webnovel

KABANATA 24

NAGING HUDYAT ANG pagpapakita ni Elizabeth para ibuhos ni Sunshine ang lakas niya – nag-anyong halimaw siya. Nang mga oras na 'yon dumidilim na ang paningin ko dahil sa pagkakasakal sa 'kin, tila wala nang dugong dumadaloy sa utak ko. Naramdaman ko na lang ang pagbagsak ko sa sahig kasabay nang narinig kong sigaw ni Sunshine. Napapikit ako sa sakit – pero 'di naman gano'n kasakit, para namang 'di pa nasanay ang katawan ko sa gano'ng eksena. Nang makabawi ako ng kontrol sa sarili ko, bumangon ako. Nasa harap ko na si Sunshine, pinoprotektahan niya ako laban sa tatlong multong kaharap niya, mga limang dipa ang layo sa 'min. "Sunshine!" paawat na tawag ko sa kanya at hinawakan ko siya sa kamay.

Inalis niya ang kamay ko. "Bitiwan mo ako. Hindi ako makakalaban kapag hawak mo ako," madiing sabi niya na tila wala nang makakabali sa gusto niyang gawin. "Maaring ikaw ang sinag ko, Lukas. Pero ako lang ang makakalaban sa mga multong 'to nang sabayan. Hayaan mong ako ang magprotekta sa 'yo."

"Pero – "

"Tama siya, Lukas." Naputol ang gusto kong sabihin nang magsalita si Mang Pedro na noo'y nakatayo na sa likod namin at pumunta sa harap ko – hinarap niya rin ang mga multo. "Ikaw lang ang puwedeng bumuhay muli sa liwanag, kaya hindi ka dapat masawi. Hayaan mo nang kaming multo ang humarap sa mga multong ito."

"Ako ang dapat magprotekta sa kanya, 'di ba?"

"Pero hindi mo kaya," nanliit ako sa sinabi ni Mang Pedro.

Napakuyom na lamang ako ng palad habang pinagmamasdan ang likod ni Sunshine – sumasayaw sa hangin ang mahaba niyang buhok at ang kanyang suot. Ano ba talaga ang kaya kong gawin para sa kanya? Wala akong maiisip. Ni hindi ko nga alam kung paano ko siya muling bubuhayin. Napukaw ang pag-iisip ko ng malalim nang mahinang magsalita si Mang Pedro.

"Ang kailangan mong isipin, kung paano ilabas ang mga kalaban. Kunin mo ang pagkakataon kapag nanghina sila... Pero Lukas, ang mga mata mo ay dapat nasa kanya pa rin," pahayag ni Mang Pedro. Bahagya niya akong nilingon sa huling sinabi niya. Pinaparating niyang kailangang protektahan ko pa rin si Sunshine. Tumango ako at naghanda na kaming tatlo sa laban.

Nagulat na lang kami sa sunod na mga nangyari – napasigaw ang buntis at ang hubad na dalaga. Sinakal sila ni Elizabeth gamit ang humabang kamay na nasa likuran ng mga ito at paulit-ulit na hinampas sa sahig at kisame. Nakangisi lang si Elizabeth na parang naglalarong batang babae habang ibinabalibag ang ang mga laruan niyang manika. Tanging paghiyaw lang ang nagawa ng dalawa. At unting-unting nagbabago ang kulay ng mga nito – mula sa maputlang anyo naging tila natuyong halaman. Pumayat ang mga multong sakal ni Elizabeth na tila hinigop ang buong lakas. Napatulala na lang kaming tatlo sa mga nangyayari. Napaisip ako kung paanong nagkaroon ng kaibigan si Sunshine ng tulad ni Elizabeth.

Inilapit sa 'min ng multong si Elizabeth ang mga multong nagmistulang lantang gulay na. "Ilabas mo sila," sabi niya na nakatigtig sa 'kin, at inilapag ang multo ng buntis at ng hubad na dalaga sa harap namin. "Dahan-dahanin mo. Kahit paano natulungan ako ng mga uto-utong 'yan na mapasok ang bahay na 'to." Napangisi siya at tiningnan si Sunshine. "Inakala talaga nilang kaya nilang mapasok ang katawan mo? Mga sira."

Walang imik na sinunod ko si Elizabeth dahil iyon naman ang nasa plano na kailangang mailabas ang mga multo kapag nabigyan ng pagkakataon. Nang mailabas ko sa harang ang dalawang multo, mabilis silang naglaho. Nakaramdam ako ng awa sa dalawang multo, ginamit lang sila ni Elizabeth para pahinain ang proteksiyon ng bahay at mapasok ito – sinabi niya pa bago ako lumabas na siya lang ang tanging makakaangkin ng katawan ni Sunshine dahil siya ang gumawa ng ritwal. Pagbalik ko sa loob, sinabi ni Mang Pedro na nag-iba na ng plano.

"Lukas, hawakan mo ang liwanag," sabi ni Mang Pedro. Agad ko siyang sinunod at nagliwanag ang aming kamay ni Sunshine nang magkahawak na ang mga ito.

"Pero Mang Pedro hin – "

"Makinig ka na lang," pagputol ni Mang Pedro sa dapat sanang sasabihin ni Sunshine, at bumaling siya ng tingin sa 'kin. "Lukas, kahit ano'ng mangyari, huwag mong bibitiwan ang kamay ng liwanag. Hindi ko akalaing gano'n kalakas ang multong iyan. Madali niyang mapapasok ang katawan kapag nagkagano'n." Pinasadahan niya kami ng tingin. "Hindi niya dapat mapasok ang katawan mo," diretsong paalala ni Mang Pedro kay Sunshine.

Pakiramdam ko papasok kami sa isang tunnel na wala nang balikan at nakataya ang aming buhay, at parang pagsabak sa giyera na hindi matatapos hangga't hindi namamatay ang kalaban.

"Nasaan po ba ang katawan ko?" tanong ni Sunshine.

"Narito po ba sa loob ng bahay?" tanong ko.

Natahimik si Mang Pedro. Tila pinag-iisipan niyang mabuti kung sasagutin ang mga tanong namin. Nilingon niya si Elizabeth na noo'y nakatayo lang at nakangiting pinagmamasdan kami. Parang droga sa kanya na makita kaming nag-aalala at natatakot.

Nanlaki ang mga mata ni Mang Pedro nang magsalita si Elizabeth. "Bakit hindi mo sagutin, tanda? Sa tingin mo hindi ko pa alam?"

"Nasaan po ang katawan ko, Mang Pedro?" muling tanong ni Sunshine.

"Hawak ng sinag ang katawan ng liwanag," sagot ni Mang Pedro.

Saglit kaming nagkatinginan ni Sunshine. Parehas kaming hindi makapaniwala at marahil isa lang ang nasa isip namin – na ang multo niya na hinawakan ko na nagkaroon ng katawang tao ay ang mismong katawan niya. "Ibig sabihin?" nasambit ko na hindi pa rin makapaniwala.

"Hindi pa siya patay. Ngunit hindi rin namang tuluyang buhay," paglilinaw ni Mang Pedro na mas lalo naman kaming nalabuan. Gusto ko pa sanang itanong kung ano ang ibig niyang sabihin, pero hindi na niya ako binigyan ng pagkakataon. "Tsaka ko na ipapaliwanag, kapag napaalis na natin ang multong iyon," sabi niya na lang at hinarap niya si Elizabeth.

"Tapos na ba kayo?" tanong ni Elizabeth at inikot ang ulo tanda ng paghahandang atakehin kami. "Hindi ko na sasayangin ang pagkakataong ito. Sisiguraduhin kong lalabas ako ng bahay na 'to bilang si Marinelle." May pagbabanta sa tinig niya – bantang nasisiguro niyang masasakatuparan.

"Kahit ano'ng mangyari, huwag kayong bibitiw sa isa't isa. Hangga't hawak ang liwanag ng kanyang sinag, hindi ito mapapasok ng dilim." Hinigpitan namin ni Sunshine ang pagkakahawak namin sa isa't isa sa narinig naming bilin ni Mang Pedro.

Naisip ko, kaya siguro gusto akong patayin ng mga multong gustong kunin ang katawan ni Sunshine dahil kapag hawak ko siya ay hindi siya mapapasok ng sino mang kaluluwa, at kaya siguro nasabi no'n ni Mang Pedro na ang kamatayan namin ang buhay nila, dahil nga hindi pa tuluyang patay si Sunshine. Maaring buhay si Sunshine sa tuwing hawak ko siya, at patay siya kapag hindi, kaya doon, mapapasok ang katawan niya.

"Sigurado ka ba talaga, tanda, na lalabanan mo ako?" may pangmamaliit na tanong ni Elizabeth kay Mang Pedro.

"Itataya ko ang buhay ko," madiing sagot ni Mang Pedro.

"Tanga! Multo ka na lang! Wala ka nang buhay!" natatawang sabi ni Elizabeth. "Kung ako sa 'yo, magpapahatid na lang ako sa binatang iyan palabas."

Umangat sa sahig si Elizabeth at unti-unting nagbabago ng anyo – iba kaysa sa pag-aanyong halimaw ni Sunshine at ng ibang multo. Halimaw na halimaw talaga ang anyo niya. Dumoble ang laki ng mga kamay at paa niya, at humaba ang matutulis na kuko. Ang mga ugat niya sa halos kabuuan ng katawan parang gusto nang kumawala. Itim na itim ang kulay ng mata niya. Ang bibig niya, napunit at halos hanggang tainga na ang buka kasabay ng paglabas ng matatalim na pangil niya. Naging sobrang kapal at humaba ang buhok niya na mistulang may sariling buhay. Hindi ko akalaing kaya ng isang multong maging gano'n. Nagtayuan ang balahibo ko at gumapang ang takot sa buo kong katawan. Pakiramdam ko katabi ko na si Kamatayan at handa na akong kunin sa nakita kong pagbabago ng anyo niya.

"Ihatid mo na ako sa labas?" narinig kong komento ni Mang Pedro na napa-ha? na lang ako. "Biro lang," pagbawi niya.

Ang sumunod na mga nangyari, hindi na biro. Naglaban sina Mang Pedro at si Elizabeth. Unang sumugod si Mang Pedro nang pahabain niya ang mga kamay niya, pero parang pagdapo lang ng langaw 'yon para kay Elizabeth at tatawa-tawa lamang ito. Nag-anyong halimaw na rin si Mang Pedro, at kahit paano'y nasasaktan na niya si Elizabeth – pero mas nasasaktan siya nito – masyado itong malakas kumpara sa kanya. Sa bawat pag-atake ni Elizabeth gamit ang humahabang sobrang kapal na buhok nito, napapatilapon si Mang Pedro – sa pader, sa kisame at sa sahig – at nakikita namin kong paano na siya nasasaktan. Pinipilit niyang lumaban kahit siguro alam niyang talo talaga siya sa babaeng multong kasagupa niya.

May gusto akong gawin. Gutso kong tulungan si Mang Pedro. Maging si Sunshine nararamdaman kong gusto na niyang sumugod, nararamdaman ko ang galit niya sa pagkakahawak niya sa kamay ko. Pero wala kaming magawa – sumesenyas si Mang Pedro habang hirap siyang makipaglaban na pigilan namin ang aming sarili – na sundin lang namin kung ano ang ibinilin niya. Alam kong multo na si Mang Pedro at hindi na mamamatay pa, pero sa nakikita kong paghihirap niya, napapaluha ako. Napakainutil ng tingin ko sa sarili ko.

Nasakal ni Elizabeth si Mang Pedro. Unti-unting natuyo si Mang Pedro, pumayat at naging tila lantang gulay tulad ng dalawang multo kanina. Tiningnan kami ni Elizabeth – sinasabi ng nakakakilabot niyang titig na kami na ang susunod – binitiwan niya si Mang Pedro na parang nagtapon lang ng basura at humakbang siya patungo sa direksiyon namin.

"'Wag mong bibitiwan ang kamay ko," pinilit kong maging mahinahon ng sabihin ko ang mga salitang 'yon kay Sunshine. Hindi niya man sabihin, naramdaman ko na gusto niyang bumitiw para harapin ang multo ng dati niyang kaibigan.

"Pero paano ka?" mahinang sabi niya. Nagkatinginan kami na puno ng pangamba. Alam ko ang tinutukoy niya – nararamdaman ko na – nanghihina na ako sa pagkuha niya ng lakas ko para magkaroon siya ng katawan, at kagagaling ko lang sa sakit kaya napabilis ang panghihina ko. Nahiling ko, na kung ano man o sino man ang proteksiyon ng bahay na 'to, sana tulungan niya kami.

Ngiti ang naging tugon ko kay Sunshine. Pinagkrus namin ang aming mga daliri. Hinarap namin si Elizabeth – may takot na pilit tinatabunan ng tapang. Halos naririnig ko ang pintig ng puso ko sa bilis at lakas nito. Naisip kong tumakbo, pero pagsasayang lang ng oras at lakas 'yon. Muli akong humiling at nagtawag ng tulong sa isip ko – pero walang ibang tumugon kundi ang kawalang pag-asang nakikita ko – na dapat ay 'di ko intindihin – kailangan kong maging positibo. Sa ganitong sitwasyon, ang masasayang bukas ang dapat kong isipin na pagsasaluhan namin ni Sunshine – masasayang araw na dapat ay sikapin kong matupad, kaya dapat naming malampasan ang bangungot na ito. Hindi ko dapat isuko ang kinabuksan namin sa multong gusto kaming tapusin.

Nagbabago ang anyo ng multong halimaw habang papalapit siya sa 'min, mula sa nakakakilabot na halimaw patungo sa anyo niyang dalaga – na oo't maganda, pero nakakaasar tingnan – ang pagngisi niya, nakakapangliit. Tinitigan niya si Sunshine nang nasa harapan na namin siya. "Marinelle, my best friend, isusuko mo ba nang kusa ang katawan mo, o kukunin ko nang sapilitan?" nakangiting tanong niya na parang humihinhi lang ng kendi, at lumitaw ang maamo niyang mukha – maamo, ngunit nanatiling nagtatayuan ang mga balahibo ko sa takot. Kung titingnan siya ngayon ay isang demonyong nag-anyong anghel.

Diretsong tiningnan ni Sunshine si Elizabeth. "Naiintindihan kita. Ginagawa mo ang lahat para kay Migs, para sa pag-ibig mo sa kanya. Gagawin ko rin ang lahat para sa pag-ibig ko – para sa lalaking minamahal ko. Nangako akong mabubuhay ako para sa kanya. Kaya hindi ko kailanman isusuko ang katawan ko sa 'yo o kanino man!" matapang na sagot ni Sunshine.

Humantong sila sa sitwasyong 'to dahil sa pag-ibig. Masisisi ba natin ang isang taong nagmamahal na gagawin ang lahat para ipaglaban ang kanyang minamahal? Hanggang saan ba ang dapat mong ibigay o isakripisyo para sa pag-ibig? Papatay ka ba at handang mamatay para dito? Pag-ibig pa rin ba 'yon o pagiging makasarili na? Kusang bumulusok sa utak ko ang mga katanungang 'yon, at lihim ko ring naitanong sa sarili ko kung hanggang saan ang kaya kong ibigay para sa pag-ibig at handa ba akong mamatay para dito? Pero sa palagay ko, may pag-ibig na karapatdapat ipaglaban at meron din namang hindi. Ang pag-ibig ni Elizabeth para kay Migs, ay isang uri ng pag-ibig na hindi dapat ipaglaban. Pero hindi naman maaring husgahan na lamang ng ganoon si Elizabeth dahil siya ang nakakaramdam ng pagmamahal na 'yon – maaring pagmamahal na 'di niya kayang bitiwan.

"Si Migs ba ang lalaking 'yon, o siya?" pinukol ako ng tingin ni Elizabeth sa tanong niya kay Sunshine.

"Ang lalaking 'to," diretsong sagot ni Sunshine. "Nangako akong mabubuhay para sa kanya." Hinigpitan niya ang hawak sa kamay ko.

"At handa akong mamatay para sa kanya," nasabi ko ring diretso sa multong kaharap namin kasabay ng paghigpit ng hawak ko rin sa kamay ni Sunshine – handa kaming mamatay para sa isa't isa. Hindi ko alam kung pagiging makasarili 'to, pero gusto lang naming unahin ang kung ano ang magpapasaya sa 'min – at ang isa't isa 'yon.

Next chapter