang dalawang puwersa na kapwa handing pumatay at mamatay. Napuno ng putukan at sigawan ang buong bahay.
Parang dinaanan ng isang libong bagyo ang bahay ng matapos ang kaguluhan. Nagkalat ang mga bangkay at halos magkulay pula na ang sahig at mga dingding na butas-butas dahil sa dugo. Isang nakakatakot na katahimikan ang pumuno sa loob ng bahay. Isang katahimikan na binasag lamang ng isang sigaw. Biglang bumukas ang pinto ng isa sa mga kuwarto at lumabas ang apat na Maskarado. Hawak-hawak nila ang isang babae. Sa likuran nila ay nakasunod ang iba pa na pawang nakagapos.
"Bitiwan niyo ako! Anong karapatan ninyo para gawin sa akin ito!" sigaw ng nagpupumiglas na babae. Maayos ang itsura ng babae, at kung pagbabasihan ang tindig at ayos nito, masasabing galing sa mayamang angkan ang babae.
"Clarissa."
Natigilan ang babae sa narinig at napatingin sa taong tumawag ng kanyang pangalan. Isang lalaki ang nakatayo sa kanyang harapan.
"Darius, anong kabaliwan ito?" tanong ng babae.
Napangiti si Darius. "Clarissa, hindi ka ba natutuwa? Pinalaya ko ang ating lahi. Dahil sa akin ay titingalain tayo ng lahat. Makukuha na natin ang lahat ng gusto natin." Tinitigan ng lalake si Clarissa sa mga mata. "Dahil sa akin, tayo'y magiging mga diyos."
Dinuraan ng babae sa mukha si Darius.
"Diyos? Diyos? Ito ba ang tinatawag mong diyos?" galit na sigaw ni Clarissa sabay tingin sa mga nagkalat na bangkay. "Hindi ka diyos, Darius. Isa kang halimaw! Hali-"
Isang malakas na sampal ang nagpatahimik kay Clarissa. Isang patak ng dugo ang dahan-dahang gumuhit pababa mula sa kanyang bibig.
Kumuha ng panyo si Darius at pinunasan ang mukha. "Pasalamat ka Clarissa at kapatid kita. Kung hindi..."
"Ano?" putol ng babae. "Anong gagawin mo sa akin? Papatayin mo rin ako tulad ng ginawa mo sa mga Matatanda?"
Biglang nagbago ang hitsura ng lalaki. Parang nangulubot ang kanyang mukha at lumabas ang matatalas na pangil sa bibig.
"H-Hindi! I-Ikaw..." ang tanging nasabi ni Clarissa na nanlalaki ang mga mata.
Muling bumalik sa normal ang hitsura ni Darius. "Huwag kang mag-alala. Makikita mo rin na tama ang ginawa ko. Yayakapin mo rin ako at pasasalamatan. Tiyak luluha ang mga mata mo kapag nakita mong nakaluhod na ang lahat sa ating mga paa."
Muli siyang tumalikod at naglakad papalayo. Sa kanyang likuran ay sumunod ang isa sa mga Maskarado.
"Dalhin niyo si Clarissa at ang mga purung-dugo at ikulong sila. Hangga't maaari ay huwag ninyo silang sasaktan. Para dun sa iba," mabilis na sumakay si Darius sa isang itim na kotse, "ipakain sila sa Sigbin."
Tumango lamang ang Maskarado. Pagkaalis ng sasakyan ni Darius ay sinenyasan nito ang isang aswang na nakatayo sa tabi ng isang malaking truck. Ngumiti naman ang aswang at pagkatapos ay nagmamadaling binuksan ang likuran ng truck. Isang malakas at nakakatakot na ungol ang maririnig mula sa loob. Isang ungol ng isang nagugutom.
"Heto na ang Sigbin," masayang sigaw ng aswang.
Muling napuno ng sigawan ang loob ng bahay.
###
Nagpalakad-lakad sa kalsada si Gabriel, wala sa sarili. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Dama pa rin niya ang galit dulot ng mga nangyari sa kanya. Unang-una ay ang nawalang pera na nasa wallet ng matanda na nakuha niya. Pagkatapos ay ang nakakapagod na habulan nila ng matandang iyon. Dagdagan pa ng mga pambihirang kuwento nito tungkol sa mga aswang, datu, at kung anu-ano pa. Ngunit ang talagang hindi niya matanggap ay ang kasinungalingan ng matanda tungkol sa kanyang "nakaraan." Isang malaking kalokohan ang salaysay nito tungkol sa kanyang mga magulang at kung paano sila namatay. Paano naman siya maniniwalang ang tatay niya ang tagapagtanggol ng mga tao? Na mayroong mga aswang at gusto nilang sakupin ang ating mundo?
Sa pelikula lang nangyayari ang mga iyon, naisip ni Gabriel.
Napabuntong-hininga tuloy siya ng malalim. Wala siyang anumang naaalala tungkol sa kanyang mga magulang. Ang pinakamaagang alaala niya ay ang bahay-ampunan, kung saan kasama niya ang ibang mga batang inabandona rin ng kanilang mga magulang. Maliit pa lamang ay tanggap na niya na hindi siya mahal ng kanyang mga magulang kaya't siya iniwan ng mga ito. Tanging galit lamang ang kanyang nararamdaman para sa hindi nakikilalang mga magulang.
Malupit ang namamahala sa ampunan. Mabilis itong magalit at magparusa. Kahit walang kasalanan ay pinaparusahan niya ang mga bata. Naranasan ni Gabriel ang mahampas at mahataw ng kung anu-anong matitigas na bagay. Naranasan niya ang hindi pakainin ng buong araw. Naranasan niya ang ikulong sa maliit at malamig na banyo ng walang ilaw buong gabi. Naranasan niya ang alipustain, murahin, at pagsabihan ng kung anu-anong masama. Kaya't ng magbalak ang ilang mga bata na tumakas sa ampunan, hindi na siya nagdalawang isip na sumama.
Ngunit naging mahirap din ang naging buhay niya sa labas ng bahay-ampunan. Palibhasa'y maliit pa, wala siyang lakas para buhayin ang sarili. Wala ring nagmalasakit na tumulong sa kanila, at kadalasan pa nga ay itinataboy sila ng mga tao. Wala silang nagawa kundi ang umiyak na lamang dahil sa kawalan ng pag-asa.
Hanggang sa dumating ang 'di nila inaasahan. Isang anghel ang lumapit at tumulong sa kanila. Isang lalaki ang kumupkop sa kanila.
Ito ay si Teban.
Palibhasa'y lumaking wala ring mga magulang, naiintindihan ni Teban ang hirap na pinagdaraanan ni Gabriel at mga kasama nito. Mabait siya sa kanila at malumanay magsalita. Kahit walang kapalit ay binigyan sila ni Teban ng tahanan at, higit sa lahat, ng pamilya.
Binigyan din sila ng lalaki ng lakas at kakayahang mabuhay. Si Teban ang nagturo sa kanila ng lahat ng kanilang nalalaman sa pandurukot, panlilimos, pang-iisnatch, at kung anu-ano pang uri ng pandurugas. Dahil kay Teban, nagkaroon sila ng kakayahang labanan ang mandarayang sistema ng mundong ito.
Maraming natutunan si Gabriel at ang kanyang mga kasama kay Teban ngunit isang aral ang pinakatumatak sa kanilang isipan. Ito ay ang gawing patas ang mundo. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagnanakaw, subalit doon lamang sa mga taong nakakaangat ng kalagayan sa buhay. Sila, na may kakayahang tumulong sa mga kapos-palad, ang siya pang nagbubulag-bulagan at nagwawalang-bahala sa kanilang kapwang naghihikahos. Kadalasan pa nga ay pinagsasamantalahan nila ang kanilang kapwa para lamang mas dumami ang kanilang kayaman. Sa halip na tumulong, inuubos nila ang kanilang pera sa pagbili ng mga mamahaling gamit na hindi naman nila kailangan. Kaya't sa pamamagitan ng pagnanakaw, ginagawa nila Gabriel na patas ang mundo.
###
Hindi na napansin ni Gabriel kung saan-saan siya napadpad. Nagulat na lamang siya ng makitang nakatayo na siya sa harap ng kanilang tinutuluyang warehouse. Napangiti tuloy siya. Kahit na hindi niya iniisip, kusa siyang dinala ng kanyang mga paa dito. Ito ang katibayan na dito, kasama ni Teban at ng ibang mga bata, ang tunay niyang tahanan.
Naglakad siya papalapit ngunit bigla siyang natigilan. Napansin kasi niya ang sobrang katahimikan ng paligid. Karaniwan ng kasing makikita ang mga batang maingay na naglalaro sa harap ng warehouse kapag gabi. Ngunit ngayon ay walang katao-tao sa kalsada. Napansin din niya na patay ang lahat ng ilaw sa loob ng warehouse. Lagi kasi silang nag-iiwan ng isa o dalawang ilaw dahil mayroon silang kasamang maliliit na batang takot sa dilim. Bigla tuloy siyang nakadama ng takot. Takot para sa mga kasama.
Na-raid yata kami! tarantang naisip ni Gabriel. "Yung matanda! Sabi ko na pulis yun, eh!
Nagmamadali siyang lumapit sa warehouse ngunit bigla ding natigilan ng mapansin ang kanilang bakal na pintuan. Ito'y nasa isang sulok, wasak na para bang binangga ng kung anong malaki at matigas na bagay. Yupi-yupi ito na para bang isa lamang lata.
Dahan-dahan niyang sinilip ang loob ng warehouse ngunit wala siyang makita sa sobrang dilim.
"T-Teban?" tawag ni Gabriel.
Tanging katahimikan lamang ang sumagot sa kanya.
Humakbang siya ng kaunti papasok, pilit na inaaninag ang loob ng warehouse. Dito ay naalala niya ang ilang cellphone na nadukot niya kaninang umaga. Madali siyang kumuha ng isa at pinailaw ito. Napasigaw siya sa kanyang nakita.
Nagkalat ang bangkay ng mga bata sa loob ng warehouse. Halos magbaha na ng kanilang dugo ng buong paligid. May ilan pa nga na nakita niya, bagamat ayaw itong tanggapin ng kanyang murang kaisipan, na nagkaputul-putol ang mga kamay, paa, at iba pang bahagi ng katawan.
"A-Ano... S-Sino..." hindi maituloy ni Gabriel ang sasabihin. Nauutal siya sa sobrang takot at pagkabigla. Gusto niyang sumigaw ngunit parang may anong nakabara sa kanyang lalamunan. Halos hindi siya makahinga. Pinilit din niyang ipikit ang kanyang mga mata upang hindi makita ang mga karumal-dumal na pangitain sa kanyang harapan, ngunit ayaw sumunod ng mga ito kaya't wala siyang nagawa kundi ang pagmasdan ang malagim na sinapit ng kanyang mga kaibigan. Nang hindi na makayanan ay tuluyan ng nawalan ng lakas ang kanyang mga tuhod at siya'y napasalampak sa semento. Umikot ang kanyang paningin at pumait ang kanyang lalamunan at sikmura hanggang sa ilabas niya ang laman ng kanyang tiyan. Nang makalma ay napatingin si Gabriel sa kalat na nagawa.
Buo pa. Hindi pa natutunaw, naisip niya. Dahil dito ay muli siyang naduwal.
"G-Gab?" isang boses ng lalaki ang narinig niya mula sa kadiliman. Bagamat mahina, kilalang-kilala niya ang boses na iyon.
"Teban!" napabalikwas si Gabriel sa semento, muling nakahanap ng bagong lakas. Dali-dali niyang dinampot ang cellphone na nabitawan at ginamit ito upang ilawan ang paligid.
"Gab. Gab," bahagyang lumakas ang boses ng lalaki na nasundan pa ng ilang kaluskos. Mabilis ngunit maingat niyang hinakbangan ang mga katawan ng mga bata at sinundan ang tunog ng mga kaluskos. Ilang beses din siyang nadulas at kamuntik ng bumagsak dahil sa malagkit na dugo na nagkalat sa sahig. Hindi niya napansin na umiiyak na pala siya.
"Gab." Nanggagaling ang boses mula sa isang sulok ng warehose, sa bandang kanan ni Gabriel. Itinaas niya ang hawak na cellphone upang ilawan ang lugar na iyon at doon nga ay nakita niya ang kanyang hinahanap.
"Teban!" Mabilis na lumapit si Gabriel at siniyasat ang kalagayan ng lalaki. Nadaganan ang kalahating katawan nito ng isang malaking tipak ng bato, na sa tingin ni Gabriel ay parte ng gumuhong pader ng warehouse.
"G-Gab? Ikaw ba yan?" tanong ng lalaking naliligo sa sariling dugo. Nakapikit ang kanyang mga mata, halatang nanghihina na.
"Teban. Sandali lang. Hihingi ako ng tulong!" Tumayo si Gabriel ngunit hinawakan ni Teban ang kanyang braso.
"Huwag na! Umalis ka na, Gab!" biglang dumilat si Teban na para bang takot na takot. "Mga halimaw sila! Umalis ka na!"
Hindi maintindihan ni Gabriel ang sinasabi ni Teban. Marahil ay nagdedeliryo ito dahil sa dami ng nawalang dugo sa katawan. Sinubukan niyang kalmahin ang lalaki.
"Teban! Teban, relax ka lang. Huwag ka munang magsalita. Hihingi lang ako ng tulong!" Sinubukang kumawala ni Gabriel ngunit napakahigpit ng hawak ni Teban si kanyang braso. Halos nasasaktan na nga siya.
"Halimaw! Halimaw! Halimaw!" nagsusumigaw si Teban sa takot. Hindi naman maiwasan ni Gabriel na mahawa sa takot na nadarama ng lalaki.
"Teban-"
"Uy, may natira pa palang isa."
Biglang tumigil si Teban sa pagsisigaw. Nanigas ang kanyang katawan at biglang napaiyak. Lubha itong ikinabahala ni Gabriel.
"Sino 'yan?" tanong ni Gabriel. Pinilit niyang mag-tunog matapang ngunit hindi niya mapigilan ang panginginig ng kanyang boses. Inaninag niya kung nasaan ang taong nagsalita gamit ang cellphone, ngunit sadyang wala siyang makita.
"Matapang ang isang ito!" muling sagot ng boses na nasundan ng tawanan.
"Mabuti pa, kainin na natin yan. Di ba sabi nila, masama ang magtira ng pagkain," sabi ng isang boses na naggagaling sa bandang kaliwa ni Gabriel.
"Lumabas kayo!" sigaw ng batang lalaki. "Hindi ako natatakot sa inyo!"
Tumawa lamang ang mga hindi nakikitang lalaki.
"Sige," sagot ng isa, "pero siguraduhin mo lang na hindi ka matatakot, ha." Narinig ni Gabriel ang tunog ng mga paang naglalakad papalapit sa kanya. Di nga nagtagal ay bumulaga sa harap niya ang limang lalaki.
Hindi siya handa sa nakita.
Ang mga lalaking nakatayo sa kanyang harapan ay hindi mga tao. Parang pinaghalu-halo na iba't ibang hayop ang itsura nila. May isa na mukhang aso samantalang ang isa nama'y mukhang butiki. Ang ilong ng isa ay parang sa baboy, samantalang ang isa'y parang sa pusa. Ang mukha ng iba'y punung-puno ng makapal na buhok ngunit ang iba nama'y parang natunaw ang mukha, walang balat. Ang kanilang mga mata'y malalaki at mapupula, iba't iba ang hugis. Mahahaba at matutulis na kuko ang makikita sa kanilang mga daliri. At ang kanilang mga bibig ay puno ng matatalas na ngipin.
"Medyo may edad na ang isang ito pero siguradong masarap pa rin iyan." Sa itsura nila, hindi alam ni Gabriel kung paano pa sila nakapagsasalita. Hindi niya maisip kung paano nakakabuo ng salita ang malahayop na bibig ng mga ito.
Isang pisil sa kanyang braso ang gumising kay Gabriel.
"Takbo na, Gab!" Titig na titig sa kanya ang nanlalaking mga mata ni Teban. Pagkatapos ay dahan-dahan itong pumikit at tumigil sa paghinga.
"Kainan na!" Sabay-sabay na sumugod ang limang lalaki.
Parang nakuryente si Gabriel. Mabilis siyang tumayo at tumakbo papalabas ngunit hindi pa man siya nakakadalawang hakbang ng maramdaman niya ang isang kamay na humawak sa kanyang batok. Isang nakakabulag na sakit ang sunod niyang naramdaman ng humampas siya sa matigas at magaspang na pader ng warehouse. Hindi makahinga si Gabriel pagbagsak niya sa semento. Umiikot ang kanyang paningin at parang nasusunog ang kanyang baga. Wala siyang magawa kundi ang mamilipit sa sakit na nadarama.
"Mas masarap kumain kapag nanlalaban ang pagkain," sabi ng isang lalaki. "Sige, takbo ka ulit. Kapag nakalabas ka ng warehouse na ito, hindi ka na namin kakainin pa. Promise yan."
Dahan-dahang tumayo si Gabriel, habang hawak-hawak ang kaliwang braso. Isa-isa niyang tiningnan ang limang halimaw na nagtatawanan sa kanyang harapan. Pagkatapos ay ipinako niya ang kanyang tingin sa pinto ng warehouse, ilang dipa lamang ang layo sa kanya. Muli niyang ibinalik ang kanyang atensyon sa lima at nagdesisyong sumugal.
Sa kanyang propesyon, marami ng tao ang humabol sa kanya ngunit ni isa ay wala pang nakakahuli sa kanya. Isa sa mga alas niya sa kalsada ay ang kanyang bilis lalo na sa takbuhan. Lahat ng humabol sa kanya ay sumuko, pulos mga hinihingal.
Huminga si Gabriel ng malalim at, gamit ang lahat ng kanyang lakas, tumakbo siya gaya ng isang bagyo. Ibinuhos niya ang lahat ng meron siya para takbuhin ang ilang dipang naghihiwalay sa kanya sa buhay at kamatayan. Narinig niya ang biglang pagtigil ng tawanan ng mga halimaw sa likod niya pati ang yabag ng kanilang nagmamadaling mga paa. Alam niya na nagulat ang mga lalaki sa bigla niyang pagtakbo, na nagbigay sa kanya ng ilang dipang lamang. Ngunit hindi niya inisip ang bagay na iyon. Tanging sa pintuan, at sa labas, lamang niya ipinako ang kanyang atensyon. Mas binilisan pa niya ang pagtakbo.
Parang tumigil ang oras para kay Gabriel. Bagamat alam niyang wala pang tatlong segundo mula ng siya'y tumakbo, pakiramdam niya ay ilang oras na ang lumipas. Pagod na pagod na siya at ang bigat-bigat na ng kanyang mga paa. Nagsusumigaw sa sakit ang buo niyang katawan. Pakiramdam niya, mas makakabuti kung titigil na lamang siya at mahihiga sa semento.
Ang malalakas na ungol mula sa kanyang likuran ang nakapagpabago ng kanyang isip. Naalala niya ang hitsura ng mga lalaking humahabol sa kanya, na nagdulot ng matinding kilabot sa kanyang buong pagkatao. Dito ay nakakuha siya ng lakas, at muling dinoble ang bilis.
Sa sobrang takot ay hindi niya napansin na nasa labas na pala siya ng warehouse. Nang maramdaman lamang niya ang malamig na simoy ng hangin at marinig ang ilang busina ng mga sasakyan sa kalayuan, saka pa lamang niya naramdaman ang pag-asang mabubuhay siya. Bagamat luhaan ay bigla siyang napangiti.
Panalo ako! naisip niya. Panalo a-
Biglang naputol ang kanyang pagdiriwang ng may kung anong tumama sa kanyang kanang balikat. Nagkabuhul-buhol tuloy ang kanyang mga paa at siya'y bumagsak sa semento.
Isang tawanan ang muling narinig ni Gabriel. Bigla siyang napabalikwas sa kanyang pagkakahandusay at hinarap ang mga humahabol sa kanya. Lahat sila ay hinihingal, lahat ay nakatingin sa kanya.
"S-Sabi niyo," nanginginig ang boses na sabi ni Gabriel, "pag nakalabas ako hindi niyo na 'ko kakainin."
"Sinabi ko ba 'yon?" tanong ng isa na may ilong ng baboy. "Naku, sorry ha. Bakit ka naman kasi naniwala? Hindi mo ba alam na sinungaling ang mga aswang?" Muling nagtawanan ang lima.
Aswang? Imposible! Walang mga aswang!
Sinubukang tumayo ni Gabriel ngunit napahiyaw siya ng sumabog ang matinding kirot mula sa kanyang balikat. Nagulat siya ng makitang nagdurugo ito. Sinubukan niyang maupo ngunit muli siyang namilipit sa sakit ng maramdaman niyang gumagapang ang kirot sa kanyang buong katawan.
"Mabuti pa simulan na natin ito." Dahan-dahang nagsilapit ang lima sa nakahandusay na si Gabriel.
"Akin ang atay ng isang ito, ha! Ako naman ang lider ng gru-"
Biglang naputol ang sinasabi ng aswang na may ilong ng baboy. Napangiwi ito na para bang may kung anong nararamdaman. Dahan-dahan siyang tumungo at tiningnan ang kanyang dibdib. Napaungol siya sa kanyang nakita.
Isang matalas na talim ng isang malaking itak ang nakatagos sa kanyang dibdib. Umaagos na parang tubig ang kanyang dugo mula sa butas na gawa ng patalim. Naramdaman niya ang pagkilos ng kung sino sa kanyang likuran.
"Mga walanghiya kayo!" isang galit na boses ang narinig ng aswang. "Magbabayad kayo sa ginawa ninyo."
Sinubukang lingunin ng aswang kung sino ang sumaksak sa kanya sa likuran ngunit hindi niya maipihit ang kanyang ulo. Sa katunayan ay hindi niya maikilos ang kanyang buong katawan.
"S-Sino?" mahinang sabi niya. Dito ay napansin niya ang kanyang mga kasama na para bang takot na takot. Napapahakbang sila paatras, palayo sa kanya.
"S-Si Bagwis!" sigaw ng isa sabay karipas ng takbo. Mabilis na dumukot si Bagwis ng isang patalim at ibinato sa tumatakas na aswang. Bumaon sa likod ng ulo ng aswang ang matalas na patalim. Parang gulay itong sumubsob sa kalsada.
Bigla namang hinugot ni Bagwis ang hawak na malaking itak mula sa likod ng aswang na nasa harapan niya at sa isang mabilis na paghataw, tinagpas niya ang ulo nito.
Gimbal ang lahat habang sumisirit ang dugo mula sa leeg ng aswang, na sinamantala naman ni Bagwis. Tinadyakan niya sa likod ang katawang walang ulo at bago pa man ito bumagsak sa semento ay sumugod na ang matanda. Mabilis ang kanyang kilos, na hindi mo mahahalata dahil sa kanyang edad at hitsura. Gamit ang hawak na sandata, pinutol ni Bagwis ang braso ng isa sa mga aswang, na hindi man lamang nakakilos. Sinundan ng tingin ng aswang ang pagbagsak ng kanyang braso sa semento at napasigaw, na agad ding naputol ng ibaon ni Bagwis ang kanyang hawak na itak sa lalamunan nito.
Mabilis na nagsipagtakbuhan ang natitirang mga lalaki ngunit hindi sila nakalayo. Singbilis ng kidlat ay isa-isang pinatumba ni Bagwis ang tatlo, duguan at wala ng mga buhay.
Hindi makapaniwala si Gabriel sa mga nangyayari. Kani-kanina lang ay kasama niya ang matandang ito at kinukuwentuhan siya ng kung anu-anong kabaliwan. Pero ngayon, ang matandang ito na pinagtawanan lamang niya, ay mabilis at walang-awang pinagpapatay ang mga halimaw na gustong kumain sa kanya.
Aswang, nasabi niya sa sarili, Hindi halimaw. Mga aswang daw sila. Muli niyang sinubukang tumayo ngunit tuwing gagalaw siya ay kumakalat ang matinding kirot sa kanyang buong katawan. Muli siyang napasigaw sa sakit.
Dali-daling lumapit sa kanya si Bagwis. Lumuhod ito sa harapan niya at ininspeksyon ang kanyang balikat. Napailing ito sa nakita.
"Mababaw lang ang sugat mo pero may kamandag ang kuko ng mga aswang. 'Yan ang dahilan kung bakit ka namimilipit sa sakit." Dumukot si Bagwis ng ilang pirasong dahon mula sa bulsa ng kanyang amerikana at puwersahang ipinasok ang mga ito sa bibig ni Gabriel.
"Yerba Buena 'yan. Ngatain mo at sipsipin ang katas. Panglaban 'yan sa kamandag ng aswang. At para mawala ang sakit." Walang nagawa si Gabriel kundi ang sumunod.
Nang mabawasan ang sakit na nararamdaman, binuhat ni Bagwis ang batang lalaki at pinasan sa kanyang likuran.
"Saan mo 'ko dadalhin?" tanong ng batang lalaki.
"Kailangan nating lumayo dito," kalmadong sagot ng matanda. "Kailangan ding magamot ang sugat mo. Mahirap na kapag na-impeksyon 'yan."
"Kailangan tayong tumawag ng pulis."
"Para ano pa? Sa tingin mo ba maniniwala sila kapag sinabi natin na mga aswang ang may gawa nito?"
"Pero," desperadong sabi ni Gabriel, "andiyan pa ang mga katawan nila. Makikita nila ng hindi mga tao ang mga lalaking iyon."
Biglang tumigil si Bagwis sa harap ng isa sa mga nakabulagtang lalaki. Itinihaya niya ang katawan nito gamit ang kanyang paa.
Tulalang napatitig si Gabriel, lalong naguluhan ang isip.
"Paanong..."
"Bumabalik sila sa katawang tao sa oras ng kamatayan." Muling nagpatuloy sa paglalakad si Bagwis. Nang marating ang kanyang kulay abong kotse na nakatago sa dilim, dahan-dahan niyang ibinaba si Gabriel at inalalayan sa pagsakay. Mabilis din naman siyang sumakay at pagkaupo sa harap ng manibela, agad niyang ini-start ang sasakyan at matuling pinatakbo.
"Doon ka muna sa Balangay hanggang sa gumaling ka."
"Balangay?" mahinang tanong ni Gabriel na biglang nakaramdam ng pagkaantok.
"Oo," sagot ng matanda, "sa Balangay, ang tahanan ng mga Datu."