webnovel

Puti O Itim Huwag Kakainin (1)

"Ruth, bakit nakatingin sila lahat sa atin?" worried na tanong ni Selna.

Napalingon siya at narealize na tama ang bestfriend niya. Sumasayaw at nag-iingay pa rin ang mga residente ng Sitio Nawawala pero nakatingin ang mga ito sa kanila. Nakangiti ang mga ito na para bang pinipilit umaktong mabait at harmless pero nakikita naman sa mga mata ng mga ito ang kalupitan.

"Mas malakas ka pa kaysa sa mga nilalang na nakatira sa sitio na ito." Iyon ang sinabi ni Lukas kanina at gusto niya itong paniwalaan. Huminga ng malalim si Ruth at pilit inalis ang takot sa kanyang puso. "Hindi nila tayo gagawan ng masama kung magiging maingat tayo."

Alanganing tumango ang mga kaibigan niya. Pagkatapos tahimik at tensiyonado nagpatuloy sa pag-upo sa isang sulok. Tiningala niya uli ang langit. Parang naiinis na ang Bakunawa kasi nagiging maligalig na ang galaw nito at umuungol na sa frustration kasi kahit anong nganga nito wala itong maisubong buwan. At least wala sa mundong ito. Napaisip tuloy si Ruth kung nakikita ba ang anino ng bakunawa sa bersyon nila ng Tala. Mukha bang may eclipse kung saan sila galing?

"Anong oras na kaya sa atin?" biglang tanong ni Danny kaya inalis niya ang tingin sa langit at bumaling sa mga kaibigan niya.

"Kung nauuna raw ang oras sa atin ibig sabihin malapit na mag alas dose ng gabi sa atin," sabi ni Andres na mukhang kahit pilit umaaktong kalmado ay nag-aalala na rin.

"Naku, baka nag-aalala na ang mga pamilya natin," sabi naman ni Selna.

"At saka nagugutom na talaga ako," reklamo ni Danny. "Natunaw na ang mga kinain natin sa perya sa kakatakbo natin."

Nang banggitin nito ang pagkain halos sabay-sabay silang napalingon sa lamesa na punong puno ng mga pagkain na noon lang nakita ni Ruth sa buong buhay niya. Dalawa lang ang kulay ng mga pagkain, puti at itim pero ang sarap ng amoy, nakakatakam at lalong nakakagutom.

"Ruth… kahit inumin lang, 'di ba talaga puwede?" mahinang tanong ni Selna.

Kumurap siya at inalis ang tingin sa lamesa. "Sabi niya huwag daw. Maniwala na lang tayo sa kaniya."

Malakas na kumalam ang sikmura ni Danny. Si Andres naman nakangiwing inalis ang tingin sa lamesa at lumunok. Si Selna mariing pumikit. Bumuntong hininga siya.

"Hindi ba kayo naiinip na nakaupo lang kayo dito?"

Nagulat silang lahat nang biglang magsalita ang magandang babae na tumawag kay Lukas na 'master'. Ni hindi nila alam kung paanong sumasayaw lang ito kanina at bigla na lang nasa tabi nila. Ngiting ngiti na naman ito at nakalahad ang mga kamay. "Bakit hindi kayo makisayaw at makikanta sa amin?"

Naramdaman niyang na-tense ang mga kaibigan niya kaya siya na ang maingat na tumanggi. Pero mas mapilit ang magandang babae ngayon kaysa kanina. Hinawakan pa nito ang tig-isang braso nila ni Andres at hinila sila patayo. Magrereklamo sana siya nang bigla nitong ilapit ang bibig sa tainga niya at bumulong, "Mas kapansin-pansin kayo kapag magkakasama. Subukan niyong makihalubilo at hindi kayo mapapaano. Hindi ko hahayaang may mangyari sa mga bisita ni master Lukas. Nakakatakot siya magalit."

Napasulyap na naman si Ruth sa ibang residente ng Sitio Nawawala. Kakaiba pa rin ang titig ng mga ito sa grupo nila, katulad ng paraan ng pagtitig nila sa lamesang puno ng nakakatakam na pagkain. Kinilabutan siya at ibinalik ang atensiyon sa magandang babae na mahigpit pa rin ang hawak sa mga braso nila ni Andres. "Sige. Sasali kami." Lumawak ang ngiti ng magandang babae.

"Ruth…" tarantang tawag sa kaniya ni Selna, nakatingala sa kanila. Niyuko niya ang bestfriend niya at pilit na ngumiti para tahimik na sabihin dito na magiging okay ang lahat. Sunod niyang sinulyapan si Andres. Nagtama ang mga paningin nila. Tipid niya itong tinanguan. Pagkatapos pareho na silang nagpahila sa magandang babae palapit sa mga residenteng sumasayaw at nag-iingay pa rin sa saliw ng malakas na tambol.

Nagkaroon agad sila ng espasyo sa gitna. Nailang siya kasi napunta sa kanila ang tingin ng lahat, may kakaibang ngiti, pero wala naman ginawang masama sa kanila. Ni hindi sila hinahawakan. Bagkus pinapakita pa ng mga ito sa kanila ang step na ngayon ay narealize niyang isang tribal dance. Nagkatinginan sila ni Andres. Pagkatapos humarap sila sa isa't isa at alanganing ginaya ang steps.

"Kumanta rin kayo," sabi na naman ng magandang babae na biglang nasa likod na pala niya. Lumingon siya para sabihing hindi sila pamilyar sa lengguwaheng gamit ng mga ito pero wala na ito, nakihalubilo na uli sa ibang residente.

"Kahit sa panaginip hindi ko inisip na mangyayari sa akin ang ganito," mahinang sabi ni Andres.

Napangiwi si Ruth at ibinalik ang tingin sa binatilyo para sana humingi ng tawad. Pero nagulat siya nang makitang may kislap ng amusement sa mga mata nito. "Kanina ko pa napapansin na hindi ka matatakutin," hindi nakatiis na komento niya.

Umiling ito, itinaas ang mga kamay at tumalon-talon na katulad ng ginagawa ng mga nakapaligid sa kanila. "Wala akong espesyal na kakayahan na katulad mo pero lumaki ako sa pamilyang naniniwala sa mga nilalang na hindi nakikita. Ang mga kuwento tungkol sa kanila…" Ipinilig nito ang ulo na parang tinuturo ang mga kasama nilang sumasayaw. "…nakalakihan ko na. Sabi ng lolo ko, imbes na katakutan sila dapat lang matutunan sila pakisamahan at kung talagang hindi puwede, matutunang iwasan."

Namangha si Ruth. "Iyan din ang sinasabi lagi ng nanay ko."

Ngumiti si Andres at biglang magaan na hinawakan ang mga kamay niya. "Alam ko noong unang beses pa lang na magkita tayo sa Literature club room na magkapareho ang naging paglaki natin. Kaya nga umpisa pa lang, palagay na ang loob ko sa'yo at gusto ko agad mapalapit sa'yo. Kaso mailap ka." Sandaling huminto ito sa pagsasalita kasi kinailangan nila magpalit ng puwesto at makisali sa pagikot ng mga kasama nilang sumasayaw.

Nang magkaharap sila uli ay nagpatuloy ito sa pagsasalita, "Sa tingin ko kasi magagawa kong sabihin sa'yo ang mga bagay na hindi ko kaya sabihin sa iba. Na kapag sinabi ko sa'yo na ang pamilya ko ang tipong sumasamba pa rin sa mga diyos at diyosa at na marami silang mga ritwal na ginagawa lalo na kapag bilog ang buwan na katulad ngayong gabi, hindi mo ako huhusgahan o tatawanan. Kasi maiintindihan mo ako. Ang ibang tao kasi, nirereject nila ang mga bagay na hindi nila matanggap na katotohanan. Everyone will think we are a very strange family. Ngayon pa nga lang na mahilig mangolekta ng kung anu-anong antique ang mga magulang ko, nawe-weirdohan na sila sa amin. Kung hindi lang kami mayaman, malamang walang gugustuhing mapalapit sa pamilya ko."

Napatitig si Ruth sa guwapo at maamong mukha ni Andres. Ni hindi niya naisip na ganoon pala ang iniisip nito mula pa noon. Na kahit halos perpekto na ito sa mata ng iba at lahat gustong maging close dito, dinidistansiya pa rin nito ang sarili kasi natatakot itong baka hindi ito matanggap ng mga tao dahil kakaiba ang pamilya nito.

Bigla niya tuloy naalala ang mga araw noong first year high school sila na palagi siya nitong naaabutan sa loob ng literature club. Natatandaan niya na madalas na silang dalawa lang ang naroon. Na palagi itong kaswal na magbubukas ng usapan pero dahil nauutal siyang kausap ito ay nagiging nakakailang ang atmosphere sa pagitan nila. Sa paglipas ng mga taon, hindi napagod si Andres na batiin at kamustahin siya. Hindi ito tumigil magbukas ng usapan at hindi nagsawang kaibiganin siya. Sa junior's prom pa nga noong February, kahit maraming babae ang gustong maging date nito at makasayaw ito buong magdamag, siya ang personal nitong inaya para maging date nito. Iyon lang, tumanggi siya kasi hindi siya dumalo sa prom.

Ngayon narerealize ni Ruth na napakamanhid niya. Na sa loob ng tatlong taon na hindi niya ito matingnan sa mga mata, hindi niya napansin na naghahanap ito ng totoong kaibigan na makakaintindi at tatanggap sa lahat ng tungkol sa pagkatao nito. Huminga siya ng malalim at sa unang pagkakataon, nagawa niyang titigan ng matagal ang mga mata nito.

"Salamat na sinabi mo sa akin ang tungkol diyan. Saka masuwerte kami na naging kaibigan ka namin kaya dapat maging proud ka sa sarili mo."

Ngumiti ito. "Ako ang masuwerte na naging kaibigan ko kayo."

Sandaling natahimik sila. Mayamaya nagsalita na naman ito. "Hindi ka umattend ng prom kaya akala ko hindi na kita masasayaw. Pero tingnan mo tayo ngayon."

Alanganing ngumiti si Ruth at iginala ang tingin sa paligid. Sino ba naman kasing maniniwala na nakarating sila sa isang lugar na tirahan ng mga aswang, engkanto at kung anu-ano pang mga nilalang na hindi nila alam kung ano ang tawag. At hindi lang sila basta nakarating, nakisali pa sila sa tribal dance.

Habang nagmamasid siya sa paligid napansin na naman niya na higit na mas matatanda ang mga 'alipin' kaysa sa mga kasali sa tribal dance para itaboy ang Bakunawa. Kumpara rin sa mga 'amo' parang walang emosyon sa mukha ng mga alipin. Na para bang nasa ilalim ang mga ito ng kung anong mahika.

Next chapter