Sabi nila, kahit gaano ka daw kapursigido at kadesidido sa isang bagay, darating at darating ka sa puntong mapapahinto ka at mapapaisip kung,
"Kaya ko pa ba?"
"May halaga pa ba 'tong ginagawa ko?"
"May epekto manlang kaya sa kanya ang mga effort ko?"
Sa madaling salita, darating ka sa punto ng pagdududa. Pagduda kung, itutuloy ko pa ba? May mangyayari ba? May patutunguhan nga ba?
Ilang araw, linggo, at buwan na rin ang nakakalipas mula nang suyuin ko si MJ, at hanggang ngayon, masasabi kong mas lalo akong nahirapang paamuhin siya dahil habang nagpupursigi akong maging parte ng buhay at pagbabago niya, lalo lang siyang lumalayo at dumidistansya sa akin.
"Sumusuko ka na ba?" tanong niya sabay lagok ng rootbeer na hawak niya. Bahagya akong natawa sa sinabi niya at lumagok din ng root beer na hawak ko.
"Pakiramdam ko masyado pang maaga para sumuko sa kanya," nakangiting sabi ko pero sa loob loob ko, masakit din, syempre.
Muli niyang tinungga ang root beer niya hanggang sa huling patak, matapos ay nilukot ang lata nito saka itinapon sa kung saan. "Mali pala ang tanong ko. Hanggang saan pa ba ang kaya mong indahin para sa kanya?" tanong niya saka bumaling ng tingin sa akin.
Napatingin nalang ako sa lata ng root beer na hawak ko. Inikot ikot ko ito, iniisip kung paano ko sasagutin ang tanong niya. Muling nanumbalik sa isip ko 'yung ginawa kong surprise kay MJ kanina. Napatingin ako sa mga daliri kong puro kalyo dahil sa pag-aaral kong maggitara.
Oo. Nag-aral akong maggitara para sa kanya. Pinilit kong matuto sa loob ng isang linggo para lang matugtugan at makantahan siya. Ilang gabi akong tumutok at nagpakapuyat sa kakanood ng mga tutorial sa youtube matutunan lang ang chords ng kantang kakantahin ko para sa kanya. Ang kantang Thinking Out Loud ni Ed Sheeran.
Kaninang uwian, kinakuntsaba ko sina Ben at ang buong barkada para sa surprise ko kay MJ. Pumayag naman sila at tinulungan ako sa plano ko. Nang makita nilang palabas na si MJ ay agad nila itong piniringan at dinala sa lugar na sinet-up ko para sa kanya. Doon 'yon banda sa may garden ng campus namin. May mga heart shaped balloons, petals ng red roses na nakakalat sa lugar kung saan siya daraan, at tigi tigisang bulaklak ng sina Ben ang may hawak. Lahat 'yon inihanda ko para sa surpresa ko sa kanya.
Nang makarating na sina Maiko, na siyang nakaalalay kay MJ habang naglalakad siya, sinenyasan ko silang tanggalin na ang blind fold niya dahil panay na ang reklamo niya. Nang matanggal na ang blind fold niya, doon ako nagsimulang tumugtog ng gitara. Nanlalamig ang mga kamay ko, tumatahip ang dibdib ko at muntik ko na nga ding makalimutan ang lyrics dahil sa kaba ko habang nakatitig ako sa kanya.
Marahan siyang tinulak ni Maiko sa likod, udyok na lumakad siya patungo sa akin. Habang naglalakd naman siya ay isa isa siyang inaabutan ng mga rosas nina Ben at ng ilan pang kaklase kong pinakiusapan ko rin. May mga nakikiusyoso din na panay ang tili habang pinapanood kami pero siya? Walang emosyon.
Nakatingin lang din siya sa'kin na may blangkong ekspresyon. Nandoon pa rin 'yung boyish $aura niya na makikita sa paraan ng pananamit at paglakad niya pero wala akong pakialam dahil para sa'kin, 'yon ang mga bagay na magde-describe sa isang "MJ".
Nang matapos ako sa pagtugtog ng gitara't pagkanta, sakto ding nasa harapan ko siya, ay nginitian ko siya. Nangingnig ang mga kamay ko't namamawis dahil ito ang unang beses na ginawa ko ito sa isang babae. At sa harap ng maraming tao.
"Nagustuhan mo ba?" nakangiting tanong ko sa kanya. Nagbaba siya ng tingin at tinitigan ang mga rosas na nasa kamay niya, ang mga dekorasyong lobo na hugis puso, ang buong paligid, hanggang sa muli niyang ibalik ang tingin niya sa'kin.
Inagaw niya sa'kin ang gitarang hawak ko saka isa isa ipinakita sa akin ang mga chords na tinugtog ko kanina. "Mali mali pa ang chords mo. Nawawala ka rin sa tiyempo sa strumming at pagkanta mo. At higit sa lahat, nawawala din sa tono ang boses mo," dire diretsong sabi niya na ikinabura ng mga ngiti ko.
"MJ, isang linggo lang kasi ang practice ni Felix. Sana naman-"
"Bago ka gumawa ng mga ganitong bagay, at bago ka gumawa ng sarili mong kahihiyan, siguraduhin mo munang hindi ako nanonood at hindi ako involve. Nakakainis lang kasing isipin na parte ako ng kalokohang 'to," putol niya sa paliwanag ni Ken. "Kung ako sayo Felix, tumigil ka na. Wala kang mapapala sa mga pinaggagagawa mo at sinasayang mo lang din ang oras at panahon ko." Huli niyang sinabi saka tumalikod at lumakad palayo sa'kin.
Pinagmasdan ko siyang unti unting makalayo mula sa kinatatayuan ko. Saglit siyang tumigil nang makatapat siya sa isang basurahan at doon, muli niyang itinapon ang mga bulaklak na hawak niya. Saka muling lumakad palabas ng school grounds habang ako, muling napako sa kinatatayuan ko.
Narinig ko ang mga simpatya't pampapalubag loob ng mga kaibiga't kaklase ko pero, masakit pa rin. Kahit na lagi niyang ginawa 'yon sa mga bagay na ginagawa't ibinibigay ko.
"Sabi ko sa sarili ko, kakayanin ko ang lahat kahit na anong pahirap ang gawin niya sa'kin. Kakayanin ko nga siguro, oo, pero tao lang din ako at marunong din akong masaktan," pag-amin ko saka tinungga ang lamang ng root beer saka nilukot ang lata nito. "Inasahan ko naman nang ganito kahirap pero, mahirap pa rin pala talaga 'pag aktwal na. Masakit pa rin pala talaga 'pag harapan na. Masakit dito, o," sabi ko at itinuro ang kaliwang dibdib ko. "Minsan tuloy gusto ko nang sumuko."
Muling nagbalik sa isip ko 'yung lahat ng mga ginawa kong effort sa kanya. 'Yung panghaharana namin sa bahay nila na nagtapos sa pambubuhos niya sa'min ng tubig, 'yung pagsira niya sa mismong harapan ko nung card na ako mismo ang gumawa't nagdisenyo, 'yung paulit ulit na pagtatapon niya ng mga bulaklak na binigigay ko-lahat 'yon nanumbalik sa alaala ko.
Narinig ko ang bahagyang pagtawa niya, dahilan para mapatingin ako sa gawi niya. "Ang hirap manuyo sa taong ipinagtutulakan ka 'no? Ang hirap lumapit sa taong parang may allergy sa'yo na ayaw na ayaw malalapit sa kanya. Ang hirap mahulog sa taong wala naman atang balak sagutin ka," pahayag niya habang nakatingala sa kalangitan.
"Kung makapagsalita ka, parang may pinaghuhugutan ka ah. May nagpapatibok na rin ba n'yang puso mo?" tanong ko sa kanya dahil wala naman siyang naikukwento sa'kin.
Tumawa siya at nagbaba ng tingin. "Meron. Kaya nga alam ko 'yung nararamdaman mo, e," pag-amin niya na ikinagulat ko.
"Bakit wala kang naikukwento sa'kin? Akala ko ba mag-best friend tayo, Drei?"
"Ayoko munang ikwento sa'yo ang storya ko dahil baka magkaiyakan lang tayo ngayon. Nandito ako bilang tagapakinig mo at hindi tagakwento rin ng kwento ko." Aniya na nakangiti ngunit may bahid ng lungkot.
Siya ang elementary best friend ko na si Drei o Andrei. Grade 1 palang ay magkaibigan na kami at hanggang nag-grade 6 ay halos magkapatid na ang turingan namin. Nagkahiwalay lang kami nang tumuntong kami ng high school pero hindi pa rin nawawala ang pagkakaibigan namin. Kaya nga heto siya't karamay ko.
Tinawagan ko kasi siya at sinabing kailangan ko ng kausap, agad naman siyang pumayag dahil alam na niya ang ibig kong sabihin sa "kailangan ko ng kausap". Alam na niyang karamay ang ibig kong sabihin.
Sinundo ko siya mula sa bahay nila at bumili na rin ng ilang root beer. At heto kami ngayon sa paborito naming tambayan tuwing nagkikita kami. Sa isang bakanteng lote na matatanaw ang syudad.Kitang kita ang mga ilaw na kumukinang sa dilim ng gabi na nanggagaling sa mga building at kakalsadahan. Tahimik rito at mahangin, nakakarelax kaya naman ito ang naging tambayan namin.
"Ang bawat love story ay parang cocktail drink, Felix. May iba't ibang halo, timpla at lasa," aniya na nakatawag ng atensyon ko. "Halimbawa, maaaring sa una, mapait muna ang lasa, tapos sa bandang huli ay masarap na. Meron namang sa una, masarap talaga kaya naman magpapakalunod ka hanggang sa hindi mo na kaya at makatulog ka. Pwede rin namang matapang na gumuguhit agad sa lalamunan o di kaya, tipong isang shot palang, tatamaan ka na agad." Lumingon siya sa gawi ko at tinapik ang balikat ko. "Ikaw ang barista ng cocktail mo, Felix. Ikaw ang bahalang magtimpla at humusga kung sakto na ba ang lasa, masarap ba, o kung ilang lagok pa ang kaya mong tagalan." Aniya at gumuhit ang isang ngiting nakagagaan ng loob.
"Salamat, Drei. Salamat sa pakikinig," sabi ko na sinuklian niya naman ng ngiti.
~ ~ ~ ~ ~ ~ ~
Matapos ang pag-uusapa naming 'yon ay nagpaalam na rin kami sa isa't isa dahil gabi na at hindi pa ako nakakauwi ng bahay kaya naman naka-uniform pa ako. Siguradong nag-aalala na sina Mama dahil hindi naman ako nagsabing gagabihin ako.
Habang nagda-drive ay nakabukas ang radio, nang biglang tumugtog ang isang kantang tingin ko ay bagay na bagay sa nararamdaman ko ngayon. Napangiti ako ng mapait habang pinapakinggang ang lyrics nito na talaga namang tumatagos sa puso ko.
But my love went stronger than before
I wanna see you more and more
But you closed your door
Why don't you try to open up your heart
I won't take so much of your time
Maybe, it's wrong to say please love me too
'Cause I know you'll never do
Somebody else is waiting there inside for you
Maybe it's wrong to love you more each day
'Cause I know he's here to stay
But I know to whom you should belong
Ipinatong ko sa nakabukas ng bintana ang kaliwang braso ko habang sinasabayan ang kanta. Napaisip tuloy ako kung,
'Hanggang dito nalang ba ang kaya kong gawin para sa kanya?'
'Kulang pa ba ang mga ginawa ko?'
'O wala lang talagaang mga 'yon sa kanya?'
Lahat 'yan pumasok sa isip ko pero agad din namang nawawala nang maalala ko ang sinabi ni Drei sa akin.
"Siguro napapagod ka lang sa kakahabol sa kanya, habang siya naman ay panay ang pagtulak sa'yo. Kung seryoso ka talaga sa kanya at tingin mo ay totoo ang nararamdaman mong 'yan sa kanya, maaaring mapagod ka, oo, pero kailangan mo lang ng konting pahinga. At pag nakapag-recharge ka na, kakayanin mong muli ang habulin at suyuin siya. Gaya nga ng sabi mo, tao ka lang na marunong mapagod. Pero nagiging immortal tayo 'pag nagmamahal. Nagagawa natin ang mga bagay na hindi nagagawa ng normal na tao. Nagiging kasing lakas tayo ni Superman."
Maaaring mapagod ako sa paghabol sa'yo, MJ. Pero hinding hindi kita susukuan kahit na anong tulak at pagpapahirap ang gawin mo sa'kin. Ganoon ko siya kamahal at patutunayan ko 'yon sa kanya. Kahit sa anong paraan pa.