MJ's POV
Monday morning at syempre, bilang isang estudyante ay araw na naman ng pagpasok. Nakaligo na ako at nakagayak na rin. Tapos na rin akong kumain at heto't handa nang pumasok.
"Alis na po ako, Ma," paalam ko kay Mama saka humalik sa pisngi niya. Maagang umalis si Papa dahil may aasikasuhin daw siya.
"Hindi ka ba susunduin ni Felix ngayon?" tanong niya na ikinatigil ko. Simula Sabado hanggang ngayon ay hindi na ako nakatanggap ng tawag o text galing sa kanya. Wala akong balita kung ano nang nangyari sa kanya at wala rin akong pakialam. Sa tuwing naaalala ko 'yung pangyayari dun sa parking, kumukulo lang ang dugo ko.
"Hindi po ata, e. Hindi rin po kasi nagtetext," sagot ko at nag-iwas ng tingin. Ayan na naman kasi 'yung mapanuring tingin ni Mama na akala mo iniimbestigahan ka.
Di naman 'yon nagtagal at bumuntong hininga siya matapos ay malungkot na tumango. "S'ya, sige. Mag-iingat ka, ah?" aniya at bahagyang ngumiti.
Tumango naman ako bilang sagot at lumabas na ng bahay. Nagtungo ako sa garahe at kinuha ang nakasabit na helmet sa manibela ng motor ko. Matagal-tagal na rin nang huli akong pumasok na naka-motor.
Weird mang tingnan ang pumapasok ng nakamotor sa isang babae dahil nga nakapalda kami ay wala naman akong pake. Komportable naman akong magmaneho at malaya namang nakakagalaw ang mga binti ko kaya ayos lang. Isa pa, mas mahaba ang palda ko kesa sa mga babaeng kerengkeng dun sa school.
Nang makapag-park ako ay agad din akong bumaba matapos mai-lock ang motor ko ay nagtungo na ako sa classroom namin. Doon ay nadatnan kong nakatumpok sa isang tabi ang mga kaibigan ko. Nang mapansin nila ang pagdating ko ay sabay sabay silang naglingunan sa'kin pero may iba sa mga tingin nila. Para silang inis na galit na ewan. Lalo na sina Maiko, Riz at Eliza.
Sakto naman na dumating ang teacher namin kaya agad na akong tumungo sa pwesto ko at umupo. Napatingin ako sa katabing silya ko at napansing bakante ito. Absent siya? Tanong ko sa isip ko dahil wala pa si Felix sa pwesto niya. Sa huli ay ipinagkibit balikat ko nalang ito at nakinig na sa teacher namin.
'Siguro late lang o mamaya pa papasok,' sabi ko nalang.
----
Pero mali ako ng inakala ko dahil buong araw, walang Felix na dumating. Miski ang mga teacher namin ay panay ang tanong kung anong nangyari at absent siya. Tanging iling at kibit-balikat lang ang naisasagot ko sa kanila, ganun din sina Kid na pawang nag-aalala rin. Pero hindi rin nakalagpas sa paningin ko ang matatalim na tinging ibinabato sa'kin nina Maiko. Hindi ko naman maintindihan kung ano ang ikinagagalit o inis nila sa'k—parang may ideya na ako.
Uwian na at heto't nakasukbit na sa balikat ko ang bag ko at handa nang lumabas nang harangin ako nina Maiko. Bakas ang inis at pagkairita sa kanya, ganun din kina Riz at Eliza.
"Bakit ka naman ganun, MJ? Pinagmukha mong tanga 'yung tao! Pinag-intay mo sa wala at sinayang mo 'yung effort niya—naming mga kaibigan mo!" bulyaw niya saka ako itinulak sabalikat ko dahilan para mapaatras ako. Agad naman siyang hinawakan nina Ben pero nagpupumiglas siya at pilit na sumusugod sa akin.
"Ayokong makipag-away sa'yo, Maiko," tangi kong nasabi saka nag-iwas ng tingin. Lalo siyang nagngitngit sa galit at nagpupumiglas para makalapit at sugurin ako.
"Bitawan niyo ako at patitikimin ko lang ng isa 'tong si MJ!"
"Maiko! Kalma ka lang! Hayaan mo munang mag-explain si MJ! Malay mo may dahilan siya!" saway nina Jin sa kanya pero binalewala lang niya. Sa isang iglap ay nakabitaw sina Kevin sa pagkakahawak sa kanya at isang malutong na sampal ang iginawad niya sa'kin dahilan para mapabaling sa kaliwa ang pisngi ko.
"Maiko!"
"Sumusobra ka na, MJ, e! Sobra ka na to the point na kahit kaibigan kita gustong gusto kitang iuntog sa pader para matauhan ka!" galit na sigaw niya.
Agad na gumuhit sa kanang pisngi ko ang kirot at hapdi dahil sa lakas ng pagkakasampal niya. Tingin ko rin ay bumakat ang palad niya sa pisngi ko dahil sa lakas nito. Pero hindi ako gumanti. Ayokong gumanti dahil kaibigan ko siya.
"ANO, MJ?! ANO BA TALAGANG NARARAMDAMAN MO KAY FELIX, HA?! Gusto mo ba talaga siya o pinaglalaruan mo lang ang damdamin niya?! Ano?! Sabihin mo!"
Marahan kong ibinaling ang mukha ko para direktang matingnan siya sa mata. Bakas ang galit at inis sa kanyang mukha, at ang mga nagbabadyang luha. Isa isa ko silang pinasadahan ng tingin bago ako muling nagbalik ng tingin kay Maiko na nangingig pa sa galit.
"May itatanong ako sa'yo Maiko," simula ko na mukhang hindi nila inaasahan. "Pa'no kung 'yung taong gusto mo e makita mong may kausap—hinde—kahalikan sa parking lot. Anong mararamdaman mo?" pagtutuloy ko na ikinabigla nilang lahat.
"T-Teka, anong gusto mong sabihin MJ? Na nakita mong may kahalikan si Felix sa parking lot?"
"Kelan? Saan? Saka anong oras mo nakita? Baka naman namamalik-mata ka lang!"
"Sigurado ka bang siya 'yon? Kilala mo naman si Felix di ba? hindi niya—"
"Siguro nga kilala ko siya. Kilala ko siya 'pag nakaharap siya. Pero paano naman 'pag nakatalikod na at wala na siyang kasama? Maraming tao ang may itinatagong kulo sa loob nila." Monotono kong sabi sa kanila. Nang mapatingin ako kay Maiko ay nakatulala lang siya at hindi na makaimik pa.
"Sabihin niyo nga, paano pa kayo sisipot sa isang taong ginagago ka ng patalikod? Sigurado akong si Felix 'yon dahil kilala ko ang bulto ng katawan niya. Nakasandal siya noon sa kotse niya at hindi naman ganoong kalayo ang distansya ko sa kanila para sabihin kong namalik-mata lang ako. At alam niyo ba?" pagak akong tumawa habang may namumuo nang bara sa aking lalamunan. "Hindi man lang siya kumontra nung halikan siya nung babaeng 'yon na hindi ko mawari kung may sa-security guard ba o ano dahil panay ang paggala ng kamay niya sa katawan ni Felix! Kung totoong matino ang Felix na 'yon, sana agad niyang itinulak ang malanding babaeng 'yon na mukhang coloring book ang mukha kung talagang ayaw niya do'n!"
Hiningal ako sa haba ng sinabi ko pero mas higit 'yung hingal dahil sa pangangapos ng hininga ko dahil sa pamumuo ng kung ano sa lalamunan ko. Masakit, nakaka-ubos ng hininga, nakakapanghina—tulad ng naramdaman ko nang makita ko sila.
Bakas ang pagkagulat sa kanila matapos marinig ang mga sinabi ko. Si Maiko napatakip ng bibig niya, ganun din sina Riz at Eliza. Sina Jin, Ben, Kevin at Ray naman, pare pareho ring natigilan at mukhang hindi makapaniwala sa mga sinabi ko. Sina Kid at Ken naman, parehong nagkatinginan at para bang nagtatanungan sa mga tinginan nila.
Muli akong humugot ng hininga at tumingin sa itaas, sa pagbabakasakaling mapipigilan ang mga luhang umaambang bumagsak. "N-Nakita ko siya nung Friday sa parking lot," simula ko sa kabila ng panginginig ng boses ko, "May... May kaharap siyang babae. Mukhang dito rin nag-aaral base sa uniform na suot niya at... at sobrang lapit nila sa isa't isa para sabihing nag-uusap lang talaga sila." Di ko na napigil ang luha ko nang muling mag-flash sa utak ko ang eksenang 'yon. Isa isang pumatak ang luhang kanina ko pa pinipigil. Kaya naman napayuko nalang ako bago ituloy ang sasabihin ko.
"Na-Nakita ko siyang nakikipaghalikan sa babaeng 'yon at... hindi siya kumokontra," pagtutuloy ko kasabay ang pagpiyok ng boses ko. Agad akong dinaluhan ni Maiko at niyakap ng mahigpit. Dahilan para mapahagulgol ako ng tuluyan.
"I'm so sorry, MJ! Hindi ko sinasadyan ang mga sinabi't ginawa ko sa'yo kanina. We were clueless of anything about that day at akala namin ay pinagti-tripan mo pa rin si Felix," aniya habang kasabay kong umiiyak. "I'm so sorry, MJ."
"Sorry MJ."
"Hindi namin sinasadyang pagdudahan ka," dagdag pa nina Riz at Eliza saka nakiyakap.
Pinaikutan kami ng mga boys at marahang tinapik ako sa aking balikat. Bagay na ipinagpapasalamat ko dahil kahit pa'no, may mga kaibigan pa akong handang sumalo sa'kin sa mga panahong tulad nito.
Nanatili kami sa ganoong posisyon, nag-iiyakan at panay ang paghingi ng dispensa sa isa't isa. Another first time for me kasi hindi naman ako ganito. Hindi naman ako iyakin at hindi rin ako tumatakbo sa mga kaibigan ko tuwing malungkot ako. Except for Annie na laging na-sesense 'pag may problema ako.
Nang mahimasmasan ako ay kumalas na ako sa pagkakayakap sa kanila at agad na pinunasan ang mga luha sa aking mata. Ganun din sina Maiko na pare parehong namumula ang mga ilong at mata.
Tumikhim si Kid dahilan para maagaw niya ang atensyon ko at mapatingin sa kanya. Nakahalukipkip siya at bahagyang nakakunot ang noo na para bang may iniisip na kung ano.
"Binigyan mo ba ng chance si Felix para maipaliwanag ang side niya?" seryosong tanong niya na ikinabigla ko. Natigilan ako at hindi agad nakasagot dahil... dahil alam ko sa sarili ko na hindi.
"Gaya nga ng inaasahan ko. Babae ka pa rin nga talaga," aniya at mahinang tumawa. Bahagya naman siyang siniko ni Ken sa braso pero hindi niya ito pinansin. "Alam mo kasi MJ, isa 'yan sa mga bagay na ikinaiinis naming mga lalaki sa inyong mga babae, e."
"Huy Kid! Ano bang inihu-who goat mo d'yan? Tumigil ka nga!" saway ni Ken sa kanya pero binalewala niya ulit.
"Tumahimik ka muna Ken," patungkol niya dito at muling bumaling sa'kin. "D'yan sa puntong 'yan kayo nagiging unfair sa'min. Kasi mas pinapairal niyo 'yung tamang hinala niyo bago niyo kami pakinggan sa mga paliwanag namin," seryosong sabi niya na direktang nakatuon ang atensyon sa'kin.
"Oo, alam kong maraming lalaking gago at gumagawa lang ng palusot para may mairason sa mga kalokohan nila pero paano naman 'yung mga lalaking matino pero hindi naman nabigyan ng pagkakataong ipaliwanag 'yung panig nila? Paano naman 'yung mga lalaking napasok lang sa isang sitwasyon kung saan wala silang choice kundi magsinungaling at maglihim para sa tingin nilang ikabubuti ng taong gusto nila? Di mo ba naisip na unfair ka rin kay Felix dahil sa ginawa mo?"
Muli kaming nabalot ng katahimikan dahil sa mga sinabi niyang 'yon. Tama siya. May punto siya. Masakit mang aminin pero tama siya.
"Kayong mga babae, palagi niyong sinasabi na ang tiwala ang isa sa pinakamahalagang elementong kailangan para magtagal at tumibay ang isang relasyon. Pero kayo rin mismo ang bumabali no'n dahil mas pinangungunahan kayo ng emosyon niyo sa mga pagkakataong ganito. Kita mo naman ang nagiging bunga di ba? Nakagagawa kayo ng puwang sa isa't isa."
Nag-ring ang cellphone ni Ken, dahilan para mapalingon kaming lahat sa kanya. Sumenyas siya na sasagutin lang niya ang tawag matapos ay lumayo ng kaunti at sinagot ito. Nanatili lang akong nakayuko at hindi makaimik dahil sapul ako sa lahat ng mga sinabi ni Kid.
Muling bumalik sa kumpol namin si Ken na bakas ang pag-aalangan sa mukha. "Uhh... 'yung mama ni Felix, tumawag. May sakit daw si Felix kaya hindi nakapasok at... pinapapunta tayo ro'n," aniya at napalunok bago tumingin sa'kin. "Lalo ka na MJ. Kailangan mo raw talagang pumunta. Hindi daw kasi kumakain si Felix tsaka aray din daw uminom ng gamot."
Nanlaki ang mga mata ko at nanuyo ang aking lalamunan. Napaawang ang aking bibig sa pagbabakasakaling may mahahanap akong salita pero wala.
"Give him a chance to explain, MJ. Let him state his side. To clear things up," aniya at bahagyang ngumiti't tumango sa akin. Nang pasadahan ko ng tingin ang mga kaibigan ko ay ganun din ang ginawa nila. As if encouraging me to do so.
"Tama si Kid, MJ. Tayong mga babae, nagiging unreasonable tayo sa tuwing may ganitong pangyayari sa buhay natin. Likas sa'tin ang mag-jump into conclusion. Kahit na hindi pa natin naririnig ang side nila." Tiningnan ko siya at mapanghikayat na ngumiti. "Hear him out. Para na rin malaman mo kung tama ba ang hinala mo at kung ano ba talaga ang tunay sa mga nangyari. Si Felix 'yung uri ng taong alam kong hindi kayang gawin ang mga bagay na kagaya no'n. Have a li'l faith in him."
Saglit akong nag-isip, matapos ay humugot ng isang malalim na hininga. Nag-angat ako ng tingin at marahang tumango sa kanila. "Sa tingin ko kailangan ko ngang marinig ang paliwanag niya. Sige, puntahan natin siya."