webnovel

Tagpuan

Title: TAGPUAN

Written by: Jancarl Dayos

———

Kasalukuyan akong naglalakad sa gitna ng kalsada habang pinagmamasdan ang pagbabago sa paligid. Matagal-tagal na rin nung huli akong bumalik at mag-ikot dito sa Caloocan. Magmula kasi nang tumungtong ako ng Senior High School ay nagsimula na akong manirahan sa Sta. Mesa dahil don malapit ang eskwelahan na pinapasukan ko.

Ramdam na ramdam ko ang lamig ng hangin na humahampas sa mukha ko. Malalim na ang gabi at konti nalang din ang mga sasakyang dumadaan. Hindi ko alam kung saan ako dadalihin ng mga paa ko basta ang alam ko lang ay gusto kong maglakad-lakad.

Ilang saglit lang akong palakad-lakad hanggang sa kusa akong na pahinto. Bumuntong hininga ako at tipid na ngumiti. Naglakad pa ako ng konti at naupo sa upuan na nasa kanto ng street.

Naaalala ko ang mga masasayang alaala na nangyari noon habang nakaupo ako sa lugar kung saan tayo madalas magkita— kung saan pakiramdam natin ay ligtas tayo mula sa mundong mapanghusga.

Tanda ko pa ang unang araw kung saan sa unang pagkakataon tayo ay nagsama. Pabiro mo akong inutusan na magdala ng kape at sineryoso ko naman 'yon kaya nabigla ka nang makita akong may dala-dalang kape. Grabe ang ngiti mo nung araw na 'yon, talagang hindi ko malilimutan. Tahimik akong tao at hindi nagsasalita kapag hindi sanay sa taong kausap pero nang dahil sa mga lumalabas sa bibig mo, agad mong nakuha ang loob ko. Agad akong naging kumportable sa pagsama sa iyo. Agad akong nahulog sa ngiti mo. Agad akong nahulog nang dahil sa maayos na pakikitungo mo. Agad akong nahulog dahil umpisa palang ay nakita ko na sa mga mata mo ang hinahanap ko.

Mabilis lumipas ang oras at ramdam na ramdam natin 'yon. Ang mahigit apat na oras na kasama ka ay nagmistulang minuto lamang dahil sa kwento mong hindi maubos-ubos. Di bale, sulit naman dahil naengganyo ako at hindi naburyo sa mga kwento mo. Hindi ko alam kung bakit pero habang kasama kita, wala akong ibang pangambang nararamdaman dahil nangingibabaw ang saya.

Isa pa sa mga naalala ko yung araw na sobrang lungkot ko kaya naisipan kong pumunta sa lugar ito. Hindi ko alam kung sinadya ng tadhana o sadyang nalaman mo na nandito ako kaya bigla kang sumulpot habang nagmumukmok ako. Tumabi ka sa akin at inalok ako ng panyo habang walang tigil sa pagtulo ang mga luha ko. Nakinig ka sa mga sinasabi ko at dinamayan mo ko. Tinulungan mo kong masagot ang mga tanong ko. Hinatak mo ako mula sa pagkakalubmok sa dagat ng kalungkutan. Ikaw yung andon nung araw na kinakailangan ko ng taong makakausap.

Naging madalas ang pagkikita at pagtambay natin sa lugar na ito. Wala naman tayong ibang ginagawa kundi ang mag lakad dito, lakad don, kwento dito, kwento don, upo dito, upo doon at magharutan. Wala tayong ibang ginagawa kundi ang magsaya lang na para bang may sarili tayong mundo— na para bang atin ang lugar na ito.

Hindi ko maipagkakaila, lalo akong nahuhulog sayo sa tuwing nakakasama kita. Alam ko sa sarili ko na hindi na basta normal saya lang ang nararamdaman ko kundi isa nang pagmamahal. Palagi na kitang iniisip at namimiss kapag hindi nakikita.

Hindi ako manhid para magbulag-bulagan sa mga ikinikilos mo, alam kong parehas tayo ng nararamdaman para sa isa't-isa. Hindi lang ako umaasa dahil baka nagkakamali ako, baka masaktan lang ako. Kaya gaya ng ginagawa mo ay hindi ko nalang din sinabi ang aking nararamdaman bagkus ipinaramdam ko nalang.

Marami pang kaganapan ang nangyari hanggang sa dumating ang isang araw kung saan hindi ko alam kung lungkot o saya ba ang aking mararamdaman. Naging masaya ako dahil sa wakas ay tama ako, umamin ka sa nararamdaman mo para sa akin. Inamin mo na gusto mo rin ako gaya ng tingin ko sayo. Sinabi mo na habang tumatagal na nakakasama mo ko ay lumalalim ang pagmamahal mo sa akin.

Pero ang ngiti sa aking labi ay agad 'ring naglaho nang marinig ko mula sayo ang isa pang salita na kahit kailan man ay hindi ko inaasahan na marinig sa iyo. 'Yon ay ang umalis ka at iwan ako. Kinailangan mong umalis dahil para 'yon sa kinabukasan mo at wala akong magagawa kundi ang tanggapin 'yon.

Gusto kong sabihin na dito ka nalang mag-aral pero hindi ko magawa dahil hindi ko naman hawak ang desisyon ng mga magulang mo. Gusto kitang pigilan at sabihin na wag ka nang umalis pero hindi ko ginawa dahil hindi sapat na mahal kita para maging hadlang sa mga opurtyunidad na para sayo. Gusto kong sumama pero hindi ko magawa dahil bata pa ko, bata pa tayo.

Lumipas ang ilang araw hanggang sa tuluyan ka nang nawala. Hindi ka na nakapagpaalam at 'yon na pala ang huling araw na magkasama tayo. Ilang araw akong nagpabalik-balik dito sa lugar na ito nagbabakasali na isang araw maabutan kang naghihintay dito. Pero sa paglipas ng panahon, maski anino mo ay hindi ko nasilayan.

Pinunasan ko ang mga luhang umaagos sa pisngi ko. Tanggap ko naman na ang nangyari pero masakit parin sa akin kapag naaalala ko ang mga araw na 'yon.

Ang paniniwala ng iba sa ganitong pangyayari ay 'Ipinagtagpo pero hindi itinadhana' pero para sa akin, ang nangyari sa atin ay masasabi kong 'Ipinagtagpo tayo ng tadhana'. Hindi man naging tayo, sapat na sa akin na pinagtagpo tayo ng tadhana para makilala ka. 'Yon ang pinanghahawakan ko kung bakit hanggang ngayon ah hindi ako nawawalan ng pag-asa na muling magkrus ang landas nating dalawa.

Huminga ako ng malalim bago tumayo at bago ko tuluyang lisanin ang lugar na 'yon ay pumitas muna ako ng bulaklak ng santan para ialay sa upuan kung saan tayo madalas maupo.

Hinding-hindi ko malilimutan ang mga alaalang nabuo dito sa ating tagpuan dahil ito lang ang naging saksi sa tunay at tago nating pagmamahalan.

—The End—

Next chapter