Saksi ang kalangitan sa pagsisiping ng araw at ng buwan. Ang tagpong ito ang siyang hihila sa isang pwersang magiging dahilan ng pagsilang ng isang makapangyarihang human-outcross o isang nilalang na may pambihirang kakayahan ng isang halimaw.
Sa muling pagtatalik ng buwan at ng araw ay isisilang ang isa pang nilalang na may katumbas na lakas sa isinilang na human-outcross. Sila ang tinatawag na urion o mga alagad ng liwanag na siyang tutubos sa buhay ng mga outcross. Sila ang mga itinakdang papatay sa mga ipinanganak na kalahating tao-kalahating halimaw.
Apat o higit pa ang nangyayaring eclipse taon-taon. Madalas, dalawang lunar eclipse na nasusundan naman ng solar eclipse. Sa bawat lunar eclipse, ipinapanganak ang isang human-outcross na pinaniniwalaang tagapaghasik ng lagim sa sansinukoban. Nasusundan 'yon ng kapanganakan ng isang urion o mga alagad ng liwanag tuwing solar eclipse.
Pero papaano kung naganap ang isang lunar eclipse sa eksaktong blue moon? Anong klaseng outcross ang ipapanganak? Magiging kakampi ba siya ng liwanag o isang banta sa lahi ng sangkatauhan? Sino ang itinakdang urion na papatay sa pinakamakapangyarihang outcross?