webnovel

Ang kababalaghan sa boarding house 11

Nalunok ko yata lahat ng laway ko. Nakapameywang si Sir Del nasa hagdanan na sya paakyat sa taas.

"Sabi ko, nasaan ang sapatos mo?"

" Sir pinatago ko po muna kay Beatrice, bukas ko na lang kukunin sa kanya."

Dali-daling lumapit sa akin si Sir Del. Nakapameywang pa rin sya.

"Mag sabi ka ng totoo, galing ka ba sa kwarto nina Beatrice kanina? Huwag kang magsinungaling!"

Parang naimartilyong pako sa pandinig ang mga salita ni Sir Del. Mahuhuli yata ako.

"H-h-hindi po ako galing doon sir, pinasuyo ko lang po talaga ang sapatos ko sa kanya." Pinandigan ko na ang pagsisinungaling ko sa kanya. Dumadami na ang mga kasalanan ko.

"Eto ang tandaan mo Ed ha, kapag nahuli kita na nasa loob ng kwarto ng mga babae, isusumbong kita sa nanay mo at ang mas madiin, papalayasin kita dito pati na si Beatrice. Nagkakaintindihan tayo?!"

"O-opo Sir." Muntik ng walang lumabas na bigkas sa bibig ko.

Tumalikod na sya at umakyat sa taas. Naiwan akong nakatingin sa kwarto nina Beatrice. Narinig kaya nya ang mga sinabi ng matanda?

Nasa kwarto na ako at nagmumuni-muni. Nawaglit ko ang intrada ni Sir Del kanina, okupado ang utak ko ng unang karanasan sa halikan. Bakit parang may nakakakiliti akong nararamdaman? Parang bitin, parang gusto kong ulitin. Ahhh, Beatrice, bakit ang galing mong humalik? Bakit anong namamagitan sa atin at ginawa natin iyon? Hindi pa naman tayo, wala akong pahayag na pormal kitang liligawan, pero bakit humantong na tayo sa kakaibang lebel ng isang relasyon. Dinama ko ng dila ang labi ko, ang lambot, ang lambot ng labi nya, parang humahalik sa kumpol ng bulak.

Tatlong oras lang yata ang naitulog ko at dinig ko na naman ang boses nya.

"Ed gising na, byahe na tayo!"

Para na naman akong tangang nangingiting mag-isa habang nasa umagang muni-muni ko sya.

Paglabas ko ng kwarto para maligo, nakita ko si Beatrice na nakabihis na. Lumapit sya sa akin.

"Uyyssst, anong sinabi ni Sir nung madaling araw? Sapatos mo pala nilagay ko na dyan sa gilid ng pinto ninyo."

Tumingin muna ako sa loob at sa labas kung naroon si Sir Del.

"Wag kang mag-alala, nakita kong lumabas ng gate si sir kanina, baka nangapitbahay."

" Narinig mo naman siguro ang sinabi nya kagabi. Alam mo bang muntik na nya akong mahuli dahil lang sa sapatos."

"Hahaha! Paano kasi sa taranta mo nakalimutan mo bitbitin sapatos mo."

"Tawa ka pa dyan, wag daw tayong pahuhuli at papalayasin tayo dito."

"Naku Ed, maligo ka na nga."

"Teka, ano yung nangyari sa atin kagabi?"

"Excuse me po, walang nangyari sa atin kagabi, nag-smack lang tayo, hahaha!"

"Di ba ginagawa lang iyon ng magboyfriend o asawa, ibig sabihin ba nun, girlfriend na kita?"

"Girlfriend?! Hindi ka pa nga nanliligaw sa akin, saka bakit sinagot na ba kita? Nag-I love you ka na ba sa akin? At sabi ko maligo ka na, amoy Sir Del ka pa, ahahaha!"

"Sige na nga, maliligo na."

Bago mag-alas syete ay nakasakay na kami ng bus, nasa bandang dulo kami ng mga upuan.

Mangilan-ngilan lang ang mga pasahero at mga kapwa estudyante rin namin ang mga sakay.

"Alam mo ang galing mong humalik, san mo natutunan yan?" Binasag ko ang katahimikan sa pagitan namin. Seryoso syang kumakain ng biscuit.

"Hindi ako proud sa kung gaano ako kagaling humalik dahil sa mga maling desisyong nagawa ko sa aking nakaraan."

" Anong nakaraan, anong maling desisyon?"

"Na-inlove ka na ba dati Ed?"

"Teka ako unang nagtanong."

Kinurot na naman nya ako, "sabi ko na-inlove ka na ba dati?"

"Parang..."

Isa pa uling kurot, " ito ang labong kausap!"

"Oo nga, ayan, wag mo na akong kurutin."

" Kasi ako dati, na-inlove ako sa isang taong buong akala ko ay sya na ang the right one for me, nagmahal ako na point 5 percent lang ang itinira ko para sa aking sarili. Tapos sa huli, yung the right person na yun, wrong turn ko pala. Lahat pa naman binigay ko sa kanya. Saklap ano?"

"What? Wala ka pa sa bente pero binigay mo na lahat, ganyan ba talaga mainlove ang isang girl?"

"Hindi naman lahat lahat, excuse me capital V-I-R-G-I-N pa ako 'no? Kahit papaano naman may pagpapahalaga pa rin ako sa aking sarili, yun ang point 5 percent na itinira ko sa sarili ko."

"As in? Kasi pagkatapos nung nangyari kagabi ang nasa isip ko ay..."

"Walang nangyari, smack lang sabi."

"What if hindi bumaba si Sir Del kagabi, naku baka tuluyan mo na akong nareyp! Hehehe!

"Baliw! Hanggang dun lang yun, sinubukan ko lang kung manyakis ka o gentleman!"

"Wow! Ano yun, diagnostic test? Hehehe!"

Napasadahan ang tagiliran ko ng magkakamag-anak na kurot.

"Pero seryoso Ed, walang stress kapag kasama ka, gusto ko ang samahan natin."

"Gusto mo ako ganun?"

"Oo, gusto."

"So kung gusto mo ako at nag-exam na tayo ng kiss ibig sabihin ba nun pasado na ako?"

Tinitigan nya ako. " Hindi mo ba alam manligaw? Ikaw, ang torpe torpe mo, naka-advance settings ka na nga sa akin pero ang hina ng antenna mo."

"Malay ko ba na gusto mo ako eh sa gusto rin kita."

Tinitigan nya uli ako. Piningot nya ng mariin ang ilong ko.

Hindi naman namalayan ang byahe at nasa terminal na kami.

(Itutuloy)

Next chapter