_
FRANCE
Nahulog sa malalim na pag-iisip si Brad habang kausap nito si Anselmo. Hindi na tuloy nito napansin ang biglang pagkislap ng mga mata ng huli ng dahil sa sinabi niya.
Habang naglalakbay ang isip ni Bradley sa mga tanong na hindi masagot.
Naisip niya tila ba maraming itinatagong lihim sa kanya ang kanyang Ama. Pero bakit ayaw nitong maging malapit siya sa kanyang kapatid. Kahit half sister lang niya ito magkadugo pa rin naman sila.
Hindi ba dapat pa nga mapalapit siya dito para matulungan niya ang ama O baka naman ayaw talaga ng Anak nito na makilala siya?
Lalo pa ngang gumulo sa isip niya ng malaman na Apo ito ni Dr. Ramirez. Marahil Anak ni Dr. Ramirez ang ina nito.
Naguguluhan tuloy siya ngayon kung dapat ba niyang sabihin sa Ama ang mga nalaman niya?
Pero paano kung pagbawalan naman siya nito na lumapit pa sa Doctor?
Ah' hindi p'wede, ayaw niyang mangyari iyon. Lalo na ngayon na napalapit na siya ng husto sa matandang Doctor.
Hindi niya alam kung bakit pero magaan ang pakiramdam niya sa Doctor. Mula ng makilala niya ito dito lang niya naramdaman na hindi siya nag-iisa.
Dahil dito hindi lang siya nagkaroon ng isang mentor o guro. Nagkaroon rin siya ng Lolo at higit sa lahat ng totoong Ama sa katauhan nito.
Nang dahil sa kaabalahan ng isip hindi tuloy niya agad napansin na kanina pa pala nagsasalita si Anselmo. Ang galit na mukha nito ang muling bumungad sa kanyang harapan.
Kaya't isang sampal ang muling gumising sa kanyang kamalayan. Nagmula sa tila bakal na kamay ng sarili niyang Ama.
Kaya hindi na siya magtataka kung papasok na naman siya ng nakayuko ang ulo mamaya, upang kahit paano maikubli ang mga pasa niya sa mukha.
Kung minsan nais na niyang magrebelde sa Ama. Gustong gusto na niya itong labanan.
Subalit nitong huli, muling naliwanagan ang isip niya. Dahil na rin sa payo ni Dr. Ramirez at sa mga kwento nito tungkol sa nawala nitong Anak noon.
Nakakalungkot kasing isipin na namatay ang Anak nito na wala sa poder nito ng hindi man lang sila nagkapatawaran.
At alam rin niya na labis itong dinamdam ng matandang Doctor. Kaya marahil naging masakitin ito nitong huli. Dahil labis itong nasaktan sa isiping wala na ang Anak at hindi na ito babalik pa kahit kailan.
Nakapanghihinayang...
Bagay na hindi niya gustong mangyari sa kanilang mag-ama. Dahil aminin man niya o hindi umaasa pa rin siya na magiging maayos silang mag-ama.
Dahil kahit ano pa ang gawin nito sa kanya, kahit paulit-ulit pa siya nitong saktan. Ito pa rin ang kanyang Ama at kung wala ito wala rin siya. Kaya mahal na mahal pa rin niya si Anselmo.
_
"Tang***! Titigan mo na lang ba ako, hindi mo ba ako narinig at kailangan pa ba kitang sampalin ulit ha? Punyeta ka!" Malakas na sigaw ni Anselmo na halos bumingi sa kanya nang hindi pa rin siya kumibo.
"H-hindi na po Papa, s-sorry po!" Mabilis na niyang tugon ng muli siyang mahimasmasan.
"Tanga ka talaga ang sabi ko ibigay mo na lang sa akin ang address at ako na ang bahala!"
"O-opo sandali lang..." Saglit na dumukot siya sa bulsa ng suot niyang uniporme. May kinuha siyang maliit na piraso ng papel kung saan niya isinulat ang address saka ito iniabot kay Anselmo. "Kung gusto n'yo po sasamahan ko na kayo papunta doon para..." Suhestyon pa sana niya, ngunit...
Hindi na siya nito pinatapos pa na magsasalita.
"Hindi na kailangan, huwag na! Hindi ba sabi ko naman ako na ang bahala? Sinabi ko rin sa'yo na bawal kang lumapit sa kanya at bawal ka ring magtanong.
'Hindi ko na siguro kailangang paulit-ulit pang ipaalala sa'yo at idikdik pa diyan sa malabnaw mong utak? Dahil naiirita na talaga ako sa'yo at sa katatanong mo buwisit ka!"
"S-sorry po Papa, hindi na po ako magtatanong." Tugon na lang niya upang hindi na ito magalit pa.
"Sorry, sorry tumabi ka nga diyan buwisit!" Tinabig pa siya nito at patalikod na tumungo sa pinto. Marahil aalis na ito?
Ngunit bago pa nito napihit ang seradura ng pinto. Muli itong bumaling ng tingin sa kanya na parang may nakalimutan.
Ang buong akala niya nagbago ang isip nito. Tila nakasilip siya ng munting pag-asa.
Ngunit hindi pala...
"Ah' nakalimutan ko wala nga pala akong pera. Baka naman gusto mo akong bigyan nang may pakinabang ka naman."
"Wala na po akong ekstrang pera Papa pambili na lang po natin ng supplies at renta ng bahay. Hindi po ba binigyan ko naman kayo kahapon?" Tanong niya.
"So kinukwenta mo na pala ang ibinibigay mo sa'kin! Akala mo naman kung gaano kalaki ang ibinigay mo at nagmamalaki ka na. Kung nasa Pilipinas lang ako hindi ako hihingi sa iyong bugok ka!" Galit pang tugon nito sa kanya ng dahil sa sinabi niya.
Kahit pa wala naman talaga siyang intensyon na galitin ito.
"Hindi naman po sa ganu'n Papa, kaya lang po kasi kailangan pong magbayad ng renta ngayon. Kaya hindi ko po kayo mabigyan kas..."
"Ang sabihin mo talagang madamot ka! Sasabihin mo lang kung ayaw mo, napakasimple, tapos ang usapan." Putol nito sa paliwanag pa sana niya.
"Papa..." Napalakas pa ang pagtawag niya dito ng bigla na lang itong tumalikod.
Hindi na siya nag-isip pa ng mabilis rin niyang dinukot ang wallet niya sa bulsa at kumuha ng ilang piraso ng perang papel.
Hinabol niya si Anselmo na nagawa nang pihitin ang seradura ng pinto.
"Papa, ito na po ang pera siguro gagawa na lang po ako ng paraan bukas para sa renta." Sabay abot niya dito ng hawak na pera.
Limang piraso na tig-isang daan Euro ang iniabot niya sa Ama. Mahigit sa 600€ ang upa niya sa apartment na tinutuluyan. Naisip niya bahala na kung saan niya kukunin ang kulang sa matitira niyang pera.
"Ano 'to?" Saad ni Anselmo ng hawak na nito ang pera.
"Alam ko namang kailangan n'yo 'yan para mapuntahan n'yo ang kapatid ko. Kaya sige na po Papa, gagawa na lang po ako ng paraan bukas." Mahinahon pa niyang saad.
"Hah' ito lang ba ang hawak mong pera, ibibigay mo rin pala dami mo pang arte. Ibigay mo na sa'kin lahat ng hawak mong pera. Tutal makakagawa ka naman ng paraan hindi ba. Bakit ba inuunti unti mo pa? Ibigay mo na sa'kin lahat at gumawa ka na lang ng paraan. Alam mo naman pa lang kailangan ko 'yan nagdadamot ka pa! Ibigay mo na sa'kin, dali na..."
"Pero Papà..."
"Ibibigay mo ba o aarte ka pa? Kalalaki mong tao napakaarte mo!" Halos ito na ang dumukot sa bulsa niya.
Kaya wala na siyang nagawa ng ito na mismo ang kumuha sa wallet niya. Lalo na, nang kunin nito lahat ang pera niya at wala na itong itinira.
Natigilan na lang siya at hindi na nakahuma pa. Nasundan na lang niya ng tingin ang pagkalaglag ng wallet niya sa sahig. Nang kunin niya ito at tingnan...
Wala na itong laman maliban sa mga naiwang statement receipt na kailangan niyang bayaran ngayong araw.
Kagabi pa pinaghiwa-hiwalay na niya ang bawat isa para ibabayad na lang niya pagkagaling niya sa school. Pero ngayon wala na ito, wala na rin siyang pera maliban sa baryang nasa bulsa.
Ano na ngayon ang gagawin niya sa lahat ng bayarin niya? Sinabi lang naman niya na gagawa siya ng paraan. Pero ang totoo hindi niya alam ang gagawin niya wala naman siya sa Pilipinas.
Kaya paano na... Saan pa siya kukuha ng pera?
Napaupo na lang siya sa sahig pasandal sa sopang naroon sa maliit na sala.
Nakayuko ang kanyang ulo habang hawak ng magkasalikop niyang mga kamay. Tama ang kanyang Ama iyakin nga yata siya. Pero umiiyak lang naman siya palagi ng dahil lang rin kay Anselmo.
____
Kasalukuyang nagdidilig ng mga halaman si Amara sa kanilang garden ng mga oras na iyon.
Nakasanayan na kasi niya itong gawin tuwing umaga at ito na rin ang libangan niya dito sa bahay.
Medyo may kalakihan ang bahay at maluwang ang Garden may mga puno at iba't-ibang klase ng halaman. Ngunit maayos pa rin at maaliwalas itong tingnan.
May limang metro rin ang layo ng bahay sa Garden.
Natutulog pa kasi hanggang sa mga oras na iyon si Joseph at si Kisha. Ang aga naman niyang nagising kanina at hindi na siya makatulog.
Nagisnan rin niyang abala sa paghahanda ng iluluto ang mga kasambahay para sa kanilang almusal.
Gustuhin man niyang tulungan ang mga ito ngunit wala naman talaga siyang maitutulong. Dahil bagsak talaga siya pagdating sa pagluluto hindi tulad ng kanyang Ate Amanda.
Mahusay at masarap pa yatang magluto si Joseph sa kanya. Buti na lang ito na ang nag-aadjust para sa kanya.
A year ago, sumailalim na rin sa renovation itong bahay. Ngunit s'yempre pinanatili pa rin nila ang uniqueness ng kabuuan ng kabahayan.
Minana pa kasi ito sa Parents ni Mama Adriana at pinamana naman kay Joaquin ng Lolo nito. Ngayong narito sila sa France dito na sila tumuloy pagkatapos itong irenovated.
Ang plano sana kasama nila ang mag-amang Joaquin at VJ. Pero dahil mas gusto ng mga ito na manatili ng Pilipinas at iyon ay dahil sa kanyang Ate. Kaya sila na lang ang natuloy bumiyahe dito sa France. Kasama rin ang kanilang Papa Liandro.
May dalawa rin silang pilipinang kasambahay ang isa nakatoka sa kusina at ang isa naman ay sa paglilinis ng bahay. Bukod pa kay Yaya Yolly na kasama rin nilang pumunta dito sa France.
Kaya naisipan na lang niya ang magdilig ng Garden tutal wala naman siyang ginagawa. Ayaw rin kasi ni Joseph na magtrabaho pa siya mula pa ng mahirapan siya sa pagbubuntis.
Lalo na ngayong kabuwanan na niya kaya ano mang oras posible na siyang manganak. Gusto sana ni Joseph na magpa-CS na lang siya pero tumanggi siya.
Alam niyang kakayanin pa naman niya ang manganak ng normal.
Gusto niyang manatiling natural ang pagiging ina niya sa kanyang mga Anak. Magpapa-Cs lang siya kung talagang kailangan.
Kahit paano naman maayos na ang pakiramdam niya ngayon kaysa ng mga nakaraang mga buwan talagang bedridden siya.
Bahagyang kilos lang niya dinudugo na siya.
Ngayon kahit paano normal na siyang nakakakilos. Mabuti na lang pareho silang fighter ng baby niya...
Marahan pa niyang hinihimas ang tiyan habang kumakanta at nag-iispray ng halaman.
Bukod sa pangarap na pagiging Architecture ng kanyang Ama. Ang pagkanta ang isa pa sa namana niya dito. Dahil mahilig rin talaga siyang kumanta at sa ganda ng boses.
Sigurado rin namang hindi siya mapapahiya sa kanyang Ama. Kung nabubuhay lang sana ito marahil nanaisin niyang palagi itong makasabay sa pagkanta at pagtugtog ng gitara.
Dahil lumilipad ang kanyang isip kung kaya't hindi na niya pansin ang nangyayari sa paligid.
Hindi tuloy niya napansin ang pakubling pag-akyat ng isang imahe sa kaliwang bahagi ng kanilang bakuran na natatakpan ng puno at malalagong halaman.
Bagama't medyo may kataasan ang kanilang bakod. Ngunit tila napakasimple lang na nilundag nito ang bakod at tuloy tuloy na umakyat at pumakabila sa loob ng kanilang bakuran.
Kung makikita at makikilala lang niya ito. Siguradong hindi niya ito gugustuhing makita pa lalo na sa pagkakataong iyon.
Dahil ang taong ito ay walang iba kung hindi si....
___
ANSELMO
Kahapon pa nagpapabalik-balik si Anselmo sa lugar na iyon sa address na ibinigay sa kanya ni Bradley.
Ngunit hindi siya makakuha ng tiyempo. Parang gusto na nga niyang pagdudahan ang address na ibinigay ng binata sa kanya.
Pakiramdam kasi niya niloko siya nito at iniligaw. Paalis na sana siya upang umuwi at sakalin ang binata ng dahil sa maling address na ibinigay nito.
Ngunit sa huling pagkakataon nakita mismo ng dalawa niyang mga mata ang babaing kanyang hinahanap.
"Tingnan mo nga naman ang saya at ang sarap pala ng buhay ng babaing ito dito." Bulong pa nito sa sarili ng mga sandaling iyon.
Ngunit hindi ito nabigyan ng magandang pagkakataon upang malapitan man lang si Amara.
Ang babaing matagal na panahon rin na inakala at kinikilala ni Anselmo bilang kanyang Anak.
Kung kaya't pinag-aralan na lang muna niya ang buong paligid.
Napansin niyang ang tahimik ng lugar at isa lang ang CCTV sa buong paligid, naka-focus lang ito sa main gate. Maaaring para lang ito sa mga taong papasok at lalabas.
Tahimik at payapa ang lugar dahil hindi iniisip ng mga tagarito na may magtatangka ng masama, manggugulo o kahit pa magnanakaw sa lugar na iyon.
Napansin rin niya na walang security personnel ang bawat bahay maliban lang sa security na nagra-round sa buong Village every hour upang tiyakin lang na maayos ang buong lugar.
Kaya't pagbalik niya ngayong araw buo na ang kanyang loob. Handa na rin siya at alam na ang dapat niyang gawin.
Ang bawat kilos niya at galaw ay maingat, kalkulado na rin niya ang kaniyang gagawin.
Pumuwesto na siya kung saan hindi naaabot ng cctv, ngunit malinaw niyang matatanaw ang pinaka main door entrance ng bahay. Dito siguradong makikita niya kung sino man ang lalabas ng bahay.
Doon matiyagang naghintay si Anselmo ng sino mang lalabas ng bahay. Hindi na nga ito umuwi pa ng apartment at sa isang 24 hours spa na malapit lang doon ito nagpalipas ng magdamag.
Hanggang sa...
Mukhang kinasihan naman si Anselmo ng pagkakataon ng araw na iyon. Dahil eksaktong nakita nito mismo si Amara na lumabas at mukhang patungo ito sa Garden.
Hindi na ito nag-aksaya pa ng panahon, agad itong nagkubli sa bandang kaliwa ng bakuran kung saan hindi rin ito mapapansin.
Naghintay lang ito ng magandang t'yempo at nang mapansin nito na nalilibang na si Amara. Saka ito nagsimulang kumilos na tila may katiyakan.
Kung gaano ito kabilis lumundag sa bakod, ganu'n rin nito kabilis nilundag ang kabilang bakuran sa loob. Tila ba bihasa na ito sa ganitong gawain.
Dahan-dahan at walang kilatis itong naglakad upang makalapit kay Amara.
Wala namang kamalay-malay si Amara sa nakaambang panganib ng mga oras iyon.
Sobrang magaan at maganda ang pakiramdam ni Amara ng mga oras na iyon para isipin pa ang mga negatibong bagay. Dahil hindi man lang sumagi sa isip nito na natakda na pala silang magkita ni Anselmo ng mga oras na iyon.
Kahit pa nasabihan na rin ito ni Dustin na mag-ingat ito. Dahil batid nila na maaaring nasa Europe na rin si Anselmo.
Pero nasa isip ni Amara na malayo na masundan pa siya ni Anselmo sa France.
Imposible!
Ngunit kung minsan kahit pa hindi mo inaasahan, nangyayari at nangyayari pa rin ang mga bagay....
Kaya't laking gulat nito nang makaharap na si Anselmo.
"Kumusta mahal kong Anak, mukhang nakalimutan mo na yata si Papa ah'?!" Mapanlinlang na saad ni Anselmo habang nakangisi pa itong humarap kay Amara.
Magkahalong gulat at pangamba ang agad na rumehistro sa mukha ni Amara. Ngunit sinikap nito na agad kalmahin ang sarili.
Hindi sigurado si Amara sa mga ipinakikita ngayon sa kanya ni Anselmo. Nagkukunwari ba ito? Kung kaya't minabuti na lang ni Amara na sakyan na lang muna si Anselmo.
"A-an... P-papa?"
Mas lumapit pa si Anselmo kay Amara at pasimple pa nitong inakbayan ang babae. Napuno naman si Amara ng kaba ng mga sandaling iyon. Dahil hindi nito maisip kung ano ang una nitong dapat gawin.
May kalayuan ang Garden sa bahay kaya batid niya na hindi siya maririnig ng mga tao sa loob ng bahay. Kailangan niyang mag-isip ng dapat gawin ngunit paano?
"Papa? Tinawag mo akong Papa pero mukhang nakalimutan mo ako noong mag-asawa ka!
'Ngayon mukhang magkakaanak ka na, ngunit tila wala ka ring balak ipakilala sa'kin ang aking Apo... Tama?!" Parunggit pa nito.
"H-hindi naman sa ganu'n..."
"Haha... Sinungaling ka talaga Anak! Pero okay lang hindi naman na ako interesado pa na makilala siya. Dahil hindi na rin naman mangyayari 'yun!" Tila ba may ibig itong ipahiwatig.
"A-anong ibig mong sabihin?!"
"Hindi mo ba mahulaan? Ganito 'yun... " Marahas nitong ibiniling paharap si Amara.
Hinawakan pa nito ng mahigpit ang magkabilang balikat ni Amara na napuno na takot ng mga oras na iyon. Takot hindi para sa sarili nito, kun'di takot para sa anak.
"Dahil alam mong hindi ko siya apo. Dahil hindi ikaw ang anak ko, hindi ba?!" Pagpapatuloy pa nito.
Mas lalo pang nakaramdam ng takot si Amara ng dahil sa sinabi ni Anselmo.
Dahil isa lang ang ibig sabihin nu'n, alam na nito ang lahat at wala na siyang takas.
Maaaring batid na rin nito ang ginawa niyang panlilinlang dito. Nakatakda na ba niyang saluhin ang ang lahat ng galit nito?
Paano na, ano nang gagawin niya ngayon. Siguradong magagawa siya nitong saktan ng hindi na malalaman ng mga kasama niya.
"Anselmo, bitiwan mo ako!" Lakas loob pa rin niyang piksi dito.
"Tama, Anselmo iyan ang itawag mo sa'kin. Dahil hindi kita, Anak gaga ka!" Malakas na sigaw nito.
Alam rin ni Anselmo na walang sino man ang makaririnig sa kanila sa bahaging iyon ng Garden. Kaya malakas ang loob nitong sumigaw at komprontahin siya.
Malayo ang pagitan ng mga bahay. Dahil na rin sa maluluwang na mga bakuran. Bukod pa sa mga malalagong halaman at puno na nakatabing sa kinaroroonan nila ngayon.
Sino ba mag-iisip na may nagaganap pa lang karahasan sa napaka tahimik na lugar?
"Akala mo ba gusto kong maging Ama ka? Isa kang hangal, kahit kailan hindi mo mapapantayan ang Papang ko. Tandaan mo 'yan Anselmo!" Malakas ang loob na sigaw rin ni Amara kay Anselmo sa kabila ng takot niya.
Kahit pa nanatiling mahigpit pa rin ang pagkakahawak nito sa kanyang mga braso.
"Punyeta ka, ang lakas naman ng loob mong ipamukha sa'kin 'yan. Manang mana ka talaga sa ama mong walanghiya! Namatay siya dahil sa katigasan ng ulo niya at kayabangan." Patulak na isinalya ni Anselmo si Amara sa isang puno kaya naman tumama ang likod nito sa katigasan niyon.
Bahagya pa itong napangiwi dahil sa sakit na naramdaman. Ngunit walang namang pakialam si Anselmo. Dahil muli lang ito nagpatuloy.
'Hindi na ako magtataka na kayo nga ang nababagay na mag-ama. Dahil mukhang gagayahin mo rin, maging ang kamatayan niya.
'Kaya lang sayang naman ang batang iyan!" Sabay turo nito sa tiyan ni Amara. "Ang malas niya dahil ikaw ang kanyang Ina."
"Hindi, mas magiging malas siya kung ikaw ang naging Lolo niya. Mabuti na lang talaga at hindi!"
Sinabayan ito ng pagtulak ni Amara kay Anselmo. Saglit itong nawalan ng balanse ngunit agad rin itong nakabawi.
Kaya't bago pa nakatalikod si Amara nagawa na agad ni Anselmo na hulihin at hilahin ang buhok nito. Kaya muli lang siyang napalapit kay Anselmo.
Mula sa likuran ni Amara ay bumulong si Anselmo. Habang sabunot pa rin nito ng mahigpit ang mahabang buhok ni Amara.
"Sa akala mo ba, palalagpasin ko ang sandaling ito na hindi nakukuha ang buhay mo ha'?" Mariin at mataginting nitong bulong malapit sa kanyang tenga.
"Alam ko, dahil gan'yan ka talaga kasama, Anselmo! Ang akala mo ba matatakasan mo lahat ng mga kasalanan mo. Maaaring makuha mo nga ang buhay ko ngayon.
'Ngunit darating ang araw na pagbabayaran mo pa rin ang lahat. Dahil 'yan ang pinili mong kahahantungan ng buhay mo. Dahil napakasama mong tao at wala kang karapatang maging Ama sa kahit kanino.
'Huwag mong hayaan na ang sarili mong Anak ang kumitil ng buhay mo. Dahil sa oras na malaman ni Ate Amanda ang ginawa mo sa'kin hindi ka niya mapapatawad!" Malakas at may katatagang sigaw ni Amara.
Ngunit...
"Hindi ka sigurado, kapatid ka lang at ako pa rin ang kanyang ama sa tingin mo sino sa atin ang pipiliin niya, hmmm?" Malakas ang loob na tugon ni Anselmo sa nakakauyam na tono.
"Hindi! Hindi ka niya pipiliin ng higit sa sa'kin... Hindi, dahil alam niya kung gaano ka kasama.
'Hindi ka niya kikilalaning ama kahit kailan. Tandaan mo ang Papang lang ang kikilalanin niyang Ama at hindi ikaw.
'Dahil wala kang kwentang tao, mamamatay kang malungkot at nag-iisa.
'Dahil iyon ang nababagay sa'yo!"
Tila nag-echo pa sa pandinig ni Anselmo ang mga salitang iyon ni Amara.
Dahil biglang sa paningin nito tila si Darius ang nagsasalita at umuusig sa kanya ng mga oras na iyon.
Kung kaya't hindi na nito nagawang makapagpigil pa...
Nagulat na lang si Amara ng maramdaman ang biglang paghagis ng kanyang katawan at tuloy-tuloy na sumadsad.
Hanggang sa tumama ito sa isang malaking plant concrete box na naroon sa Garden.
Awtomatiko ring napahawak ito sa bandang ilalim ng tiyan. Kahit pa nakakaramdam na rin ito ng matinding sakit...
"Huh'... Dugo?" Biglang natigagal ito nang ilahad ang sarili nitong palad.
"Hindiii... A-ang anak ko!"
___
"KRING... KRING!"
"YES, HELLO SINO ITO?"
"ANO, SIGURADO BA KAYO?!"
"SINO BA, ANG TUMAWAG?"
"SI DUSTIN, NAHULI NA DAW SI ANSELMO AT PABALIK NA ITO NG PILIPINAS!"
"HMP! MABUTI NAMAN KUNG GANU'N!"
___
"SIGURADO KA BA TALAGA NA GUSTO MO SIYANG MAKITA?!"
"OO GUSTO KO SIYANG MAKITA KAHIT MAN LANG SA HULING PAGKAKATAON..."
*****
By: LadyGem25
(11-04-21)
Hi GUYS,
Kumusta na, na-miss n'yo ba ako? Pero sigurado mas na-miss n'yo ang bagong update.
Kaya narito na muli nating sundan ang kwento ni Joaquin at Angela. Dahil palapit na nang palapit ang ating finale.
Pero xempre hindi dito magtatapos ang ating kwento. Dahil marami pa tayong susundan at aabangan. Mula sa ating mga characters na siguradong inyong kapapanabikan.
Kaya ating abangan!
VOTES, COMMENTS, REVIEWS AND RATES MY STORY GUYS
THANK YOU!
GOD BLESS SA ATING LAHAT
MG'25 (11-04-21)