3rd Person's POV
Day 60 of Zombie Apocalypse
Tatlong araw ang lumipas sa grupo bago nila tuluyang nilisan ang pansamantala nilang pinagtirhan na day care center. Kinailangan nila nang maigting at maingat na paghahanda dahil tanging pick up na lang ang natirang sasakyan nila, at ngayon, bagamat may mga nawala, may mga dumagdag pa sa grupo nila.
Lulan sa minamanehong pickup ni Elvis ay ang matandang si nanay Nellie kasama ang mga bata, pati na ang sugatan pa ring si Harriette. Sa likod naman ng pickup ay nandoon ang bisikleta at motorbike ng ibang kapatid ng mga Harris. Habang ang ibang miyembro naman ng grupo ay sama-samang naglalakad sa unahan ng sasakyan, armado ng kani-kanilang mga armas. Kabilang na rin si Crissa na malumanay at maingat na karga-karga ang sanggol ng yumaong si Romina.
Sa nakalipas na tatlong araw na yon, inakala ng buong grupo na may makikita silang pagbabago sa pinakamamahal nilang si Crissa lalo pa at nagsalita na ito ng dalawang kataga.
Ngunit nabigo sila.
Dahil ang tangi lang pinagbago ni Crissa ay ngayon, hinding-hindi nito inaalis sa paningin n'ya yung sanggol na bitbit n'ya. Sa lahat ng posibleng pagkakataon ay s'ya ang nag-aalaga at nagpapatulog dito.
Maituturing na rin sana nilang magandang pagbabago ito ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin ito nagsasalita at nakikipag usap sa iba. Nagiging kapansin-pansin din sa lahat ang hindi nito pag aalis ng baril sa bewang n'ya, kahit saan man s'ya pumunta, at kahit na ano mang gawin n'ya.
Ano nga bang nangyayari kay Crissa? Kailan s'ya babalik sa dati?
'Yan ang mga katanungan na ilang araw nang naglalaro sa isipan ng lahat. Pero ni isa man sa kanila ay walang nakapagbigay ng eksaktong kasagutan. Puro konklusyon lang at hinuha.
Pero sa pagbabalik sa kasalukuyang eksena ng buong grupo, na tinatahak ang daan papunta sa katabing siyudad, makikita nilang sa may 'di kalayuan ay may tila ba isa ring grupo ng tao ang naglalakad papunta pasalubong sa kanila.
Napatigil sila sa paglalakad at maingat na hinawakan ang mga armas nila, tanda ng paghahanda sa kung anomang peligro ang maaari nilang makaharap.
Nang mapansin ito ng tahimik na si Crissa, tila ba biglang nagbago ang ekspresyon nito. Gamit ang kanyang kamay na bahagya pang nanghihina dahil sa pagkakabaril sa balikat nito, ay binunot n'ya ang baril sa bewang n'ya at maingat na iniumang ito.
Kung hindi lamang sana sa pagpigil ni Christian ay malamang naiputok na ni Crissa ang baril nito papunta sa isang batang lalaking tumatakbo papunta sa kanilang direksyon.
"A-ate Crissa! Kuya Christian! Kuya Marion!!" sigaw nito na naging dahilan para tuluyan nang itago ni Crissa ang baril sa kanyang bewang.
"S-scott?" bulong ng 'di makapaniwalang si Christian na ilang salit lang ay sumalubong na rin ng pagtakbo palapit sa batang lalaki.
Kasunod nito ay ang unti-unti na ring paglinaw ng mga mukha at paglapit ng halos sampu kataong kasama ng batang lalaki.
Pinangungunahan ito ng isang magandang payat na babae na may maiksing buhok. Deretso itong lumakad papalapit kay Marion, kasunod ang mga kasama n'ya na kapwa may taglay na maangas na aura at galaw. Armado rin sila ng matataas na kalibre ng baril at pare-parehas din silang may seryoso at nakakailang na ekspresyon sa mukha.
"Wow. This is the most awaited reunion I am talking about. Glad you made it!" ani ng payat na babae at nagbigay ito ng ngiti na parang hindi mo magagawang matignan nang matagal.
Dahil napakalamig.
Niyakap ni Marion yung babae at nginisian din ito. Ngunit kapansin-pansin naman sa likod ng babaeng maiksi ang buhok ang isang matangkad na lalaking may ubod ng nakakatakot na ekpresyon.
May kahawig ito, 'yan ang naisip ni Harriette na nakatanaw mula sa kanilang sinasakyan. Pinagmasdan n'yang mabuti ang lalaki at napansin n'yang tila ba may hinahanap ito na hindi n'ya makita-kita. Nakakunot ang noo nito at palinga-linga sa paligid. Nagulat pa si Harriette nang saglit na magpukol ng tingin ang lalaki sa kanilang sinasakyan.
Sa kabilang banda, napako naman ang atensyon ng babaeng maiksi ang buhok kay Crissa na tahimik nang nakaupo sa tabing kalsada habang inuugoy ang ngayo'y natutulog nang sanggol. Batid nitong para bang may sariling mundong ginagalawan si Crissa at walang ibang nakikita sa mga sandaling iyon kundi ang sanggol na hawak n'ya lamang.
Dahan-dahan n'ya itong nilapitan kasunod ang panganay sa magkakapatid na Harris. Nang hindi lumingon si Crissa sa kanila, o kahit man lang ay nagpukol ng saglit na tingin ay biglang natigilan ang babaeng may maiksing buhok.
Hinarap nito ang nakatatandang kapatid na Harris at nagbigay ng isang kakaibang klase ng titig. Yung tipo ng titig na parang mapapaso ka sa sobrang lamig. Lalo pa nang magsalita ito at mapadila nang marahan sa sarili n'yang mga labi.
"What happened to Crissa Harris, huh?..
.. Anong nangyari sa kapatid natin?"
Wala pa ring nakakasagot sa katanungan na iyon pero may isang bagay lang na nasisiguro ang buong grupo.
May mali talaga.
May mali talaga kay Crissa..
• END •