KAPAPARADA pa lamang ni Ross sa kanyang kotse ay luminga na kaagad siya at sinilip ang loob ng coffee shop. Six-thirty pa lamang ng umaga at halos walang katao-tao sa loob ng coffee shop base sa natatanaw niya mula sa glass wall. Bumaba siya ng sasakyan at naglakad palapit sa entrada ng coffee shop.
Pagpasok pa lamang sa loob, lumipad kaagad ang tingin niya sa dulong bahagi ng coffee shop, iyong malapit sa glass wall. May sumilay na ngiti sa kanyang mga labi nang makita ang magandang babae na nakaupo paharap sa entrada, nakatutok ang atensiyon sa librong binabasa.
Isang linggo na ang nakalipas mula nang unang tumapak si Ross sa coffee shop. Matagal na siya sa law firm subalit iyon ang unang beses na naisipan niyang pumasok sa coffee shop. Nagkataon lamang na habang nagmamaneho nang umagang iyon ay kinailangan niya ng caffeine sa katawan para mag-survive nang isa pang araw na kulang sa tulog.
And in his sleep-deprived state, Ross saw her sitting in the corner. Nakatuon ang tingin ng magandang babae sa librong binabasa—which he noted was a law book—at paminsan-minsan ay hinahawi ang buhok na tumatabing sa mukha at iniipit sa tainga. May kung ano sa babae na nakaagaw ng kanyang atensiyon nang umagang iyon. Sitting alone in that empty coffee shop, the woman looked lonely and mysterious. And she was stringkingly beautiful in a simple and effortless way.
Katulad ngayon, at katulad nang nakaraang mga araw na natagpuan ni Ross ang sariling bumabalik-balik sa coffee shop sa ganoong oras para lamang makita ang babae na ang alam lang niya ay ang pangalan.
Bianca.
Masarap agad sa pakiramdam kahit na sa isip lamang banggitin ang pangalan ng babae. He imagined calling her name in between kisses, while their bodies were close together. He imagined her calling his name, moaning it. Agad na nag-react ang katawan ni Ross sa isiping iyon. Mula nang makita si Bianca, hindi na niya kailangan ng kape para magising ang diwa. Isipin lang niya ang babae ay para na siyang naka-caffeine.
What would it feel like when he finally spoke her name out loud? Ano ang gagawin niya kapag tinawag ang pangalan ng babae at mag-angat ito ng tingin? Hindi pa niya alam.
Masakit man sa ego ni Ross, sa loob ng isang linggo ay hindi pa niya nakakausap ang babae. Tuwing sinusubukan niya na magbukas ng usapan o tangkaing umupo sa mesa ni Bianca ay para siyang ipinapako sa kinatatayuan. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon sa buong buhay niya na nahirapan siyang kausapin ang isang babae. It was the weirdest thing that had ever happened to him. Kahit kailan ay hindi siya naduwag sa kahit na anong bagay. Lalo na ang lumapit sa isang babae.
"Good morning, Sir!" masiglang bati ng babae sa counter.
Naalis ang tingin ni Ross kay Bianca at lumapit sa counter. Ngumiti siya sa babae. "My usual order, please," karinyosong sagot niya.
Lumuwang ang ngiti ng babae sa counter at tila kumislap ang mga mata. "Yes, Sir," pagkatapos ay mabilis na tumalima. Habang ginagawa ang order ay paminsan-minsang ay sumusulyap ito kay Ross. Halatang may gusto sa kanya ang babae. Alam niya dahil ganoon ang reaksiyon ng halos lahat ng babaeng nakakasalamuha.
Maliban kay Bianca. Sa loob ng isang linggo, nag-aangat lang ng tingin si Bianca kapag umuupo si Ross sa mesang katapat ng sa babae. Pagkatapos, tila bale-walang babalik si Bianca sa pagbabasa hanggang dumating ang oras na aalis na ito. Sa tuwina, laging naiiwan si Ross sa coffee shop at pasimpleng susundan ng tingin ang papalayong pigura ni Bianca hanggang sa labas.
Naalala ni Ross noong unang umaga na nakita niya si Bianca. Pinagmasdan niya ang dalaga nang lumabas ito ng coffee shop. Huminto si Bianca sa labas at tumingala sa langit. Naalala ni Ross na napahinto siya sa akmang pag-inom ng kape nang mapatitig sa mukha ng babae. She looked troubled. Nang mga sandaling iyon, tuluyang nakuha ni Bianca ang kanyang interes. Gustong-gusto niyang alamin kung ano ang ibig sabihin ng ekspresyon sa mukha ng dalaga nang umagang iyon. Higit sa lahat, gustong-gusto niyang palisin ang lambong na iyon. Hindi lang niya alam kung paano. O kung bakit gusto niyang palisin, in the first place. Ross had never been a knight in shining armour when it came to women, neither was he Prince Charming. He was just a man who was always after a good time.
"Ito na ho ang order ninyo, Sir," ngiting-ngiting sabi ng babae nang iabot kay Ross ang Styrofoam cup.
"Thanks," nakangiting sagot niya. Bitbit ang kape, muli siyang bumaling sa direksiyon ni Bianca na nakayuko pa rin sa librong binabasa. Bahagyang naningkit ang kanyang mga mata at naglakad palapit sa babae.
Sa pagkakataong iyon, sisiguruhin ni Ross na makakapag-usap na sila ni Bianca. Kailangan niyang mabigyan ng sagot ang kuryosidad na nararamdaman para sa babae. Hindi siya matatahimik kapag hindi nalaman kung ano ang mayroon kay Bianca na nakakuha ng kanyang atensiyon. Kung ano man ang maging kahantungan niyon, saka na iisipin ni Ross kung ano ang susunod na hakbang.
NANDITO na siya. Hindi nag-angat ng tingin si Bianca subalit sigurado siya na naroon na naman ang lalaking isang linggo nang nagpupunta sa coffee shop nang ganoong oras. Pagpasok pa lamang ng lalaki ay na-tense na agad siya. Sa loob ng isang linggo, tila pamilyar na sa kanya ang presensiya nito. At katulad ng dati, gustong-gusto ni Bianca na mag-angat ng tingin subalit pinigilan niya ang sarili. Hindi niya gusto ang pakiramdam na binubuhay ng lalaki sa kanya. Nakakatakot.
In the first place, bakit ba kasi balik nang balik ang lalaking ito sa coffee shop? At bakit palaging ang puwesto nito ay sa mesa na katapat ng mesang pinupuwestuhan niya? Tinutudyo na siya ni Abigail at maging ng guwardiya na siya raw ang pinupuntahan ng lalaki tuwing umaga. Iyon ba talaga ang totoo?
Kumunot ang noo ni Bianca at wala sa loob na napatitig sa pahinang binabasa ngunit hindi naman naiintindihan. Wala na kasi sa binabasa ang kanyang konsentrasyon.
"You're not really reading."
Sumikdo ang puso ni Bianca sa pagkagulat nang marinig ang baritono at tila amused na tinig. Nag-angat siya ng tingin at nakita ang lalaki na nakatayo hindi kalayuan sa kanya. May ngiti sa mga labi nito at kislap sa mga mata habang nakatingin sa kanya. Hindi niya napansin na nasa malapit na ang lalaki dahil hindi niya narinig ang langitngit ng hinihilang upuan sa katapat na mesa.
"Ano?" tanong ni Bianca nang makabawi sa pagkabigla.
Lalong lumuwang ang ngiti ng lalaki at nagsimulang lumapit. Napaderetso siya ng upo nang sa halip na pumuwesto sa katapat na mesa ay huminto ito sa mismong mesa niya. "Do you mind if I sit with you?" tanong ng lalaki.
Umawang ang mga labi ni Bianca, subalit bago pa makasagot ay hinila na ng lalaki ang katapat na silya at walang anumang umupo roon. Muling sumikdo ang kanyang puso subalit sa pagkakataong iyon, hindi na dahil sa pagkabigla. Nagtama kasi ang kanilang mga binti sa ilalim ng mesa at nagdulot iyon ng kakaibang kilabot sa kanyang buong katawan.
Nang tingnan niya ang mukha ng lalaki ay wala na ang ngiti sa mga labi nito. Ngunit may kakaibang kislap sa mga mata habang nakatitig sa kanyang mukha. Para bang nagulat din ang lalaki na hindi mawari. Naramdaman din ba nito ang kuryenteng naramdaman niya nang magtama ang kanilang mga binti?
Humugot ng malalim na hininga si Bianca at isinara ang librong binabasa. Pasimple rin niyang inilayo ang mga binti. Parang gustong magprotesta ng kanyang katawan na ayaw lumayo ngunit binale-wala iyon. "Hindi mo muna hinintay ang sagot ko kung payag akong umupo ka rito."
Muli ay sumilay ang ngiti sa mga labi ng lalaki. Muntik nang mahigit ni Bianca ang kanyang hininga. Mas guwapo ang lalaki sa malapitan at kapag ngumingiti nang ganoon. Maging ang mga mata kasi nito ay tila ngumingiti rin.
"I assumed you were too distracted to reply," pabirong sabi ng lalaki.
Mariing pinaglapat ni Bianca ang mga labi dahil sa totoo lang, tama ang lalaki. Itinaas niya ang noo. "Kahit na. Bakit hindi ka na lang bumalik sa dati mong puwesto?"
Sumandal ang lalaki at ginawang komportable ang sarili. Patunay na wala itong balak umalis. "Dalawa lang tayong customer sa coffee shop na ito kapag ganitong oras. Why don't we just sit together? I'm Ross, by the way," pakilala ng lalaki sa sarili, inilahad pa ang isang kamay.
Bumaba ang tingin ni Bianca sa kamay nito. Nakakunot pa rin ang kanyang noo dahil naguguluhan at nabibilisan siya sa pangyayari.
"Come on," pang-eengganyo ni Ross at lalo pang inilapit ang kamay sa kanya.
Umangat ang tingin niya sa nakangiting mukha ng lalaki at bantulot na tinanggap ang pakikipagkamay nito. "Ako si Bianca."
Lumuwang ang ngiti nito at pinisil ang kanyang kamay. "I know your name. Bianca."
Parang may nagliparang mga paruparo sa sikmura ni Bianca dulot ng pagpisil ni Ross sa kanyang kamay at pag-usal nito sa pangalan niya. Pasimple siyang lumunok at binawi ang kamay. Hindi inalis ni Ross ang tingin sa kanyang mukha. Napahigpit tuloy ang hawak niya sa libro na ilang linggo nang binabasa. Bumaba roon ang tingin ng lalaki bago muling sinalubong ang kanyang mga mata. "Law student?"
Kumurap si Bianca. "Ha?"
Itinuro ni Ross ang librong hawak niya. "You are reading a law book. Walang nagbabasa ng ganyan maliban na lang kung law student ka o baguhang abogado. So which is it?" palakaibigang tanong nito.
May tumimong realisasyon sa isip ni Bianca. Nilapitan siya ni Ross dahil akala nito ay customer din siya sa coffee shop. Akala ng lalaki ay magkapareho sila ng katayuan sa buhay. Kung alam ba ni Ross na sa coffee shop na iyon siya nagtatrabaho at hindi nakapagtapos ng kolehiyo, lalapitan pa rin kaya siya nito? Tatayo ba si Ross, magpapaalam, at hindi na babalik pa?
Ang tanong, gusto ba niya na mawala ang interes ni Ross sa kanya? Dahil kapag sinabi niya ang totoo, siguradong iyon ang mangyayari. Ayaw niya na magsinungaling. Subalit habang nakatitig siya sa guwapong mukha ng lalaki ay may kung anong kumirot sa kanyang puso.
Dahil ang totoo, sa mga nakaraang araw, sa kaibuturan ni Bianca ay hinihintay niya ang sandaling ito—na lumapit sa kanya ang lalaki at kausapin siya. Dahil mula nang unang makita si Ross ay nahirapan na siyang alisin ang mukha nito sa kanyang isip. Tuwing umaga, hinihintay niya ang pagdating ng lalaki. Kahit hindi siya nag-aangat ng tingin, kontento na siyang nararamdaman na nasa malapit ito.
Iyon ang unang beses na nagkaroon siya ng ganoon katinding interes para sa isang lalaki. Gusto pa niyang makilala si Ross. Gusto niyang pagbigyan ang nararamdamang kuryosidad. Just a little longer.
Nang makapagdesisyon ay bahagyang ngumiti si Bianca at sinalubong ang tingin ni Ross. "Wala alinman sa dalawa. Pinaplano ko pa lang pumasok sa law school." Hindi naman siya lubusang nagsisinungaling. Matagal na niyang pangarap iyon. Hindi pa lang natutupad dahil hindi pa sapat ang kanyang naiipon para bumalik sa kolehiyo. Nakatapos naman na siya ng tatlong taon sa kanyang undergrad course. Sa ikaapat na taon ay kinailangan niyang huminto sa pag-aaral. Subalit plano niyang ituloy iyon balang-araw. Ano naman kung twenty-seven years old na siya? Hindi mahalaga ang edad para sa taong gustong makatapos.
Nawala ang pag-aalangan ni Bianca kung tama ba ang ginagawa nang lalong umaliwalas ang mukha ni Ross. Paano siya mag-aalangan kung makikita niya ang ganoong ekspresyon sa mukha ng lalaki?
"That's great. I'm actually a lawyer. Kung may tanong ka sa binabasa mong libro, matutulungan kita," nakangiting sabi ni Ross.
Bahagyang nawala ang ngiti sa mga labi ni Bianca. Abogado si Ross? Tumunog ang warning bells sa kanyang utak. Numero uno sa listahan niya ng mga lalaking dapat iwasan ay isang abogado. Base iyon sa karanasan nilang mag-ina.
Umangat ang mga kilay ni Ross at bumakas ang pagtataka sa mukha. "What's wrong? May nasabi ba akong hindi mo gusto?"
Napabuntong-hininga si Bianca at bahagyang umiling. "Wala. Huwag kang ma-o-offend, ha? Hindi ko lang talaga gusto ang mga… abogado," maingat na pag-amin niya.
"Ayaw mo sa mga abogado pero gusto mong pumasok sa law school?" naguguluhang tanong ng lalaki.
Bahagya siyang napangiti. "Iyon mismo ang dahilan kung bakit gusto kong maging abogado. Mahirap lumaban kung hindi kayo magkalebel ng gusto mong kalabanin, hindi ba?"
Napatitig si Ross sa kanyang mukha at hindi siya nag-iwas ng tingin. Pagkatapos ay bahagya siyang nagitla nang biglang tumawa ang lalaki. Malakas, halos mag-echo sa buong coffee shop na wala pang katao-tao. Napatunganga lang siya habang pinagmamasdan si Ross. Tila nakatutunaw ng mga tuhod ang ekspresyon sa mukha ng lalaki kapag tumatawa nang ganoon. Bumata ang hitsura nito. Ang mga mata ay tila kumikislap at umaliwalas ang mukha. Sa palagay ni Bianca ay kayang-kaya niyang pagmasdan si Ross na tumatawa maghapon nang hindi siya maiinip.
"Ano'ng nakakatawa?" Sa wakas ay natagpuan niya ang sariling tinig.
Inilapat ni Ross ang kamay sa bibig, halatang pilit na pinipigil ang pagtawa. Nang magawa iyon ay muling tumingin ang lalaki kay Bianca habang nakangiting pinaraan ang hinlalaki sa ibabang labi. Para bang pinapalis ang ngiti nito sa pamamagitan ng daliri ngunit hindi nagtagumpay.
Bumaba ang tingin ni Bianca sa mga labi ni Ross. Tumahip ang kanyang dibdib at may kumalat na init sa buong katawan. Parang gusto niyang palisin ang hinlalaki ni Ross sa mga labi nito at ipalit ang sarili niyang mga daliri. Ikinuyom niya ang mga kamay upang pigilan ang udyok na hawakan si Ross.
Diyos ko, ano ba'ng nangyayari sa akin? Kumalma ka nga, Bianca, frustrated na kastigo niya sa sarili.
Nang lalong ngumiti si Ross ay mabilis na inalis ni Bianca ang tingin sa mga labi ng lalaki. Nagtama ang kanilang mga mata. May kislap sa mga mata ni Ross na tila nagsasabing napansin nito ang pagtitig niya sa mga labi nito, maging ang epekto niyon sa kanya.
"Bianca…"
Tila may nagliparan na namang paruparo sa kanyang sikmura sa pagsambit ni Ross sa kanyang pangalan. "Ano?" halos pabulong na usal niya.
Naging mapang-akit ang ngiti ng lalaki. "You are such an interesting woman."
Siya, interesante? Ano ba ang nakikita ni Ross sa kanya na hindi niya alam?
Tumango si Ross na para bang nabasa ang kanyang iniisip. "Yes, you really are. You are like a gift that I want to unwrap."
May kumalat na init sa buong katawan ni Bianca. Hindi siya nakasagot. Ano ang maaari niyang maging reaksiyon kung hindi naman siya sanay sa ganoong sitwasyon? She knew Ross was flirting with her. At kahit pa napa-flatter siya sa atensiyong ibinibigay nito, hindi pa rin siya sanay. Hindi siya sanay makisalamuha sa lalaking katulad ni Ross. She did not really know how to flirt back.
Dumeretso ng upo si Ross, mukhang walang balak hintayin ang pagsagot ni Bianca. "And I will show you, Bianca, that not all lawyers are bad. I will make you like me," determinadong pangako nito.
Napalunok si Bianca. Kahit kasi nakangiti si Ross, nakikita niya sa mga mata ng lalaki na seryoso ito. May lumukob na antisipasyon sa kanyang dibdib, na naging excitement. Halos hindi siya makahinga sa sarisaring emosyong nararamdaman. "Talaga lang, ha?"
Confident na ngumisi si Ross. "Yes."
Hindi napigilan ni Bianca ang mapangiti. Gusto niyang tumawa, bagay na matagal na panahon na yata niyang hindi ginagawa. "Tingnan natin," nasabi na lamang niya. Subalit ang dugo niya ay buhay na buhay na. Ayaw ring kumalma ng kanyang puso. Nasasabik siya na malaman kung paano tutuparin ni Ross ang sinabi nito.